Pabatid Tanaw

Tuesday, January 28, 2014

Ang Mahalaga sa Lahat



Minsan, ay may isang mayamang negosyante na nagdaramdam ang nagtanong sa kanyang kaibigan, “Bakit ba palagi na lamang ako na pinupuna at sinisisi, at madalas pa ay pinaparatangan ako na maramot? Gayong lagi ko namang ipinapaliwanag sa karamihan, na kapag ako ay yumao na sa mundong ito, lahat ng aking kayamanan at mga ari-arian ay ibibigay ko sa kawanggawa.”
   Napangiti nang lihim ang kaibigan, ngunit tinugon ang karaingan ng negosyante. “Kung gayon, hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang tungkol sa Baka at Baboy. Kung bakit malaki ang kanilang ipinagkaiba sa paninilbihan sa mga tao.”
    Isang araw sa isang kuwadra, nagmamaktol ang baboy at pilit na inuusisa ang baka kung bakit popular ito, samantalang siya, bilang baboy ay bihira ang pumupuri at nagpapahalaga sa kanya.  
   “Ang mga tao ay palaging pinag-uusapan ka tungkol sa pagiging mahinahon at masunurin mo,” ang reklamo ng baboy sa baka. Totoo naman na nakapagbibigay ka ng gatas at keso, at nakakatulong ka pa sa bukid, subalit nakakahigit naman ako sa iyo sa aking mga ibinibigay. Marami ang mula sa akin; may malutong na litson, longganisa, hamon, hotdog, sausages, embutido, bacon, laging panghalo sa mga lutuing gulay, at kung anu-ano pa. Paborito pa nga ako na pulutan; may chicharong bulaklak, crispy pata, pork barbecue, at inihaw na liempo. Pero, wala namang natutuwa sa akin, walang may gusto sa akin, bakit ba ganito ang turing ng mga tao sa akin?”
   Nag-isip saglit ang baka, at pakindat na tumugon, Alam ko na, kung bakit walang may malasakit sa iyo at kung bakit ako ang palaging pinupuri, sapagkat  ako ay mapagbigay at mapaglingkod habang ako ay buhay.”

No comments:

Post a Comment