Pabatid Tanaw

Thursday, March 08, 2012

Reyalidad ang Batayan sa Buhay



Ang Katotohanan ang nagpapalaya,
   Hindi ang iyong masidhing hangarin na makalaya.

KATOTOHANAN (Truth)

Ang ating mga ninuno ay nagwika, na mayroong dalawang uri ng "gutom."
Mayroong isang Malaking Gutom at may isang Munting Gutom.
Ang Munting Gutom ay nais ng pagkain para sa sikmura;
datapwa't ang Malaking Gutom,
ang pinakadakilang kagutuman sa lahat, ay ang gutom
para sa makahulugan, makabuluhan . . .
at KATOTOHANAN.

   Marami na sa ating ngayon ang mahilig sa mga pantasya at mga ilusyon. Sa tagal ng mga sandaling inuubos at pagbabad sa mga panoorin at umaaliw na mga libangan; nakakalimutan na ang mga reyalidad o tamang mga gawain sa buhay. Anumang iyong kinagigiliwan, kinahuhumalingan, at patuloy na kinasasanayan; sa bandang huli ay ang iyong kabubuang reyalidad.
    Bawa’t bagay na itinanim o hinayaang mangibababaw sa pag-iisip, at nag-ugat ito, ay siya mong magiging katotohanan. Ito'y magsisimulang lumaki, mamumulaklak at magiging mga salita na siyang magpapakilos ng mga pangyayari at pagkakataon. Ang mabuting kaisipan ay magbubunga ng mabuti, subalit ang masamang kaisipan ay magbubunga ng masama. Ito ang katotohanan: ang mabuting kaisipan at kabutihan, kailanma'y hindi magbubunga ng masamang resulta; at ang masamang kaisipan at kabuktutan, kailanman ay hindi magbubunga ng mabuting resulta. Batas ito na hindi kailanman mababali.

      “Totoo ka na ba?”
      “Kapag nakita, nahipo, at naranasan ko; maniniwala akong katotohanan ito.”
      “Hangga’t hindi ginagawa, pawang komentaryo lamang ito, at walang katotohanan!”
      “Buntot mo, hila mo; ang iyong pag-unlad, ay nasa dulo ng mga kamay mo. Ito ang totoo.”

   Ang katotohanan ay sakdal, hindi ito kailanman mapapasubalian, ito’y mapanghahawakan, at pandaigdigang tinatanggap. Isang bagay na lubos na totoo kahit saan mang panig ng mundo ikaw ay naroon at sinuman ang mangusap nito, tulad ng 2 + 2 = 4, kahit saan ka magpunta makukuha mo ang parehong kasagutan, kaya nga ito tinaguriang pangkalahatang katotohanan.

  Ang katotohanan ay hindi tayo nahahalina ng kung ano ang ating nais, bagkus kung ano ang mayroon ito. 

Ano ang kahulugan ng Katotohanan? Isa itong ideya na sumasang-ayon sa reyalidad. Isang pagpapatibay sa tunay na naganap, kaganapan, at magaganap; eksaktong naaayon dito na ito, o sa dati, at sa magiging batay na katibayan at reyalidad: Ang malinaw na reyalidad ay kung saan ang kaganapan ay hindi mapagdududahan, hindi maipagkakaila, at hindi mapapasubalian.
   Ang katagang katotohanan ay isang kaisipan na nagbibigay liwanag sa isang reyalidad; tulad ng mapa, kung ano, saan, at paano ang nagaganap na reyalidad.
   Ang pangungusap na, “Ang kapighatian ay nangyayari” (isang kaisipan, ideya, proposisiyon o konsepto) ay hindi mismong kapighatian. Ang kapighatian ang reyalidad; at ang pangungusap na ‘”ang kapighatian ay nangyayari” ang siyang katotohanan na umaayon sa reyalidad na ito. Tandaan lamang na kung gaano ang tindi nang iyong pagtuon, ganoon din ang katumbas na reyalidad.
   Bagama’t ang katagang ‘katotohanan” ay hindi maipapaliwanag nang lubusan, hindi naman ito maikakaila na kahit hindi maipaliwanag na uri ng katotohanan, ay kailangang mangyari. At kailangan na posibleng malaman ang ultimong katotohanan na ito. Ang lubos na katotohanan ay isang liwanag na tumutugon sa Kaluwalhatian o Ispirituwal na Reyalidad.

