Pabatid Tanaw

Sunday, October 30, 2011

Huwag Pagalitan ang Mapagmahal

    Doon sa nananalangin sa Maykapal ng taos sa puso ay tunay na nananampalataya; ito'y tuwirang maririnig, at matatanggap anuman ang kanyang kahilingan at mga naisin.

 Naglalakad si Moses nang mapadaan siya sa isang pastulan ng mga tupa at mga kambing. Sa matalahib na panig, naulinigan niya ang halos palahaw na pagdarasal ng isang pastol. Mabilis niya itong nilapitan at pinakinggang mabuti  kung ano ang hinaing nito.

   “Diyos ko, nasaan ka? Nais kong tulungan ka, pakintabin at isuot sa iyo ang sapatos mo. Nais kong linisin at suklayin ang iyong buhok. Labhan ang iyong mga damit at ipagluto kita. Nais kong bigyan kita ng gatas mula sa aking mga alaga. Nais kong halikan ang iyong mga kamay at paa kapag nais mo nang matulog. Papaypayan kita sa iyong higaan, at lilinisin kong mabuti ang iyong silid. Diyos ko, ang aking mga tupa at mga kambing ay para sa iyo.” Ang nakayukong pagsusumamo ng pastol habang nakaluhod ito.

   Napailing si Moses sa nasaksihan at narinig, “Sino ba ang kinakausap mo?” Ang pagtatakang tanong ni Moses sa pastol. “Hindi mo ba alam, na yaong may buhay lamang  ang umiinom ng gatas? At yaong may mga paa lamang at tao ang nagsusuot ng sapatos?  Hindi ang Diyos!”

   Nabigla ang pastol sa narinig kay Moses, kilala niyang propeta ito, iginagalang, at sinusunod sa kanilang pamayanan. Napaupo ang pastol at nanlulupaypay itong nagsisi. Humagulgol at pinagpunit-punit ang suot na damit . Sinasabunutan ang buhok na naghihiyaw sa matinding dalamhati. Matapos ito'y mistulang baliw na kumaripas ng takbo patungo sa disyerto.

   Nagitla si Moses sa hindi inaasahang reaksiyon ng pastol. Maya-maya pa’y sumagi ang isang kalinawagan sa kanyang isipan. May isang makapangyarihang tinig ang namamanglaw na nagtatanong sa kanya. 



“Bakit mo ako inihiwalay mula sa isa sa aking mga tagasunod?


“Lumitaw ka ba bilang isang propeta na magbibigkis, o maghihiwalay?


“Bawa’t isa sa inyo ay pinagkalooban ko ng magkakahiwalay na pambihirang paraan upang makakita, makaunawa, at makapagsalita ng aking mga itinakda.


“Anuman na inaakala mong mali sa iyo ay tama naman para sa kanya.


“Anumang bagay na nakalalason sa isa ay pulot naman para sa sinuman.


“Ang kawagasan at kalabuan, ang katamaran at kasipagan sa pagsamba, ang mga ito ay walang saysay sa akin.


“Hindi ako bahagi sa lahat ng mga ito. Ang mga paraan ng pagdakila, ang mga kahusayan sa pagdarasal ay hindi kinakailangang may antas at pataasan ng uri. Walang mahusay o masaklap alinman sa kanila.


“Hindi ako ang pinag-uukulan ng kaluwalhatian sa pagdarasal, kundi ang nagdarasal.


“Hindi ko naririnig anumang mga kataga na kanilang binibigkas. Nadarama ko mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Narito ang kanilang mga pagpapakumbaba.


“Kalimutan ang mga maindayog na mga kataga. Ang hinahanap ko ay ang mga lagablab at nag-aapoy nilang pananampalataya. Mga nag-aapoy na pagkilalala sa akin. Makipagkaibigan sa iyong lagablab na ito.


“Pagliyabin ang iyong iniisip at ang mga ipinararating na pahiwatig!
Ang mga mapagmahal na nagliliyab ay naiiba.


“Kung ikaw ay may mataimtim na pananalig kusa itong dadaloy sa iyong mga kataga. Hindi ang mga sinaulong pagdarasal na paulit-ulit at wala ng katuturan. Mula sa iyong puso ang tunay na damdamin ay kusang magbabaga at maglalagablab.


"Huwag pangaralan at pagalitan ang mapagmahal. Ang mali’ na paraan ng kanyang mga binibigkas ay higit na mabuti kaysa sa sanlibong tama' na mga paraang ginaya lamang sa iba.


“Kapag humaharap ka sa salamin; ang pinagmamasdan mo ay ang iyong sarili, hindi ang halaga o mga dekorasyon sa kuwadro ng salamin.


“Kung umiihip ka ng hangin sa fluta upang lumikha ng musika, sino sa iyong akala ang nagpapatunog ng musika? Ang fluta bang hawak mo? Hindi, kundi ikaw na nagpaparinig ng himig.


“At huwag mong kalilimutan na kailanman na ikaw ay nagpaparating sa Akin ng papuri at pasasalamat, ito’y laging katulad sa kasimplehan ng mahal kong pastol.”

*Hinango at isinalin mula sa ‘Moses and the Shepherd’ ni Jalal Al-Din Rumi  (1207-1273), isang pilosopong muslim noong ika-13 siglo.

-------
Inilarawan sa sanaysay na ito ang pinakasimpleng paraan ng pagdarasal sa Maykapal ng isang karaniwang pastol. At sa bandang huli, nagising at naunawaan ni Moses na hindi kailangan ang mapalabok at paulit-ulit na mga dasal, o ang mga itinakdang istilo at pagdaraos nito, bagkus ang kusa at tuwirang pagdaloy ng sariling kaisipan, at ang wagas na nadarama mula sa kaibuturan ng puso.

Ang pagmamahal ay walang mga kondisyon o pamantayan. Wala ng makahihigit pa dito---ang ipadama ang iyong wagas na pag-ibig. Sapagkat yaong mga bagay na hindi natin nakikita ang siyang pinakamahalaga sa lahat. Ispirito sa ispirito. Lahat ay inihihinto mo; anumang nasa iyo ay tuluyang titigil, mapag-iisa hanggang magsanib, ang mag-ugma ang lahat, at dumaloy ang banal na ispirito. At dito pa lamang magkakaroon ng banal na ugnayan---ispirito sa Ispirito.

Nasa pansariling pagdarasal at hindi nagmumula sa mga memorya, doktrina, at sistema.

Taos sa Pusong Paggalang
Taos sa Pusong Paghingi ng Kapatawaran at Pagsisisi
Taos sa Pusong Pagpapakumbaba at Pananampalataya sa Maykapal
Taos sa Pusong Pananalig at Pag-asa

Ang pagdarasal ay malaking bahagi ng ating buhay, ito ang pinaka-ugat, at siyang pangunahing sibol na kung saan ang lahat nating mga lunggati ay masiglang nagpapatuloy. Ito ang ating ina sa lahat ng mga pagpapalang ipinagkakaloob sa atin ng Dakilang Lumikha.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Saturday, October 29, 2011

Kailangan ang Kapighatian


   Mahapdi man ang kapighatian, 
   sa alaala ay matamis naman.

   Kahit na lahat ng kapighatian ay mga kabuktutan, nakabubuti ito sa atin, sapagkat sa paraang ito lamang higit nating natutuklasan ang ating mga karamdaman at ilabas ang natatagong kakayahan na malunasan ito.
Nangingibabaw lamang ito kung patuloy nating pinangangambahan at kinakatakutan. Ito ang nagpapahirap at sumisira ng ating kapayapaan at manatiling lugami hanggang sa mawalan ng pag-asa.

   Mayroon tayong kapangyarihan na magpasiya: Kaligayahan o Kapighatian?

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Friday, October 28, 2011

Lunasan ang Kapighatian

Wala ng hihigit pang kapighatian, kapag tinalikdan ka ng lahat at pinabayaang mag-isa.


