Pabatid Tanaw

Sunday, April 29, 2012

Isang Bahay na may Maraming Mansiyon


Kailanman ay hindi ka makakatakas sa Kadiliman at magkaroon ng transpormasiyon na makamtan ang Liwanag, hangga’t ang Kaluwalhatian ay hindi naghahari sa iyong puso.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                    Baitang 12 
        Tinatamasa ang 
        KALUWALHATIAN

  Maraming samutsaring mga paraan upang makamtan ng isang tao ang kanyang katotohanan. Sa aking karanasan, ang ‘pagkagising’ o kaliwanagan ng pag-iisip ay magkakaiba sa bawa’t tao. May kanya-kanyang pinagdaanan, mga karanasan, edukasyon, at mga paniniwala. Tulad ng mga rekado o mga sangkap sa isang lutuin, kapag magkakasama ang lahat ng mga ito, ay siyang magdudulot ng lasang inaasahan. Gayundin ang pagkatao, ito ang kabubuan. Dalawa lamang ang patutunguhan nito: Matiwasay o masalimoot. Positibo o Negatibo. Nakakabuti o nakakasama. Doon ako sa matiwasay, dahil ito’y patungo sa nakatakdang kaganapan ng pagkatao upang makamit ang Kaluwalhatian.
   Ang isang tao ay hindi makakapasok sa kanyang kaibuturan, daanan ito, at lusutan ang mga balakid patungo sa Diyos, hangga’t hindi siya lubusang nakakaraan mismo sa kanyang sarili at nagagawang malimutan ito sa paglilingkod sa iba, na ikadadalisay ng kanyang wagas na pagmamahal, ay imposibleng maganap ito. Hangga’t walang pag-ibig na naghahari sa kanyang puso, walang dadaloy na pag-ibig upang magawa niyang magmahal. Kung wala ito sa kanya, wala rin siyang maibibigay.
   Ang kabubuang kaganapan ng tao ay matatagpuan sa kanyang “Ispirito.” Ito ang nakapangyayari sa kanya, at hindi kumpleto ang tao hangga’t hindi siya “isang Ispirito” na konektado sa Dakilang Ispirito. Ang buhay na ispirituwal ay isang balanseng buhay na perpekto; na kung saan ang katawan kasama ng mga silakbo at kalikasan nito, ang utak sa mga rason at pagsunod sa mga prinsipiyo, at ng Ispirito na maka-Diyos at nasa Diyos at mula sa Diyos at para sa Diyos. Isang tao na kung saan na naroon ang Diyos ay lahat na nasa lahat.

   Marami sa atin ang hindi nakakaalam ng tungkol sa Trinity o ang Tatluhan, ang paniniwala na ang iisang totoo at hindi mahahating Diyos na kumakatawan sa tatlong magkakaibang persona – Ama, Anak, at Banal na Ispirito. Ang tatlong ito ay iisa. Ang malimit na katanungan ay papaano na ang Diyos ay iisa at tatlo? Papaano magiging Diyos si Hesus kung nagdarasal Siya sa Ama? Papano magagawa ng Ispirito makipagrelasyon sa dalawang iba ang mga persona? Bagama’t mahiwaga ang ugnayan sa trianggulo na ito, narito ang ilang mahalagang konsepto tungkol dito.

Tatlong katotohanan ang bilang pundasyon na itinuturo ng Trinity: 
Naniniwala tayo sa iisang Diyos. Hindi siya iisa na tulad ng Siya ay tatlo. Isa siyang esensiya, ang Diyos ay isang kaganapan – o,“isang magaganap” . . .  
Ang Diyos ay lumilitaw sa tatlong persona. Ang Diyos ay isang ano, ngunit tatlong mga sino. Sila ay may pagkakakilanlan ngunit magkakaiba sa paraan na ating naiisip na magkakabukod na mga pagkakakilanlan. Magkasama sa isang komunidad na hindi natin ganap na maunawaan.

10 Ang Mabuting Pastol
30  Ako at ang aking Ama ay iisa.
                                Juan 10:30 KJV

14 Isang Bahay ng Maraming Mansiyon
16 At ako ay magdarasal sa Ama, at siya ay magbibigay sa iyo ng isa pang Ispirito, na siya ay umalinsunod sa iyo magpakailanman.
17 Kahit na ang Ispirito ng katotohanan; na kung sino ay hindi matanggap ng mundo, sapagkat ito ay hindi siya nakikita, at hindi rin na kilala siya: subalit alam mo siya; sapagkat siya ay naninirahan sa iyo, at siya ay mapapaloob sa iyo.      Juan 14:16-17 KJV  

   Kumikilos sila ng kumpletong may kaisahan sa iisang perpekto na kaluwalhatiang kalooban – walang pagkakahati, kaguluhan, o hindi pagkakasunduan.
Ang tatlong persona ay Diyos. Nauunawaan natin na ang dalawa na mga persona na magkarelasyon - Ama at Anak – at ang mga ito ay eternal na mga relasyon. Sa ibang mga salita, ang Ama ay namamalaging ang Ama, at ang Anak ay namamalaging ang Anak. Subalit hindi ito nangangahulugan na ang Ama ay higit na Diyos. Sa paghahalintulad, sa pagiging tao, ang Anak ay hindi magiging kulang na Diyos. Siya ay Diyos na lumapit, at pumapasok sa ating mundo para mailigtas tayo. At ang Ispirito hindi isang walang personang pwersa. Siya ang persona ng Tatluhan na lumalapit sa atin ngayon, at nagpapataw sa atin ng kasalanan, itinuturo sa atin ang katotohanan, at ating transpormasiyon na maging kawangis ni Kristo. –(mula sa magasin ng InTouch, Mayo 2012).
    Sa madaling ikakaunawa, ang Isip (Father/thought), ang Pagkilos (Son/Action), at Ispirito (Spirit) ay sama-sama sa kabubuan ng ating kamalayan. Lahat ng nagaganap sa atin ay dumaraan sa prosesong ito. Ikaw na nagbabasa ngayon nito ay nangyayari ang mga ito:
   Sa mga saglit na ito ay may kaisipan (thought) na lumilikha ng iyong kamalayan (awareness)  at susundan ng pagkilos (action); ang magbasa at maintindihan, kabatiran (comprehension - knowing) nito; kung katotohanan (truth) o hindi. Kung mapatunayan, ito ang papaniwalaan mo, at magpapasiya ng iyong kalooban, na tuwing ginagawa mo ay kaligayahan (joy) para sa iyo; at kapayapaan (peace) ng iyong pagkatao; upang simulang lasapin ang iyong kaluwalhatian (divinity). Matutunghayan ang pitong Pagkamulat na ito sa nakaraang mga pahina dito.

   Ang kasamaan ay hindi lamang ating mga imahinasyon. Ito ang nagpapasunod sa ating isipan at may kakayahan tayong hindi tanggapin o iwaksi din ito. Kung patuloy itong iniisip, patuloy ding magaganap ito. Tayo ay makasalanan. Kahit alam nating may Dakilang Ispirito na lumulukob sa atin, nakakalimutan natin ito kapag kamunduhan na ang umiiral. Kahit alam natin ang katotohanan, nabibigo tayong pangalagaan ito. Ginagawa natin ang mga bagay na kung tutuusin ay hindi natin gusto. Nahahalina tayo ng kayamanan, kapangyarihan, katanyagan, pagnanasa, kasibaan, at kasakiman, at madalas nagiging biktima tayo ng  lubhang kasabikan sa mga ito. Dahil nakakalimot tayo sa proseso ng Ama, ng Anak, at ng Ispirito.
   Hindi lamang nabibigo tayong gawin ang alam natin na kailangang gawin, at nalilito din tayo tungkol kung papaano ito magagawa. Nangyayari lamang ito dahil sa “tawag ng laman” o pansariling kasiyahan lamang ang lagi nating hinahanap. Bihirang sumagi sa isip na tuklasin kung ano ang tunay na nilalaman sa kaibuturan ng ating mga puso. Kung malaman naman, ay iilan lamang ang nakakasumpong nito.
   Bawa’t isa sa atin ay nilalang na kawangis ng Diyos, at sinumang tao kung hahangarin niya ay mapapaunlad niya ang kanyang sarili; ang maging eksperto, ang lumikha ng mga produkto, umimbento ng mga kagamitan at bagong teknolohiya, mga pamamaraan sa negosyo, at magbigay ng serbisyo sa iba. Magagawa niya kung alam niya kung sino siya; ano ang kanyang nais; saan siya papunta ; papaano niya ito magagawa; at kung marating ang destinasyon, ano pa ang susunod na mangyayari?

Tamasahin ang KALUWALHATIAN
   Ang pinaka-makahulugan at makabuluhang pagbabago sa buhay ng isang tao ay manggagaling mula sa kaibuturan at ilabas ito upang maipahayag ---ito ang moral at ispirituwal na pagbabago na nanggagaling sa ating mga puso at mga kaisipan, dumadaloy mula sa ating mga samahan, mula sa mga pamayanan, at mga institusyong sa sining at kultura. Nakaugnay sa Dakilang Ispirito at handang magpakasakit para sa katotohanan. Ang kaharian ng Diyos na nasa ating mga kalooban ay ipagdiwang ngayon, mula sa ating mga puso. Kailangan mabuhay tayo para sa katotohanan, para malasap natin ang ating Kaluwalhatian.
    Mayroon tayong artipisyal na personalidad na maliit lamang ang ginagampanan sa ating orihinal na pagkatao. Dito nagkakaroon ng mga kalituhan kung sino ang higit na masusunod. Ang isa ay nakatunghay sa labas, at ang isa na nasa kalooban ay nais magpakilala at kusang makapangyari. Subalit nananaig sa ating mga sarili ang nakikita sa labas at ito ang umaalipin sa ating upang makalimutan ang ating kaganapan. 
   Ang ating kaganapan ay hindi masusumpungan sa makamundong mga bagay, hindi sa pahayag ng simbahan at hindi sa alingawngaw ng media. Ang impluwensiya ng mga ito ay tahasang sinisira ang ating pananalig na matamasa ang luwalhati ng Diyos. Ang ating lipunan ay humihiyaw na unahin muna natin ang ating mga sarili, kaysa alamin at tuklasin kung bakit tayo ipinanganak at saang direksiyon tayo karapatdapat na pumunta.
   Ang mabuhay ng maluwalhati sa katotohanan, ay nangangahulugan ng pamumuhay sa araw-araw at bawa’t sandali mula sa hindi matitinag na paninindigan; na ang Diyos ay Buhay. At sa Kanyang pagmamahal nagmumula ang makapangyarihang motibo sa sangkatauhan, na tuparin ng mga tao ang Kaluwalhatian na lumulukob sa tunay nilang mga buhay.
   Ang katotohanan ang siyang magpapalaya; sapagkat nasa pagtutulungan ang kaunlaran, nasa pagkalinga ang damayan, nasa pasunuran ang kapayapaan, at nasa pagmamahalan ang kaligayahan. Wala ng iba pa, maliban dito . . . at ang KALUWALHATIAN ang siyang kaganapang maghahari sa tuwina.


