Pabatid Tanaw

Monday, April 30, 2012

Ang Kapangyarihan ng Ispirito Mo


Walang mga gumagapos sa isipan ng tao, walang mga dingding at kulungang humahadlang sa Ispiritong makatao, walang balakid sa ating mga kaunlaran; maliban doon sa bilangguan na tayo mismo ang lumilikha at gumagapos sa ating mga sarili.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                         Baitang 11 
           May Patnubay ng  
            Dakilang Ispirito
 
Malaki ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng kung SINO siya at ano ang MAYROON sa kanya. Bawa’t isa sa atin ay may eternal na katauhan (Ispirito, Kaluluwa) na may likas na karapatan na maging MALAYA. Hindi napapailalim sa lahat ng kaganapan sa mundo. Bawa’t isa sa atin ay mayroong katawan na mistulang sasakyan na ginagamit sa paglalakbay na ito ng buhay. At ang buhay na ito ay maihahalintulad sa isang laro. Bawa’t isa sa atin ay may isipan (free will) bilang instrumento; kung papaano seryosong haharapin o lalaruin ang buhay. Kawangis ito ng computer, anumang programa na ipasok mo dito ay siya mo ring magagamit. Kung hindi ka mapili sa mga programa, anumang umaagaw sa iyo ng pansin ay siya mong gagamitin. Subalit bawa’t isa din sa atin, ay may kapangyarihan na nakatago sa ating kaibuturan, na kailangang pukawin at siyang mangibabaw, ito ang ating Ispirito. Sa paglalarawan na tulad ng telebisyon; Narito ito sa atin bilang istasyon (channel)  na tumatanggap ng komunikasyon o mensahe mula sa punong himpilan (network), ang Dakilang Ispirito
   Hindi ka magiging tao na may pananalig hangga’t wala kang kabatiran kung papaano magduda o, ang mag-alinlangan kung may katotohanan ang kinagisnan mo. Hindi ka maniniwala sa Diyos hangga’t wala kang kakayahan na tanungin ang pamiminsala; tulad ng hindi makataong pagpanig, may mga mapagsamantala at mapang-api, maging ang iyong gagawing kahatulan ay inuutos ng simbahan. Walang karapatan ang mga kautusan, sistema, at doktrina ng relihiyon kung sarili mo ang mapapahamak. Ang pananampalataya ay hindi bulag na pagsunod at kumporme sa kinulayang mga paghatol na ito – isang tahasang paghusga nang walang pag-aaral at paglilitis. Basta hindi sumusunod sa doktrina ay “kalaban at kaaway na maituturing.” Kung hindi ka kaanib, tiyak na kalaban ka; at “kung nais mong maligtas, sumama ka sa aming relihiyon!”  Ito ang desisyon ng mga umuugit ng simbahan, isang paghatol na walang pakundangang deliberasyon laban sa iyo, kahit hindi mapatunayan. Hindi ang basta na lamang tanggapin ang anumang isinusulsol ay siyang katotohanan.
   Kung pikit-mata mo itong sinusunod at ipinaiiral sa iyong buhay: Hindi ka malaya. Daig ka pa ng ibong nasa hawla na pinapakain at inaaruga sa tuwina. Sa panig mo, ang manatiling palaasa, may hinihintay na milagro, at pangako na paraiso. Ang katotohanan ay habang buhay na pagkaalipin ito.

