Pabatid Tanaw

Sunday, November 23, 2014

Matuto sa Pagkakamali



Huwag nang pakaisipin pa ang nagawang mga kamalian o kabiguan, bagkus isaisip ang tagumpay na darating bukas. Masiglang harapin at italaga ang iyong sarili sa haharaping mabigat na tungkulin, at sa patuloy na pagpupunyagi ay magagawa mong magtagumpay. Tunay na malalasap mo ang kasiyahan kapag nalalagpasan mo ang mga balakid. Tandaan lamang, walang anumang bagay na nasasayang kapag matayog ang iyong hangarin na magtagumpay, sapagkat sa bawat kamalian ay may leksiyong natututuhan.

Tandaan palagi na ang matalinong tao ay natututo mula sa kanilang mga kamalian, subalit yaong mga matalim ang kaisipan ay natututo sa mga kamalian ng iba. Narito ang kanilang kasiyahan, ang umiwas na muling magkamali. Sa bawat kamalian, ay may leksiyong natututohan. Sapagkat ang pagkakamali ay minsan lamang, at kapag naulit pa, ito ay hindi na matatawag pang pagkakamali, kundi bisyo na.
   Manatiling handa palagi na mahalina ang lahat na bagay na mabuti, maganda, masaya, malusog, at mapagmahal para sa iyong sarili, nang sa gayon ay maibahagi mo ito sa iyong mga mahal sa buhay at maging sa iba. Anuman ang iyong piliin na nararapat gawin, tiyakin lamang na ito nga ang magpapasaya sa iyo.

No comments:

Post a Comment