Pabatid Tanaw

Tuesday, January 28, 2014

Matiwasay na Buhay



Pakaisipin itong mabuti; ang mga tao ay nagrereklamo lamang tungkol sa mga bagay na may magagawa silang pagbabago. Hindi nila idinadaing o pinupuna ang tungkol sa mga bagay na wala silang kapangyarihan na baguhin; katulad ng ihip ng hangin, pagbabago ng klima, ang tag-ulan o tag-araw, ang grabidad ng mundo, huni ng mga ibon at kulisap, atbp. Mapapansin na ang mga bagay na lagi nilang karaingan ay makakaya nilang malunasan, kung pag-uukulan lamang nila ang mga ito nang ibayong atensiyon at solusyon.
   Hindi ba kapuna-puna na yaong mga tao na mareklamo ay laging nagsusumbong sa maling mga tao? Mayroon silang problema kay Rudy, ngunit sinasabi ang kanilang mga problema kay Mario. Ang magagawang solusyon lamang ni Mario ay ang sumang-ayon at maki-dalamhati sa problema, kung minsan ay lalong pag-initin at palubhain pa ang pangyayari. Kung may problema kay Rudy, kailangan si Rudy ang kausapin at hindi si Mario. Higit na mainam ay kausapin nang deretsahan si Rudy upang malunasan ang hindi pagkakaunaaan at hindi na humantong pa sa hidwaan. Hindi ang palawakin pa ito sa pagsusumbong o pagkakalat ng problema sa ibang mga tao na hindi naman kasangkot o may kinalaman sa problema.
   Iwasan ang manisi. Unti-unti ka lamang pinapatay nito sa konsumisyon at malabis na pag-aalala. Pag-aralan na mapalitan ang mga pagpuna, pamimintas, at paninisi ng mga pakiusap, mga kahilingan at paggawa ng aksiyon, na makakalunas sa hinahangad na matiwasay na relasyon. Kung ayaw mo ang masalimoot at mapighating buhay, simulan mo nang kausapin ang mga tao na may problema ka at gawan kaagad ng solusyon. Kung hindi naman mapakiusapan, magsama ng tao na mamamagitan tungo sa pagkakaunawaan. At kung wala pa ring mangyari, iparating ang karaingan sa Makapangyarihan sa Lahat. Sa puntong ito, nakalaya ka na sa mga hilahil na laging gumagambala sa iyong isipan.
   Anumang bagay na binibigyan mo ng atensiyon ay iyong makakamit. Anuman na iyong itinanim, ay iyong aanihin. Ang gawang mabuti ay hindi kailanman magbubunga ng masama.

No comments:

Post a Comment