Salamin ng Pagkatao
   Hindi malusog at maligaya ang buhay kapag wala kang kapangyarihan magpasiya sa iyong sarili, at maging ihalal ang nais mong matuwid na mga pinuno. Hindi ito tamang doktrina na humahadlang sa iyong pansarili na sagradong kalayaan. Hindi ito tunay na pagpapahayag ng iyong personal na integridad. Tulad ng de-susing robot; ang maging bulag at maging pipi ang mangyayari sa iyo, at kung may pakikinggan ka ay yaon lamang nanggagaling sa kanila. Wala kang karapatan para magamit ang sarili mong kapasiyahan. Malaking kamalian ito na pagdudusahan mo sa nangyayaring kalagayan sa ating lipunan; kanya-kanya, kami-kami, at tayu-tayo lamang ang nagaganap. Walang pagkakaisa at pagdadamayan, palaging ang kagustuhan lamang ng iilan ang nakapapamayani.
   Kung nais mong makalaya sa mapang-api na tratong ito, itakwil mo ang mga nagawang kalituhan at simulang hanapin ang tunay mong pagkatao. Huwag mabuhay na tagasunod, inaalipin, at umaasang palagi sa isang bulok na sistema, isang sekta ng simbahan, mapagsamantalang samahan, nagpapahirap na lipunan, o isang tao na kinasusuklaman at ikinahihiya mo. Hindi ito ang salamin ng iyong pagkatao na lagi mong sinusunod, hinihintay, at inaasahan na hahango mismo sa iyong kalagayan. Takasan mo sila hangga’t may hininga ka pa.
   Walang biktima, kung walang pahintulot. Hindi mangyayari kung walang kooperasyon. Bawa’t katauhan ay siyang tagalikha ng kanyang reyalidad. Kung hindi mo kagustuhan ang kalagayan mo, hindi ito magpapatuloy. Kung tunay kang malaya, makakagawa ka ng kaparaanan, subalit kung pagkaalipin, may sinisisi, ay marami kang mga kadahilanan at kinahumalingan mo na.


Hanapin ang Dakilang Ispirito
 Hangga’t nagpapaniwala ka sa mga idinidikta ng iba, hindi mo magagawang ganap na makilala ang iyong sarili. Mangyayari lamang ito kung tutuklasin mo ang Kaharian ng Diyos sa iyong kaibuturan. Mayroon kang sariling Ispirito na magagamit upang komunekta, tanggapin, madama at pasanib sa Dakilang Ispirito. Ito ang dahilan ng iyong pagkakalitaw sa mundo.
   Napansin mo ba, na kapag hawak mo ang remote control at sa isang pindot lamang; ay nagagawa nitong buksan ang pinto, paandarin ang makina, o buksan ang telebisyon at radyo, kahit nasa malayo ka. Ano ang mayroon ito at nakakayang magawa ito. May Koneksiyon. May Kapangyarihang hindi nakikita. Kung sa teknolohiya ay nagawang likhain ito ng tao, paaano na kaya, kung ikaw naman, at gawin mo ito sa iyong kamalayan (Ispirito na nakatago sa iyo) at ikonekta doon sa Dakilang Ispirito, ang sanhi (source) na pinagmumulan ng iyong kaganapan. Tiyak mabibigla ka sa kapangyarihan na nasa iyo, at ngayon mo lamang ito natuklasan. Dahil dito nakasalalay ang iyong pagkakalitaw sa mundo; ang magkaisip, magkamalay, mabatid, mapatotohanan, lumigaya, pumayapa, at masumpungan ang iyong Kaluwalhatian.

Huwag Magtaka Kung Wala Kang Kabatiran
   Kaysa magalit sa mga taong mapaminsala, (nagpapanatili ng iyong kamangmangan) ang kagalitan mo ay ang iyong pagkauhaw at kaligaligan ng iyong kaluluwa kaya nangyayari ang mga bagay na ito. Kung nais mo ng pag-ibig, kaligayahan at kapayapaan, ang kamuhian mo ay kawalan ng katarungan, kamuhian mo ang kabuktutan, kamuhian mo ang kasakiman – kamuhian mong lahat ang mga ito sa iyong sarili, hindi sa iba. Kung nais mo ng pagbabago sa mundo ay simulan mo ito sa iyong sarili.
   Bakit? Sapagkat habang wala kang pag-ibig sa iyong sarili, hindi ka matututong magmahal ng iba. Kung may kulang sa iyo, huwag mong isisi sa iba. Ang sisihin mo ay ang sarili mo, dahil matagal ka ng natutulog sa bagay na ito. Wala kang bagay na maibibigay kung ito ay wala sa iyo.
   Kailangang hanapin mo ang iyong pagkakakilanlan, kahit na papaano, hindi lamang sa Diyos, bagkus sa iba pang mga tao. Kailanman ay hindi mo matatagpuan ang iyong sarili kung makasarili ka at lumalayo sa kabubuan ng sangkatauhan na tila ikaw ay ibang uri na nilalang.

