Pabatid Tanaw

Sunday, July 24, 2011

Paghahangad

   Minsan may isang kumpare niya ang humingi kay Mang Jose ng kanyang suot na singsing, “Pareng Jose, maaari bang ibigay mo sa akin ang iyong singsing bilang regalo mo sa aking kaarawan? Nais ko kasing magkaroon ng ganyang uri ng singsing. At kailanman na titignan ko iyan sa aking daliri, maa-alaala kita na mabuting kaibigan para sa akin.”

   Nakangiting tumugon si Mang Jose: “Hindi maaring ipagkaloob ko sa iyo ang aking singsing. Subalit anumang sandali na nais mong maala-ala ako, mangyari lamang na sulyapan mo ang iyong daliri at alalahaning hindi ko ibinigay sa iyo ang aking singsing.”

-------
Ganito ang naganap sa akin marami ng taon ang nakalipas. Mayroon kaming reyunyon na magkakamag-aral sa elementarya at nagkakatuwaan, nang lapitan ako ng aking kumpare na matagal na ring hindi ko nakikita at nababalitaan man lamang. Matapos kaming magkamay, ay hindi ko inaasahan ang kanyang naging pahayag, “Iwanan mo na sa akin ‘yang sapatos mo pare!” Ilang sandali ding hindi ako nakahuma sa kanyang tinuran. Sapagkat sa matagal na panahong hindi namin pagkikita, ako’y nasasabik na makipag-kuwentuhan sa kanya. Ngunit hindi sa ganitong pambungad, may bagay na kumirot sa aking damdamin.

   Nasagot ko na lamang ito ng: “Kung matitiis mong nakayapak akong pauwi, huhubarin ko.” Mariin ang aking pagkakabigkas at sadya kong ipinarinig sa aming mga katabi. Mabilis ang kanyang pagtalikod at nagtungo sa kabilang umpukan.

   Minsan sa buhay, kailangan mong lapatan ang padaskol na pagturing sa iyo ng ibayong panggising. Maraming tao ang umaabuso sa pag-aakalang ang ginagawa mong pagtulong sa kanila ay kanilang karapatan at katungkulan mo namang patuloy itong gampanan. 

   Makikilala mo sa kanilang mga gawi ang tunay at wagas na may paggalang sa kanilang mga sarili. Pagmasdan lamang ang uri ng kanilang mga buhay at lantarang ihahayag kung sino sila.

No comments:

Post a Comment