13 Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Iyo
 Bakit nababanggit na ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo? Ang mga tao ay laging pinarurusahan at itinatakwil kapag nagsasabi ng totoo. Karamihan sa kanila ay pinapatay pa; katulad ni Hesukristo, Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, Macario Sakay, at maraming iba pa na nagpahayag ng katotohanan. Subalit "Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo," ay hindi kahulugan ng isang pangaral na praktikal. Mayroon itong bahid ng ispiritwal na intensiyon sa likod ng mga kataga nito, na nagsasabi ng esensiya nito, "Hindi mo mapapalaya ang iyong sarili, subalit ang katotohanan ay magagawa ito."
   Ang katotohanan na nagpapahirap sa ating mga puso. Sa bawa't pakikibaka sa buhay, ang katotohanan ay nakikipag-usap sa atin; ipinapaliwanag nito kung anong tunay na anyo ng bawa't bagay, relasyon, at mga pagkakataon, hindi kailanman, o para sa lahat ng tao, datapwa't sa mga sandaling ito na tayo ay nag-iisa, pinupukaw nito ang ating kamalayan. Ang kagyat na pagdaloy ng malay ay kailangang pahalagahan kung nagnanais mong makalaya. Mahirap ang magpakabuti at madali ang gumawa ng mga kamalian. Sa kabutihan, ibayong disiplina ang kailangan upang mapanatili ang katotohanan.
   Umiiral ang kasinungalingan kung walang katotohanan. Bawa’t isa sa atin ay may kanya-kanyang mga problema. Kung may kamalayan tayo sa mga alalahaning ito, magagawa nating mabatid ang ating mga sarili. Dahil kung hindi natin ito gagawin, pawang kapighatian lamang sa buhay ang ating haharapin. Maaari nating sagutin ang mga ito upang mabatid ang katotohanan, sapagkat para malunasan, kailangang mabatid ang mga kadahilanan. Isang praktikal na hakbang na magkaroon ng malinaw na unawaan kung papaano maiintindihan at ipapaliwanag ang katotohanan, bago magkaroon ng matinding pagtutol kung anong mga elemento o antas ang tatanggapin sa simula pa lamang. Ito ay upang maiwasan ang mga walang saysay na hindi pagkakaunawaan bago ito lumala pa.

   Tanungin ang sarili:
      Ako ba ay tamad at mapili sa mga gagawin? Bakit?
      Wala bang kaayusan ang aking buhay? Walang direksiyon? Bakit?
      Bakit madali akong magalit? Kailan ito nangyayari at kanino?
      Bakit lagi akong nangangatwiran at may dahilan? Sino ang tunay na ipinagtatanggol ko?
      Bakit at anong mga bagay ang aking pinagseselosan? Kinaiinggitan?
      Bakit ako palalo at mahilig na magyabang?
      Palaging nahihirapan akong magpasiya kung ano ang tama at mali? Bakit?
      Bakit hindi ko magawang magkusa at laging naghihintay na utusan ng iba?
      Wala ba akong pagtitiwala at disiplina sa aking sarili? Bakit?
      Karamihan sa aking mga pangako ay laging napapako? Bakit?
     
    Sa buhay, kailangan natin ang magpakatao, at kumilos ng makatao. At ito’y ang maging totoo sa ating mga pakikipagrelasyon. Kung may intensiyong masama o hangaring makapinsala sa kapwa; gaano man natin ito ikubli at itago, lilitaw itong kusa sa ating mga salita at ikinikilos. “Ang isda ay nahuhuli sa bibig.” “Nasa iyong mga gawa, ang pagkatao mo’y nililikha.” Kung pawang katotohanan ang sumasaiyo, ang mga resulta nito’y tahasang nagpapatotoo!
      Magbulay-bulay nang malaman ang malaking kaibahan. Ang praktikal na kaibahan upang magawa nating may sapat tayong pang-unawa sa mga totoong kaisipan o ideya ang siyang tunay na kahulugan ng Katotohanan, dahil ang buong tunay na kasagutan ay nakapaloob dito. Ang mga totoong ideya ay yaong nagagawa nating namnamin, tiyakin, ikatuwiran, may katibayan, at mapapatunayan. Samantalang ang mga maling ideya ay yaong kawalan ng alinman sa mga ito. Batay sa ating mga naging karanasan, at mga kinalabasan nito kung nakabuti o nakasama, nagkakaroon tayo ng mga katibayang mapanghahawakan kung may katotohanan o hindi; ang isang bagay, sitwasyon, o pangyayari. Sakaliman na may pagtutol dito, hindi pa nila nararanasan ang totoong nangyari sa iyo upang tanggapin nila ito.