Ang Dakilang Ispirito ay Nasa Iyo
   Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Ang Diyos ay isa ring nasusunog na apoy. Patuloy Siyang naglalagablab at sinusunog ang bawa’t lumapit sa Kanya. At kung tayo, sa pamamagitan ng pag-ibig na siyang pinakamatayog na maibibigay natin sa ating kapwa; ay magkakaroon ng transpormasyon sumanib sa Kanya at masunog ding tulad Niya. Ang apoy na ito ay walang kahulilip nating kaligayahan. Datapwa’t kung mapili at ayaw nating tanggapin ang Kanyang pagmamahal na ito, at manatiling nagkakasala at sinasalungat Siya at iba pang mga tao, ay para mo na ring ipinataw sa iyong sarili ang Kanyang apoy (bilang pinili natin para sa ating sarili kaysa Kanya) ay magiging walang hanggan nating kaaway, at ang Pag-ibig, kaysa maging ating kaligayahan, ay magiging kaparusahan at ating pagkawasak.
   Kapag nadarama at minamahal natin ang kalooban ng Diyos; matatagpuan natin sa Kanya ang sarili Niyang kaligayahan sa lahat ng mga bagay. Subalit kung tayo ay kumakalaban sa Diyos, at ito, ay ang higit nating minamahal ang ating mga sarili kaysa Kanya, lahat ng nakikita at nahahawakan mo ay iyong magiging mga kaaway.
   Alalahanin lamang sa tuwina: Hindi tayo ang pumipili na gisingin ang ating mga sarili, kundi ang Diyos na Siyang pumipili na gisingin tayo.

   Ang Kaluwalhatian ng tao ay ipinangaral ni Hesus, subalit magpahanggang ngayon, ang tao ay lumilitaw sa diwa ng separasyon mula sa Diyos. Magdarasal siya sa Diyos, na nakikipag-usap siya sa Diyos, at tumanggap ng tulong at patnubay mula sa Kanya. Itinatalaga na ang Diyos ay laging “naroon sa labas” at ang tao ay “narito sa ibaba.” Magkahiwalay at walang ugnayan ang nakapaloob dito. Patuloy ang paniniwalang ang Diyos na ito ay nakasuot ng puting-puti damit at nakaupo sa trono, may hawak na listahan at lahat ng iyong mga pagkakamali ay inililista para sa darating na paghuhukom. Walang katotohanan ito at ginagawa lamang na pananakot.

   Alam ngayon ni Hesus kung ano ang ipinapahiwatig sa Mga Awit nang sabihin Niya, “Magsitigil, at kilalanin na Ako ay ang Diyos.”     Mga Awit 46:10 KJV   
   Alam Niya ngayon na ang sarili Niya ang tagahayag ng Diyos, o ang lahat ng may kinalaman sa Diyos. Alam niya ang “Kaharian ng Diyos, ang kayamanan ng sansinukob, ay nasa kalalimang potensiyal na nasa kanyang kaibuturan, nang gawin niyang lumitaw sa ilog Jordan at bininyagan ni Juan  (Mateo 3:13 KJV), itinalaga ang Kanyang sarili na mahusay na maestro at may kamangha-manghang mensahe na  Ang Kaharian ng Diyos ay nasa kaibuturan mo.”  Si Hesus ay nasa puso natin, at lahat ng ating kaganapan ay dito magsisimula.

    Wala ng iba pang isasaloob kundi ang pananampalataya, ang susi sa buong sansinukob. Ang madama ang Dakilang Ispirito at pagindapatin ang iyong Kaluwalhatian. Ang tunay na kahulugan ng iyong pagkakalitaw sa mundo, ang mga kasagutan sa mga katanungan, na kung saan ang kaligayahan ay nakasalalay at hindi mararating sa iba pang mga kaparaanan.
 (Pakibasa lamang ang Ikaw ang Ispirito Mo, 24 Abril/12)

   Ang iyong nakatakdang kaganapan ay nasa iyong KALUWALHATIAN.               

   Huwag mag-atubili, hanapin at tuklasin mula ngayon kung sino ka at ang iyong Ispirito.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


No comments:

Post a Comment