Pabatid Tanaw

Monday, June 30, 2014

Walang Hinto ang Pag-aaral



Ang dalawang bagay na nakapaghihiwalay sa mga panalo at mga talunan; ang mga panalo ay palaaral at patuloy sa pagkilos.

Naiiba at nakakahigit ang kakayahan ng may nalalaman kaysa walang alam. Ang edukasyon ay patuloy kahit nakatapos ka na sa kolehiyo. Anumang larangan ang pinasok mo, nangangailangan ito ng masidhing pagsubaybay para sa mabilis na pagbabago sa agham at teknolohiya. Kapag kinukulang sa inpormasyon, mapag-iiwanan ka ng kaunlaran.
   Isang paghahanda ang maayos na pagbalanse sa maghapon upang magkaroon ng panahon na palawakin ang iyong kaalaman. Hindi ito nangangailangan ng maraming oras para may matutuhan. Maraming kaparaanan para matuto sa bawa’t araw. Ang kailangan lamang ay masidhing pagnanasa na madagdagan ang iyong kaalaman sa bawa’t gawaing kinahaharap. Kung magagawa ang mga ito, malaki ang maidudulot nito sa iyong mga katangian.
   Ang antas ng iyong pagnanasa na mapabuti ang iyong kalagayan sa buhay at kumita nang malaki ay nakaayon sa iyong mga natutuhan sa araw-araw. Hangga’t nakabukas ang iyong isipan sa mga pagbabagong nagaganap sa iyong kapaligiran, patuloy kang nasasanay at lumalawak ang iyong mga kaalaman.

   Dalawa ang pangunahing mga bagay na magpapatalino sa iyo – ang mga aklat na iyong binabasa at ang mga tao na iyong nakikilala.

   Maraming matutuhan sa mga aklat, CDs, videos at sa mga napili mong larangan na angkop sa iyong gawain. Pagtuunan ng ibayong atensiyon ang mga makabuluhang inpormasyon na humahamon sa iyong kakayahan at nagpapayabong sa iyong mga katangian. Laging isaisip ang mga bagay na makapagpapataas ng iyong reputasyon sa iyong industriya o propesyon.

No comments:

Post a Comment