Pabatid Tanaw

Thursday, August 22, 2013

Bahala na




Ang pagpapaubaya sa walang katiyakang kapalaran na 
darating ay isang pagpapatiwakal.

Madalas nating naririnig ito, palasak at kinaugalian na ng karamihan sa atin. Kahit na walang katiyakan ang kakahinatnan, mapabuti o mapahamak, patuloy pa rin itong gagawin. Nagsimula ito sa pag-usal ng, “Si bathala ang may awa.” “Bathala na ang may kapasiyahan.” Noon pa ito, nang ang relihiyon nating sinusunod ay Islam, mga muslim tayo, at si Allah ang ating patnubay. Dumating lamang ang mga Kastila at napalitan ito ng Kristiyanismo kaya naging mga kristiyano tayo, at si HesuKristo ang ating patnubay. Subalit ang katagang bathala ay nagpatuloy at naging karaniwang sinasambit kapag nalalagay sa alanganin at hindi alam ang mangyayari o kahahantungan. Sa katagalan nang paggamit, nasanay na tayong bigkasin ito ng, Bahala na!
  
Ano ang kahulugan ng Misyon ng Buhay?
   life mission n ulirang pagganap sa mahalagang mga tungkulin na kailangang tuparin sa sariling buhay. Bawa’t isa ay mayroon na nakatakdang pakete o misyon na kailangang magampanan. Walang makakagawa nito kundi ang angking sarili lamang, hindi maaaring palitan, ilipat, ipagawa sa iba, at ulitin pa. Lahat tayo ay may pambihira, natatatangi, walang katulad na kanya-kanyang misyon at nakalaang mga pagkakataon upang ito ay maisa-katuparan. Hindi ito basta na lamang bahala na at pikit-matang tanggapin makaraos lamang.

   Sa buhay, ang marahas na kapasiyahan nang walang katiyakan o Bahala na! ay sukdulang pagtanggap ng kapahamakan. Mistula itong pagpasok sa kadiliman nang walang dalang tanglaw para ilawan ang daan. Hayagan na ipinauubaya ang sarili sa anumang panganib na darating, at nagsasabing, “Heto ako, bahala ka na, kung anuman ang nais mong mangyari sa akin.” Ganito din ang karamihang pananaw sa buhay,  “bahala na,” pabaya, palaasa at naghihintay na lamang sa kapalarang darating. Nagba-bakasakali na magkaroon ng pagbabago at walang sawang umaasa na darating ito, iniiwasan ang kumilos at gumawa para posibleng mangyari ang bagay na ninanasa.

   Upang makaiwas, tinatakasan ang katotohanan; mahilig manood sa telebisyon, ang usisain ang kapitbahay, ang punahin at pintasan ang mga masisikhay at masisipag, ang manisi sa iba, ang manibugho, at kasiyahan na ang siraan ang mga nagtagumpay, maliban ang sisihin ang sarili sa pagagamit ng katagang “bahala na.”

  
Karamihan ng pagkilos ay walang katiyakan at nakasandig sa paniniwala na may mapapala. Gayong ang katotohanan ay nasa Diyos ang awa, subalit nasa tao ang gawa.


Ang taong tamad ay palaasa at pabaya. Mga paraan niya ito para tanggapin ang mga bagay na hindi maiiwasan at kusang nagaganap sa kanyang buhay. Natutuhan na ang kawalan ng pag-asa at wala ng pakialam pa sa kinabukasang darating.


Ano ang bagay na magagawa ko upang huwag maging padalus-dalos o patama-tama sa aking mga gawain?



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment