Pabatid Tanaw

Friday, October 28, 2011

Lunasan ang Kapighatian

Wala ng hihigit pang kapighatian, kapag tinalikdan ka ng lahat at pinabayaang mag-isa.


   Kapag dumilim ang langit at dumanas ka ng ibayong kalungkutan, huwag itong sarilinin at patuloy na manimdim. Hayaang malaman ng iyong mga mahal sa buhay ang iyong kalagayan. Ipabatid na ikaw man din ay pinagdadanan ito at nangangailangan ng tulong. Sumuko at tanggapin sa iyong sarili na hindi ka perpekto upang makayanan ang lahat. 

   Hindi pinakamasaklap sa buhay ang mga kapighatian at paninimdim, bagkus ang mga pagkatakot sa mga ito. Tayo mismo ang pumipili sa ating mga kaligayahan at mga kapighatian, bago pa natin maranasan ito. Hangga’t pinag-uukulan ito ng ibayong pansin, lalo lamang nitong pinamamanglaw ang iyong pagdadala sa sarili. At naisin mo man o hindi, pati na ang iyong mga mahal sa buhay ay apektado at nahahawa sa kapighatiang nagpapasakit sa iyo. Bigkas nga sa Ingles, “Misery loves company!” 

Ang kaligayahan at kapighatian ay magkapitbahay.
 
   Ang mga kapighatian ay karaniwang bahagi ng ating buhay. Ito ang nagpapatibay at nagpapalakas sa atin upang higit nating makilala ang ating pagkatao. Pagpapatunay lamang ito na may pagkakataon ka pang baguhin ang landas na tinatahak mo.  Ito ang mga paraan ng tadhana upang ang nakatakdang tagumpay na inilaan sa iyo ay iyong makamtan. Kung walang kapighatian wala din ang kaligayahan. Alalahaning ang kapighatian mismo ang tagapaglikha ng mga dakilang bagay.




   Sa araw-araw, ang buhay ng bawa’t isa sa atin ay may kasukat na kapighatian, at kadalasan ito ang gumigising sa atin upang totohanang harapin ang mga balakid na humahadlang sa atin. Kung tayo ay maghihintay na matatapos ang mga paninimdim na ito, magpakailanman tayong magdurusa. At sinasayang lamang natin ang mga pagkakataon na tayo’y makalaya sa bilanggguan na sa simula pa lamang ay tayo ang lumikha.

   Walang hinto ang mga pagbabago sa ating kapaligiran. Tayo man ay patuloy na nagbabago sa bawa’t saglit. Ang dating mukha na nakikita mo sa salamin ay malaki na ang ipinagbago ngayon. Nangungusap na ito at tinatanong kung bakit mo nagagawang kalimutan ang iyong sarili. Huwag itong iwasan at supilin---lalo ka lamang mamimighati. Hayaan ang katotohanan na kusang maganap upang ikaw ay makalaya.

   Hindi nilulunasan ng mga panggigipuspos na ito ang kinabukasan, sa halip; dinudurog nito ngayon ang iyong kalakasan at inaalisan ka ng pag-asa na magpatuloy pa sa buhay.



   Huwag panatilihin ang kapighatian sa iyong sarili. Walang saysay at kakapuntahan ang umasa at hintaying mauunawaan ka ng sinuman sa sinapit mong ito. Malaki ang pagkakaiba ng naghihintay at gumagawa ng mga kaparaanan. Magpasiya at ang liwanag ng sikat ng araw ay muling sisilay sa iyo. Ikaw lamang ang may kapangyarihan upang ito'y makapangyari sa iyong sarili.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan  



No comments:

Post a Comment