Pabatid Tanaw

Tuesday, September 02, 2014

Maging Makasarili Minsan


Masarap ang tumulong, lalo na kung ang natutulungan 
ay tinutulungan ang kanyang sarili.

Kung minsan ang maging makasarili ay kailangan at nakakatulong. Subalit ang totohanin ito sa lahat ng panahon ay makakapinsala sa iyong isipan at katawan.

   Isipin ito: Kasama mo ang iyong maybahay at tatlong mga musmos na anak sa isang bangka, at naglalayag kayo sa isang malalim na ilog para makatawid sa kabilang pampang. Sa kalakasan ng agos ay bumundol ang bangka sa batuhan at tumagilid ito at lahat kayo ay nahulog sa tubig. Sino sa iyong palagay ang uunahin mong sagipin? Pakalimiin itong mabuti. Sino sa kanila ang higit na mauunang sagipin?
   Tulad ng ng titulo nito, wala kang sasagipin kahit isa sa kanila. Ang uunahin mong sagipin ay ang iyong sarili. Sapagkat hindi mo magagawang sumagip kung hindi mo muna ililigtas ang iyong sarili. At kung tiyak ka nang ligtas, doon ka lamang makapagliligtas.
   Ganito din ang ipinag-uutos sa eroplano, sakalimang ito ay nasira at pabulusok na, at lahat ng mga emergency oxygen masks ay nakalawit na. Kailangang unahin mo munang ilagay ang oxygen mask sa iyong mukha bago ka makapaglagay sa iba. Hindi mo magagawang tumulong sa iba hangga’t hindi mo muna tinutulungan ang iyong sarili.
   Ganoon din sa bagong sulpot na halaman, kailangan muna itong lumakas, tumibay, at maging matatag; lumaki at dumami ang kanyang mga dahon bago talbusan o anihin ang mga bagong dahon. Dahil kung sa simula pa lamang ay tatalbusan na, hindi na nito magagawa pang maging malakas at lumaki para makatulong. Ikakamatay pa ito. Sa pananalapi at kabuhayan; paunlarin muna ito bago gatasan nang makatindig at hindi mahirapan.
   Marami sa atin ang pumupuna na ito ay ugaling makasarili, subalit isa itong mabuting uri na makasarili, isang kabutihan na magagawa mong ibigay ang iyong likas at tunay na pagkatao na maging matulungin at mapaglingkod sa iba.

No comments:

Post a Comment