Pabatid Tanaw

Friday, January 02, 2015

Tagumpay Ka Ba?


Kung hindi mo ipagsasapalaran ang karaniwan,
magtitiyaga ka na lamang sa katamtaman.
Batid natin ito: kahit na magkatulad ang kinalakihan, pinasok na paaralan, natamong edukasyon, at maging pinagmulang pamumuhay ng dalawang tao; mayroong isang magtatagumpay at isang mabibigo sa kanila. Ito ay nakapaloob sa kanilang magkaibang pananaw (vision) at mga saloobin (attitudes) sa buhay. Batay ito sa pagkakaiba sa pagitan ng Masipag at Tamad. Gumagawa at Palaasa. Tunay at Pantasya. Orihinal at Kopya, (Victor and Victim), Patnubay at Pabigat sa buhay.
   Narito ang importanteng mga saloobin, na tahasang kailangan ng bawat isa sa atin kung nais na magkaroon ng personal na pag-ako ng mga responsibilidad sa gawain, upang maging AKO, tunay na Pilipino.
1. Hindi ka kopya at gumagaya sa iba. May ibayo kang pagsupil at pagkontrol sa iyong kaganapan.
      Saloobin: Hindi AKO maghihintay sa iba na siyang manguna. AKO ang simula ng lahat.
2. Nagagawa mo na aktibong tumulong kaysa walang pakialam at tumanghod na lamang sa nagawa ng iba.
      Saloobin: Kung nais kong may mangyari, kailangang gawin ko ito.
3. Kinikilala ka ng iyong mga kasamahan na maaasahan at maging sa pamumuno.
      Saloobin: Kasiyahan ko na ang  makatulong, at nang magtagumpay kami.
4. Nakakamit mo ang reputasyon na madaling lapitan at magawang lunasan ang problema.
      Saloobin: Kung may kailangan ka, maaasahan mo AKO.  
5.Napapaunlad mo ang iyong kakayahan at lumalawak ang iyong mga oportunidad sa buhay.
      Saloobin: Hindi ko magagawang palampasin pa ang pagkakataong ito.
6. Natatamasa mo ang satispaksiyon kapag mahusay mong natapos ang gawain.
      Saloobin: Trabaho ko ito, at kaligayahan ko na ang tapusin ito.
7. Bihira mo nang maranasan ang galit, panghihinayang, paninisi, at kawalan ng pag-asa.
      Saloobin:  AKO ang may kagagawan, at wala akong mga dahilan at sinisising iba.
 8. Nadarama mo ang lubos na kasiyahan sa paglilingkod at pagmamalasakit sa iba.
      Saloobin: Kung hindi AKO, sino? Kung hindi ngayon, kailan pa?
 9. Napatunayan mo na ang kabutihan ay malaki ang epektong naitutulong sa iyong pamilya at mga karelasyon.
     Saloobin: Hindi ko sasabihin at ipapangako; Basta gagawin ko!
10. Napatunayan mo na ang pangunahing bagay bago kumilos ay ang pahalagahan ang iyong sarili. Sapagkat ang templo o Kaharian ng Diyos ay nasa kaibuturan mo. Dahil kung ano ang nais mo, kailangang ibigay mo muna ito. Nais mo ng kaibigan? -Maging palakaibigan ka. Nais mong mahalin ka? -Magmahal ka muna. Nais mo ng respeto o igalang ka? -Gumalang ka muna. Hindi mo maaaring ibigay ang bagay na wala sa iyo.
     Saloobin: Ang pinakamahalagang tao sa buong mundo: AKO

Ang iyong hinaharap ay nakadepende sa maraming bagay, subalit nalilikha at nagkakabuhay lamang ang mga ito sa pamamagitan ng AKO.
-----------------------------------------------
Wisdom note: Without the word “I am,” everything is nothing: kaput, void, zero, zilch, nada.  Always remember the words; I AM what I AM.

No comments:

Post a Comment