Pabatid Tanaw

Friday, March 02, 2012

Ang Kaligayahan ay Nasa Puso Mo


Humayo at makisama. Makibahagi. Ngumiti. Yumakap. Magmahal. Magpasaya. Ang Kaligayahan ay tulad ng pabango; hindi mo ito maihahaplos sa iba nang hindi ka mapapabanguhan nito.

KALIGAYAHAN (Joy)  
   Lahat tayo ay nagnanais na sumaya. At sa araw-araw ay magagawa natin na maging masaya. Nasa ating pagpili lamang ito kung masusupil natin ang ating mga saloobin; ito ang lumilikha ng mga damdaming nagpapasaya at nagpapalungkot sa atin. Mula sa isang kislap ng isip, nagkakamalay tayo, inaalam ito hanggang sa mabatid, at kung mabuti ito, maligaya tayo, at ito ang katotohanan na pumapayapa sa atinng kalooban upang makamit ang kaluwalhatian.
   Sa bawa’t pagtitipon at ugnayan ng mga tao ay mayroong mga pagkilos, at mula dito ay may mga resulta, at kung anong tindi ng pagkilos ay siya ring katumbas na resulta. Hindi ito basta nagkataon. Ang mga ‘regalo’ kapangyarihan, materyal na mga bagay, kamalayan, at kabatiran ay sanhi at naging bunga ng mga pagkilos na ito. Sila ay mga kaisipang nabuo, mga bagay na nakuha o napagtagumpayan, at mga pangarap na naging makatotohanan. Kapag naisagawa natin ang ating iniisip at nagtagumpay tayo, ito ang nagpapaligaya sa atin.
   Karamihan sa atin, ang kaligayahan ay parang lumilipad at panandalian, sapagkat hinahayaan nilang maghari ang mga pagkakataon na maapektuhan ang kanilang kamalayan. Isa sa mabisang mga kaparaanan na mapanatili ito, ay makamtan ang kapayapaan ng kalooban sa meditasyon o taimtim na paglilimi sa araw-araw. Kapag ang kamalayan ay may kapayapaan, madali nang piliin at sanayin ang sarili na maging maligaya sa tuwina.

    “Masaya o maligaya ka ba?”
   “Kaligayahan ko na ang makita kitang masaya.”
   “Siya na may mabuting hangarin, ay maligaya sa tuwina.”
   “Ako’y maligaya; sapagkat kinawilihan ko na ang magpaligaya!”

Magagawa mong magkaroon ng lahat ng bagay, subalit patuloy din ang iyong mga kapighatian; at maaaring ding salat ka sa maraming bagay subalit nadarama mong mayaman ka. Ang Kaligayahan mo ay nasa kamalayan mo. Kailangan lamang mabatid kung kailan ito namamalayan.  Una, hindi ito nakukuha sa iyong mga tagumpay o nakamtang mga bagay, dahil panandalian lamang ang mga ito, at matapos ang mga palakpak na natanggap o kasiyahan sa pagkakaroon, mababalik kang muli sa dating kalagayan na tulad noong wala pa sa iyo ang mga ito. Tandaan na kailanman ay walang pagkasawa o kasiyahan ang mga tao, laging naghahanap kung ano ang magpapasaya sa kanya, maliban ang tuklasin ang kaligayahang nasa kalooban niya.

AKO AY MALIGAYA
Mayroon lamang akong isang minuto;
At animnapung saglit ang tagal nito,
Ipinilit sa akin at hindi ko matanggihan ito.

Hindi ko ito hinanap at hindi ko rin gusto;
Ako’y mamimighati kung maiwawala ko ito,
Subalit ito’y nasa akin kung gagamitin ko.

Ako’y mag-ulat kapag sinayang at ito’y inabuso;
Kahit na gahanip lamang at munting minuto ito,
Dito naman nakasalalay ang buong-buhay ko.

Buksan ang mga mata sa kagandahan ng paligid;
At magkamalay sa misteryo ng buhay,
Buksan din ang puso doon sa mga mapagmahal.

Na maging huwaran at manatiling may dangal;
Ipangako sa sarili na maging totoo,
Sapagkat dito rin nakasalalay ang kaligayahan ko.


17  Ano ang Kahulugan ng Kaligayahan?
   Ito ang pakiramdam na may kapayapaan sa kalooban at nasisiyahan sa harap ng anumang kaganapan. Kadalasang nararamdaman ito, kapag nakakaranas ng magaan na pakiramdam, walang nakakaligalig, walang nangingibabaw ng mga pangamba o pagkatakot, at ang mga ito’y karaniwang nagaganap kapag nakakagawa tayo ng mga bagay na sadyang ninanasa natin. At kapag nakuha, nagwagi, nakinabang, nagtubo, o nagtagumpay sa isang proyekto o kasunduan na ating pinahahalagahan. Mga situwasyong ito na kaakibat ang mga kamalayang positibo na nagpapaginhawa sa nararamdaman. Hindi ito nagmumula sa nakikita o nahahawakang mga bagay,  bagkus nanggagaling ito sa ating dalisay na kalooban. Hangga’t palagi tayong masaya, ito ang ating ikinaliligaya.

Mabuhay sa bawa’t sandali, at likhain ito ng maganda at maligaya upang mahalagang maalaala.

Ang kaligayahan ay ang iyong kamalayan at kapangyarihan upang mabuhay.
Ang kaligayahan ay hindi isang lunggati sa buhay, bagkus ang pasiglahin ang iyong likas na potensiyal na mapaunlad ang iyong mga katangian.
Ang kaligayahan ay nasa iyong masusing pagtuon na maging masaya sa tuwina.
Ang kaligayahan ay laging tungkol sa ngayon; hindi nakatuon sa nakaraan o maging sa hinaharap.
Ang kaligayahan ay ginagawa nang kusa; at hindi naghihintay sa iba, sa pagkakataon, o sa mangyayari.
Ang kaligayahan ay mga munting mga kabaitan, munting mga kabutihan, munting mga kataga ng pagmamahal, munting pagkalinga sa mga nahihirapan, na laging tumutulong na maging masaya ang lahat.
Ang kaligayahan ay ang makagawa ng kaibahan kahit kaninuman, saanman, kailanman, at magpakailanman.

18  Ang Diwa at ang Kaligayahan
Gumawa ng mga bagay na nagpapasaya sa iyo. At kung mapapanatili, ito ang magpapaligaya sa iyo. Anumang nasa harapan mo ay ginigising ang nasa iyong kalooban. Ang namamayani sa iyong kalooban; ang lumilikha ng iyong emosyon, at mula dito ang iyong mga saloobin, na siya namang nagpapakilos na magampanan mo ang mga ito. Huwag kalimutan na ang kaligayahan ay hindi nanggagaling sa resulta kung anuman ang mayroon ka, bagkus ang kilalanin at pahalagahan ang anumang mayroon sa iyo. Alalahanin: ang mahalagang bagay na iyong hinayaan, kapag nawala ay kahina-hinayang. Ang pagmamahal na napabayaan, ikaw ay iiwanan. Subalit sa paglikha ng mga kasiyahan, ikay ay maliligayahan.

Ang tagumpay ay ang makuha anuman ang iyong nais, ang kaligayahan ay ang maibigan anuman ang iyong nakuha.

19  Kasiyahan at Kaligayahan: Ang Pagkakaiba sa pagitan Nila
   Kung ang kaligayahan ay isang pakiramdam ng kamalayan at ang kasiyahan (pleasure) ay isang pisikal na pagtugon sa isang partikular na imahinasyon o tanawin; tulad ng isang magandang pook na pasyalan, lumilitaw na ang dalawang ito ay tahasang magkaiba. Kung nasisiyahan ako sa pagkain ng kending tsokolate, sa una ay masarap ito, ngunit sa ika-labinlimang kendi, nakakasawa na ito at hindi na kasiya-siya, libre man ito o hindi.
   Ang kasiyahan ay panandailan lamang. Ang punto rito ay ang mismong mga bagay na iniisip nating masisiyahan tayo ay siya mismo ding mga bagay sa bandang huli ang nagpapainis at nakasasawa para sa atin.  Ang mga bagay na ating pinakahahangad na makamtan kadalasan ay hindi natin kailangan. Ang kaligayahan naman ay ang pangkalahatang pakiramdam ng ating katauhan, ang higit na makuntento bilang tao, ang kamalayan sa mga ‘tama at makabuluhan’ tungkol sa buhay. Walang kasiyahan na mapapanatili nang walang hanggan, gaano mang pagkagusto natin dito sa simula. Kapag nawala na ang panghalina nito, magsisimulang muli na humanap tayo ng iba namang makapagpapasaya sa atin. Ang kasiyahan ay isang kailangang sangkap ng kaligayahan. Kung patuloy kang masaya, at napanatili mo ito sa tuwina, ikaw ay magiging maligaya.

Mga akitibidad na nagpapasaya:
-Sariwain ang iyong masasayang sandali.
-Iwasan ang mga kalungkutan at miserableng tao.
-Mag-ayos sa sarili at magsuot ng paboritong damit.
-Hanapin ang makakalunas, at hindi ang mga problema.
-Mamasyal at maglibang na kasama ang mga mahal sa buhay.
-Masiglang umawit at sumayaw na tila walang nakakakita sa iyo.
-Habang kumakain, lasapin ang linamnam ng masarap na pagkain.
-Manood ng mga palabas na may katatawanan at may matututuhan.
-Makipag-ugnayan sa mga matatalik na kaibigan saanman sila naroroon.
-Magsagawa ng kaibahan sa bawa’t araw nang walang hinihintay na kapalit.
-Dumamay at magmalasakit sa mga nangangailangan sa lahat ng pagkakataon.
-Maging matapat at huwaran sa lahat ng karelasyon anuman ang kanilang gulang.

20  Isang Pagtupad sa Pagpili
Kapag nakadarama ka ng ligaya, ipagpatuloy ito sa makabuluhang direksiyon; doon sa katalinuhan, kaunlaran, at paglilingkod. Hindi ang umupo at maglunoy sa kasayahan. Sa kasiglahan na nadarama, lumabas at gumawa ng bagay na pambihira; na higit pang makapagpapasaya sa iyo. Huwag pahintulutan itong maglaho at bumalik sa dati mong balisang pakiramdam. Ang isang paraan para lalo kang lumigaya ay ang maging gising at handa sa mga namamalayang kasiyahan. Dahil kung maganda ang iyong kabatiran dito ay magiging maganda din ito. At ang kagalakan mula dito ang nagpapasigla, nagbibigay ng pag-asa, at nagpapanatili ng iyong Kaligayahan.
   Ang implikasyon ay makabuluhang pananaw. Walang hanggang kasiyahan ang madarama; kung may pagpapahalaga ka sa anumang ipinagkaloob sa iyo. Pinasasalamatan ang lahat ng mga bagay na nasa iyo ngayon; at hindi sa mga bagay na wala pa sa iyo. Hindi lamang ang masiyahan, bagkus ang simpleng kamalayan na ikaw ay may buhay. At ito ang magdudulot sa iyo na magtagumpay sa anumang larangan. Kung wala kang ganap na kabatiran sa nadaramang kasiyahan, mistula lamang itong isang pakiramdam, pangyayari, kasayahan, isang pangarap at ilusyon. Ano ang talagang intensiyon mo? Ano ang magagawa ng isang bagong kotse sa iyo? Ang isang milyong piso? Ang bagong kaibigan? Kung wala ka namang kabatiran sa ikakaligaya mo, walang itong magagawang pagbabago sa iyong buhay. Dahil kapag naluma ang kotse, naubos ang salapi, at nilayuan ka ng kaibigan, ano ang iyong magagawa? Ang magmukmok lamang sa isang sulok, at magalit sa mundo? Subalit kung sa simula pa lamang ay nababatid mo ang tunay na dahilan at direksiyong iyong pupuntahan; ang mga malilit na kasiyahang nakakamit mo ay lumalaki at nagpapanatili ng mga angking kasiyahan na humahantong sa minimithi mong Kaligayahan.
   Ang kaligayahan ay tamang kamalayan sa pagpili; hindi ang dagliang kapasiyahan. At kapag namali ay ibayong sinisisi ang sarili, ang panahon, mga pagkakataon, at maging ang iba na siyang may kagagawan. Kung laging ganito; ipinapako natin ang ating mga sarili sa pagitan ng dalawang magnanakaw: panghihinayang sa nakaraan, at pagkatakot sa hinaharap. Kailangang malinaw na pinipili natin kung ano nakapagbibigay ng kasiyahan sa atin, at masusing pagtuunan kung ito nga nakapagpapaligaya o humahadlang sa kabubuan na makamit natin ang kaligayahan.
   Isang kahungkagan sa buhay na para maramdaman ang kaligayahan kung tinataglay mo ay hanapin muna ito. At kung matagpuan ay doon ka lamang liligaya.  Katuwiran ito ng mga malulungkutin, mga namimighati, at may matitinding galit sa mundo. Gayong ang unang kondisyon ay makakamtan mo lamang ito kung ang iyong buhay ay hitik sa layunin, at nakatuon sa labas ng iyong sarili, at sinusunod ang alab ng iyong puso upang matamo ang iyong kaligayahan.

Ang taong makasalanan 
ay hindi kailanman magiging maligaya.

