Pabatid Tanaw

Friday, May 04, 2012

Pinipili at Kinikilatis ang Samahan



Tungkulin ng Makabuluhang Pangkat ang hatiin at pagtulungan 
ang bawa't gawain, at ang mga tagumpay ay paramihin.

Mga Mabisang Baitang sa Tagumpay

                             Baitang 7
       May Makabuluhang Pangkat

   Kailanman ay hindi mo magagawang mag-isa ang lahat ng trabaho sa isang proyekto. Kailangan mo ng tulong mula sa iba, upang maayos itong magawa at nasa tamang panahon. Ang tagumpay ay produkto ng maramihang paggawa na magkakasama ang maraming tao. Kung nais mong makatiyak ng tagumpay, napakaimportante sa anumang larangan, sa personal, sa mga relasyon, at maging sa pagdadala ng sariling pamilya -  ang isang makabuluhang pangkat na umaalalay sa iyo at laging nasa iyong tabi, sa anumang panahon at mga pangangailangan.
   
Ano ang kahulugan ng Makabuluhang Pangkat?
   Sa aking talahuluganan; n reliable group; support & dependable, isang samahan na kinabibilangan ng iyong sarili at matalik na mga kaibigan : laging nagpupulong para sa kabutihan at kaunlaran ng bawa't isa  ; may matibay na paniniwala na nasa pagkakaisa at pagdadamayan lamang sa bawa't isa ang susi, upang maisaayos at mapabilis ang pagkilos ng bawa't isa para sa tagumpay ng lahat.
Ano ang kahulugan ng kaisang-pangkat?
   - n  team-work, ang sama-samang pagkilos at paggawa na may ispirito at kabatiran na nangingibabaw sa pangkat para magtagumpay : bawa't isa ay ginagawa ang kanyang bahagi na tungkulin subalit ang lahat ay sumusunod sa kagalingan at kahusayan bilang kabubuan ng pangkat : mayroong iisang disiplina, at wastong pag-uugali na sumusunod sa patakaran ng pangkat, maging ito man ay personal o isang organisasyon.

May Mabuti at may Masama
Ang mga taong nakakasama mo ay may dalawang uri: tumutulong na magtagumpay ka, o humahadlang sa iyo na mabigo ka. May positibong isipan at may negatibong isipan. May nagsusulong at may humahatak. May kinagigiliwan at may kinaiinisan. Ang kapasiyahang pumili ay nasa iyong kapangyarihan. At dito nakasalalay, ang iyong Tagumpay at Kabiguan - ang iyong pagkaBuhay at pagkaMatay.
   Makisama ka sa nakakatulong at nagpapaunlad sa iyo. Hindi ang barkadahan, kapisanan ng taltalan, at Double4 Hihi Club (Hihinga-hinga, Hihintay-hintay, Hihingi-hingi, at Hihilata-hilata). Huwag sumapi sa mga samahang ito. Bagkus, ibaling ang iyong atensiyon doon sa mga matatagumpay, dumaramay at nakakatulong. Huwag magsarili na makakaya mo ang lahat. Ang tunay na tagumpay ay magagawa lamang kung may sarili kang pangkat na tumutulong sa iyo.

   Sinuman ay hindi makakagawa nang mag-isa, laging may umaasiste at nagtataguyod upang makarating ka sa iyong patutunguhan. May gurong makapagtuturo sa iyo, may maestrong magsasanay sa iyo, may mga makabuluhang panoorin at mga aklat ng mga dakilang tao na mababasa, may mapagtatanungan ng mga panuntunan at paniniwalang tulad ng sa iyo. May nagsusulat upang malaman at maunawaan mo ito, tulad ng binabasa mo ngayon sa pahinang ito. Sa lahat ng ito, kailangan may grupo kang sarili na may tiwala ka at nagtitiwala din sa iyo. Malaki ang maitutulong nito upang mapabilis ang iyong pag-unlad. Nasa iyong katapatan at matamang pananalig maitatatag ang matibay na pagsasama at suporta ng pangkat na ito.

Mga Kalidad ng Matalik na Kaibigan o Makirot na Kasama: Pagaan o Pabigat
  •  Sila ba ay nakakatulong o nakapagpapabigat?
  • May kusang palo ba sa paggawa kahit na hindi inuutusan at pakiusapan?
  •   Sila ba ay mapagkakatiwalaan? Tinutupad ba nila ang kanilang mga pangako? Sila ba ay may katapatan? Madali bang kausap at bukas ang mga isipan?
  • Madali ba silang humatol, pumuna, at pumintas? Marunong bang makinig, hindi sumasabay sa nagsasalita at naghihintay na maintindihan ang mga detalye bago magpaliwanag?
  • Lagi ba silang nariyan kapag kailangan? Lagi bang pinapakiusapan at sinusuyong madalas?
  • May kakayahan ba at may responsibilidad sa gawain? Nagbabayad ba kung may utang? Marangal ba at may integridad sa kanilang mga pagkatao?
  • Karapatdapat ba sa harap ng mga pamumuna, panghalina, pang-uuto, pagsulsol, at mga paghamon?
  • May kakayahan bang maglihim ng mga sekreto? At ipinagtatanggol ka sa harap ng iba kapag ikaw ay wala sa harapan?
  • Marunong bang tumanggap ng mga pagkatalo, sa kanilang mga kahinaan, ng kanilang mga kamalian?
  • Inuuna ba nila ang kanilang kapakinabangan kaysa iba?Mahilig bang manghingi at kung hindi mo mapagbigyan, ikaw ay makasalanan at walang pakialam?
  • Mapaglingkod at dumaramay ba sa iba sa panahong ng mga kagipitan, nang walang hinihinging mga kabayaran? 
 ... at marami pang iba na tulad ng mga ito. At kung ikaw ay tulog, bulag, at pipi sa mga taong nakapaligid sa iyo, kailanman ay hindi ka makabubuo ng makabuluhang pangkat at may ispirito ng kaisang-pangkat sa tanang buhay mo. Aba'y 95 milyon na ang mga Pilipino, napakarami kang pagpipilian. Huwag ka namang magtiis at tanggapin na lamang ang kasama mo. Simulang maghanap na ng mga taong makakatulong sa iyo, nang ikaw naman ay makatulong din sa iba.

   Ang tunay na pinuno sa anumang pangkat, kapisanan, o organisasyon, ay mayroong pagtitiwala na tumindig na mag-isa, may kagitingan na makagawa ng mabibigat na mga kapasiyahan at may paglingap na makinig at dumamay sa mga pangangailangan ng iba. Kahit na hindi niya hiniling na mamuno, subalit sa kanyang mga pagkilos; ang kalidad at kanyang integridad ay makikita sa kanyang mga intensiyon. Sa huli, ang mga pinuno ay kawangis ng mga agila sa himpapawid . . . nag-iisang lumilipad ng mataas sa langit, nagpapakilala, at magilas; naghahanap ng masisila, kaysa mga manok na nasa ibaba, isang kahig isang tuka, at mga bulati ang inaatupag sa lupa

TOGETHER we stand,
TOGETHER we fall,
TOGETHER we WIN,
and winners take ALL!     -KARLO M. GUEVARA, Klaro, Inc., Dallas, Texas


Narito ang tamang mga kapanalig:
1  May kaibigan ka bang doktor? Ang kalusugan ay kayamanan.
  2  May kaibigan ka bang maestro?  Ang edukasyon ay katalinuhan.
    3  May kaibigan ka bang abogado? Ang katarungan ay katiwasayan.
      4  May kaibigan ka bang karpintero?  Ang pamayanan ay bayanihan.
         May kaibigan ka bang mekaniko? Ang mga pagkilos ay kaunlaran.
           6  May kaibigan ka bang pastor?  Ang pananalig ay kaligayahan.
             7   May kaibigan ka bang tulad mo?  Ikaw ang kaganapan at kaluwalhatian.
 
Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.

1  Doktor: Ang kalusugan ay kayamanan.  
       Sinasagisag ang pag-uukol ng pangangalaga sa katawan at mga bagay na magpapalusog dito. Pangunahing priyoridad sa buhay ang pangalagaan at panatilihin ang kalusugan. Kung may matalik kang kaibigan na doktor sa medisina, malaking porsiyento ng iyong mga pag-aalala sa kalusugan ay nalunasan na. Walang saysay ang lahat; pangarap, trabaho, salapi, pag-aari, kabuhayan, at pamilya. Lahat ito ay isasantabi at ang buong kamalayan mo ay nakatuon lamang sa pagnanasang mabuhay.
2  Maestro: Ang edukasyon ay katalinuhan.
       Sinasagisag ang mga makapagbibigay ng inpormasyon: (mentors, mga guro, mga aklat -wisdom literature, mga makabuluhang talakayan at panoorin). Habang may buhay ay patuloy ang pag-aaral, ang madagdagan ang mga kaalaman upang lalong mapahusay ang mga katangian at mag-ibayo ang kakayahan,
3  Abogado: Ang katarungan ay katiwasayan.
       Sinasagisag ang kapayapaan ng pag-iisip, kung dumarating ang mga hindi inaasahang suliranin sa personal at tungkol sa negosyo. Nakakatiyak na hindi ka ipagbibili sa kabilang kalaban na umaapi sa iyo. Ang hustisya ay mapapasakamay kung mayroon kang kaibigan na nasa likod mo at sinusupurtahan kang makamit ang katarungan. Hindi lamang ikaw ay nakahanda sa hukuman, may tagapaliwanag ka, na maintindihan ang mga batas para sa iyong kapakanan.
4  Karpintero: Ang pamayanan ay bayanihan.
       Sinasagisag nito ang mga pagawain na hindi mo makakaya at pagkakaabalahang gawin pa; paggawa ng plano sa pundasyon, pamimili ng mga materyales, pagsasaayos sa konstruksiyon, at lahat ng mga trabahong nakaukol sa bahay, opisina, at mga pagkumpuni ng mga sira dito. Kasama dito ang pakikiisa sa pamayanan sa panahon ng mga bayanihang pangangailangan.
5  Mekaniko: Ang sasakyan ay kaunlaran.
       Sinasagisag nito ang mga pagawain na kailangan ang eksperto sa kanyang larangan; tulad ng pamimili, pagsasayos, at pagkumpuni ng mga: sasakyan, appliances, computers, cell phones, at personal na mga kagamitan. Kung wala kang naatatakbuhan na makakatulong sa iyo para dito, maraming sandali ang masasayang at gastos na wala sa plano.
6  Pastor: Ang pananalig ay kaligayahan.
        Sinasagisag ito ng mga ispirituwal na tao na makapagpapaliwanag sa iyo ng iyong sariling Ispirito. Hindi yaong mga relihiyoso na ang ipinapaliwanag ay mga doktrina ng kanilang mga sekta at simbahan, na nangangailangan ng walang hintong donasyon. Ang pagpapahayag ng magandang balita ay walang namamagitan na kabayaran bagkus ang paunlarin ang iyong kaisipan at kabuhayan; upang makapaglingkod sa mga nangangailangan. At hindi sa patuloy na pangangailangan ng namamahala ng simbahan.
7 Sarili: Ikaw ang kaganapan at kaluwalhatian.
         Alamin at tuklasin mo ang kaibuturan ng iyong sarili, sapagkat ang Kaharian ng Diyos ay narito, nakatago, at naghihintay na gisingin mo. Pakawalan mo ang iyong sariling Ispirito at sumanib sa Dakilang Ispirito. Malayang pagindapatin ang luwalhati ng Diyos ng Buhay.
 (Pakibasa lamang ang Mga Dakilang Prinsipyo ng Buhay, 07 Disyembre/11)

Coming together is a beginning.
Keeping together is progress.
Working together is success. 

                     -CARINA M. GUEVARA, Education Director, Colin-Newell,  New York, New York

Isaalang-alang: 
   Kung ang isang tao ay hindi nakakatulong, tiyak siya ay nakapag-papabigat. Sa isang organisasyon, kung hindi siya solusyon, alin sa dalawa; hindi siya kailangan o problema siya. Dalahin at palaasa ang may ganitong mga pag-uugali. Hindi ito ang tamang pangkat na kailangan mong samahan. Makakabuti sa iyo na hanapin ang pangkat na may katulad ng iyong pagpapahalaga sa dangal, may paggalang, mapaglingkod, at may pagtulungan sa isa’t-isa. Doon ka makiumpok at makipag-relasyon sa may ispirito ng kaisang-pangkat at ang tagumpay ay lalaging nasa iyo.

Iba na ang may sariling makabuluhang pangkat, marami kang pagkakataon at malaki ang pag-asa mong magtagumpay sa buhay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                                   Baitang  8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN



No comments:

Post a Comment