Pabatid Tanaw

Monday, June 30, 2014

Nakasanayang Ugali

Halos 90 porsiyento ng normal na mga pagkilos
ay nakaayon sa mga pag-uugali.

Gaano nga ba katagal para palitan ang isang mapakla o maanghang na ugali? Ang madalas na kasagutan dito ay “mga dalawampu’t isang araw lamang.” Maaari ding tatlo hanggang apat na linggo. Kung talagang nais na magbago, disiplina lamang ang kailangan. Isang mabuting ugali lamang ang katapat at makakapalit sa isang masamang ugali.
   Lahat ng ating pang-araw-araw ng mga aktibidad ay paulit-ulit lamang at nakasanayan na. Mula sa paggising sa umaga hanggang sa pagtulog sa gabi, mayroong mga sandaang mga bagay na ginagawa natin sa magkatulad na paraan. Kasama dito ang paraan kung papaano magsuot ng damit, maghanda sa pagpasok sa trabaho tuwing umaga, mag-agahan, magbasa ng peryodiko, magsepilyo ng mga ngipin, maligo, sumakay sad yip o magmaneho ng kotse patungo sa opisina, magpugay sa mga tao, isaayos ang lamesa sa trabaho, magplao, maghanda ng mga gagawin sa maghapon, makipagmiting, sumagot o tumawag sa telepono, atbp.
   Kung patuloy na ginagawa ang ganitong mga pagkilos sa maraming taon, makakatiyak ka na matibay at pag-uugali na ang mga ito. Nakasanayan na. Nakapaloob dito ang bawa’t larangan ng iyong buhay kalakip ang iyong trabaho, pamilya, hanapbuhay o negosyo, kalusugan, mga relasyon, atbp.
   Gayundin kung magagawang magkaroon ng apat na mga makabuluhang ugali sa bawa’t taon. Sa loob ng limang taon mula ngayon, magkakaroon ka ng dalawampung positibong mga bagong ugali. Ngayon, narito ang punto—ito bang dalawampu na positibong mga bagong ugali ay makakagawa ng malaking kaibahan sa iyong buhay? Tumpak! Talagang malaking pagbabago!
   Ang lahat ng iyong mga ginagawa sa maghapon bilang mga normal na pagkilos ay malaki ang ginagampanang resulta at kapalaran sa iyong buhay. Kung hindi ka masaya sa mga resultang ito, simulan na ang mabilisang pagbabago, bago pa mahuli ang lahat at tuluyan nang ikapahamak mo pa.

Ang kalidad ay hindi isang pagkilos, isa itong ugali.

No comments:

Post a Comment