Pabatid Tanaw

Thursday, October 31, 2013

Tatlong Kataga

My tatlong kataga, na kapag binigkas , ay mayroong pinakamahiwagang kapangyarihan upang lubos na mabago ang iyong buhay. Tatlong kataga na kapag nanulas sa ating mga labi, ay magiging dahilan upang maranasan ang patuloy na kasiyahan at wagas na kaligayahan sa buhay. Mga kataga na kapag buong katapatang nadarama at binibigkas, ay kusang humahalina sa lahat ng puwersa sa Sansinukob upang magsama-sama at pakilosin ang lahat ng mga bagay para sa iyong kapakanan.
   Tatlong kataga lamang ang nasa pagitan mo at ng kaligayahang ito, at uri ng buhay na malaon mo nang minimithing pangarap.

   SALAMAT SA IYO.

   Kung ang alam mong panalangin ay ang magpasalamat, ito ay sapat na. Nagagawa nitong paglinawin ang iyong isip at mailagay sa matuwid ang iyong mga kapasiyahan. Hangga't umiiral sa pagkatao mo ang paghihimagsik ng kalooban at namumuong pagkagalit hindi mo magagawang magpasalamat.
   Tandaan, kung ikaw ay mainisin, wala kang kakayahan na magpasalamat. Kung ikaw ay mapamintas, hindi ka mapagpasalamat. Kung ikaw ay mapanisi, hindi ka mapagpasalamat. Kung ikaw ay madaing, hindi ka mapagpasalamat . Kung ikaw ay maligalig, hindi ka mapagpasalamat. Kung ikaw ay marahas, hindi ka mapagpasalamat. Kung ikaw ay mainggitin, hindi ka mapagpasalamat. Kung ikaw ay may masamang saloobin, hindi ka mapagpasalamat. Anupa't lahat ng mga bagay na bumabagabag, nagpapalito, at nagpapagalit sa iyo ay dahil sa kawalan ng pasasalamat.
   Iniwawasto at binabago ng pagpapasalamat ang iyong buhay. Kung wala ito at hindi bahagi ng iyong pagkilala sa mga kaganapang nakakatulong sa iyo, mananatili kang naiinis at nagagalit. Patuloy kang mababagot at sa kalaunan ay magiging bugnutin. Ang tinutungo lamang nito ay patuloy na kapighatian at nakatakdang kapahamakan.
   Kung nais na makawala sa mga pagsalakay ng pagkabagot at pagkabugnot, mula sa kaibuturan ng puso, ipahayag nang walang anumang pag-aalinlangan. Salamat sa iyo.

Lihim na Galit

Madali ang magalit, ngunit mahirap itong tapusin. Kawangis ito ng isang pintuan na madaling pasukan, ngunit mahirap labasan. Kadalasan, ibayo pa itong nagngangalit at nauuwi sa pagkasuklam. Humahantong ito sa alitan, hanggang sa magkasakitan at mauwi sa malubhang kapinsalaan.
   Karamihan sa atin kapag nagagalit ay pinipilit na itago ang damdamin para lamang maging mapayapa ang lahat. Sinasarili ang problema, sinisisi at pinarurusahan ang sarili kung bakit hindi magawang ipaglaban ang tamang katuwiran. Kahit hindi kagustuhan ay tinatanggap na lamang ang kinasadlakan, at sumusunod na lamang sa agos para hindi makagalitan. Dahil dito, marami ang nagkakasakit ng malulubhang karamdaman sanhi ng mga kapaitan at dinadalang pagkabugnot sa pagkimkim ng galit.
   Katulad ito kung natuklaw ng makamandag na ahas, hangga't ipinagwawalang bahala at pinipilit na itago ang sugat, ang kamandag ay patuloy na lumalason. Sa halip na lunasan, ay iniiwasan ito at pilit na pinagtatakpan. Nagiging bingi, umid ang dila, at bulag sa katotohanan ang sistemang ito. Higit na pinangangambahan ang kapahamakan kapag nasangkot, gayong ang katotohanan, sa simula pa lamang ay biktima na. Kapag sa iyong kapaligiran ay may nagaganap na mga kabuktutan, mga pagsasamantala, at mga kalagiman; at ipinagwa-walang bahala mo ito, o wala kang pakialam, lumilitaw na inaayunan at may pahintulot ka para ang mga ito ay maganap. Maging ayaw o ibig mo, ikaw ay kasangkot sa karahasan at isa ding biktima nito. Sapagkat kung walang iimik, kikilos, at makikibaka, ang karahasan ay magpapatuloy at ang lahat ay magiging biktima.
   Sa isang bayan na maligalig na patuloy ang mga karahasan, dumarami ang mga masasama kapag umuunti na ang mga mabubuti. At walang ibubungang mainam kung patuloy na kinikimkim ang galit kaysa ihayag ito at magawang lunasan. Kung hindi ka kikilos, sino sa iyong palagay ang kikilos para sa iyo? Kung walang kikilos, papaano na?
   Itaas ang iyong pamantayan at patatagin ang iyong pananalig; humanap ng mga tao na may integridad at reputasyon na iyong iginagalang; makipagsundo sa kanila sa gagawing pagbabago sa ating lipunan; at ibigay sa kanila nang walang pag-aalinlangan ang iyong pagtitiwala.

Tanggapin ang Katotohanan

Kung matatanggap natin ang ating mga sarili bilang simpleng repleksiyon ng mga tao at pook na nakapalibot sa atin, magagawa nating makamtan ang kapayapaan sa ating kapaligiran. Isa itong katiyakan sa magaganap sapagkat mauunawaan natin na ang  lahat ng tao ay sadyang magkakatulad, may katulad na mga kaligayahan, mga pagkatakot, mga lunggatti, mga naisin, at mga hangarin na kawangis ng sa atin. Matatagpuan natin ang kapayapaan sa ating sariling puso at may kapangyarihan tayo na malayang maihayag ito sa ating kapaligiran.
   Anumang problema o mga paghamon na bumabagabag sa isipan ay kailangang harapin at lunasan. Hangga't iniiwasan at pinipilit na malimutan, lalo lamang itong nagpapahirap at nagpapagulo sa isipan. Upang ito'y tahasang malagpasan, kailangang tanggapin para malunasan. Ang karamdaman ay hindi magagawang lunasan kung hindi alam at walang ginagawang pagsaliksik kung bakit nagkasakit. Sapagkat kung walang mga katanungan, wala ring mga kasagutan.
   Ang bilin ng aking ama, "Kung hindi mo nais ang isang bagay, baguhin ito. Kung hindi mo magawang baguhin ito, ang baguhin mo ay ang iyong saloobin dito. Huwag dumaing,  magreklamo, o manisi man, dahil wala itong maitutulong sa iyo." Kapag pumuna, pumintas, at naninisi; binibitiwan mo ang iyong kapangyarihan na magbago.
   Kung matatanggap ang mahihirap na gawain bilang mga paghamon sa ating kakayahan at isagawa ang mga ito nang maligaya at masigla, ang mga milagro ay kusang magaganap. Hangga't patuloy ang iyong paggawa, ang suwerte ay lalaging nasa iyo. Kapag gumagawa tayo nang masigla, aktibo at may matagumpay na ispirito, anumang minimithi nating pangarap ay magaganap.