   At manguna sa amin hindi matukso, kundi dalhin kami mula sa kasamaan: Dahil ako ay ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang luwalhati, magpakailanman, Amen.       Mateo 6:13 KJV
  Sa mga nangyayari ngayon sa ating kapaligiran, ekonomiya, pulitika, at pananampalataya. Napakahalaga sa lahat na may matuwid tayong kaisipan; at kamalayan kung ano ang tama at mali; upang sa kabatiran ay lumitaw ang katotohanan; na ang patuloy na kasiyahan ay kaligayahan na hinahangad natin; upang ang kapayapaan ay makamtan; at tuluyang malasap ang ating KALUWALHATIAN.
   Magagawa lamang natin ang mga ito kung tayo mismo ang tagalikha ng ating mga sariling buhay, walang pinapanigang kabuktutan, walang hinahatulan, walang mga kundisyon, hindi nagpapasakop sa iba, walang sinisilungang simbahan na nananakot ng impiyerno, at walang mga pag-uusisa sa mga bagay na walang kinalaman, panghihimasok sa buhay ng iba nang walang kabuluhan. Kung magagawa ito ay magiging malaya tayo, para magawang paunlarin ang ating mga sarili at magtagumpay.
   Kung iiwasan natin ang mga hindi inaasahang pangyayari (kahit na posibleng maganap ito) ay para na ring hinangad natin ang buhay na walang pagkakataon, walang pagbabago, walang pakikipagsapalaran, at ang mga idinudulot nitong mga masasayang sandali na kung saan ang “magandang buhay” ay nalilikha.
   Kung ikaw ang nakapangyayari sa iyong sarili, magagawa mong ipagbunyi at tamasahing kawili-wili ang iyong buhay sa araw-araw, kaagapay ang mga hangarin sa kabutihan at ikakaunlad ng lahat, at matupad ang mga paglilingkod sa kapwa na sukdulang magpapaligaya sa iyo.
  
Pina-iinitan tayo kapag nakadarang sa apuyan, hindi mula sa mga usok ng apoy.
Inihahatid tayo ng barko na makaraan sa karagatan, hindi sa alimbukay ng tubig na iniiwan ng barko. Maging tayo man, kung sino tayo ay natutuklasan sa pinakamalalim na kaibuturan ng ating pagkatao, hindi sa panlabas na repleksiyon ng ating sariling mga pagkilos. Kailangan nating hanapin ang tunay nating mga sarili at hindi sa mga alimpuyong itinatalaga nito sa atin at maging sa mga iba na nakapaligid sa atin, bagkus sa ating sariling kaluluwa na kung saan ang prinsipyo ay nasa lahat ng ating mga pagkilos.    mula sa No Man Is an Island

   Isang biyahe lamang ang ating natanggap sa makamundong buhay na ito. Ang pagpili na nasa harap natin ay kung alin ang ating ipapamuhay; na para sa Panginoon o para sa ating mga sarili. Mangyayari lamang ito kung ang ating kaluwalhatian ay naganap na. Kapag ang ating sariling Ispirito ay konektado at sumanib na sa Dakilang Isipirito.

   Hinikayat tayo ni Pablo na tahakin ang maluwalhating transpormasiyon ng ating mga isipan, na ituwid ang ating mga kaisipan sa mga bagay na nakalulugod, at ituon sa mga totoo, tama, dalisay, at huwaran .

Ituon ang iyong pagsuyo sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa lupa.
                                                                                                                                 Colosas 3:2 KJV 
   Maliwanag na isinasaad nito ang paggamit ng isip (ang iyong kalangitan) at hindi ang tinutuntungang lupa (ang iyong kamunduhan). Lahat ng bagay ay nagiging katotohanan kung ang Isip na ito ay nakatuon sa Dakilang Isip at magkasanib na lumilikha ng iyong kaganapan. Nasa tao ang gawa at nasa Diyos ang pagpapala.
Sa panghuli, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na matapat, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na dalisay, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na mabuting ipahayag; kung mayroon man itong karangalan, at kung mayroon man na maipupuri, isipin ang mga bagay na ito.                                                             Filipos 4:8 KJV

   Kailangan nasa matuwid ang ating iniisip para magkamalay at mabatid  ang totoo, ito ang magpapaligaya at pumapayapa  sa atin na malasap at tamasahin ang ating KALUWALHATIAN.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
(Pakibasa lamang ang KALUWALHATIAN (27 Marso/12)


No comments:

Post a Comment