   Kapag dumilim ang langit at dumanas ka ng ibayong kalungkutan, huwag itong sarilinin at patuloy na manimdim. Hayaang malaman ng iyong mga mahal sa buhay ang iyong kalagayan. Ipabatid na ikaw man din ay pinagdadanan ito at nangangailangan ng tulong. Sumuko at tanggapin sa iyong sarili na hindi ka perpekto upang makayanan ang lahat. 

   Hindi pinakamasaklap sa buhay ang mga kapighatian at paninimdim, bagkus ang mga pagkatakot sa mga ito. Tayo mismo ang pumipili sa ating mga kaligayahan at mga kapighatian, bago pa natin maranasan ito. Hangga’t pinag-uukulan ito ng ibayong pansin, lalo lamang nitong pinamamanglaw ang iyong pagdadala sa sarili. At naisin mo man o hindi, pati na ang iyong mga mahal sa buhay ay apektado at nahahawa sa kapighatiang nagpapasakit sa iyo. Bigkas nga sa Ingles, “Misery loves company!” 

Ang kaligayahan at kapighatian ay magkapitbahay.
 
   Ang mga kapighatian ay karaniwang bahagi ng ating buhay. Ito ang nagpapatibay at nagpapalakas sa atin upang higit nating makilala ang ating pagkatao. Pagpapatunay lamang ito na may pagkakataon ka pang baguhin ang landas na tinatahak mo.  Ito ang mga paraan ng tadhana upang ang nakatakdang tagumpay na inilaan sa iyo ay iyong makamtan. Kung walang kapighatian wala din ang kaligayahan. Alalahaning ang kapighatian mismo ang tagapaglikha ng mga dakilang bagay.




   Sa araw-araw, ang buhay ng bawa’t isa sa atin ay may kasukat na kapighatian, at kadalasan ito ang gumigising sa atin upang totohanang harapin ang mga balakid na humahadlang sa atin. Kung tayo ay maghihintay na matatapos ang mga paninimdim na ito, magpakailanman tayong magdurusa. At sinasayang lamang natin ang mga pagkakataon na tayo’y makalaya sa bilanggguan na sa simula pa lamang ay tayo ang lumikha.

   Walang hinto ang mga pagbabago sa ating kapaligiran. Tayo man ay patuloy na nagbabago sa bawa’t saglit. Ang dating mukha na nakikita mo sa salamin ay malaki na ang ipinagbago ngayon. Nangungusap na ito at tinatanong kung bakit mo nagagawang kalimutan ang iyong sarili. Huwag itong iwasan at supilin---lalo ka lamang mamimighati. Hayaan ang katotohanan na kusang maganap upang ikaw ay makalaya.

   Hindi nilulunasan ng mga panggigipuspos na ito ang kinabukasan, sa halip; dinudurog nito ngayon ang iyong kalakasan at inaalisan ka ng pag-asa na magpatuloy pa sa buhay.



   Huwag panatilihin ang kapighatian sa iyong sarili. Walang saysay at kakapuntahan ang umasa at hintaying mauunawaan ka ng sinuman sa sinapit mong ito. Malaki ang pagkakaiba ng naghihintay at gumagawa ng mga kaparaanan. Magpasiya at ang liwanag ng sikat ng araw ay muling sisilay sa iyo. Ikaw lamang ang may kapangyarihan upang ito'y makapangyari sa iyong sarili.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan  



Ang Kaligayahan ay nasa Iyo

Ang Kaligayahan at wagas na paglilingkod ay iisa. Hindi ito makakamtan kung wala ang isa.


   Walang katumbas ang tunay na kaligayahan. Hindi ito nabibili, nasusumpungan sa labas, at walang sinuman ang makapagbibigay nito sa atin. Bahagi ito ng ating mga karanasan, at nanggagaling mula sa ating kalooban. Tayo lamang ang lumilikha nito para sa ating sarili.

   Isang pinakamahalagang pangangailangan sa pamumuhay ay ang magawang maging patuloy na maligaya. Matatagpuan ito sa maraming magkakaibang sitwasyon at pagkakataon. Akala natin, maaari itong magmula sa nabili mong mga bagay, sa mga papuring natanggap, sa masigabong palakpakan, at lalo na sa uri ng pagmamahal na nakakamtan mula sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Subalit sa kabila nito, naroon pa rin ang paninimdim. Dahil lahat ng ito ay mga panandalian lamang. Hangga’t hindi mo nagagawang sumaya at maging maligaya sa sarili, lahat ay may katapusan at kusang naglalaho.

   Kailangan lamang na maunawaang lubos kung nais mong maging wagas na maligaya; na ang lahat na nakapaloob sa iyong buhay ay pawang kabutihan. At lahat ng mga taong nakakadaupang-palad mo sa araw-araw ay naghahangad ding makamit ito, maranasan, at maibahagi sa kanilang kapwa. 

   Magagawa nating lumigaya o maging malungkot kahit walang kinalaman ang sinuman o mga bagay. Sapagkat may kakayahan tayong supilin kung papaano ito iisipin at kung papaano ipamumuhay. Pangkaraniwan na sa atin ang pumili sa araw-araw kung ano ang nais nating maramdaman. Tayo mismo ang may kapangyarihan na maging masaya o maging malungkot. Kung nais nating sumaya, kailangan nating isagawa ito sa pagtatalaga ng tamang sistema at uri ng pamumuhay. Kailangan lamang ay disiplina at pagsasanay. Habang paulit-ulit tayong nagsasaya, ang kaligayahan ay tahasan nating makakamtan.


   Makihalubilo. Makipag-ugnay. Makiisa. Makibahagi. Makipagyakapan. Makipagtawanan. Ang kaligayahan ay isang pabango na hindi mo maipapahid sa iba nang hindi ka napabanguhan sa iyong palad. 

   Ang kaligayahan ay iyong nadarama kapag nakakagawa ka ng mga bagay na nakakasiya, nakakatulong, at nakapagbibigay ng pag-asa sa iba. Mga karanasang kalakip ng iyong emosiyon na nagpapagising sa damdamin ng iba na ilabas ang kanilang mga natatagong katangian.

   Bahagi dito ang kabatiran na ang lahat ng mapait na nagdaang karanasan ay naganap sapagkat may kadahilanan. Mga paghamon ito upang higit kang maging matibay at matapang sa pakikibaka sa buhay. Kung wala ang mga ito, mistula kang nangangapa sa karimlan at walang kakayahang magpasiya ng tuwiran. May mga pagkakataon na mahirap harapin ito, ngunit narito ang pagsubok upang mapatunayan mo ang iyong ikatatagumpay. At kapag nalagpasan mo ito, ang kasiglahang nadarama mo sa iyong puso ay pagsibol ng tanging kaligayahan na nakatakda para sa iyo. 

   Walang bagay na nangyayari sa iyo, na hindi naaayon at nakalaan para sa iyo. Lahat ng mga ito ay magaganap kung nanaisin mo lamang. At ito’y mangyayari, kapag kumilos ka; hindi ang makiayon at maghintay na darating din ito sa iyo balang araw. 

   Iwasan ang mabagabag o matakot, o ang patuloy na manimdim at manlumo. Lahat ng mga ito ay nagpapahina ng loob at sinisira ang iyong kasiglahan na magpatuloy pa. Huwag katakutan na wala kang kakayahan upang maging maligaya. Kailangan lamang na lumabas ka sa ‘bilangguang’ nilikha mo sa iyong sarili at makipagsapalaran. Gampanan sa abot ng iyong makakaya; na may kabatirang narito ka sa daigdig upang magtagumpay at maging maligaya sa tuwina. Hindi ang patuloy na mabigo at talunan magpakailanman. Ikaw lamang ang tanging makakagawa na paligayahin ang iyong sarili. Hindi mula sa mga bagay o sa mga taong nakapaligid sa iyo.