Matutong Tumanggap

Nasa pagtanggap lamang ang batayan ng lahat. Kung magagawa nating pahintulutan na ang lahat ng mga bagay ay nagaganap nang may kahalagahan, matututuhan natin na maging matiwasay, walang pangamba at handa sa anumang panganib. Dahil kung hindi ito magagawa, pawang bagabag at masalimoot na buhay ang ating haharapin. Kaakibat nito ang mga kalituhan, walang direksiyong mga pagkilos, at maging pabaya sa anumang magaganap.
   Ang pagtanggap ay isang pagkilala. Hangga't hindi mo tinatanggap na may problema ka, wala kang solusyon na magagawa para ito malunasan. Lagi mo itong iniiwasan at kung may magagawa lamang ay tahasan mo itong kakalimutan. Yaon lamang na mga iresponsableng tao ang lumilinya dito at sadyang kinagawian na. Sapagkat ang bagay na pilit mong iniiwasan at hindi nilulunasan, ay lalong lumalaki at nakakapinsala. Tulad ng malubhang sugat sa paa, kung hindi ito gagamutin, lalo lamang itong magnanaknak at hahantong pa na putulin ang paa, upang hindi madamay ang buong katawan. 
   Ang mga bagay na bumabalisa sa atin, nagpapalito, at nagpapagalit ay yaon lamang hindi natin matanggap. Sapagkat batay sa paghatol natin sa mga ito; wala ito sa katuwiran, kabaligtaran ng nais natin, mali at nakakapinsala na. Subalit kung lilimiin lamang, anumang ating nakikita sa labas, bago natin ito maisip, ay may kapangyarihan tayong isipin kung anong tamang kapasiyahan ang ating papairalin. Lumilitaw na nagsisimula ang bagabag mismo sa ating iniisip. At may kakayahan tayong piliin kung tatanggapin o iiwasan ito. 
   Anumang aksiyon na maganap, nagkakaroon lamang ito ng kulay o kahalagahan sa gagawin mong reaksiyon dito. Nagkakaroon lamang ng halaga ang isang bagay kapag pinansin mo ito at binigyan ng kabuluhan. At kung ito naman ay hindi nakakasakit sa iyo o wala kang kinalaman, bakit ka nababahala? 
   Kaysa magalit at makialam sa mga bagay na wala kang kinalaman, kailangang tanggapin mo na ang lahat ng mga bagay ay nakapangyayari kahit hindi mo kagustuhan. Bawa't tao ay may kanya-kanyang personalidad, aliwan, mga naisin, at naiibang mga pag-uugali. Kung ang mga ito ay nakapagbibigay ng mga bagabag sa iyo, ang may problema ay hindi sila kundi ikaw. Ang iyong makasariling paghatol ang lumiligalig sa iyo kaya hindi mo sila matanggap. 

Ang solusyon? Matutong tumanggap, upang ikaw ay tanggapin din ng iba.
  

Umunawa Muna

Kailanman na may bago akong kakilala, mabilis ang aking pakiwari na tila may hindi nakikitang karatula na nakasabit sa kanyang dibdib na nagpapahayag ng: Ako ay mahalagang tanggapin.
   Kung magagawa ang hakbang na ito, kailanman sa iyong buhay ay wala nang magagalit pa sa iyo. Sapagkat isa itong pintuan para kilalanin ang kahalagahan ng tao na iyong kaharap; ang mabigyan siya ng importansiya, paggalang, at kailangang atensiyon. Sa pakikipag-relasyon, kailangan na umunawa muna bago ka maunawaan ng iba. Walang padalus-dalos o patama-tama na pagkilos nang walang matamang pag-iisip, bago magpasiya. Kailangan alam mo ang iyong intensiyon kung bakit nais mong maunawaan ka ng iba.
   Katulad ito ng pamimingwit ng isda, yaong ibig ng isda ang iyong ipapain para kagatin ito at mahuli ang isda, at hindi yaong gusto mo. Karamihan sa atin inuuna muna ang sariling kagustuhan, at kung hindi ito magustuhan ng kaharap ay ipinagpipilitan, hanggang sa mauwi ito sa alitan. Gayong kung uunahin muna ang kahilingan ng iba, at matapos ang matamang paglilimi nito at napatunayang makatwiran, madali nang piliin ang tamang kapasiyahan.
   Malaking bagay sa relasyon ang pang-unawa, kung nais mong makuha ang simpatiya at pakikiisa ng mga kasamahan. Ang susi nito ay nasa pagpapakumbaba---at nagsisimula ito sa paggalang. Kung hindi ka marunong gumalang, makakatiyak ka na wala ding gagalang sa iyo.  Simpleng kautusan lamang ang nangingibabaw dito, "Kung hindi tama at walang pakundangan ang pakikiharap mo, magdurusa ka." Bagama't ayaw nating mangyari ang bagay na ito; ang resulta kapag hindi bukas ang ating isipan, ay yaon lamang pansariling kapasiyahan ang mangingibabaw kaysa pangkalahatang kapasiyahan. At ito ang dahilan ng hindi pagkakaisa at mga alitan.

Anumang bagay na nais mong makuha, kailangang ibigay mo muna.
   Nais mo ng pagmamahal, magmahal ka muna. Nais mong magkaroon ng mga kaibigan, maging palakaibigan ka. At pakatandaan: Kung wala kang paggalang sa iyong sarili, hindi ka igagalang ng iba. Sapagkat hindi mo makakayang ibigay ang bagay na wala sa iyo.

Kailangan may Patakaran

Ang buhay kung minsan ay maihahalintulad sa larong chess. Kailanman ay walang nagturo sa atin ng mga patakaran kung papaano ito lalaruin; nakakalungkot mang isipin, wala itong mga instruksiyon kung papaano isusulong at iaatras. Basta na lamang simulan at pagpasiyahan ang ating mga sulong, ...at umasang nilalaro natin ito nang tama. Papaano na, kapag nahaharap tayo sa mga panganib o kung papaano gagampanan ang ating papel sa mundong ito? 
   Lahat ay pawang sapalaran at natututo lamang tayo kapag ito ay naranasan na. Bagama't may mga nagpayo at mga teoriya tayong natutuhan, hilaw pa rin ito kapag hindi natin sinunod at naranasan.
   Magkagayunma'y narito pa rin ang ilang patakaran. Nagkakaroon lamang ito ng buhay kapag tahasang sinusunod at ipinamumuhay. Dahil sa mundong ito, kung wala kang kaalaman na magagamit mong kalasag para sa iyong proteksiyon at kapakanan, patuloy kang magiging biktima sa bawa't araw ng iyong buhay.

21 Simpleng mga Patakaran sa Buhay

1-Panatilihin ang matiwasay na ispirito sa iyong isip.
2-Titigan nang harapan ang mga bagay at alamin kung may pakinabang o walang katuturan ang mga ito.
3-Ang pagtupad lagi ng Ginintuang Kautusan, ay hindi isang sakripisyo, kundi isang pamumuhunan.
4- Ang kapangyarihan ay ang abilidad na makagawa ng mabuting mga bagay sa iba.
5-Nagpasiya na akong kalimutan ang mga nakaraan upang matiwasay na mamuhay ngayon.
6-Anumang iyong ginagawa, lakipan ito ng kabutihan at mananatiling tama ang iyong patutunguhan.
7-Hangga't patuloy kang nagsasaliksik, ang mga kasagutan ay patuloy ding dumarating.
8-Kailanman ay hindi mo matatagpuan ang iyong sarili, kung hindi mo haharapin ang katotohanan.
9-Kailangang subukan mong lumigaya mula sa iyong kaibuturan. Kung hindi ka masaya sa isang pook, makakatiyak kang hindi ka sasaya saanman ikaw magtungo.
10-Ang pinakamainam na sandali upang magkaroon ng mga kaibigan, ay bago kailanganin mo sila.
11-Hangga't tumatanda ka, mapapatunayan mo na ang kabutihan ay kalakip ng kaligayahan.
12-Ang matinding kahinaan ng tao ay ang pag-aalinlangan na bigkasin sa iba kung gaano niya kamahal ang mga ito habang nabubuhay pa sila.
13-Bawa't bukas ay may dalawang hawakan; maaaring hawakan ito nang may pagkatakot, o maaaring hawakan ito nang may pananalig.
14-Kung lagi mong pinagmamasdan ang mga bagay bilang mga hadlang, hindi mo makikita ang oportunidad nito para makinabang.
15-Anumang ating iniisip na alam na natin, ang siyang madalas na pumipigil sa atin para matuto.
16-Ang layunin upang magkaroon ng kapangyarihan ay ang magawang maipamahagi ito.
17-Kailanman ay hindi magiging ganap ang iyong pagkatao, kapag inalis mo sa iyong buhay ang lunggati, pakikibaka, at disiplina.
18-Hindi kung gaano karami ang mga taon sa ating buhay, kundi kung ano ang ating mga nagawa sa mga ito. Hindi kung ano ang ating mga natanggap, kundi kung ano ang ating mga naibigay sa iba.
19-Makapagbibigay ka nang walang pagmamahal, subalit hindi mo magagawang magmahal nang wala kang ibinibigay.
20-Ang pinakamahalagang mga sangkap sa buhay na ito ay; may tungkuling tutuparin, may minamahal, at may pag-asa na inaasam.
21-Tanggapin ang katotohanan na tayo ay hindi mga sakdal at kailangan ang patnubay ng Maykapal sa lahat ng sandali.


... at higit sa lahat, isakatuparan ang mga ito para matalunton ang matuwid na daan; sapagkat siya na may mga patakaran sa mundong ito, ay mayroong pananglaw sa madidilim at makikipot na mga daan upang hindi madapa at maligaw.

