Pabatid Tanaw

Friday, December 27, 2013

Tulongges


Walang kasiyahan kung ang mga bagay na ating pinaniniwalaan ay kaiba sa mga bagay na ating ginagawa.

Ang kahulugan nito ay isang patay-patay, pabaya, pabigat, at palaging tulog na tao. Ito ang parasito at pahirap ng lipunan. Kung kasama ka sa pangkat nito, pilitin mong humarap sa salamin at limiin ang taong kaharap mo, kung bakit naging tulongges siya sa mahabang panahon. Ito naman ay kung may natitira ka pang pagpapahalaga sa iyong sarili.
   Ang tao na hindi alam ngunit nalalaman na hindi niya alam ay isang estudyante; turuan siya. Ang tao na alam ngunit hindi niya alam na nalalaman niya ay natutulog; gisingin siya. Subalit ang tao na alam at nalalaman nito na alam niya ay matalino; sumunod sa kanya. Ang pinaka-masaklap sa lahat ay yaong talagang tulog, kahit na yugyugin mo ito nang walang humpay, hindi ito magigising. Lalo namang napakahirap gisingin yaong nagtutulog-tulugan, dahil gising ito; dangan nga lamang, ay nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. Nagkukunwari at walang pakialam, kahit na patuloy siyang biktima ng mga mapait at mahapding mga kaganapan. Layuan siya nang patakbo, sapagkat sa katagalan na laging kasama mo siya, mahahawa ka at sa kalaunan ay mapapahamak na tulad niya.
   Marami sa atin, na sa kabila ng lantarang panloloko at pananamantala ng iba, ay pumapayag at nagpapaabuso. Wala silang pakialam basta nakakaraos sa kaunting pagkain at may kapirasong bubong, ay ayos na. Hindi nakapagtataka kung ipagbili man nila ang kanilang mga sagradong boto tuwing may halalan. Panata na nila ito; ang maging pabaya, maghintay, manghingi, at mawalan ng pag-asa. Mantra na nila ang, “Bahala na!

   Saan mang panig ng ating bansa, isa ng institusyon ang sabwatan at pagpapayaman ng mga pulitiko. Palasak na ang mga pangongotong, mga pandaraya, at mga pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang tunay na kaganapan ngayon ay patuloy ang mga kasamaan, dahil pangunti-ngunti ang mga mabubuting mamamayan sa sa ating mga pamayanan. kakaunti lamang ang mga tunay na gising at nakakaunawa na lahat tayo ay mga biktima ng mga kalagimang ito. Kung walang kikilos, sino ang tahasang kikilos para sa atin, upang makibaka at magtanggol ng ating mga sagradong karapatan?

No comments:

Post a Comment