    Ang pinakamainam na uri ng kaligayahan ay kapag nagmamalasakit ka sa kapakanan ng iba at sa kaunlaran ng pamayanan. Ito ang pinakadakilang paglilingkod. Kapag nagagawa mong magpaligaya ng iba, lalong higit na kaligayahan din ang nararamdaman mo. Ito ang antas ng kawagasan, ang maging maligaya sa tuwina. 

  Upang matamasa ang tunay na kaligayahan na kalakip ang mabuting kalusugan, ang makapagdulot ng kaligayahan din sa iba, ang makalikha ng matiwasay at mapayapang kapaligiran, kailangan munang isaisip ang disiplinang kaakibat nito para masupil ang sariling kaisipan. At kapag nagawa ito, ang mga saloobin ay kusang sisibol at lahat ng kaliwanagan, kawatasan, at kahalagahan ay kusang lalapit at siyang makapangyayari.

   Ang kaligayahan ay hindi isang destinasyon, bagkus ito ay isang masiglang pamamaraan sa buhay.

   Alalahaning, ang kaligayahan, ay kapag . . . kung ano ang iyong iniisip, kung ano ang iyong binibigkas, at kung ano ang iyong ginagawa ay magkaugma. Dahil ang kaligayahan ay hindi isang bagay na gawa na, o nakahanda na. Ito ay sumisibol at nililikha ng iyong mga pagkilos.

Sa Bawa’t Araw, Magsanay na Maging Maligaya
Piliing Maging Maligaya na Ngayon
Gawing Kaugalian ang Pagiging Maligaya
Isaisip Lagi na ang Buhay ay Wagas na Kaligayahan

   Marami sa atin ang hindi batid kung papaano sasanayin ang sarili upang maging maligaya. May nakikita tayong iba na laging maligaya, at iniisip nating mapapalad sila. At tinatanggap nating likas na ito sa kanila at hindi natin magagawang pamarisan. Ang katotohanan; may kakayahan tayong lahat na tamasahin ang ating buhay at ituon ito sa makabuluhang lunggati. Bawa’t isa sa atin ay magiging maligaya kung magagawang:


   Panatilihing masigla sa bawa't sandali. 
          Piliin natin ang kaligayahan kaysa kalungkutan.

        Panaligan na matatamo ito sa bawa’t pagkilos para dito.    
Pagsanaying mabuti ang sarili hanggang sa makaugalian na ito. 
Pag-aralan, isagawa ang mga prinsipyo at paraan patungo sa kaligayahan.


12 Mga Pagsasanay Upang Maging Maligaya

1- Sanayin ang sarili . . . na maging maligaya sa tuwina at may bagong pananaw sa buhay.

2-  Sanayin ang sarili . . . sa pagbigkas ng nakapagpapaligayang  mga kataga.

3- Sanayin ang sarili . . . na mangusap ng pawang katotohanan at kayang gawin ito.

4- Sanayin ang sarili . . . na mabuhay sa kasalukuyan.

5- Sanayin ang sarili . . . na may pusong mapagpasalamat.

6- Sanayin ang sarili . . . sa pagbibigay at pagtulong sa iba.

7- Sanayin ang sarili . . . na kapag may gawain, isagawa ito sa abot ng makakaya.

8- Sanayin ang sarili . . . sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kalooban.

9- Sanayin ang sarili . . . na mabuhay na may makabuluhang lunggati.

10- Sanayin ang sarili . . . na alagaang mabuti ang kalusugan.

11- Sanayin ang sarili . . . sa pagmamalasakit sa kapwa.

12- Sanayin ang sarili . . . na may mataimtim na pananampalataya sa Maykapal.

Pabatid: Kung iniisip mong magagawa mo ito, o dili kaya; ay iniisip mong   . . . hindi mo magagawa ito. Tama ang iyong iniisip,  at ito nga ang mangyayari sa iyo.  


   Kadalasa’y ipinapako natin ang ating mga sarili sa pagitan ng dalawang magnanakaw: panghihinayang sa kahapon at pagkatakot sa kinabukasan.

   Lagi lamang isaiisip na ang kaligayahan ay hindi nakakamtan sa pagkakaroon ng maraming salapi o ng mga bagay na dati-rati’y wala sa atin, bagkus ang pansinin, kilalanin, at pahalagahan ang mga taong nagmamahal sa atin. Sapagkat narito ang pagpapala at tunay na nakapagpapaligaya sa atin.

Tandaan lamang: ang mga mahihirap ay naghahangad ng kayamanan, ang mayayaman ay naghahangad ng kalangitan, datapwa’t yaong mga nakakaalam ay naghahangad ng mapayapang kalooban. Hangga’t nakikipaglaban ka, nakikipagtagisan ka, at nagpupumilit ka na manalo, kailanman ay mananatiling walang katahimikan sa iyong kalooban.

-Mabuhay sa isang araw ng maligaya.
-Tamasahin ang bawa’t saglit at ito’y hindi na magbabalik pa.
-Maging malusog, may kalakasan, at laging aktibo.
-Simulang madama ang iyong kahusayan sa araw-araw.
-Masiglang harapin ang iyong mga lunggati sa buhay.
-Tanggapin ang mga balakid na mga paghamon upang magtagumpay.
-Paunlarin ang kaalaman at panatilihin ang kapayapaan ng kalooban.
-At gawing patakaran sa buhay ang maging maligaya sa tuwina.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan




Monday, October 24, 2011

Ang Maging Masayahin

 Ang kaligayahan ay kapag . . . kung ano ang iyong iniisip, kung ano ang iyong binibigkas, at kung ano ang iyong ginagawa ay magkaugma.

   Ang maging masaya ay pangkaraniwan, lahat tayo ay nagnanais na maramdaman ang maging masayahin sa tuwina. Ang pagiging malungkutin ay kasiphayuang nagdadala lamang ng maraming kapinsalaan sa atin. Sinisira nito ang ating pagdadala sa sarili at kalusugan. Kahulilip nito ang mga pag-uugaling; mayamutin, bugnutin, magagalitin, at inis-talo. Samantalang ang masayahin ay nagtuturo sa atin na lalong maging masigla at makipag-ugnayan sa bawa’t isa. Nagpapa-alaala ito na tamasahin natin ang bawa’t sandali sa ating buhay.

   Nagkakaroon lamang ng kabuluhan ang ating buhay sa pagpapahalagang iniuukol natin dito, at walang kaligayahan tayong madarama kundi sa pamamagitan lamang ng mga masiglang pagkilos upang tayo ay maging masaya.

   Ang kasiyahan ay nagpapahiwatig na ang bawa’t araw ay napakahalaga. Sapagkat walang isang nagdaang araw sa ating buhay ang mauulit pang muli. Hindi na maibabalik pa ito, kundi ang sariwain na lamang sa ating mga guni-guni. Bawa’t araw ay mapipili natin ang maging masaya. May kapangyarihan at kalayaan tayong piliin na mabuhay na kalakip ang ating mga pagpapahalaga, at mapipili natin na magpasalamat sa kamangha-manghang mga posibilidad na ibinibigay sa atin ng tadhana. Nasa atin lamang kapasiyahan kung positibo o negatibo ang ating mga saloobin para dito.

   Kung tayo ay matiwasay, may kapayapaan ng loob at masayahin, malaking pagbabago ang magagawa nito sa ating lipunan. Mababawasan ang karumaldumal na mga krimen, magkakaroon ng pagkakaisa, at ang lahat ay masiglang nakatuon sa pag-unlad ng pamayanan. Sa bawa’t araw na ikaw ay masaya, itinataas nito ang antas ng kasayahan sa kapaligiran. Hangga’t ipinaiiral natin ang ating mga kahalagahan at mga pananaw sa kabutihan ng lahat, pinatutunayan nito ang ating kontribusyon o pagkalinga sa kaligayahan ng sinuman.

   Huwag nating panatilihin ang kasiyahan sa ating mga sarili, ipadama ito sa bawa’t nakakadaupang-palad natin. Ipalaganap ito at higit pang kasiyahan ang mapapasaatin. Lagi lamang tandaan ang mga sumusunod:

Kung nais mong maging masaya sa isang oras ---umidlip, o manood ng mga katatawanan.

Kung nais mong maging masaya sa isang araw---mangisda, o ang magtanim ng halaman o  
      punongkahoy.

Kung nais mong maging masaya sa isang taon---tumanggap ng pamana, o ang ipamudmod ang mga   
      kagamitan at kasuutang hindi na kailangan pa, sa mga nangangailangan.

Kung nais mong maging masaya sa buong buhay---maglingkod sa iyong kapwa.

  Anumang karanasan ang pinagdaanan mo, at batid na ang mga ito’y mga leksiyon lamang upang ikaw ay lalong maging matibay sa pakikibaka sa buhay, magagawa mong maging masigla at masaya. At hangga’t ito ang nananaig sa iyo, lalo pang magpapatuloy ang iyong kasiyahan. Magsisimula kang maging matatag, masagana, at may makahulugang pandama ng kaligayahan at katiwasayan na magsisilbing patnubay sa iyong buhay.

   Bawa’t sandali ay napakahalaga, huwag nating pabayaan itong maglaho nang walang makabuluhang bagay na nakapagdulot sa atin ng kaligayahan. Lahat tayo ay ipinanganak na may kakayahang maging masaya, at sakaliman na masaya o malungkot ka ngayon, magagawa mo pa ring lalong maging masaya. Ikaw lamang ang tanging makapagpapasiya nito para sa iyo: Ang maging Masaya o Malungkot.

Pakalimiin lamang ang mga ito:

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang taon,
     . . . tanungin ang isang estudyante na hindi nakapasa at mag-uulit muli sa dating grado.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang buwan,
  . . . tanungin ang isang ina na nagluwal ng sanggol na kulang sa buwan.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang linggo,
  . . . tanungin ang isang patnugot ng pahayagan sa pagkakabalam ng kanyang panlinggong pahayagan.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang araw,
  . . . tanungin ang isang negosyante nang hindi niya maipadala ang iladong produkto.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang oras,
  . . . tanungin ang magkasintahan na naghihintay na magkita at hindi naganap.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang minuto,
  . . . tanungin ang isang tao na hindi nakasakay sa nakaalis na sasakyang  tren.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang segundo,
  . . . tanungin ang isang tao na nakaiwas sa malagim na sakuna nang humahagibis nilang kotse.

   At sa karagdagang kaalaman, pakibalikan lamang ang pahinang may pamagat na ‘Si Maghapon; Ang Gintong Panahon’ upang lalong mabigyan ng kahalagahan ang bawa’t sandali. (Ang pag-uulit ng pagbasa ay katumbas ng pagsasanay. Paulit-ulit ito hanggang sa maikintal sa isipan at maging bahagi na ng iyong kabatiran.)

   Ang pagiging masayahin ay bahagi ng kaligayahang ating minimithi. Katulad ito ng pag-ibig, hangga’t patuloy ang iyong pagmamahal, lalo kang mamahalin. Hangga’t ikaw ay nagbibigay, lalong higit ang iyong matatanggap. Ito ang itinakda ng tadhana at tahasang nagaganap sa sangkatauhan. Sa katunayan, kapag nagagawa mong maging masaya ang mga taong nakapaligid sa iyo, lalo kang nagiging maligaya. 

   Kung minsan ang tangi lamang na kailangan ay isang magiliw na ngiti, o isang mahinahong salita.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

Wednesday, October 19, 2011

Sa Inyo Pong Kaalaman

Pag-ibig sa Inang-Bayan

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
                                          -Gat Andres Bonifacio

  Mula sa Batanes ng Hilagang Luzon hanggang sa Sulu ng Katimugang Mindanaw, bata at matanda ay nakapagsasalita na ng ating sariling wikang Pilipino. Bagama't ito'y hango sa Tagalog, marami na ang naidagdag mula sa iba't-ibang wika ng ating kapuluan. Sa pagsasanib ng ating mga katutubong wika, mapapabilis natin ang pag-unlad at paglaganap ng tunay na sariling wika natin. Taas noo nating mahaharap sinuman, kailanman, at saan mang mga ugnayan at mga talakayan.

   At bukas po ang pintuan dito sa inyong mga ambag kabatiran. Magtulungan po tayo.

  
  Isang karangalan at ibayong pagtitiwala sa iyong sarili, bilang tunay na Pilipino ang may kabatiran ka at matatas sa sariling wikang Pilipino. 
 

   Ito ang isa sa aking mga layunin sa blog na ito ng wagasmalaya.blogspot.com
    Ang mabalikan at matutuhan nating muli ang ating sariling wikang Pilipino. Marami na sa ating mga kataga ang hindi na ginagamit sa pangungusap. Pawang Taglish at Englog na lamang na pinaghalo ang namamayani ngayon sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan. Mistulang pinipilit na tambakan ng katakot-takot na klorete ang ating mukha na tulad ng isang rebulto. Marami ang hindi nakakaalam na isang uri ng pagkitil ito upang tuluyan nang mawala ang ating pagkakilala sa ating mga sarili, at mangahulugan ng pagkakawatak sa isa't isa. Ang bayang walang pagmamasalakit sa sariling wika, mga sining, at mga kultura ay walang dangal at pagkakakilanlan. Walang anino at pinanggalingan, putok sa buho at palaging nakikisakay sa mga banyagang kultura. Amoyong ang taguri dito at palasak naman ang timawa. Dahil walang personalidad na matatawag na sariling kanya. Nasabi lamang daw silang mga Pilipino.
 
   Kapag Amerikano o alinmang banyaga ang kausap ko, English ang gamit ko, subalit kung Pilipino, tahasan na wikang Pilipino ang buong puso kong binibigkas. Sapagkat kapag ako'y nangungusap, kasama ko ang aking mga ninuno at mga bayaning naghandog ng buhay upang magkaroon ng isang bansang Pilipinas. Ipinagmamalaki ko ito at ipinapakita sa gawa. 
 
    Nanlulumo at kinakagat ko ang dulo ng aking dila, kapag nakakasaksi ako ng mga Pilipino daw na nagpupumilit na magsalita ng English gayong mistula namang nakakangilo na yuping yero, na tinatapakan ang tunog kung kausap ang kapwa Pilipino. Kahalintulad sila ng kinakatay na baboy kung maka-igik sa indayog at pagyayabang sa wikang English. Bakit kaya nais nilang English ang usapan gayong pawang Pilipino ang isinasagot ng iba, Pilipino sa Pilipino, huwad o tunay? O, dahil ba sa wala silang kaalaman sa ating sariling wikang Pilipino? Anong tawag mo sa likas daw na Pilipino na hindi marunong magsalita ng sarili  niyang wika, dayuhan sa sariling bansa? Hilaw? Panis? Walang muwang? Tuod na inaanod ng rumaragasang tubig? Pasakay-sakay at walang direksiyon kung saan patutungo? Kahabag-habag naman sila.

   Nagpapasalamat ang AKO, tunay na Pilipino sa kanila, sapagkat sa kanilang kamusmusan sa kabatirang Pilipino ay sumulpot at pumailanlang ang blog na ito sa internet.  At buong giliw na nagpupugay sa lahat ng ating mga kababayan na nagnanais magbalik-tanaw sa ating mga tradisyon, mga kultura, mga sining at mga kaugaliang tunay na Pilipino.


   "Bawa't mamamayang Pilipino ay kailangang magpasiya sa kanyang sarili kung ano ang tama at mali, kung ano ang makabayan at makabanyaga. Hindi niya maiiwasan at takbuhan ang kanyang pagka-Pilipino, gaano mang pagpupumilit na makisanib siya sa anumang banyagang kultura---mananatili pa rin ang kanyang pagiging Pilipino. Ang nakapanlulumo; kapag nagpasiya at nakiayon na lamang siya, laban sa kanyang mga prinsipyo at pagpapahalaga sa kanyang lahi. Ito ay isang hindi makatarungan at tahasang pag-traydor, para sa kanyang sarili at sa kanyang Inang-Bayan. Nararapat lamang na ituring siyang walang anino at mabahong pusali."
                                                                                           -sinipi mula sa Timbulan, Hulyo 21, 2007

   Makibahagi po tayo, laging sumubaybay, at makipagtulungan na mapalaganap ang ating mga katutubong pagkakakilanlan kung sino tayo, saan nanggaling, anong lahi, kaisipan, wika, at bansa.
   Tayong lahat ay IsangPilipino! 

Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, October 13, 2011

Ang Mahalagang Susi sa Tagumpay

Papaano Makakamtan ang Buhay na Hinahangad Mo?


   Bakit may mga taong PATULOY  NA
            NAGTATAGUMPAY?

   Habang ang iba naman ay laging
                               NABIBIGO?
        Mayroon bang susi sa
      TAGUMPAY
                  at KABIGUAN?

   Marami na ang naisulat na mga alituntunin, mga patakaran, at mga samutsaring mga paraan upang magtagumpay sa anumang larangan o trabaho na iyong pinasukan. Subalit naroon pa rin ang mga pagkakamali at hindi maiiwasang mga kabiguan. Ngayon, narito na ang makapagbubukas sa iyong isipan tulad ng naranasan ng marami at nagawang magtagumpay. At ito’y karaniwan na nating ginagawa sa araw-araw. Dangan nga lamang, kinukulang tayo sa tiyaga at madaling sumawa. Halos abot-tanaw na ang tagumpay, ay doon pa humihinto at hindi na nagpapatuloy pa. Ito ang paulit-ulit na ginagawa ng nakararami sa atin.

   Kung minsan naiisip natin, “Sana ang tadhana ay mayroong tamang pormula, instruksiyon o kautusan na patnubay sa ating mga pagkilos, para magawa natin ang nararapat unahin sa ating buhay.” 

   Kaya lamang . . . sa tunay na pakikibaka sa buhay, may kanya-kanya tayong personal na diskarte na sadyang nangyayari. Mula sa iyong napag-aralan, natutuhan, nadinig, at naranasan . . . at maliban dito, bahala ka na sa sarili mo.

   Ang isang bagay lamang na humahadlang sa pagitan ng isang tao at kung ano ang tunay niyang lunggati sa buhay ay ang matinding pagnanais na subukan ito, at ang matibay na pananalig na paniwalaan itong mangyayari.

   Ano ba ang LUNGGATI?


   Ang LUNGGATI ay isang natitiyak, nasusukat, at mayroong sapat na panahong inilaan para ito matapos, na kung saan lahat ng iyong mga itinakdang gagawin ay itinutuon lamang dito hangang sa MAKAMTAN ito.

   Sa isang panayam, tinanong ng isang mamamahayag ang batikang doktor sa pilosopiya, “Doktor, anong mali sa mga tao ngayon?” Nanatiling tahimik ang doktor sa ilang saglit, mahinahong tumitig ito sa nagtanong, at malinaw na tumugon, Ang mga tao ngayon ay hindi na makatotohanang nag-iisip!”



   Tungkol dito ang nais kong isiwalat nang maunawaan ninyong mabuti. Dahil narito ang mahalagang susi sa inyong ikatatagumpay sa buhay.

   Nabubuhay tayo ngayon sa gintong panahon. Ito ang siglo na pinaka-aasam ng sangkatauhan, ating pinangarap ito, at pinaghirapang makamtan sa nakalipas na libu-libong mga taon, subalit ngayong narito na, pinababayaan na lamang at hindi na pinapansin. Nasa modernong kabihasnan na tayo, at simbilis ng kidlat ang lahat ng komunikasyon kahit saan mang sulok ng mundo. Subalit higit nating pinag-uukulan ng panahon ang mga panandaliang aliwan, walang katuturang panoorin, mga nakababagot na mga usisaan at hungkag na usapan. Gayong sa ilang saglit lamang ay kumakalam ang ating mga sikmura at kailangang kumain, magbihis, magbayad, magpaaral, umangat ang pamumuhay, at maging maligaya sa tuwina. Bihira sa atin ang may makabuluhang atensiyon kung ano ang tunay na mahalaga sa ating buhay.

   Sa bansang Pilipinas, tayo ay natatanging mapalad na naninirahan sa isa sa pinakamayamang lupain sa buong mundo . . .  tayo lamang ang mayroong 7,107 na naggagandahang  mga pulo na naglalaman ng mga masasaganang lupain; at sa mga ilog, sa mga lawa, at nakapalibot na mga karagatan sa buong kapuluan; ay mabiyaya sa mga lamang-dagat at iba’t-ibang kayamanan; sa mga kagubatang nagbibigay-buhay at pangangalakal, sa mga kabundukang nagtataglay ng mga mineral at yamang-likas. . . at sa pagiging pangunahing sentro nito sa Asya at pandaigdigang kaganapan. Karampatan lamang na tawagin ang ating bansa ng; “Perlas ng Silangan”.

   Pagpapatunay lamang ito na halos lahat ng ating kapaligiran ay mayroong naglipanang mga pagkakataon para sa bawa’t isa sa atin. KUNG mamarapatin lamang na pagtuunan natin ang mga ito ng ibayong pansin, napakalaki ang ipagbabago ng ating bansa.

   Dangan nga lamang, walang pagbabagong nagaganap upang ito’y mapakinabangan. Narito ang kasagutan; kung kukuha tayo ng 100 mga tao na magsisimula lamang sa gulang na 25 taon, mayroon ka bang hinagap kung anong mangyayari sa mga lalaki at babae na ito kapag narating nila ang gulang na 65 taon? Ang 100 na mga taong ito na magsisimulang lahat sa gulang na 25 taon, ay naniniwala na sila ay magiging matagumpay. Kung tatanungin mo kahit isa sa kanila; kung nais nilang magtagumpay, sasabihin nila sa iyo nang harapan na ito talaga ang kanilang hangarin. At mapapansin mo din na masigla nilang hinaharap ang kinabukasan, may kislap ang kanilang mga mata, at may ibayong pag-asa---na ang buhay sa kanilang paningin, ay nakahahalina at punong-puno ng mga pakikipagsapalaran.

   Subalit pagdating ng panahon na sila’y 65 taong gulang na,
                                . . . ang isa ay magiging mayaman,
  . . . ang apat ay magiging bastante at nakakaraos sa buhay,
     . . . ang lima ay patuloy na namamasukan at suwelduhan,
       . . . at ang natitirang 90 sa kanila ay patuloy na nagdarahop
              (mahirap at wala halos na pinagkakakitaan).

   Kaya nga, sa kabubuang 100, lima lamang ang nagwawagi o nakalalasap ng tagumpay
Bakit napakarami ang mga nabibigo? Ano ang nangyari sa kislap ng kanilang mga mata, sa kanilang mga kasiglahan na puno ng pag-asa noong sila’y nasa gulang na 25 taon? Anong nangyari sa kanilang mga pangarap, sa kanilang mga pag-asa, sa kanilang mga plano sa buhay . . .bakit napakalaki ang agwat sa pagitan kung ano ang kanilang hangaring magawa at kung ano ang kanilang tunay na naisakatuparan?



   Kapag binabanggit natin ang tungkol sa 5 porsiyento na palaging matagumpay, kailangan muna nating malaman ang kahulugan ng tagumpay. Narito ang angkop na kahulugan sa aking pagkakasaliksik:

   “Ang tagumpay ay ang makatotohanang pagpapaunlad ng isang  makabuluhang lunggati.”

   Sinuman na gumagawa patungo sa isang itinakdang lunggati, at alam kung saan ang kanyang destinasyon, ang taong ito ay isang tagumpay. Kung hindi naman niya ito ginagawa, siya ay isang kabiguan. Laging ikintal sa isipan;“Ang tagumpay ay ang makatotohanang pagpapaunlad ng isang makabuluhang lunggati.”

   Ang isang mahusay na plano upang makamit ang isang makabuluhang lunggati ay katulad ng isang mapa sa daan: malinaw na  itinututro nito ang patutunguhang destinasyon at ang nararapat na mabuting paraan ng pagtahak upang madaling makarating dito.

   Ang tangi lamang na kailangan ay ang plano, ang mapa sa daan, at ang katapangan na magpatuloy sa iyong makabuluhang lunggati---ang iyong nakatakdang destinasyon!

   Nasa simbuyo o silakbo ito ng iyong damdamin, at ito ang nagpapatapang sa iyo. Kung wala ka nito; laging pinanghihinaan ka ng loob na magpatuloy pa at sumunod na lamang sa agos ng buhay, katulad ng iyong mga nakikita sa nagdarahop na karamihan sa iyong kapaligiran.

   May nagwika, “Ang kabaligtaran ng katapangan sa ating lipunan ay hindi ang kaduwagan . . . ito ay ang pakikiayon.”

   Mayroong mga tao na kusang tinanggap ang kapalaran ng pagiging talunan. Bahagi na ng kanilang mga buhay ang samutsaring mga kabiguan sa araw-araw. Hindi pa nagsisimula, talos na nila na sila ay mabibigo lamang at wala ng kalunasan pa ito. Kinalakihan o kinagisnan na ang matinding kahirapan at hinayaan na itong tahasang maganap sa kanilang buhay. (By default!) Kung ano ang nakikita, naririnig, at nararanasan ay sapilitang pinaiiral ang balintunang katotohanan. Higit na madali ang umayon; kaysa ang makibaka at harapin ang nagdudumilat na katotohanan. Patuloy silang naghihintay sa kawalan.

   Sa halip na tanggaping isang paghamon ang mga balakid, minabuti pa ang tumahimik at hayaang maganap ang anumang sitwasyong kinahaharap. Ang kanilang mantra o bukambibig sa tuwina, “Huwag sumalungat at sumunod na lamang sa agos, nang hindi magka-problema.”

   Gayong sa bawa't paroroonan mo na wala kang kabatiran, napakahalaga na may hawak kang mapa para dito.

   Maaaring ding wala kang kabatiran sa pamimighati sapagkat naging manhid na ito sa iyo. Ang karaniwang nadarama mo ay ang walang kakayahan, walang katiyakan, at kawalan ng pag-asa dahil wala kang patnubay o sandigan tulad ng 'mapa' sa iyong paglalakbay sa buhay. Ang pagkalito at hindi makapagpasiya ay mga kaganapan na pinipilit na pagbaguhin ka at gumawa ng panibagong landas.

   At ito ang sanhi kung bakit tayo ay naliligalig at laging balisa sa ngayon, dahil sa:
                                                                                   Pakikiayon ---
     Ang mga tao ay kumikilos katulad ng sinuman . . .
         . . . nang hindi nalalaman kung bakit ???????
                   at kung saan sila patungo >>>>>>>

   Dito mismo sa Pilipinas ngayon, ay mayroong  22 milyong mga tao na may gulang na 65 taon at pataas pa . . . na karamihan ay nagdarahop at dumaranas ng matinding kahirapan; umaasa na lamang sa pagkakandili ng iba para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw. Gayong napakayaman ng ating bansa, at kung mabibigyan lamang ito ng karampatang pansin at panahon, mula sa ating pamahalaan patungo sa mga lalawigan, sa mga lungsod, sa mga bayan hanggang sa mga kanayunan . . . walang magugutom sa ating mga kababayan.

   Ang masaklap at nakapanlulumo kung patuloy ang walang makabuluhang pagkilos para sa ating mga sariling kaunlaran, . . . at tayo’y mapabilang sa pangkat ng 90 porsiyento na nagdarahop, ang ating mga bagabag ay nakatakdang maganap sa hinaharap.


   Hindi ba nakapanlulumo ito, sa harap ng katotohanang napakayaman ng ating bansa sa halos lahat ng bagay tungkol dito, maliban lamang sa mga mamamayan natin? Kung ihahambing sa mga bansang Switzerland (2011 population: 7.8 million) at Hapon (2011 population: 125.77) sa Pilipinas (2011 population: 94 million). Ang napakaliit na bansang Switzerland ay bulubundukin, matindi ang taglamig, at walang gaano mang yamang likas sa kanilang kabubuang lupain, at ang bansang Hapon na halos ikawalong bahagi lamang ng kanilang mga lupain ang natataniman at napapakinabangan, bakit higit na maunlad sila at patuloy ang pagyaman? Huwag na nating banggitin pa ang mga bansang napakaliliit at maging ang kanilang populasyon; tulad ng Singapore, Taiwan, at Israel, at baka tumulo pa ang ating luha sa matinding pagkasiphayo!

    Ang nagdudumilat na kasagutang dito ay;
   Dahil iba ang uri at klase ng mga mamamayan nila,  . . .  mayroon silang mga katangi-tanging saloobin at atensiyon sa kanilang makabuluhang kakayahan at dakilang pagmamalasakit sa kanilang bayan! Ito'y nasa kanilang pagnanais na maisakatuparan ang kanilang mga makabuluhang lunggati!
   Sa madaling salita; Nasa mamamayan ng isang bansa ang simpleng kadahilanan.


   Natututo tayong bumasa sa panahong tayo ay 7 taong gulang. Natututo din tayong makahanap ng pagkakakitaan pagdating sa gulang na 25 taon. Pangkaraniwan din sa panahong ito. . . na hindi lamang tayo naghahanap-buhay, sumusuporta pa tayo ng pamilya. At ang nakapanggigipuspos dito, pagdating natin sa edad na 65, hindi natin natututuhang maging independyente sa pananalapi o umangat man lamang sa buhay, gayong nasa harapan lamang natin ang mga pagkakataon at mga kapalarang naghihintay sa atin upang maisagawa ito.

   
Ano ang tunay na dahilan?

 
   At bakit nangyari ito?
                    Tayo po ay nakiayon
                             . . . sa takbo ng buhay.

   Tinanggap na lamang kung anumang kapalaran ang inihatid ng tadhana. Naging manhid at paralisado na sa hungkag na katotohanang ito. May taguri ito sa Ingles; learned heplessness! Ang tawag naman natin dito ay ang palasak na; Sawimpalad ako! Kapag may narinig kang bumigkas nito sa iyong mga nakakausap; igalang sila, sapagkat nagsasabi sila ng totoo. At kung may pagkakataon ka, iwasan mo sila . . . at takbuhang palayo! Dahil mahahawa at matutulad ka sa kanila. 

   Bakit nangyari ito sa kanila?
      . . . Nasa kanilang maling saloobin!

   Tamang saloobin:
        Ang isang pinakamagandang kabayaran sa buhay  . . .
              . . . ay hindi natin magagawang tumulong sa iba,
                nang hindi natin tinutulungan ang ating mga sarili.

   Nasaan ang pagkakamali at hindi sila magtagumpay?

     Ang pagkakamali ay kumikilos tayo katulad ng maling
             pangkat --- ang 90 porsiyento na hindi nagtagumpay.

   Bakit ang mga taong ito ay umayon? Sapagkat wala silang kabatiran sa mga tunay na kaganapan sa kanilang mga kapaligiran. Kung anong uso, ginagaya. Kung ano ang kinahuhumalingan ng lahat, naroon ang paningin, panahon, at ginagawa na itong libangan. Masabi lamang na nakakariwasa din sila, kahit puro utang ang kanilang pamumuhay. Ang mga taong ito ay nanininiwala na ang kanilang mga buhay ay pinakikilos at bunsod ng mga pangyayari . . . ng mga bagay na nagaganap sa kanila . . . ay buong sanhi ng mga panlabas na puwersa. Sila ay mga taong tuwirang sumusunod sa kanilang natutunghayan, napapakinggan, at nararanasan mula sa iba. Idagdag pa rito ang nasagap na tsismis na sa paulit-ulit na pagkakalat ay nagiging makatotohanan na!

   Ang taguri naman sa mga taong ito ay BALATKAYO ! Sapagkat nabubuhay naman sila sa mga pagkukunwari at pagpapakitang gilas sa kanilang mga kauri. May kumalabit sa akin at sinabing, IPOKRITO daw ang tamang palayaw! Kaya nga, magkapatid ang BALATKAYO at IPOKRITO, dahil iisa ang kanilang kulay.

   Bihira at iilan lamang sa ating mga kababayan ang nakatuon sa tunay na nakapangyayari sa lipunan. Napakalaki ng agwat ng mayayaman at mahihirap. Ilang pamilya lamang ang totohanang nagpapalakad, makapangyarihan, at may kontrol sa ating lipunan. Kapag may pagmamalabis, pananamantala, at mga kabuktutang nagaganap . . . iilan lamang sa atin ang nagpoprotesta at bumabatikos. Karamihan ay naghihintay na lamang na sila ang mabiktima at doon lamang sisimulan ang magpalahaw sa galit at ipakita ang kanilang mga pagtutol. Sila ay nananatiling tahimik, sinusupil ang damdamin, naghihintay, at patuloy na NAKIKIAYON.

   Marami ang sa atin ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan sa lahat ng mga kaganapang ito. At ito ang nagiging pamantayan kung bakit marami sa atin ang laging nabibigo at hindi man lamang makatikim ng masasabing tagumpay sa buhay.

    May idinaos na survey sa mga manggawa ng isang pabrika, nang sila ay tanungin ng, “Bakit ka nagtatrabaho? Bakit ka gumigising sa umaga?” Labing-siyam sa kanila sa kabubuang 20 ang walang mainam na ideya. Kung pipilitin mong tanungin ang mga ito, kadalasa’y ito ang kanilang simpleng kasagutan, “Eh, lahat naman tayo ay gumigising sa umaga, at pumapasok sa trabaho upang kumita ng pera!” At ito ang kanilang katuwiran kung bakit nila ginagawa ito---sapagkat kahit sinuman ay ginagawa ito. Ang kumita lamang ng pera ay tama na.
Ang tanong; Kumakain ka ba para mabuhay o ang mabuhay para kumain?

   Ngayon, balikan natin ang kahulugan ng tagumpay.
                     Sino ang         
                     nagtatagumpay?

   Ang tangi lamang tao na nagtatagumpay ay ang taong makatotohanang pinauunlad ang isang makabuluhang lunggati.



   Siya ang taong nagsasabing,

                      “Ako ay magiging ganito”
           . . . at sisimulan kaagad itong isagawa
                         patungo sa lunggating ito.

   Kung mayroon tayong maayos, malinaw at simpleng lunggati, magagawa nitong mahagilap ang imahinasyon at mapatindi ang simbuyo ng damdamin. Wawasakin at tatagos ito sa anumang balakid na humahalang dito. Ito ang nakatakdang katotohanan na inilaan ng tadhana para sa iyo.

                  I K A W     --- at wala ng iba pa . . .
IKAW
   . . . ngayon ay mayroong target o tutudlain;
      sa lahat ng iyong mga gagawin.

IKAW
  . . . ang tanging responsableng tao;
     para gawin ito sa iyong sarili at mapatunayan sa mga resulta kung sino kang talaga. Sapagkat dito nakasalalay at makikilala ang iyong tunay na kakayahan at pagkatao---sa kalansing ng bulsa, sa dami ng mga nagmamahal sa iyo, sa mga kaibigan, at natutulungan, hindi sa pangangarap, mga palabok at maindayog na mga salita.

IKAW
   . . . ay patuloy pang narito sa mundo; para makuha mo ang hindi mo pa nakakamit na kaunlaran at kaginhawaan sa iyong buhay, na kailangang gawin mo ang bagay na hindi mo pa ginagawa.

IKAW
   . . .ang taong gumagawa at nakalilikha ng iyong mga pangarap;
at ikaw din ang kikilos para ito maisakatuparan. Ang mga bagay na sa iyong pagkakaalam na kapag iyong sinubukang gawin ay ikakatagumpay mo. Ikaw lamang at wala ng iba pa ang makagagawa nito.

IKAW
 . . .ang kailangang mag-iisip para sa iyong sarili. At nagiging ikaw . . .
     anuman ang iyong iniisip, saanman, kailanman, at magpakailanman!
      Ito ang iyong magiging tunay na pagkatao sa tanang buhay mo.

     Sapagkat ang iyong kaisipan ay tulad ng computer. Mayroon itong software na nagbubuo at nagbabalangkas ng lahat ng iyong iniisip at pag-uugali. Sa dami ng mga taong nakahalubilo ko sa maraming taon, natutuhan ko na karamihan ng problema nila ay sanhi ng negatibong programa na tumatakbo sa kanilang natutulog na kaisipan.

   Ngayon, ilan bang mga pagpili na kailangan mo upang magawang baguhin ang iyong buhay?

   Anuman ang iyong piliin, panatilihin lamang na ang mapait na nakaraan ay tuluyang limot na; at harapin ang mga totohanang mga posibilidad sa iyong ikauunlad at ikaliligaya.

Ang Tagumpay ay ----
 -ang guro na magiliw na nagtuturo sa paaralan;
   sapagkat ito ang kanyang pangarap at hangarin niyang gawin.

 -ang babae na isang maybahay at ina;
   sapagkat nais niyang maging ulirang maybahay at ina na
   masuyong ginagampanan ang kanyang tungkulin.
 -ang tindera na nais maging pangunahing tagapagtinda;
  upang makatulong na mapaunlad ang kanilang negosyo.

 -ang lalaki na sumanib sa sandatahang lakas bilang sundalo; sapagkat nais niyang maging tagapagtanggol ng sambayanan.
 
-ang estudyante na masigasig sa kanyang pag-aaral;
  sapagkat nais niyang maging doktor at makapaglingkod sa mga kanayunan.


. . . at marami pang iba na gumagawa ng malaking kaibahan upang magkaroon tayo ng isang matiwasay at maunlad na lipunan.

. . . at IKAW rin, matapos mong mapagbulay-bulay ang lahat ng mga kaganapan nangyayari sa iyong buhay at nagpasiyang simulan na ang makabuluhang lunggati na sadyang nakatakda para sa iyo; PARA GANAP KANG LUMIGAYA  . . . MAGPAKAILANMAN! 


   Sa halip na makipagtagisan kung sino ang magwawagi;
       ang kailangan lamang nating gawing lahat ay ang lumikha!

     Sinuman ay isang tagumpay kung tahasang ginagawa niya ang kanyang itinakdang gawain, sapagkat ito ang ipinasiya niyang gagawin . . . nang tahasan. Subalit 1 lamang sa kabubuang 20 ang nakakagawa nito!

   Kaya nga kung bakit sa ngayon ay tuluyan ng naglalaho ang kumpetisyon, o ang pagiging malikhain natin. Namamayani na lamang ang pauli-ulit na sistema, na pinatungan lamang ng munting dekorasyon o palabok ay tama na, . . . at bago na sa mata. “Puwede na 'yan!" "Sige na, wala namang nakakakita o nakakaalam!" Kahit peke ito, puwede na rin kaysa wala.” Mga pamatay ng pag-asa at walang katiyakang pamumuhay ang mga ito.

   Sa maraming trabaho na aking pinasukan, sa mga pagkakamali at mga kabiguan na aking naranasan, at higit doon sa aking mga napagtagumpayan . . . napatunayan ko na mayroong mahalagang susi na makapagbubukas ng kaisipan upang makamit ang tagumpay nating inaasam.
                       
   Ito ang kalutasan na kailangang maitanim sa ating isipan at wagas na maisapuso;   
       ang mahalagang susi;

         Ang mga tao na may mga makabuluhang lunggati ay nagtatagumpay sapagkat nalalaman nila kung saan sila patungo.

   Marami ang nagtataka kung bakit may mga tao na subsob sa maghapon sa kanilang mga trabaho at buong katapatang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, subalit kailanma’y hindi magawang maiangat o mapabuti ang kanilang buhay, samantalang ang iba naman na pahapyaw lamang ang paggawa at kadalasan ay naglilibang kasama ang pamilya; ay patuloy na umuunlad at gumiginhawa pa sa buhay? Na tila mayroon silang mahiwagang panghaplos. Nadinig na natin ang mga katagang, “Anumang bagay na kanyang mahawakan ay nagiging ginto (kumikita).”  At kapansin-pansin din na ang mga taong nagtagumpay ay sadyang patuloy na lalong nagiging matagumpay---at, ... sa kabilang panig naman, mapapansin din na ang mga taong nabigo ay sadyang patuloy na nabibigo anumang larangan ang kanilang pasukin?

   Ito ang katotohanan, ang namamagitan dito ay ang pagkakaroon ng mga lunggati. Napakasimple lamang, ang mga tao ay nagwawagi at matagumpay;  sapagkat alam nila kung saan sila patungo.


   Sa paglalarawan; Isipin na mula sa piyer ang isang barko ay maglalayag sa karagatan. At isipin din na ito ay inihanda ang lahat ng gagamitin at may kumpletong plano sa gagawing paglalakbay. Ang kapitan at mga tripulante ay eksaktong alam kung saan patutungo ang barko at gaano katagal ang magiging biyahe nito---mayroon itong tuwirang lunggati.  At 9,999 na beses mula sa 10,000,--- ito ay makakarating sa kanyang patutunguhan.

   Ngayon, umisip pa tayo ng isa namang barko---katulad ng nauna---mula sa piyer o pantalan ay maglalayag din ito sa karagatan,  kaya lamang. . .  wala itong mga tripulante, o maging kapitan na mamamahala dito. Wala din itong direksiyon, walang lunggati, at walang destinasyon. Paandarin lamang natin ang makina at hayaan na itong maglayag ng kusa niya. Nakakatiyak ako na ikaw ay papayag na kahit man ito’y makalabas ng pantalan, maaari itong bumangga,  lumubog, o mapadpad sa isang mabatong dalampasigan---bilang nasirang barko. Hindi ito makakarating sa pupuntahan, sapagkat wala itong destinasyon at patnubay. Kundi ang anurin at saklitin lamang ng nag-aalimpuyong mga alon ng karagatan hanggang sa ito’y mawasak.

   Ganito din ang nagaganap sa isang tao kapag hindi nalalaman ang kanyang patutunguhan. Ang manatiling bigo at dumanas ng mga bagabag at kapighatian sa tuwina. Kapansin-pansin sa kanila ang pagiging malungkutin at mayamutin, maingay at padalos-dalos, at laging humihingi ng atensiyon (pansinin mo naman ako) sa tuwina sa dahilang wala silang kabatiran sa pagitan ng kung ano ang mahalaga at walang katuturan.

   Ang buhay ay madalas na inihahalintulad sa isang laro. Dangan nga lamang hindi ipinapaalam sa atin kung papaano ito lalaruin o kung papaano ang magwagi para dito.

   Kaya napakahalaga para sa atin na malaman ang susi ng tagumpay at kaagad na isagawa ito. Yakapin at panatilihing bukas ang kaisipan bilang mag-aaral ng buhay. Dahil ang iyong buhay ay nakasalalay dito.

   Pakalimiin lamang itong mabuti . . .

   Ngayon, ilan bang mga pagpili na kailangan mo upang magawang baguhin ang iyong buhay?

     ISA  LAMANG!
        . . . isa lamang kapasiyahan
      na magagawang baguhin ang iyong buhay magpakailanman!

   At ang pinakamahalaga . . .
                      . . . ay   KUMILOS KA!
   Tandaan . . .
        bukas ay isang sariwa, malinaw, at tigib ng pag-asa . . .
          at ang iyong imahinasyon ay walang hangganan.

B  A  K  I  T  ?
  Sapagkat ikaw ay lagi lamang mayroong isang kapasiyahan
           para baguhin ang iyong buhay!

Magpasiya
   Lumilitaw ang iyong pagkatao sa mga desisyong iyong ginagawa. Ang direksiyon ng iyong buhay ay nagbabago sa sandaling nagpasiya ka kung anong makabuluhang lunggati ang iyong gagawin.

Alam mo bang sa sandaling itinuon mo ang iyong kaisipan, puso, at kaluluwa, ang iyong mga pagkilos patungo sa iyong makabuluhang lunggati ay nagiging mistulang batubalani ito na humahatak sa iyo at humahalina sa mga tao at mga kaganapan na sama-samang tumutulong sa iyo upang ito’y matupad?


 Ang disiplina ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng lunggati at tagumpay.

   Hindi natin makukuha ang anumang bagay na kailanman ay hindi napasaatin, hangga’t wala tayong hangarin na gawin ang anumang bagay na kailanman ay hindi natin ginawa.

   At lalong mahalaga sa lahat; kailanman, ang ating mga pangunahing problema ay hindi magagawang lunasan o mapagtagumpayan ng katulad ding mga kaisipan nang ating likhain ang mga ito.

   Upang malunasan ang ating mga alalahanin, mga bagabag, at pagkatakot . . . kailangan natin ang mabilisang pagbabago sa ating kaisipan----ang pagkakaroon ng makabuluhang lunggati para makamit ang hinahangad na tagumpay!

   Ang tagumpay ay ang kakayahan na gawin ang tatlong pagkilos na ito;
                Una;  Alamin ang oportunidad o pagkakataon.
  Pangalawa;  Magsagawa ng plano at mga estratehiya na bumabalangkas
                            at nagtataguyod sa oportunidad.
       Pangatlo; Pagyamanin ang kinakailangang kakayahan upang mahalagang
                        maisagawang maayos ang mga estratehiyang ito.

   Panatilihin lamang sa iyong kaisipan, puso, at kaluluwa ang iyong makabuluhang lunggati at saksihan ang pinakamakapangyarihang pagbabago sa iyong buhay.

   At siyanga pala, Walang kinalaman kung saan ka nanggaling,
                             ang mahalaga lamang ay kung saan ka patungo.
                                    At ang sanlibutan ay patuloy na makikiisa sa iyo
                                              upang ang lahat ng ito’y maging katuparan!
-------
Doon sa magigiting at matiyagang sumusubaybay ng blog na ito na may katapangang tuklasin ang kanilang mga pangarap, isang natatanging handog ang pahinang ito para sa inyong TAGUMPAY!

Ang paksang ito ay malaki ang maitutulong sa iyo na magsagawa ng malinaw at tiyak na lunggati, isaayos ang iyong saloobin, tanggapin ang pagbabago, mamuhay na tigib ng pasasalamat, at makagawa ng kaibahan kailanman at saanman na makakaya mo. 

Ang pagpapahalaga ay isang regalo na magagawa mong maibigay kaninuman na iyong nakakaharap o kinagigiliwan---narito ang kabubuan ng iyong kapasiyahan. At sa bawa’t pagkakataon na nagpapasalamat ka sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga piling-pili na mga paksang narito, nakakagawa ka ng kaibahan sa araw na ito, gaano man ito kaliit ay may kalalagyan din.

Kung nakatulong sa iyong kaalaman ang paksang narito, mangyari lamang po na kopyahin, ibahagi at ipaalam ito sa iba. Isa itong dakilang patnubay na maibabahagi (Facebook, Twittter, etc.) mo rin sa iyong mga kaanak, kaibigan, kasamahan sa trabaho, at malalapit na kakilala.

 Maraming Salamat Po!

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan