Pabatid Tanaw

Friday, February 14, 2014

Sundin ang Tibok ng Puso



Ang pag-ibig ay kahalintulad ng hangin, hindi mo ito nakikita
 ngunit iyong nadarama.

Tanungin natin at limiin ang kasagutan:
Kailangan ba natin ng patnubay o pangaral?
   Ang pangaral ang siya nating hinihiling kapag nalaman na natin ang kasagutan at nananatiling hinahanap pa ito. Ito ay nasusulat, lahat ng iyong mga katanungan ay makakayang sagutin lahat ng nasa iyong kaibuturan. Sapagkat ang Kaharian ng Kalangitan ay nasa iyong kalooban. Ito ang patnubay na nagpapala at gumagabay sa iyo.
   Mabuhay nang walang mga pagdadahilan at magmahal nang walang panghihinayang. Magagawa mong ipikit ang iyong mga mata sa mga bagay na ayaw mong makita, subali’t hindi mo maipipinid ang iyong puso sa mga bagay na ayaw mong madama.


   Anumang itinitibok ng iyong puso, naroon ang iyong kayamanan.

Papaano ko ito magagawa?
   Kailangang piliin mo ang mabuti mula sa masama, ang ngumiti sa kabila ng kalungkutan, ang mahalin ang nasa tabi mo, at alalahanin anuman ang mayroon ka. Bagay na hindi mo pinahalagahan, ikaw ay iiwanan. Matuto sa mga kamalian, ngunit walang panghihinayang. Laging magpatawad, ngunit huwag makalimot, dahil ang sugat gumaling man ay nag-iiwan ng peklat.
Ano ang tamang sandali para ko ito magawa?
   Walang tama o maling mga sandali. Nasa iyong pagpili at pinag-aralang kapasiyahan nakasalalay ang lahat. Nagiging mali lamang ang isang bagay kapag padalus-dalos ang mga pagkilos at lihis sa katwiran.
   Ang kahapon ay isang Kasaysayan. Ang bukas ay isang Misteryo. Ang araw na ito ay isang handog. Ang taguri nito ay Kasalukuyan. Natural lamang na pagindapatin mo ito, dahil dito umiinog lahat ang mga kaganapan para makita mo ang katotohanan at malasap ang iyong kaluwalhatian.
   Ang buhay ay hindi para hintayin ang bagyo hanggang makaraan na ito, bagkus ang matutuhan na sumayaw habang umuulan.
   Ang lahat ng mga bagay ay nagbabago, ang mga tao ay nagbabago, dahil patuloy ang pag-ikot ng mundo. Hindi nangangahulugang kalimutan mo na ang mga nakaraan at pagtakpan ito, bagkus ang magpatuloy at pagyamanin ang mga alaala. Sa pitong ulit na pagkadapa ay bumangon ka ng walong ulit.

No comments:

Post a Comment