Pabatid Tanaw

Tuesday, August 26, 2014

Ang Balakid




Ang sagabal sa ating daraanan ay nagiging landas upang lalong makita ang ating direksiyon. Kailanman ay huwag kalimutan, sa pinakaugat ng bawat balakid ay naroon ang oportunidad para lalong paghusayin ang ating kalagayan.


Malaki ang nagagawa ng mga paghamon at anumang pagsubok na dumarating sa ating buhay. Ang mga ito ang sandigan ng ating mga kalakasan at katatagan. Sapagkat kung hindi natin malalagpasan ang mga balakid na sadyang ipinupukol sa atin, kailanman ay hindi natin makakamtan ang tagumpay na nakatakda para sa atin. Malamang kaysa hindi, mananatili tayong paralisado, naghihintay at palaging umaasa. Huwag nating sayangin ang bawa't saglit; ang problema ay hindi pinag-uusapan, kundi nilulunasan.
   Maaaring mahadlangan ang ating mga aksiyon, subalit hindi nito mahaharangan ang ating mga intensiyon o mga disposisyon. Sa dahilang nagagawa nating matanggap at makiayon sa mga kaganapan. May kapangyarihan tayo ng pagpili; magagawa nating piliin kung ano ang makakabuti para sa ating kapakanan. Ang ating isip ay umaakma at pinapalitan ang mga balakid sa ating mga hangarin at gagawing mga pagkilos para matupad ang ating mga pangarap.
   Ang sagabal sa aksiyon ay nakapagpapasulong ng aksiyon. Anumang nakahalang sa daraanan ay nagiging daan. Magagawa nating baligtarin ang balakid upang makatulong at hindi ang makapinsala. Hindi ang makaparalisa, kundi ang lalo pang magsumigasig, lumakas, at gamitin ang pangyayari sa ikakatagumpay ng mga lunggati sa ating buhay.
   Nasa tamang kaisipan at mabilis na pagkilos lamang para mabuwag at malagpasan ang anumang sagabal. Ito ay isang paraan para makatakas at maituon ang atensiyon sa mga bagay na higit na makakatulong. Ito din ang paraan para makakita pa ng ibang kapasiyahan o direksiyon kung saan nais mong makarating.
   Ang mga balakid o mga problema ay palaging dumarating at kailanman ay hindi pangmatagalan o permanente. Tandaan, anuman ang pumipigil at humahadlang sa iyo ngayon, tiyakin lamang na nakapagbibigay ito sa atin ng kalakasan at simbuyรด para magpatuloy pa. 
   
Ang magising sa katotohanan ay makirot. Ang magbago ay makirot din. Subalit higit na mahapdi ang manatili sa pagkakalugmok, tanggapin ang lahat at umasa na lamang. Makatuwirang harapin, labanan at lagpasan ang anumang bagay na pumipigil sa iyo na maging maligaya at matiwasay sa buhay.

   Ang tunay na Pilipino ay may paninindigan; kapag ang mga bagay ay namamali at nagiging mga balakid, sila ay lalong tumatapang at masikhay na ginagampanan ang mga tungkulin upang maging ulirang mamamayan.

No comments:

Post a Comment