Pabatid Tanaw

Thursday, January 01, 2015

Magbago na Tayo


Kung minsan kapag sinasaklot tayo ng hangin ng pagbabago, natatagpuan natin ang tunay na direksiyon.
Ang baguhin ang maling ugali ay hindi madali, laluna’t nakatimo na ang mapangwasak na ugaling ito sa pagkatao. Ang tangi lamang na simpleng paraan ay magbago o palitan ito ng tamang ugali na umaayon, may kapakinabangan, at makapag-papaunlad sa sarili. Kung wala ang mga sangkap na ito, patuloy na nakababad ang sarili sa pabulusok na kalagayan.
   Naisin man natin o hindi, ang mga bagay ay patuloy na nagbabago. Pagmasdan ang sarili sa salamin, hindi natin mapipigilan ang pagtanda; paghaba ng mga kuko at mga buhok, pagkulubot ng balat, pagkawala ng panlasa at panlalabo ng paningin. At ang nakakalungkot pa, sa katapusan ay ang maging ulyanin. Subalit bawat isa sa atin ay may kakayahan naman na piliin at kontrolin kung ano ang makapagpapasaya, upang matamasa nang maligaya ang sariling buhay. Magagawa lamang ito kung binabago mo ang iyong reaksiyon sa tuwina sa mga bagay na humahadlang at winawasak ang iyong kaligayahan. Ang kakayahan nating pumili ay nakapaloob dito: baguhin mo ang iyong abang kalagayan, …o, ang abang kalagayang ito ang siyang masusunod na baguhin ka. Ikaw o ang problema, mamili ka. Magpasiya at wala ng iba pa; kundi ang magbago.
Kapag ang mga kinahumalingan ay nawasak, ang mga bagong saloobin ay lumilitaw sa landas na tinatahak.


No comments:

Post a Comment