 Mga Hayagang Katotohanan
1-May mga situwasyon na kailangang harapin ang simpleng katotohanan na kami ay nabigo.
2-Ang kanilang mga paliwanag ay napaksimple ngunit may bahid ng katotohanan.
3-Ang artikulong ito ay nagpapahayag ng katotohanan tungkol sa pandaigdigang kahirapan.
4-Sa kanyang pagsasaliksik, napatunayan niya na may katotohanan ang mga ibinibintang sa nasasakdal.
5-Ang kanyang salaysay ay may ilang katotohanan, at mayroon ding maraming palabok at kalabisan.
6-Kung wala itong katotohanan, ano ang saysay nito para pag-aksayahan natin ng panahon?
7-Sumusumpa ka bang magsasabi ng buong katotohanan, walang ng iba pa, at pawang katotohanan lamang?

 Ang magandang kapalaran ay dumaratal doon sa mga masikhay. Ang reyalidad ay bunga lamang ng iyong saloobin. Nakapaloob dito kung ano ang iyong mga lunggati at ninanasa sa buhay. Dahil ito ang nag-uutos, nagpapatakbo at nagpapatigil sa iyo kung tama o mali ang iyong mga paraang ginagamit. Kung wala kang kabatiran sa iyong mga naisin at patutunguhan upang makuha ito, ay walang saysay kahit bilisan mo pa ang takbo mo. At gaano mang kasipagan ang ituon mo; kung hindi ka masikhay at masinop sa paggawa nito, walang katuturan ang ibubunga nito.
    Nagiging makatao tayo kung ihihinto ang mga karaingan at kasakitan sa sarili, at simulang tuklasin ang mga katotohanan na siyang nagpapaikot sa takbo ng ating buhay. Kung maiwawasto ang ating kaisipan na isipin lamang ang makakabuti at makabuluhan para sa atin, hindi natin magagawang manisi at pagbintangan ang iba sa kalagayang ating kinasadlakan. Magagawa natin na maging matatag at marangal kung gagamitin natin sa kabutihan, kaunlaran, at kaligayahan ang kapangyarihan, talento, at mga posibilidad na mayroon tayo. Mabuhay sa reyalidad at panatilihing tunay ang mga pagkilos. Hanapin ang katotohanan sa likod ng mga balatkayo at pagkukunwari na mga nakakaharap.
   Ang pruweba ng katotohanang ito ay nasa bawa’t tao, kung kaya’t kailangang tanggapin ang madaling pagtuklas na pakalimiin na makilala ang sarili. Hayaang palitan at mabago ang kaisipan, at masusumpungan ang mabilis na transpormasyon na kailangan sa makamundong buhay na ating ginagalawan. Ang patuloy na pagtitiwala, matapat na pagkilos, mabuting pakikitungo sa kapwa, dalisay at mapanghahawakang mga salita ay mga katangian ng totoong pagkatao.

Kung buhay mo’y katotohanan ang tinataglay sa bawa’t araw, hindi mo ikakatakot ang kinabukasan, at maging ikakahiya ang nakaraan.

Alin ang totoo?
-Magmahalan sa isa’t-isa. Sino ang higit na may kontrol; ang iyong isip o ang iyong puso?
-Hindi ko kailangan ang kaibigan na ngumingiti kapag ako’y ngumingiti; na umiiyak kapag ako’y umiiyak, dahil ang repleksiyon ko sa tubig ay nagagawa itong higit na mahusay pa kaysa kanya.
-Kailanman na ikaw ay nahaharap sa isang pagpili, isang kapasiyahan o isang pagkakataon, ang piliin mo’y yaong nagpapaalab ng iyong pasiyon.
Tandaan: walang mga pagkakamali, mga pagtuturo lamang.
Ang paggalang ay siyang pundasyon sa bawa’t pakikipagrelasyon.

