Pabatid Tanaw

Monday, September 05, 2011

Gayon Ba?

   Madalas purihin at ipagmalaki ang kakaibang katangian ni pastor Mateo, bilang huwaran ng isang maalintuntunin at wagas na pamumuhay. Dahil sa katangiang ito, maraming tao ang laging humihingi sa kanya ng mga makabuluhang payo sa buhay.

   Sa libis ng nayon na malapit sa kanyang kapilya, ay may isang tindahang sari-sari na pag-aari ng mga magulang ng isang magandang dalaga na nagsisilbing tindera nito. Subalit isang araw, laking gulat ng mga magulang nang mapag-alaman nilang buntis ang dalaga at hindi kilala ang naging kalaguyo nito.

   Matinding pagkagalit ang sumapuso sa mga magulang. Patuloy na ipinagkakaila ng dalaga ang pangalan ng nakabuntis sa kanya, ngunit sa nakitang kahapisan at pamimighati ng kanyang mga magulang, napilitan ang dalaga na ipagtapat kung sino ang lalaki, at ito’y si pastor Mateo.

   Hindi makapaniwala sa narinig sa anak, subalit nanaig ang masidhing pagkapoot ng mga magulang sa pinagkakatiwalaang pastor at madaling sumagsag patungo sa tirahan nito. Matapos hamakin at sumbatan ng walang patumangga ang pastor, nanatiling walang imik ito at ang tangi lamang naging kasagutan sa lahat ng ito ay ang mahinahong, “Gayon ba?

    Nanggagalaiting lumisan ang mag-asawa sa naranasang banayad na reaksiyon mula sa pastor. Dahil dito, lalong sumidhi ang kanilang paniniwala na ito ang tunay na may kagagawan sa pagdadalang-tao ng kanilang anak. Nagpupuyos ang kanilang mga kalooban kung anong susunod na hakbang pa ang kanilang gagawin upang maibsan ang pagkasuklam nila sa pastor.

   Kumalat ang balita sa buong nayon, hanggang sa iluwal ang sanggol at dinala ito kay pastor Mateo upang siyang mag-aruga at magpalaki. Sa tagpong ito, halos lahat ng naninirahan sa nayon ay tumutuligsa at nanghihinayang sa nakagisnan nilang mabuting pastor. Marami pa ang nag-udyok na palitan at paalisin ito sa kanyang gawain. At sa tuwing makakarating ang hindi magandang balita sa pastor, mahinahon itong bumibigkas ng “Gayon ba?”

   Magiliw niyang inaruga ang sanggol sa pamamagitan ng tulong ng ipinapadala sa kanya ng kanyang mga kaanak. Bagama’t kinakapos siya at napipilitang humingi ng tulong sa mga kapitbahay, may ilan na patuloy siyang  inaalimura at mistulang hayop na ipinagtatabuyan. Ang tangi lamang na mahinahon niyang laging binibigkas ay “Gayon ba?”

   Makalipas ang mahigit na isang taon, hindi na nakayanan pa ng dalagang-ina ang lihim na kanyang itinatago. Napilitan itong ipagtapat sa magulang ang katotohanan kung sino ang tunay na ama ng bata. Walang iba kundi ang kanyang kababata na nagtatrabaho sa bayan at madalas na tumambay sa kanilang tindahan.

   Sa masaklap na katotohanang narinig, hindi maapuhap ng mag-asawa kung papaano ito ipaparating kay pastor Mateo. Matapos mapagkuro ang matinding kamalian; ay mabilis na nagpasiya ang ama, kasama ang kaniyang maybahay ay pakaladkad nilang hinila ang anak patungo sa tirahan ng pastor. At sa harap ng pastor, matapos maipaliwanag ang lahat ay buong pagsisising humingi sila ng pagpapatawad. Nakayuko ang mga ulong naninikluhod sa hindi matapos-tapos na paghingi ng paumanhin. Kasama ang pagnanais na maibalik ang bata sa kanilang pag-aaruga.

   Malugod naman itong ipinaubaya ng butihing pastor. Sa pagsasauli sa bata, ang tangi lamang narinig na binigkas ng pastor ay, “Gayon ba?”

No comments:

Post a Comment