Pabatid Tanaw

Wednesday, October 16, 2013

Mailap ang Tagumpay

Ang trahedya ng buhay ay hindi ang kamatayan, kundi kung bakit hinayaan natin na maging patay tayo habang nabubuhay pa.

Kahit puspusan sa paggawa at patuloy na nagsisikhay sa buhay, pawang kabiguan pa rin ang kinalalabasan ng mga pagsisikap. Kung ganito ang laging ibinubunga sa kabila ng mga kapaguran, kailangan ang karagdagang motibasyon upang maging matibay at huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na kagalitan ang sarili.
   Ang karamdaman hangga’t hindi mo nalalaman ang sanhi nito, wala kang magagawa na anumang kaparaanan para ito malunasan.

Narito ang 13 mga Kadahilanan na bumabalisa sa iyong isipan kung bakit patuloy kang nabibigo sa iyong mga gawain.
1-Katamaran: Ipinagwawalang-bahala ang lahat, pabaya, at iniaasa sa iba na gawin ang sariling gawain. Laging may hinihintay at wala sa direksiyon ang mga ginagawa.
2-Karapatan: May posisyon at pamantayang sinusunod, kung hindi niya nais, walang makakapigil at magpapakilos sa kanya. Pakiramdam ng mga kasamahan, ay may “utang” na dapat bayaran, o binasag na kasangkapan na dapat palitan.
3-Katakutan: Simpleng pagkatakot, mga bagabag, mga pagdududa, at mga pag-aakala sa sasabihin ng iba. Malabis na pangamba sa mangyayari kung kikilos at higit na pinagtutuunan ng pansin ang kabiguan kaysa tagumpay.
4-Kaliitan: Walang pananalig, pagpapahalaga, at pagtitiwala sa sarili. Ipina-uubaya sa iba ang mga kakayahan at tungkulin dapat gampanan.
5-Kamangmangan: Walang kamuwangan sa gawain at walang hangarin na matutuhan ang ginagawa, kundi ang makiayon at palipasin ang mga sandali.
6-Kasalatan: Laging kinakapos ang laman ng isipan, kahirapan, at kawalan, na siyang dahilan kung bakit napapabayaan ang mga gawain. Wala sa loob ang kasaganaan na siyang makakamtan kung matiyaga sa ginagawa.
7-Kapabayaan: Walang anumang plano. Hindi nagpaplano at walang katiyakan kung ano ang tamang lunggati sa buhay. Laging nakikiuso at mahilig manggaya.
8-Katungkulan: Bahala na ang katwiran, walang responsibilidad at hindi maasahan. Ayaw managot at walang sisihan kapag inasahan.
9-Kabaligtaran: Sa halip na positibo ang saloobin at pananaw, pawang negatibo at nakakalasong kaisipan ang pinaiiral sa mga karelasyon at mga gawain.
10-Katigasan: Sarado ang isipan, mapilit at makulit kapag may naibigan, kahit na ito ay wala na sa tamang alituntunin o paraan, basta masunod lamang ang kinahibangan.
11-Kapanglawan: Walang sigla at napipilitan lamang na gumawa. At kung gumagawa, wala rito ang isipan at nangangarap nang gising.
12-Kakulangan: Hindi sapat ang kakayahan, subalit pinipilit ang sariling mga paraan kahit na mali ang kakahantungan.
13-Katapusan: Hindi inaalintana ang mahahalagang sandali, mga kapaguran, at maraming salaping nagugol basta tinamaan ng pagkabagot at pagkainis, humihinto at tinatapos na ang lahat.

Makikilala ang tao sa kanyang ginagawa sa araw-araw. Hindi maitatatwa na anuman ang kanyang ginagawa sa maghapon at patuloy niyang naiibigan ito, narito ang kanyang puso at kapalaran. Halos lahat sa atin ay nais maging mariwasa at mabili ang anumang magustuhan, subalit ayaw namang gampanan ang mga paraan upang kitain ang pambili para dito. Higit na madali ang sambitin and mga dahilan kaysa gumawa ng mga paraan.

Sadyang mailap ang tagumpay sa mga umiiwas at mapagdahilan.

No comments:

Post a Comment