Wednesday, October 16, 2013

Pasasalamat

Siya ay higit na matalino kung hindi siya namamanglaw sa mga bagay na wala sa kanya, at nagagalak doon sa mga bagay na mayroon siya.

Kahit hinihingi ng pagkakataon ay hindi mabigkas, … at madalas ay nakakaligtaan pa natin, ang magpasalamat. Gayong ang pasasalamat ay isang mainam na saloobin. Kung magagawang magpasalamat sa lahat ng bagay at kaninuman sa iyong buhay, ang magandang pagpapala ay sasaiyo. Ito ang tamang pintuan para makaiwas sa darating na panganib. Hinuhugot nito ang tinik na nakabaon sa iyong dibdib.
   May nagtanong, “Pati ba ang masasama at malulungkot na mga pangyayari sa buhay ay dapat pasalamatan?” Nararapat lamang. Kung matatanggap mo ang mga ito at makakayang bigkasin ang, “Salamat po, Diyos ko.” Malaking kaginhawaan ang iyong madarama. Anumang bagay, maging mabuti o masama man, masaya o malungkot man, nakakatuwa o nakakagalit man ito, at magagawa mong pasalamatan, makakaiwas ka sa mga pagkagalit, mga pagkatakot, mga panghihinayang, mga bagabag, at kawalan ng pag-asa. Higit kaninuman, ikaw sa lahat ang makikinabang para dito. Sapagkat kung hindi mo ito magagawa, malaking pinsala ang idudulot nito sa iyong isipan at kalusugan.
   Ang pasasalamat ay upang wakasan ang kasiphayuang nadarama, kalimutan ito at mailipat kay Bathala ang lahat para sa Kanyang kapasiyahan. Hangga’t patuloy mong kinikimkim ang bagabag at hindi magawang alpasan ito ng pasasalamat, patuloy din ang kamandag nito sa paglason ng iyong pagkatao. Sa kalaunan kapag sumagad na, ay humahantong ito sa kapahamakan. Tanging nasa pasasalamat lamang, magagawa nating takasan ang anumang bumabalisa sa ating isipan. Ang makakalunas lamang sa mga bagabag at mga kalituhan ay taimtim na pananalig.

Lahat tayo ay patuloy na pinupukol ng mga kasiphayuan sa buhay, kung papaano mo ito haharapin ay siyang magpapasiya ng kaligayahan at kapighatian sa iyong buhay.


AKO ay Tagumpay


Ang tagumpay ay hindi kung saan ka nakatindig, kundi kung saan direksiyon ka patungo.


Karamihan sa atin ay nangangarap na magtagumpay; at patuloy na naghihintay na mangyari ito, samantala ang iba naman ay gumising na at isinasagawa na ito upang magtagumpay. Ang malaking pagkakaiba ng matagumpay na tao sa iba na laging nabibigo ay hindi ang kawalan ng lakas, o kakulangan ng nalalaman, kundi ang kahinaan ng paninindigan na makamtan ang tagumpay.

Tagumpay ka sapagkat ginagawa mo ang mga ito:
  1-Ang kilalanin kung sino AKO, ano ang aking mga naisin, at kung saan AKO patungo.
  2-Ang maging AKO sa hinahangad kong makita na pagbabago sa aking lipunan.
  3-Ang itaguyod at magpalaganap ng sariling wika, mga tradisyon at kulturang Pilipino upang lubusang makilala ang aking sarili, gayundin sa mga matutulungan nito.
  4-Ang tumawa nang madalas at ibayo pang magmahal nang walang pag-aalinlangan.
  5-Ang makamtan ang paggalang ng matatalinong tao at pagkagiliw ng mga bata.
  6-Ang makaiwas sa mga walang kabuluhan at itanglaw ang aking liwanag sa mga nangangapa sa kadiliman.
  7-Ang pagkatiwalaan ng buong katapatan ng aking mga kababayan at matiis ang pagkakanulo ng mga balatkayong kasamahan.
  8-Ang pahalagahan at pasalamatan ang kagandahan sa lahat ng bagay nang walang itinatangi.
  9-Ang masumpungan ang kabutihan ng iba at maging halimbawa nito.
10-Ang matapat at mahusay na maglingkod nang walang hinihintay na anumang kapalit.
11-Ang maging masaya sa tuwina nang lubusang lumigaya at magpuri sa Kaluwalhatian ng Diyos.
12-Ang lisanin ang daigdig nang may magandang pamana at higit pang maayos kaysa dati.

