Pabatid Tanaw

Thursday, February 16, 2012

Paglalakbay sa Buhay


 
   Ang buhay ay isang paglalakbay, nagsimula ito nang ikaw ay ipanganak. Tulad ng isang aklat, mayroon itong simula at katapusan. Sa pagitan nito ay maraming kabanata. Mayroong masaya, may malungkot, may trahedya, may katatawanan, may kasiyahan, at mayroong ding angking kaligayahan. Anupa’t halos lahat ng maaaring madama ayon sa ating hangarin at saloobin ay mararanasan.

   Marami na ring naisulat na mga paraan at panuntunan, na kailangang isapuso at tuparin upang magtagumpay sa buhay nang hindi mapapahamak. 

  Una sa lahat,  kailangang matiyaga na pinag-aaralan ang lahat tungkol sa iyong sarili. Sapagkat kung wala kang kabatiran tungkol dito, wala kang tuwirang mauumpisahan. Mananatili kang paikot-ikot, patama-tama na walang malinaw na patutunguhan. Nakapaloob dito na pagyamanin ang iyong kahalagahan at mahahalaga sa iyo, mga prinsipyo, at integridad. Ito ang kabubuan ng iyong pagkatao. Kapag nagawa mo ito, mayroon kang sapat na pundasyon sa iyong paglalakbay, na kung saan ay kalahati na ng iyong tagumpay.

   Ang matatagumpay na tao ay yaong laging naghahanap ng mga pagkakataon para makatulong sa iba. Samantalang ang mga talunan at laging nabibigong magtagumpay, ay laging may katanungan, "Ano ang mapapakinabangan ko diyan?"

   Upang makatiyak na makakamit ang natitira pang kalahati, pagsumikapang maging positibo ang pananaw, masikap, at maraming makabuluhang interes na magpapaunlad sa iyong mga katangian. Maayos at epektibong nagagawa ang mga ito sa tamang panahon. Nauunawaan na ang bawa’t kabanata sa buhay ay mayroong kaliwanagan at kadiliman, na laging kuntento kung anuman ang nasa iyo, at kaalamang hindi ang mga materiyal na bagay ang mahalaga sa lahat, bagkus ang kaligayahang nag-uumalab sa iyong puso na makagawa ng kaibahan sa iyong kapwa.

   Ang tagumpay ay hindi isang pook na iyong madaratnan, bagkus isa itong lunggati na iyong isasagawa at  patuloy na lalakbayin. Dangan nga lamang marami sa atin ang nawiwili at nakatuon sa destinasyon, at nakakalimutan natin ang magagandang tanawin at mga pagkakataon sa ating paglalakbay.

   Sa gagawing paglalakbay sa buhay, magdasal na ang tatahakin ay malayo, puno ng pakikipagsapalaran, nagdaragdag ng mga kaibigan, at nagpapayabong ng kaalaman.

  May nagwika: “Kung lalahok ka sa digmaan, magdasal minsan; kung maglalayag ka sa malawak na karagatan, magdasal ng dalawang ulit; at kung mag-aasawa ka naman, gawin ito ng tatlong ulit."
Bakit? Dahil ang pag-aasawa ay hindi gawang biro, "Katulad ng mainit na kanin na isinubo, ay iluluwa kapag napaso."

Kung ang tadhana'y pinagkalooban ka ng sandaang mga kadahilanan upang lumuha, ipamalas na mayroon kang sanlibong kadahilanan na ngumiti. Sapagkat ikaw lamang at wala ng iba pa ang siyang nagpasiya at naglakbay sa landas na iyong tinahak.

   Magtrabaho at lumikha na parang hindi mo kailangan ang salapi, magmahal na kailanman ay hindi ka nasaktan at lumuha, umawit nang buong pagsuyo at sumayaw na tila walang nanonood sa iyo. Habang patuloy na nabubuhay, natututuhan natin na ang bawa't taong nakikilala at nakikirelasyon ay nagpapasaya at nagpapalungkot, at ito'y likas na nagaganap. Masasaktan ang iyong puso at makakasakit ka ng puso ng iba. Masisiyahan at maninimdim ka sa bahaging ito, ngunit patuloy ang iyong paglalakbay. Makikipagtalo ka sa mga kaibigan at magagawang umibig sa kanila, at ikaw ay iiyak ngunit ang panahon ay lumilipas.

   Kaya kumuha at mag-ipon ng mga larawan, isulat ang iyong mga paglalakbay sa buhay, malayang magpatawad, tawanan ang mga pasakit, at sadyang magmahal nang walang hinihintay na kapalit. Ang buhay ay walang garantisado o katiyakan, walang 'recess,' pagliban, 'time out,' o pahinga man lamang. Buong kasiglahan at puspusan nating pagtuunan ang ating ginagawang paglalakbay sa buhay. Mabuhay tayo nang maligaya, ipaalam natin sa lahat ang kahalagahan nito, dumamay at magmalasakit sa kapakanan ng iba, yakapin ang mga mahal sa buhay, bigkasin lagi ang mga katagang "Mahal kita." Huwag makalimot na tawagan at pasyalan ang mga magulang at kaanak. Makisaya at magdiwang kasama ng mga kaibigan.

   Pagmasdan ang mga luntian at naggagandahang mga halaman. Samyuin ang mababangong bulaklak. Humimlay sa damuhan at hintayin ang paglubog ng araw. Ngumiti hanggang sa mangawit ang iyong panga. Huwag matakot na umibig, makipagsapalaran. Tangagapin ang katotohanan na ang lahat ng kaganapan ay may dahilan . . . At higit pa sa lahat, tamasahin ang bawa't sandali habang naglalakbay sa buhay, at iwasang aksayahin ang sandali na magalit o mainis man sa anumang bagay, sapagkat ang sandaling ito na magpapaligaya sa iyo ay hindi na muling mababalikan pa.

   Mabilis na lumilipas ang mga sandali, kawangis nito’y mga pakpak na lumilipad at hindi na muling mauulit. Hindi natin makakayang supilin ang pagtanda, subalit magagawa naman natin na palaging bata, masayahin sa tuwina at makabuluhan ang mga sandaling ito. Hindi ang mga bilang ng taon sa ating buhay, bagkus ang kalidad ng buhay sa mga taon ang mahalaga. At ang mga kahalagahang nagagawa nito at nagpapaligaya sa atin. Ito ang tamang landas sa paglalakbay.

   Sa katapusan, hindi natin alintana kung gaano karami ang ating inihinga, bagkus kung gaano karami ang mga sandaling panay ang ating buntong-hininga sa kaligayahan.

  Pasaring: Sa tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Hindi ko alintana kung ayaw mong maglakbay, ang inaala-ala ko lamang ay kung bakit patuloy na binibigo mo ang iyong sarili na makita ang liwanag. Gayong lahat tayo ay patungo dito, bilang ating dakilang layunin sa buhay na ito.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment