Pabatid Tanaw

Sunday, July 24, 2011

Nasaan ang Diyos?

   Nagninilay sa tabi ng batis ang matandang pantas nang gambalain siya ng isang lalaki. “Maestro, nais kong maging isang disipulo ninyo!” Ang pakiusap nitong bulalas. 

   “Bakit?” ang nagtatakang tugon ng matanda. Ilang saglit na hindi nakahuma ang lalaki at nagmamalaking sumagot, “Dahil nais kong matagpuan ang Diyos!”

   Biglang bumalikwas ang matanda, sinunggaban sa batok ang lalaki, hinila itong patungo sa tubig at buong lakas na inilubog ang ulo ng lalaki sa tubig. Matapos ang isang minuto na nakalubog, nagka-kakawag, at nagpupumilit na makaalpas ito sa mahigpit na pagkakahawak ng matanda, ay pinawalan nito ang lalaki na sumasagawak ang tubig sa bibig at hinahabol ang paghinga. Nang huminahon na ito ay nangusap ang matanda, “Sabihin mo sa akin, ano ang tanging nasa isip mo nang ikaw ay nakalubog sa tubig?”

“Hangin!” ang humihingal na sagot ng lalaki.

   “Kung gayon,” ang mungkahi ng matandang pantas, “umuwi ka na at bumalik lamang sa akin kapag nais mong matagpuan ang Diyos, katulad ng pagnanais mong makahinga ng hangin.”

 Mga Simulain ng Buhay

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment