Pabatid Tanaw

Thursday, August 22, 2013

Reaksiyunista


Hindi ang mga bagabag ang pumipinsala sa atin, 
kundi ang ating reaksiyon dito.

Natutuhan ko na ang maging mahinahon, lalo na kung ako ay nakikipag-usap sa aking mga kasamahan sa trabaho. Sapagkat kung wala kang pagsasaalang-alang sa kahihinatnan ng usapan, kadalasan ay nauuwi ito sa pagtatalo at pagsama ng kalooban. Gayong tungkulin nila ang sumunod sa nakakataas sa kanila.

   Sino sa atin ang hindi nakaranas na magtaas ng boses kung nagbi-bingihan ang iyong kausap? Doon sa mga taong nagkukunwaring walang nalalaman at umiiwas sa kanilang mga responsibilidad? Bagama’t ang ganitong reaksiyon ay nakakasira ng iyong reputasyon, nadadala tayo ng ating emosyon na magpakita ng kagaspangan, para maipakita na seryoso tayo sa ating nais mangyari. Sapagkat kung iaasa na lamang natin ang pagkukusa ng iba, mapapanis tayo sa paghihintay. Kung minsan, kailangang ipagdiinan natin ang kahalagahan ng ginagawa at sabayan ito ng nadaramang damdamin, upang magising ang nagtutulog-tulugan na kasamahan.

    Marami ang hindi matanggap ang simbuyo ng iyong damdamin, lalo na kung malakas ang iyong tinig, dumaraing, at nakikiusap. Para sa iba, larawan ito ng kakulangan ng disiplina sa sarili at kawalan ng kontrol sa sariling emosyon.


Ano ang kahulugan ng reaksiyon?
   reaction n ang isinukling salungat na aksiyon sa natanggap na kataga, pagkilos, at pangyayari. Baligtad na pagtugon o aktibidad na nagpagising sa isang aksiyon.



   Sa maraming posisyon na hinawakan ko, tatlong katanungan ang kailangan na isaisip muna bago magpasiya o magawang magalit sa mga taong karelasyon mo; Gusto mo ba sila?; May pagtitiwala ka ba sa kanila?; at Iginagalang mo ba sila? Kung kulang ka ng kahit isa sa tatlong ito, huwag ka nang magpatuloy pa. Hindi mo na kailangan pang makiusap at umasa na may pagbabagong magaganap. Ang tatlong makapangyarihan at simpleng mga katanungang ito ang pundasyon ng mga relasyon. Pakatandaan at gawing gabay sa sarili ang tatlong katanungan na ito. Ito ang tahasang magpapaunlad sa iyong minimithing kasaganaan sa buhay.

Walang sinuman o bagay na makakapinsala sa iyo hangga’t hindi mo ito pinapayagan.

   Sa bawa’t aksiyon ay mayroong kapantay na kasalungat na reaksiyon. Sinusuklian lamang ng mundo ang anumang ibinibigay mo sa kanya. Anumang bagay na iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Mag-isip muna bago magsalita … at dalawang beses na pakaisipin bago kumilos! Alalahanin na bawa’t kapasiyahan ay may kaukulang kalalagyan. Ang problema mo kailanman ay talagang hindi mo problema. Ang iyong reaksiyon sa problema ang tunay mong problema.


Ano ang bagay na magagawa ko upang mapigil ang mabilis kong reaksiyon?



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment