Pabatid Tanaw

Wednesday, July 06, 2011

May Kasalanan Ka Ba?

   “Akala siguro ng mga pulis na ito ay mahuhuli nila ako. Bago ako magnakaw, pinag-aaralan kong mabuti at tinitiyak kong lahat at pinagsasanayan ang mga positibong kaligtasan para hindi ako magkamali. Mga tanga sila at wala silang panama sa akin, he-he he” Ang usal at hagikgik ng magnanakaw sa mga pulis na nagpatawag sa mga parukyano ng isang hapagkainan.  Nalimas ang lahat nitong pinagbilhan sa buong linggo at ang mga parukyanong ito lamang ang mga naroon nang ito’y maganap. 

   Nakahanda na ang magnanakaw sa kanyang ikakatwiran bilang isa sa mga parukyano. Napakaingay nito sa lahat, at galit na galit sa pag-aabalang ginagawa sa kanya. Tinatakot nito ang mga pulis na siya'y maghahabla, na siya'y may kaibigang mahusay na abogado, at kumpare niya ang alkalde ng lungsod. At kung maaabala siyang lubusan; at hindi makakarating sa kanyang pupuntahan sa tamang oras, ay pipilitin niyang mailipat ang mga ito sa higit na mahirap na trabaho sa kanilang himpilan. Nanatiling tahimik ang mga pulis at ipinagpatuloy ang pag-iimbestiga sa kanila.

   Inisa-isang tinanong ang mga parukyano, pinakiramdaman, at masusing inalam ang mga ginawa sa loob ng hapagkainan ng araw na iyon. Lahat ng ito’y nasagot at walang nakuhang matibay na inpormasyon mula sa kanila. Galak na galak ang magnanakaw at nagtagumpay ang kaniyang mga plano. 

  "Matitigas ang inyong mga ulo! Mahilig kayong magbintang, palibahasa’y limitado lamang ang inyong napag-aralan kaya hanggang diyan lamang ang inyong narating. Pweh! Ang pang-uuyam at alipustang ipinukol ng magnanakaw sa mga pulis. 

   Nagsisimula nang magpaalam ang mga parukyano nang dumating ang punong imbestigador at may dalang isang maliit na kampanilya. Pinahilera silang lahat at nagtagubilin na ang inilapag niyang kampanilya sa lamesa ay may makabagong sensor o pandama na magpapabatid kung nagsisinungaling ang isang tao. Bawa’t isa ay kailangang dumaan dito at humipo nang ilang saglit upang malaman ang init, pulso, at iniisip nito. At kapag ito’y tumunog sa humipo, ito ang magnanakaw na mananagot sa nakawan. 

   “Hah, ano ako bali? Hindi ito makakapasa sa akin. Handa na ako para diyan.” Ang buong pagtitiwalang bulong ng magnanakaw sa sarili.

    Lahat ng parukyano ay dumaan at isa-isang nagsihipo sa pambihirang kampanilya, at lahat ay nagalak dahil hindi ito tumunog kahit isa man sa kanila, lalo na sa magnanakaw. Muling nag-utos ang punong imbestigador sa kanila, “Ngayon, ilahad naman ninyo ang inyong mga palad.” At mabilis na inutusan ang isa niyang tauhan, “Sarhento, pakipatay mo nga ang ilaw!”

   At kanilang natagpuan ang magnanakaw at madali nila itong pinosasan. Nagtataka at nagpupumiglas ang magnanakaw, at ipinagsisigawang hindi niya ito magagawa. Nagpaliwanag ang imbestigador na karaniwang kampanilya lamang ito, subalit pinahiran ng espesyal na tinta at makikita lamang kapag patay ang ilaw. Siya lamang ang walang humawang tinta sa palad. Nangangahulugan itong sinakloban lamang ng kanyang palad ang kampanilya at hindi ito hinipo. At ito’y sa pangambang tutunog at siya ay mahuhuli. 

   Nakayukod at pailing-iling ang ulo ng magnanakaw sa kanyang simpleng pagkakamali nang dalhin sa kanyang kulungan, at kanyang bagong tirahan.
-------
Kadalasa’y naririnig ko ang salawikaing’ “Kung sino ang unang pumutak, ay siya ang utak.” Na ang kahulugan ay higit na maingay at tumatawag ng pansin sa iba, ang mga tunay na may pagkakasala upang pagtakpan ang kanilang nagawa at maibaling sa iba ang paghihinala. Karaniwang tanong lamang ay isa na itong pag-uusig at pagbibintang para sa kanila. Yaon lamang may mga kasalanan ang laging umiiwas na mapagbintangan at ginagawa ang lahat ng pagtatakip. Dahil malaki ang kanilang pangamba na ang patuloy na imbestigasyon ay makakahuli sa kanila.
  Kung wala kang ginawang kasalanan, wala kang dapat ikatakot na ang ‘multo’ ay kakatok sa iyong pintuan anumang sandali.
   Minsan may kasama akong kakilala at naglalakad kami nang matapakan nito ang balat ng saging at nadapa. Isa sa pangkat na mga nakakita ay tumatawang tinawag siyang, "Tanga!" Bigla ang pamumula ng mukha nito, mabilis na tumayo at akmang susugurin ang nangutya, subalit nagawa kong pigilan, sa paliwanag na, "Bakit, talaga bang tanga ka at patutunayan mo ito sa kanya. Kung hindi naman ikaw tanga, bakit ka magagalit?"
   Napangiti ang aking kakilala, at nagpatuloy ang aming paglakad na parang walang anumang nangyari. Dinugtungan ko pa ito ng, "Kung may nagsabi ba sa iyong bughaw ang iyong buhok, maniniwala ka ba? Gayong ang buhok mo ay itim. Subalit kanina, kamuntik na tayong mapasubo sa away dahil lamang sa katagang tanga, gayong hindi ka naman tanga. Siya na tumawag sa iyo, ang tanga; sapagkat siya ang higit na nakakaalam nito, kaya niya nagagawang bigkasin." Tuluyang nahimasmasan ang aking kakilala at nagpasalamat sa aming naging kaligtasan.
  

No comments:

Post a Comment