Pabatid Tanaw

Wednesday, July 06, 2011

Nasaan ang Liwanag?

   Gabi na at nagmamadali ang lalaki sa pag-uwi nang makita niya ang kanyang kaibigan sa may kanto na nakaluhod at nakatukod ang mga kamay sa semento na may hinahanap na bagay. Tinanong ng lalaki ang kanyang kaibigan kung ano ang hinahanap nito sa kalsada. Ang kanyang kaibigan ay balisang sumagot, “Naiwala ko ang aking susi.”
  
   Nakita ng lalaki sa mukha ng kaibigan na alalang-alala ito at mahalagang makita kaagad ang susi. Kaya tumalungko na rin siya at nakihanap sa nawawalang susi. Ginalugad ang lahat ng mga singit at sulok, sinilip ang ilalim ng nakatabing basurahan, hanggang pati bangketa ay sinuyod. Pabalik-balik, kinapa, sinalat, at inangat ang anumang bagay na maaaring talbugan ng susi nang ito’y mahulog. Wala pa rin at hindi matagpuan ito. Tumayo ang lalaki, pinagpag ang naalikabukang mga kamay at nagtanong sa kaibigan, “Saan ka ba nakatindig nang maihulog mo ang iyong susi?

Nakaluhod at patingala ang kaibigan nang tumugon , “Eh, naihulog ko doon sa may pintuan ng aking bahay nang ako’y papasok pa lamang kangina.”

Napamaang at nanggagalaiti sa inis na nagtanong ang lalaki, “Ganoon pala ang nangyari na naihulog mo ang susi sa harap ng inyong bahay, eh, bakit dito tayo naghahanap sa kanto?

Sumagot ito nang banayad at may paniniyak, Kasi mas maliwanag dito! May ilaw ang poste dito sa kanto.”

-------
Nakakangiti man ito at medyo nakakaiinis ngunit ito ang tunay na mga kaparaanan na nangyayari sa atin. Karamihan ay nais malaman kung ano ang layunin ng kanilang mga buhay. Ibig nilang tiyakin kung ano ang susi ng kanilang kaligayahan. Pinipilit na makita ang susi sa mapagmahal at maligayang pamumuhay. Datapwa’t hinahanap nila ito kung saan-saang pook, sa mga karangyaan, sa mga kinahuhumalingang aliwan, sa mga nagpupugay at kinagigiliwang mga tao, at sa mga bagay na mabibili ng salapi, maliban sa kaibuturan ng kanilang pagkatao.
   Naiisip nila na napakadilim dito at lubhang nakakatakot sa kaloob-looban nito upang hanapin ang mga kasagutan. Sa halip na dito magsimula, patuloy na hinahanap ito sa labas ng makamundong pakikipagsapalaran dahil higit na maliwanag ito at nakakaaliw.
   Kung magagawa lamang nila na hanapin ito sa kaibuturan ng kanilang pagkatao, ay makakakita sila ng pananglaw na higit na maliwanag at naglalagablab kaysa nakikita at umaakit ng kanilang pansin sa labas. Nasa ating mga puso, kaisipan, at kaluluwa lamang masusumpungan ang wagas at dakilang tanglaw na siyang pinakasusi sa lahat ng nagaganap sa ating buhay.
   Simula pa noong lumitaw tayo sa mundo ay nasa kaibuturan na natin ito, laging naghihintay, kumakatok sa ating mga panag-inip, humihingi ng atensiyon at paglingap. At kapag sadyang matigas ang iyong kalooban ay nagpapadala pa ng mga bangungot. Nagpupumilit na gisingin ka at tahakin ang tamang landas na nakatadhana para sa iyo. Ito ang mga kalagayang patuloy na sumasaiyo kung bakit hanggang ngayon ay hindi ka maligaya at nananatiling balisa at binabagabag ng samut-saring mga pangamba.
   Alalahanin na sa iyong mga pagdarasal at mga kahilingang inuusal na sanaay pagkalooban ka ng mga pagpapala, ang mga ito’y tinutugon sa pamamagitan ng mga paghamon at mga balakid na humahalang sa iyong daraanan. Subalit sa halip na harapin ang mga ito ay iyong iniiwasan at nagtutungo ka sa nalalaman mong mas maliwanag at dito mo nililibang ang iyong sarili.
   Iilan lamang ang naghahanap na matuklasan ang katotohanan, at karamihan ay higit pang hinahanap ang magpapatunay at magtatanggol sa kanilang mga kamalian at mga kabiguan. At masidhing hangarin na panatilihin ang kanilang mga pamumuna, paninisi, at mga paghatol. Hangga’t masalimoot ang katotohanan ay ayaw nilang itong malaman, at kung karaniwan naman ay madaling malimutan.
   Huwag kang mangamba na hanapin ang susi sa iyong kalooban. Ang liwanag sa labas ay mga kutitap lamang at hindi makapagbibigay ng totoo at wagas na ginintuang tanglaw na pinaglalagablab ng iyong kaluluwa. Ito ang pinakamaliwanag sa lahat na tatanglaw sa iyong landas upang magampanan ang iyong dakilang layunin sa iyong buhay. Ito ang iyong katotohanan.

Ang hinahanap nating katotohanan na makapagdudulot ng kaligayahan ay nakatago lamang sa ating kalooban at hindi kailanman matatagpuan sa labas na pinagtutuunan natin ng ibayong pansin.

No comments:

Post a Comment