Sapagkat naniniwala AKO: At walang pagdududa na kahit na maliit na pangkat ng mga tao, hangga’t may pagkakaisa, pananalig, at pagmamalasakit ang mga ito para sa kanilang kapakanan, malaking pagbabago ang ginagampanan nitong tungkulin para sa bayan. Hangga’t patuloy nating inaalpasan ang kapangyarihan ng ating mga puso, patuloy din tayong nakakalaya sa mga pagkagapos na pumipigil sa atin.

Ang Katotohanan lamang ang siyang magpapalaya sa atin.

Mailap ang Tagumpay

Ang trahedya ng buhay ay hindi ang kamatayan, kundi kung bakit hinayaan natin na maging patay tayo habang nabubuhay pa.

Kahit puspusan sa paggawa at patuloy na nagsisikhay sa buhay, pawang kabiguan pa rin ang kinalalabasan ng mga pagsisikap. Kung ganito ang laging ibinubunga sa kabila ng mga kapaguran, kailangan ang karagdagang motibasyon upang maging matibay at huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na kagalitan ang sarili.
   Ang karamdaman hangga’t hindi mo nalalaman ang sanhi nito, wala kang magagawa na anumang kaparaanan para ito malunasan.

Narito ang 13 mga Kadahilanan na bumabalisa sa iyong isipan kung bakit patuloy kang nabibigo sa iyong mga gawain.
1-Katamaran: Ipinagwawalang-bahala ang lahat, pabaya, at iniaasa sa iba na gawin ang sariling gawain. Laging may hinihintay at wala sa direksiyon ang mga ginagawa.
2-Karapatan: May posisyon at pamantayang sinusunod, kung hindi niya nais, walang makakapigil at magpapakilos sa kanya. Pakiramdam ng mga kasamahan, ay may “utang” na dapat bayaran, o binasag na kasangkapan na dapat palitan.
3-Katakutan: Simpleng pagkatakot, mga bagabag, mga pagdududa, at mga pag-aakala sa sasabihin ng iba. Malabis na pangamba sa mangyayari kung kikilos at higit na pinagtutuunan ng pansin ang kabiguan kaysa tagumpay.
4-Kaliitan: Walang pananalig, pagpapahalaga, at pagtitiwala sa sarili. Ipina-uubaya sa iba ang mga kakayahan at tungkulin dapat gampanan.
5-Kamangmangan: Walang kamuwangan sa gawain at walang hangarin na matutuhan ang ginagawa, kundi ang makiayon at palipasin ang mga sandali.
6-Kasalatan: Laging kinakapos ang laman ng isipan, kahirapan, at kawalan, na siyang dahilan kung bakit napapabayaan ang mga gawain. Wala sa loob ang kasaganaan na siyang makakamtan kung matiyaga sa ginagawa.
7-Kapabayaan: Walang anumang plano. Hindi nagpaplano at walang katiyakan kung ano ang tamang lunggati sa buhay. Laging nakikiuso at mahilig manggaya.
8-Katungkulan: Bahala na ang katwiran, walang responsibilidad at hindi maasahan. Ayaw managot at walang sisihan kapag inasahan.
9-Kabaligtaran: Sa halip na positibo ang saloobin at pananaw, pawang negatibo at nakakalasong kaisipan ang pinaiiral sa mga karelasyon at mga gawain.
10-Katigasan: Sarado ang isipan, mapilit at makulit kapag may naibigan, kahit na ito ay wala na sa tamang alituntunin o paraan, basta masunod lamang ang kinahibangan.
11-Kapanglawan: Walang sigla at napipilitan lamang na gumawa. At kung gumagawa, wala rito ang isipan at nangangarap nang gising.
12-Kakulangan: Hindi sapat ang kakayahan, subalit pinipilit ang sariling mga paraan kahit na mali ang kakahantungan.
13-Katapusan: Hindi inaalintana ang mahahalagang sandali, mga kapaguran, at maraming salaping nagugol basta tinamaan ng pagkabagot at pagkainis, humihinto at tinatapos na ang lahat.

Makikilala ang tao sa kanyang ginagawa sa araw-araw. Hindi maitatatwa na anuman ang kanyang ginagawa sa maghapon at patuloy niyang naiibigan ito, narito ang kanyang puso at kapalaran. Halos lahat sa atin ay nais maging mariwasa at mabili ang anumang magustuhan, subalit ayaw namang gampanan ang mga paraan upang kitain ang pambili para dito. Higit na madali ang sambitin and mga dahilan kaysa gumawa ng mga paraan.

Sadyang mailap ang tagumpay sa mga umiiwas at mapagdahilan.

Higit na Mabuti

Tatlong sangkap ang makakabuti sa tao: una, kailangang maging mabuti; pangalawa, kailangang maging mabuti; at pangatlo, kailangang maging mabuti.

Igalang at tratuhin ang bawa't tao ng kabutihang loob, kahit na sila ay may kagaspangan sa iyo - hindi dahil sila ay walang kabutihan, kundi higit kang mabuti kaysa kanila. Dalawang elemento lamang ang mapagpipilian; maging mabuti o maging masama. Dito sa huli, marami ang lumilinya, sapagkat madali ang maging masama at mahirap ang maging mabuti. Ang dahilan nito ay hindi tayo sakdal o perpekto, at bahagi na ng tao ang pagkakamali. 
Sa ating lipunan, kahit na 99 na ulit kang magpakabuti, pagdating sa ika-100, at nagkamali ka, ang isang ito ang magpapahamak sa iyo. Kahit na pinakaingatan mo ang iyong reputasyon sa loob ng 20 taon, isa lamang na pagkakamali, wala na itong halaga pa. Magkagayunman, higit na mahalaga ang kabutihan, sapagkat may kapangyarihan tayong pumili kung ano ang higit na mabuti at siyang tamang magawa. 
Narito kung bakit magagawa ang mga ito: 
Higit na mabuti ang kilatisin mong maigi ang iyong sarili kaysa ang iba. 
Higit na mabuti ang malaman kung ano ang mga naisin mo sa buhay.
Higit na mabuti ang maintindihan kung saan ka patungo at taluntunin ang tamang landas nito.
Higit na mabuti ang mayroon kang bisyon at kakayahan kahit na walang naniniwala sa iyo.
Higit na mabuti ang mapagpasalamat nang makaiwas sa mga bagabag na nakakapinsala.
Higit na mabuti ang magplano para magtagumpay kaysa umasa na lamang sa mangyayari.
Higit na mabuti ang may sigla at masaya habang gumagawa para madaling matapos ang gawain.
Higit na mabuti ang umiwas sa mga maling pagkain at inuming nakakalasing nang hindi maduling.
Higit na mabuti ang ehersisyo at pangangalaga ng kalusugan kaysa malubhang karamdaman.
Higit na mabuti ang nakangiti kaysa nakasimangot, pinahahaba nito ang iyong buhay.
Higit na mabuti ang kalimutan ang nakaraan, magsaya na ngayon, at huwag hintayin ang bukas.
Higit na mabuti ang unahin ang mga gawain na tumatakot sa iyo, dahil may leksiyon dito.
Higit na mabuti ang arugain ang kalusugan ngayon, kaysa lunasan ito kapag maysakit na.
Higit na mabuti ang bigkasin ang mga katagang nagpapasaya at bumubuhay, kaysa nagpapasakit at nakakamatay.
Higit na mabuti ang unahin ang mga priyoridad sa buhay kaysa malulong sa mga walang kabuluhan.
Higit na mabuti ang mangarap at may lunggati, mayroon kang direksiyon na pupuntahan.
Higit na mabuti ang tuparin ang mga pangako, pinalalakas nito ang iyong pagtitiwala sa sarili.
Higit na mabuti ang lutasin ang mga problema kaysa pag-usapan ito at problemahin pa.
Higit na mabuti ang huwag personalin ang mga bagay at iwasan na hatulan ang mga ito.
Higit na mabuti ang isipin, bigkasin, at gawin ang tunay mong saloobin, kaysa manggaya, humanga, at sundin ang iba.
Higit na mabuti ang manalangin at magpuri sa kaluwalhatian ng Diyos.

Magagawa ang lahat ng mga ito kung ang puso ay nakalaang magbigay at maglingkod sa iba. Sapagkat ang nagbibigay ay laging tumatanggap. 

Dahil kung ang puso ay may awa mayroon itong pagpapala.