Maging gising sa kagandahan ng bawa’t sandali. Ang mga paslit ay mayroon nito, tinatamasa ang kasayahan sa tuwina. Ngunit sa dami ng mga pagbabawal ng matatanda, lumalaki ang mga ito na galit din sa mundo. Ang kaligayahan na nasa kanilang kalooban ay patuloy na tinatakpan at ibinibilanggo ng matatandang kaugalian, nakasanayan, maling paniniwala, at mga karanasan ng maraming pakikialam. Piliting hanapin ang tunay na kamalayang ito, buksang muli mula sa kaibuturan ng iyong puso, damahin ang kasiyahang taglay nito at ipadama sa iba upang masumpungan muli ang tunay na ligaya.

Mayroong tanging kaligayahan lamang sa buhay, ito’y ang magmahal at mahalin.

   Iwasan ang mga bagabag at atensiyon sa mga walang katuturan. Ang mga bagabag ay mga problemang umuubos ng iyong mahahalagang sandali na malunasan ito. Ang pag-aaksaya ng gintong panahon ay ang malabis na pagtuon sa malilit na bagay na walang kinalaman sa iyong pag-unlad, katahimikan ng isip, at pagpansin sa iba; maliban sa iyong sarili. Magpasalamat sa mga pagpapala sa iyo, ito ang mainam na panlaban sa pagkabalisa. Ikaw ba ay bulag? Siya, na hindi nakikita ang katotohanan sa kabila ng kapangitan. Sino ang pipi? Siya, na hindi makapagsalita sa kabila ng mga karahasan at pananamantala. Sino ang bingi? Siya, na hindi makarinig sa kabila ng mga sigaw at karaingan ng mga inaapi. Sino ang mahirap? Siya, na nalilito at walang kasiyahan sa dami ng mga ninanasa. Sino ang mayaman? Siya, na masaya sa tuwina at sadyang maligaya sa anumang mayroon sa kanya.
   Ikaw mismo at walang iba, ang kaligayahan mo. Hindi ito hinahanap at hindi matatagpuan; saanman, kaninuman, kailanman; maliban sa iyong sarili. Nasa iyo ito, apuhapin mo sa iyong kalooban. Sa gulang mo ngayon, may kabatiran ka na, kung ano ang nagpapasaya sa iyo sa tuwina. Luminya ka at walang trapik dito, na pagtuunan mo ito ng ibayong pansin at hindi ka mabibigong makamit ang iyong kaligayahan. Hanapin lamang ang mga gawain na kapag iyong ginagawa ay pinasasaya ka at naging libangan mo na. Kahit hindi ka bayaran ay gagawin mo pa rin ito. Sakalimang may suweldo kang matatanggap, bonus na lamang ito para sa iyo. At habang nalilibang ka at sumasaya, ito ang nagpapaligaya sa iyo.

Mga Hakbang Upang Maging Maligaya
1-Magkaroon ng bagong pananaw, at sanayin ang sarili na laging maligaya.
2-Palitan at iwasto ang mga katagang binibigkas; yaon lamang nagpapaligaya.
3-Mabuhay na laging maligaya sa kasalukuyan, hindi sa nakaraan at sa hinaharap.
4-Magpasalamat nang may ligaya sa lahat ng bagay, sitwasyon, at mga pangyayari.
5-Tuklasin at ipahayag sa tuwina ang kaligayahang nadarama.
6-Panatilihin ang kaligayahan sa iyong dakilang layunin.
7-Pangalagaan ang iyong kalusugan para sa iyong kaligayahan.
8-Magmahal at magpaligaya sa lahat ng iyong mga karelasyon.
9-Pagyamanin ang sarili at pahalagahan sa araw-araw ang iyong mga katangian at potensiyal.
10-Taimtim na magdasal at humingi ng patnubay para sa iyong ikakaligaya.

Kapag may kabatiran ka sa kung ano ang iyong iniisip, kung ano ang iyong binibigkas, at kung ano ang iyong ginagawa ay magkakatugma; magiging maligaya ka.

    Mapili ka ba sa mga nakikita mo? Kung ikaw ba'y nakakakita ng mga karahasan, o nakakapanood ng mga kalaswaan at mga gawaing hindi kanais-nais, ipinagpapatuloy mo ba ito para malibang at aliwin ang iyong sarili? Ito ba ang mga nagpapasaya sa iyo? At kung ito nga; ang mga bagabag at pagkatakot na namamayani sa iyo ay mga bunga o resulta ng mga ito. Walang kapayapaang maghahari sa iyong kalooban, kundi pawang kamunduhan at panandaliang kalayawan. 
   At kung ang hilig mo naman ay pawang makabuluhang panoorin, pagpapaunlad sa sarili, pagsasaayos ng iyong buhay, at malugod na makapaglingkod sa kapwa; Mabuhay ka! Ang mga katulad mo ay isang kaligayahang maituturing ng iyong kapwa.   
    Panatilihin ang iyong kamalayan na siyang nasusunod. Ang iyong kabatiran sa bagay na ito ang siyang “kapitan ng iyong barko, at maestro ng iyong kaluluwa.” Ginigising ka nito kapag mahimbing ka sa iyong pagtulog; ang pagsupil sa iyong sarili ang siya mong kalakasan; ang tama at dalisay na kabatiran ay iyong kagalingan; at ang iyong mahinahon at matalinong pangmasid sa lahat ng kaganapan ay ang iyong katotohanan. Kapag natitigatig, laging isipin ay yaong mga nagawa; at limutin ang hindi mga nagawa. Ingatan ang iyong iniisip, kapag nahuli mo itong inaaliw ang mga negatibo, kamunduhan, at masasamang gawain, mabilis na palitan ito at isipin lamang yaon nakakasiya at makabuluhan. Laging asahan na may kaligayahang idudulot ito.

Ang kalidad ng aking mga relasyon at tatag ng aking paglilingkod ay nasusukat sa kaligayahang sumasapuso ko.

    Nagiging masaya tayo kung nabibigyan natin ng kahulugan ang layunin sa buhay at tinututklas ito nang nag-uumalab ang lahat na nasa kaibuturan ng ating puso, ang lahat ng kalakasang mayroon tayo, Nang sa gayon, tayong lahat – lahat ng nakapaligid sa akin at maging ang sarili ko – na malaman ang ating mga sarili na sa katapusan ay nakapamuhay ng maayos at nakagawa ng mahusay, na may kamalayan sa pangkalahatang daloy, na malalim at nanonoot, ang nangingibabaw na makataong pakiramdam, na naipanganak tayo para sa dakilang layunin na ito, at nagawang matupad ito nang MALIGAYA.


Ang Landas sa Kaligayahan
   Ang Kaligayahan ay hindi isang destinasyon na lalakbayin mo, inaari, nakakamit, isinusuot, nagagamit, nauubos o nalulustay. Ang kaligayahan ay isang ispirituwal na karanasan ng buhay sa bawa’t minutong nagmamahal ka, nagmamalasakit , nagpapasalamat, at ipinapahayag mo ang kaluwalhatian ng Dakilang Lumikha.
   Kailangan lamang na magsanay na panatilihin ang Kaligayahan upang makapagdulot ng matiwasay na kapakinabangan sa buhay. 


   Kinagigiliwan ko ang maging masaya kapag nagpasiya akong maging masayahin; at nalalaman ko  na walang hanggan kung gaano ako lalong sumasaya ---at ito’y tunay namang kasiya-siya at Kaligayahan ko sa tuwina.

KAILANGANG AKO ANG KALIGAYAHAN
   NA HINAHANGAD KONG MAKITA SA MUNDO.

Maglakbay sa sarili mong landas kasama
Ang Pananalig ng Kaligayahan

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay aking likas na karapatan,
   at lalong higit na aking responsibilidad;
     at isakatuparan kong marubdob na angkinin ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay nasa kaibuturan ng aking puso;
   at isakatuparan kong tuwiran na pagbuksan ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay narito at nagpapakilala;
   at isakatuparan kong tuluyan na magising ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang pagpili;
   at isakatuparan kong matiyaga na piliin ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang ugali;
   at isakatuparan kong tahasan na pagyamanin ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay malaya,
   tulad ng makulay na bahaghari, silahis ng araw, at ihip ng hangin;
     at isakatuparan kong masigla na ipagdiwang ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay kinakawayan ako,
   kahit na anupamang abala ang ginagawa ng iba;
     at isakatuparan kong masikhay na likhain ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang gawaing pansarili,
   hindi nakaasa sa salapi, katanyagan, mga palakpak, o mga ari-arian;
    at isakatuparan kong huwaran na ipamuhay ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay
   isang saloobin ng pagpapasalamat;
     at isakatuparan ko na laging magiliw magpasalamat.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang pagkilos;
   At isakatuparan kong lubos na magawa ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay nakakahawa;
   at isakatuparan kong magiliw na maibahagi ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan ay isang dalangin,
   na ipinagkakaisa sa galaw ng sansinukob;
     at isakatuparan ko na walang pagmamaliw na ipagkaloob ito.

Ako’y naniniwala na ang kaligayahan
   ay ang aking ginagampanang tungkulin -------

NA AKO . . .
   ANG KAILANGANG  
      KALIGAYAHAN NA HINAHANGAD
         KONG MAKITA SA MUNDO.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment