Pabatid Tanaw

Thursday, May 31, 2012

Matatag na Pag-asam



Ang mabuting mungkahi ay may katiyakang tatanggihan, ngunit hindi ito dahilan na huwag ipaalam, kung ang lahat naman ay makikinabang.

Papaano ba magkaroon ng ulirang buhay? Narito ang kasagutan:

   Maging matibay at may paninindigan upang kahit anuman ay hindi makakagambala sa katahimikan ng iyong isipan. Malaki rin ang maitutulong nito para patuloy kang nakatuon sa iyong mga lunggati at direksiyon na iyong patutunguhan. Sa anumang paglalakbay sa buhay, kung wala kang sinusunod na panuntunan o mabisang pundasyon na nakatimo sa iyong isipan, madali kang matutukso at makakalimot sa iyong mga pangako. 
   Higit na may pagtitiwala ka at pananalig sa iyong sarili kung mayroon kang kredo o paninindigan. Ito ang nagbibigay-buhay at nagpapasigla sa iyo upang ikaw ay patuloy magsumikap na tuparin ang lahat ng iyong mga pangarap.


Ang adhikain ng AKO, tunay na Pilipino, ay binibigyan buhay at diwa nito ang pagiging ulirang Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa bilang sagisag ng IsangPilipino na: MakaDiyos, MakaKalikasan, MakaPamilya, MaKatarungan, at MakaBayan.

  Ang Misyon
Kalayaan ang mag-usap ng katotohanan – BUSILAK
  Nasa pagtutulungan ang kaunlaran – BAYANIHAN
  Kailangang malaman ang makabuluhan – BATINGAW
 Nasa pagtuklas ang bagong pag-asa - BALANGAY
  Tangkilin at ipalaganap ang sariling atin – BAYANiJUAN
  Alamin ang ating kasaysayan at mga bayani – BANTAYOG
  Matiwasay ang magbagong-anyo sa buhay – BANYUHAY
  Tamang kataga sa maayos na pananalita – BALANGKAS
 Katatawanan ang mabisang kagamutan – BUNGISNGIS
Sa karamdaman, pagkain ang kalunasan – BALANGA
  Ang daigdig ay isang magandang tanghalan – BULWAGAN
  Ang buhay ay paglalakbay sa kaluwalhatian - BATHALA

MakaBayan: Iparamdam sa iyong mga nakakadaupang-palad at mga karelasyon na mayroon silang kahalagahan at patutunguhang makapagpapaligaya sa kanila. Tanawin ang mga positibo at nakapagpapalinaw ng isipan. Isipin lamang ang may mga kagalingan, mga nakakatulong, at mga nagpapaunlad sa lahat. Gawin ang lahat ng makakaya sa paggawa at sumama sa pangkat ng mga mahuhusay at nakalaang maglingkod sa kapwa. Maging masigla sa lahat ng sandali at iwasang maligalig sa malaki o maliit mang mga bagay. Purihin ang tagumpay ng iba tulad ng atensiyong iniuukol mo sa iyong sarili. Kalimutan ang mga kabiguan at kapighatian ng nakaraan at magpatuloy na hinaharap ang bukas nang may matagumpay na hangarin. Palaging ngumiti, pinalalakas nito ang iyong stamina na maging maaliwalas ang lahat sa iyong harapan. Maglaan ng sapat na panahon sa pag-aaral at pagpapayabong ng iyong kaalaman. Paunlarin ang sarili upang wala ka ng panahon na punahin ang ginagawa ng iba. Makiisa sa mga makabayang simulain para sa pagbabago tungo sa malayang pagkakaisa at kaunlaran para sa lahat. Buksan ang puso at magpakitang giliw, dahil narito ang iyong kaluwalhatian.

Ang mga pananalitang ito’y narinig ko sa aking mga magulang at ngayon ay patuloy kong binibigkas sa aking mga anak. Isang tula mula sa aklat ng Florante at Laura, ng ating bayaning si Francisco Baltazar, ang nagpasimula nito para magampanan ko sa matuwid ang pagpapalaki ng aking mga anak:
Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad
sa bait at muni’t, sa hatol ay salat,
masaklap na bunga ng maling paglingap,
habag ng magulang sa irog na anak.

Sa taguring bunso’t likong pagmamahal
ang isinasama ng bata ay nunukal
ang iba’y marahil sa kapabayaan
nang dapat magturong tamad na magulang.

MakaPamilya: Malaki ang naitutulong ng panuntunan na ito. Hangga’t nasa ating pagtangkilik at pagpapalaki ang ating mga anak, gawin natin ang lahat nating makakaya para tumahak sila sa matuwid na landas. Dahil kapag lumabas na sila ng ating mga tahanan at mahaharap sa mga pakikibaka sa buhay, malaki ang nagagawa ng may matibay na pundasyon sa kanilang mga pagkatao. Kung matuwid ang nakatanim sa kanilang mga isipan, walang baluktot o mapanirang asal ang makakapasok dito.
   Bilang mga magulang, katungkulan nating iwasto at pangunahan ang kanilang nais na makita at magampanan din ito sa kanilang mga sarili, subalit sa pagbuo ng tunay nilang mga pagkatao, ito ay nakasalalay sa kanilang sariling mga kamay.

Ang mabisang sermon sa lahat; ay ang iyong sariling buhay

...may karugtong

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment