Pabatid Tanaw

Sunday, October 30, 2011

Huwag Pagalitan ang Mapagmahal

    Doon sa nananalangin sa Maykapal ng taos sa puso ay tunay na nananampalataya; ito'y tuwirang maririnig, at matatanggap anuman ang kanyang kahilingan at mga naisin.

 Naglalakad si Moses nang mapadaan siya sa isang pastulan ng mga tupa at mga kambing. Sa matalahib na panig, naulinigan niya ang halos palahaw na pagdarasal ng isang pastol. Mabilis niya itong nilapitan at pinakinggang mabuti  kung ano ang hinaing nito.

   “Diyos ko, nasaan ka? Nais kong tulungan ka, pakintabin at isuot sa iyo ang sapatos mo. Nais kong linisin at suklayin ang iyong buhok. Labhan ang iyong mga damit at ipagluto kita. Nais kong bigyan kita ng gatas mula sa aking mga alaga. Nais kong halikan ang iyong mga kamay at paa kapag nais mo nang matulog. Papaypayan kita sa iyong higaan, at lilinisin kong mabuti ang iyong silid. Diyos ko, ang aking mga tupa at mga kambing ay para sa iyo.” Ang nakayukong pagsusumamo ng pastol habang nakaluhod ito.

   Napailing si Moses sa nasaksihan at narinig, “Sino ba ang kinakausap mo?” Ang pagtatakang tanong ni Moses sa pastol. “Hindi mo ba alam, na yaong may buhay lamang  ang umiinom ng gatas? At yaong may mga paa lamang at tao ang nagsusuot ng sapatos?  Hindi ang Diyos!”

   Nabigla ang pastol sa narinig kay Moses, kilala niyang propeta ito, iginagalang, at sinusunod sa kanilang pamayanan. Napaupo ang pastol at nanlulupaypay itong nagsisi. Humagulgol at pinagpunit-punit ang suot na damit . Sinasabunutan ang buhok na naghihiyaw sa matinding dalamhati. Matapos ito'y mistulang baliw na kumaripas ng takbo patungo sa disyerto.

   Nagitla si Moses sa hindi inaasahang reaksiyon ng pastol. Maya-maya pa’y sumagi ang isang kalinawagan sa kanyang isipan. May isang makapangyarihang tinig ang namamanglaw na nagtatanong sa kanya. 



“Bakit mo ako inihiwalay mula sa isa sa aking mga tagasunod?


“Lumitaw ka ba bilang isang propeta na magbibigkis, o maghihiwalay?


“Bawa’t isa sa inyo ay pinagkalooban ko ng magkakahiwalay na pambihirang paraan upang makakita, makaunawa, at makapagsalita ng aking mga itinakda.


“Anuman na inaakala mong mali sa iyo ay tama naman para sa kanya.


“Anumang bagay na nakalalason sa isa ay pulot naman para sa sinuman.


“Ang kawagasan at kalabuan, ang katamaran at kasipagan sa pagsamba, ang mga ito ay walang saysay sa akin.


“Hindi ako bahagi sa lahat ng mga ito. Ang mga paraan ng pagdakila, ang mga kahusayan sa pagdarasal ay hindi kinakailangang may antas at pataasan ng uri. Walang mahusay o masaklap alinman sa kanila.


“Hindi ako ang pinag-uukulan ng kaluwalhatian sa pagdarasal, kundi ang nagdarasal.


“Hindi ko naririnig anumang mga kataga na kanilang binibigkas. Nadarama ko mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Narito ang kanilang mga pagpapakumbaba.


“Kalimutan ang mga maindayog na mga kataga. Ang hinahanap ko ay ang mga lagablab at nag-aapoy nilang pananampalataya. Mga nag-aapoy na pagkilalala sa akin. Makipagkaibigan sa iyong lagablab na ito.


“Pagliyabin ang iyong iniisip at ang mga ipinararating na pahiwatig!
Ang mga mapagmahal na nagliliyab ay naiiba.


“Kung ikaw ay may mataimtim na pananalig kusa itong dadaloy sa iyong mga kataga. Hindi ang mga sinaulong pagdarasal na paulit-ulit at wala ng katuturan. Mula sa iyong puso ang tunay na damdamin ay kusang magbabaga at maglalagablab.


"Huwag pangaralan at pagalitan ang mapagmahal. Ang mali’ na paraan ng kanyang mga binibigkas ay higit na mabuti kaysa sa sanlibong tama' na mga paraang ginaya lamang sa iba.


“Kapag humaharap ka sa salamin; ang pinagmamasdan mo ay ang iyong sarili, hindi ang halaga o mga dekorasyon sa kuwadro ng salamin.


“Kung umiihip ka ng hangin sa fluta upang lumikha ng musika, sino sa iyong akala ang nagpapatunog ng musika? Ang fluta bang hawak mo? Hindi, kundi ikaw na nagpaparinig ng himig.


“At huwag mong kalilimutan na kailanman na ikaw ay nagpaparating sa Akin ng papuri at pasasalamat, ito’y laging katulad sa kasimplehan ng mahal kong pastol.”

*Hinango at isinalin mula sa ‘Moses and the Shepherd’ ni Jalal Al-Din Rumi  (1207-1273), isang pilosopong muslim noong ika-13 siglo.

-------
Inilarawan sa sanaysay na ito ang pinakasimpleng paraan ng pagdarasal sa Maykapal ng isang karaniwang pastol. At sa bandang huli, nagising at naunawaan ni Moses na hindi kailangan ang mapalabok at paulit-ulit na mga dasal, o ang mga itinakdang istilo at pagdaraos nito, bagkus ang kusa at tuwirang pagdaloy ng sariling kaisipan, at ang wagas na nadarama mula sa kaibuturan ng puso.

Ang pagmamahal ay walang mga kondisyon o pamantayan. Wala ng makahihigit pa dito---ang ipadama ang iyong wagas na pag-ibig. Sapagkat yaong mga bagay na hindi natin nakikita ang siyang pinakamahalaga sa lahat. Ispirito sa ispirito. Lahat ay inihihinto mo; anumang nasa iyo ay tuluyang titigil, mapag-iisa hanggang magsanib, ang mag-ugma ang lahat, at dumaloy ang banal na ispirito. At dito pa lamang magkakaroon ng banal na ugnayan---ispirito sa Ispirito.

Nasa pansariling pagdarasal at hindi nagmumula sa mga memorya, doktrina, at sistema.

Taos sa Pusong Paggalang
Taos sa Pusong Paghingi ng Kapatawaran at Pagsisisi
Taos sa Pusong Pagpapakumbaba at Pananampalataya sa Maykapal
Taos sa Pusong Pananalig at Pag-asa

Ang pagdarasal ay malaking bahagi ng ating buhay, ito ang pinaka-ugat, at siyang pangunahing sibol na kung saan ang lahat nating mga lunggati ay masiglang nagpapatuloy. Ito ang ating ina sa lahat ng mga pagpapalang ipinagkakaloob sa atin ng Dakilang Lumikha.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment