Pabatid Tanaw

Monday, September 05, 2011

Makunat Pa sa Belekoy

   Hindi na kaya pang tiisin ni Mang Berto ang masidhing katipiran ng kanyang asawang si Trining. Masahol pa siya sa tumutulay sa alambre kapag humihingi ng panggastos sa kanyang maybahay. Gayong maganda naman ang kanyang kinikita bilang karpintero, nananatiling malamig na panghal at kaputol na isda ang kanyang baon sa tuwina. Natitira ang mga ito mula sa kanilang pagkain sa kinagabihan. Pati ang kanyang pamasahe ay sapat lamang at napipilitan siyang maglakad pauwi kapag nagastos niya ito. Bihira si Aling Trining na bumili ng bagong damit at pinagkakasya ang lahat sa panunulsi, kaya mistulang yagit si Mang Berto kung ihahambing sa kanyang mga kasamahan sa trabaho.

   Minsan sa halip na magpahinga sa bahay sa araw ng Linggo, ay tumanggap si Mang Berto ng trabaho mula sa isa niyang kakilala. At ang kinita niya rito'y ibinili niya ng katam at lagari upang mapalitan ang kanyang mga lumang kagamitan. Ang naging kinalabasan nito'y maghapong panunumbat, pagiging makasarili niya, dalawang linggong walang imikan, at mga tahasang paninikis sa kanya ng kanyang maybahay.

   Sa kalaunan, naidulog niya ito kay pastor Mateo upang magawan ng pagbabago. Pumasyal ang butihing pastor sa kanilang bahay at kagyat na kinausap si Aling Trining tungkol sa bagay na ito. Bilang halimbawa kinimis ng pastor ang isa niyang kamao at tinanong si Aling Trining, kung ano ang kanyang nakikita sa anyo ng kamay ng pastor.

   “Anong ibig sabihin ninyo pastor, tungkol diyan?” Ang nagitlang tanong ng maybahay ni Mang Berto.

   “Sakali ang aking kamao ay nanatiling nakakuyom na mahigpit, anong tawag mo dito?” Ang paglilinaw ng pastor sa maybahay.

   “Paralitiko!” Ang pakli ng maybahay.

   “Eh, papaano naman kung ibukadkad ko itong tuluyan at nakalahad, ano naman ang tawag mo dito?” Ang sumunod na paglilinaw na tanong ng pastor.

   “Ganon din po, paralitiko pa rin!” Ang mataginting na pag-uulit ni Aling Trining. Habang pinipilit na unawain kung anong uring pagtatanghal ang ipinapakita ng pastor.

   “Kung tuwirang nauunawaan mo ang dalawang uri na nagagawa ng palad natin na kawangis sa pagtingin sa ating buhay, isa kang huwarang maybahay.” Ang pagpapaunawang tinuran ng pastor at nagpaalam na ito.

   Ilang araw lamang ang lumipas at nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay ni Mang Berto. Bagama’t nadagdagan ang kanyang baon at hindi na nakasulsi ang kanyang kasuutan, patuloy pa rin ang pag-iimpok ng kanyang maybahay para sa kanilang kinabukasan.

-------
Mainam ang maging matipid ngunit huwag itong gawing masidhi at lubusan. Sapagkat isa na itong pagdadamot sa iyong sarili, gayong pinaghihirapan mo naman ang pagkita ng salapi. Para saan ba at nagtatrabaho ka? Ito’y para magkaroon ka ng kaginhawaan sa iyong pamumuhay, hindi upang lalong sikilin ang iyong sarili at abusuhin ito.
   Walang isang araw, o pagdating ng araw --- upang malasap ang iyong pinagpaguran. Maaaring gawin na ito ngayon sa mga sandaling ito, kahit katamtaman man lamang at naaayon sa iyong nakalaan na mga gastusin. Ang kaligayahan ay natatamo kung ano ang iyong nararanasan ngayon, at hindi sa inaasahang susunod na mga panahon. Hindi ito mangyayari, dahil pagdating ng panahong ito, iba naman ang iyong mga pangangailangan.

   Walang sinuman ang nakakatiyak sa magaganap na kinabukasan.

   Lagi lamang tandaan; wala tayong madadala kahit isang hibla man ng sinulid sa ating paglisan. Minsan lamang dumarating ang mga pagkakataon, at ang mga ito’y laging magkakaiba at may kanya-kanyang nakaukol na kapasiyahan. Nasa ating pagharap at mahusay na pagpapasiya sa mga ito, ating malalasap lamang ang tunay na kaligayahang inaasam natin sa tuwina.

No comments:

Post a Comment