14  Ang Landas sa Paglaya
   Pakiramdamang mabuti ang iyong mga emosyon. Magkaroon ng batayan sa iyong damdamin. Masaya? Malungkot? Nagmamahal? Nagagalit? Nasisiyahan? Nabubugnot? Ang iyong mga saloobing ito ang siyang sukatan kung ano ang naghahari sa iyong kalooban. Tulad ito ng temperatura na nagbabadya kung ikaw ay may karamdaman, at namamalayan ito upang malunasan. Alamin kung ano ang gumugulo sa iyong kaisipan. Sino o ano ang lumilikha nito? Ito ba’y nanggagaling sa iyo o mula sa iba, bagay, o situwasyon? Kilalaning mabuti; kung may kabatiran ka, magagawa mo itong iwasan, supilin, at lunasan.

Simulang sumisid sa kaibuturan ng iyong puso.
    -1 Sundin ang daloy ng iyong kamalayan nang makita ang katotohanan.
    -2 Huwag tutulan kung ano ang nangyayari sa kalooban.
    -3 Buksan ang kaisipan sa mga hindi maintindihan.
    -4 Huwag kontrolin, supilin o ipagkait ang anumang iyong nadarama.
    -5 Apuhapin ang anumang nagpapakislot sa iyong guni-guni.
    -6 Maging wagas, at laging bigkasin ang iyong katotohanan.
    -7 Hayaan ang iyong kabatiran na maging iyong katotohanan.

Gawin ang sarili na matalik mong kaibigan, hindi nang iyong masahol na kaaway. Walang sinumang gagalang sa iyo, kung wala kang paggalang sa sarili mo. Hangga't wala kang pag-ibig sa iyong sarili, hindi mo magagawang umibig ng iba. Yaon lamang na mayroon ka ang magagawa mong maibigay. Kapag ipinamumuhay mo ang katotohanan ng isang reyalidad, bawa't sekreto na nasa iyo ay kusang nahahayag nang walang pagtutol. Kung ano ang iyong ginagawa at ipinapakita, ito ang batayan ng iba upang makilala ka.
   Ang aking buhay ay bahagi ng bawa't buhay ng iba: Ang aking koneksiyon sa lahat ng may buhay ang nagpapatunay na wala akong kaaway. 

15  Ang Sukatan ng Katotohanan
      -1 Mayroon kang matayog na layunin.
      -2 Patuloy ang ugnayan mo sa kabubuan ng buhay.
      -3 Ang iyong kamalayan ay laging nakabukas para magbago. Sa paglipas ng mga sandali, nadarama nito
     ang matuling pagbabago ng mga bagay sa iyong kapaligiran.
     -4 Nadarama mo ang malugod na pagtanggap mula sa iba bilang kapantay, nang walang paghatol o panunuri.
      -5 Sinasamantala mo ang bawa't pagkakataon nang may panibagong lakas na makalikha, hindi nakakapit at pinasusunod ng mga luma at wala na sa panahong kabatiran.
      -6 Batid mo ang iyong katauhan ay inaaruga at may patnubay ka ng mga indayog ng pagkalinga ng sansinukob. Nadarama mong ikaw ay ligtas at pinagyayaman.
      -7 Ang ideya mo ng kahusayan at kagalingan, ay hayaan ang daloy ng buhay na ipagkaloob sa iyo ang iyong mga pangangailangan at kaligayahan. Ang mga karahasan, pagsupil, at matinding pakikibaka ay hindi mo mga kaparaanan.
     -8 Nadarama mo ang kamalayan ng koneksiyon at patuloy kang lumalapit sa iyong pinagmulan.
     -9 Itinalaga mo na ang magbigay bilang pinanggagalingang lahat ng iyong kasaganaan.
   -10 Nakikita mo ang lahat ng pagbabago, ang matiwasay at masalimoot, ang kaligayahan at kapighatian, pati kapanganakan at kamatayan. Ang mga ito ang nagpapatotoo na anumang hindi nagbabago ay siyang higit na Katotohanan sa iyo.

Yaong mga hindi nakikita ang higit na pinakamahalaga. Mababatid mo ito kung magagawa mong masagot ang mga ito:
     Ano ang kahulugan ng iyong pagkakalitaw sa mundo?
     Ano ang mabuti tungkol sa iyong buhay?
     Ano ang iyong nadarama tungkol sa sangkatauhan?
    Sa iyong pang-unawa, ano ang tama at mali sa iyo?
    Mayroon ka bang kapasiyahan na piliin ang tama? Nagagamit mo ba ito sa tuwina?
    Ano ang nagpapalungkot sa iyo? Tama ba ang maging malungkot?
    Nananalig ka ba sa mga hindi nakikita? Maging tungkol sa Diyos?
    Ipinagmamalaki mo ba ang kinaaaniban mong relihiyon, kung mayroon ka man?
    Papaano mo isinasakatuparan na maging katotohanan ang iyong mga iniisip?
    Matatanggap mo bang paratangan kang huwad at hindi tunay na Pilipino?
   
 Alamin kung kailan kikilos, at alamin kung kailan hihinto. Ang ating mga pagkilos ay nagtatagumpay kung  ito’y malinaw at sadyang ating hinahangad; kung hilaw at may kalabuan, huwag nang ituloy at masasayang lamang ang mga pagpapagod dito. Hangga’t pawang pantasya ang kinahuhumalingan mo, walang katotohanan na iiral sa iyo. Ang pagyabong ng iyong kamalayan ay nagsisimula sa iyong kaisipan, ngunit ang iyong mga kabatiran ang siyang magpapasiya ng mga katotohanan. Tanggapin na ang mga problema at mga sakuna ay hindi maiiwasan, subalit magagawa mong paghandaan. Kung wala kang malay at mga paghahanda, mananatili kang biktima at laging nakaabang sa sakuna. Malalaman mo ang katotohanan kung matapat ka sa iyong sarili. Ang iyong mga emosyon at saloobin ay makapangyarihang puwersa para sa iyong tagumpay, alamin ang mga ito at pagyamanin. Kung batid mo ang iyong bagabag, ito ang simula para ito malunasan. Ang susi sa kabatiran ay hayaan ang katotohanan na siyang maghari sa iyong kalooban. Dahil hindi mo magagawang maghintay nang matagal na makilala ang iyong sarili, dahil ikaw ang nakakawiling tao na iyong makikilala.  
   Bago ka magalit o maging marahas, unahin mo munang pagalitan ang iyong sarili. Dahil sa iyong reaksiyon, ang isang problema ay pinoproblema upang maging mabigat na problema. Imposibleng magalit ka sa isang tao; dahil kahit na sinuman ay may kakayahang magalit, bakit nga ba hindi, at madali ito, subalit ang magalit nang tuwiran sa tamang tao, sa tamang pagkakataon, sa tamang panahon, sa tamang layunin, at nasa tamang paraan – at ito’y naaayon sa iyong tamang kagustuhan ay hindi madaling gawin.

Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. (Juan 14:6) KJV

16 Ang Walang Hanggang Lunggati 
    Kung nagagawa nating paghandaan ang isang karaniwang piknik at anumang okasyon, higit na mabuti ang paghandaan at planuhin din ang ating buhay. Ang kabatiran sa ating pagkatao ay mahalaga. Anumang kaisipan ang ating itinutuon dito, ay siyang magaganap. At lahat ng nangyayari sa buhay na ito ay hindi mga pagkakataon lamang, bagkus ay bunsod ng ating iniisip. Hindi tayo biglang sumingaw o nagkataon lamang. At lalong walang katotohanan na tayo ay biktima ng mga pagkakataon. Tayo mismo ang lumilikha nito katulad ng ating iniisip. Mistulang batu-balani ang ating kabatiran na humahalina at humihikayat ng mga kaganapan, at tumutulong ang mga tao na makarating ka sa iyong patutunguhan.
   Maging malikhain at gawin ang lahat ng makakaya. Anumang lunggati o adhikaing nabuo sa iyong kaisipan, ang kaluwalhatiang lumulukob dito ang siyang maghahari sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ang magtatag at bubuo ng buhay na iyong minimithi, at ito ang mismong katauhan na mangyayari sa iyo. Nasa iyong kapangyarihan na likhain ito ayon sa tunay na pagkataong hangad mong gampanan.


   Hindi isang pagkakataon na sa ating wika, ang totoo ay true sa wikang Inggles. Parehong may letrang t sa unahan ng mga kataga, at sinasagisag ang kurus.

ANG KATOTOHANAN
Kung ano ang nakikita ay hindi siyang Katotohanan;
Hindi ito magagawang bigkasin o punahin man.
Ang pagtitiwala ay hindi nakakamtan nang walang nakikita;
Maging maunawaan nang walang mga bulong o dikta.
Ang mga pantas ay nababatid nang may kaalaman;
Sa mga mangmang ito’y isang pagkamanghang lubusan.
May sumasamba sa Panginoong walang hubog;
Ang iba nama’y sa magkakaibang mga anyo dumudulog.
Nasaan ba Siya sa kabila ng mga pagkakakilanlang ito;
Ang may Kabatiran lamang ang sadyang nakakaalam.
Na ang musika ay hindi maisusulat;
Papaano kung gayon ito maririnig at makakatugon,
Ang Katotohanan ang siya lamang mangingibabaw sa ilusyon.

“Sinuman na kailanman ay nasa kanya ang Aking mga Kautusan at sinusunod niya ito ay nagmamahal sa Akin. At siya na nagmamahal sa Akin ay mamahalin ng Aking Ama, at Aking mamahalin siya at Ako’y magpapakita sa kanya.” 

Ang kalikasan ng Katotohanan. Sa simula ay tinatanggap natin na wala tayong sapat o lubos na kahulugan para sa katagang katotohanan. Subalit kailngan natin na gamitin ang katagang ito para maipaliwanag. Kung kaya’t wala na tayong mapagpipilian pa kundi magsimula sa konseptong kusang naiisip nating tungkol sa katotohanan:
   1-Ang Katotohanan ay Nananatili
   2-Ang Katotohanan ay Hindi Nagbabago
   3-Ang Katotohanan ay Eternal
   4-Ang Katotohanan ay Ispirituwal
   5-Ang Katotohanan ay Superyor kaysa Isip ng Tao
   6-Ang Katotohanan ay hindi tungkulin ng Espasyo, Panahon, o Bagay
   7-Ang Katotohanan ay Diyos

   Nakita, naramdaman, naranasan at napaglimi  natin na ang katotohanan ay siyang nakapangyayari sa lahat. at ang makapangyarihang Diyos lamang ang may mga atribusyong tulad nito. Kung papalitan nating ang katagang “Katotohanan” ng dakilang kataga na “Diyos” ay mapapansin natin na:
   1-Ang Diyos ay Nananatili
   2-Ang Diyos ay Hindi Nagbabago.
   3-Ang Diyos ay Eternal.
   4-Ang Diyos ay Ispirituwal
   5-Ang Diyos ay Superyor kaysa Isip ng Tao
   6-Ang Diyos ay hindi tungkulin ng Espasyo, Panahon, o Bagay.
   7-Ang Diyos at Katotohanan ay iisa

Ang mga atribusyong ito ay mailalapat na magkapantay ng Katotohanan at Diyos,
ay tanging Diyos at Katotohanan.
Ang Katotohanan at Diyos ay magkatulad.
Hindi kahalintulad ng ibang mga banal na atribusyon,
Ang Katotohanan at Diyos ay maaaring pagpalitin:
Ang Katotohanan ay Diyos. Ang Diyos ay Katotohanan.

Ang tunay na mga proposisyon ay tungkol sa Diyos.
Sa katunayan, ang mabatid ang Katotohanan ay ang mabatid ang Diyos.
Ang matuwid na landas ang siyang Katotohanan. At ang Katotohanan ay ang Diyos.
Kung kaya nga, kung inaalam ang Katotohanan ay nanaig ang Kaluwalhatian ng Diyos.

Ang Katotohanan ay Kaalaman sa Diyos.

>Ang Katotohanan ay naipaliwanag.<
Ang Katotohanan ay Diyos.

Ang mga totoong pangungusap ay tungkol sa Diyos lamang.
Ang mabatid ang Katotohanan ay ang mabatid ang Diyos.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment