Pabatid Tanaw

Tuesday, June 21, 2011

Mga Maling Paniniwala



   Kung nais nating mabago ang anumang bahagi sa ating kasalukuyang buhay, kailangang baguhin natin ang mga paniniwala na lumikha dito. At upang makalikha ng bagong bagay sa ating buhay, kinakailangang likhain ang bagong paniniwalang ito sa ating kaisipan .

   Sa una, tila mahirap itong magawa: 
   Bakit hindi na lamang tanggapin ang mga mabubuti sa ating buhay at hintayin itong mangyari? 

   Kung ang buhay lamang ay karaniwan at lubhang madali, maaaring harapin na lamang sa ganitong kaparaanan. Subalit masalimoot ang buhay, at hindi ito katulad ng damit na kapag ayaw mo, ay madaling hubarin, palitan, at ibasura. Ang buhay ay ikaw. Habang may buhay, laging katalik mo ang mga paniniwalang ito. Dito nakataya ang lahat ng umiinog sa nililikha mong sariling daigdig. At kung mali ang pundasyon o laman ng iyong isipan, pawang mga kabiguan lamang ang iyong makakamtan sa buhay.

   Papaano malalaman na mali ang iyong paniniwala? 
    Madali lamang ito, pagmasdan mo ang iyong buhay. Kung anong uri ng kalagayan mayroon ka, kung may yaman, nakakaraos, o naghihirap? Sino ang iyong mga tunay na kaibigan, mga kasama, at kakilala? Anong katungkulan ang ginagampanan mo sa iyong pamayanan. Maligaya ka ba sa iyong mga karelasyon? May pananalig o pananampalataya ka ba?  

   Sa uri ng iyong buhay, malalaman dito, kung sino ang pinaniniwalaan mo, sino ang iniidolo o kinahuhumalingan mo, mga pinag-aaksayahan mo ng panahon, at mga aliwang kinaggigiliwan mo. Ang mabuti pa, humarap ka sa salamin at malasin ang iyong buong sarili. Ikaw lamang ang higit na makakasagot sa lahat ng ito.

    Matiwasay na buhay o masalimoot na buhay, alinman dito; ang iyong mga kasagutan ay nagmula lamang lahat sa iyong mga paniniwala. 

   Nagkataon at kadalasan, hindi natin binibigyan ng masidhing pansin ang ating mga paniniwala, at dahil dito ang ating pagharap sa buhay ay higit na nagiging magusot. Sa katotohanan; karamihan sa mga paniniwala ng bawa’t isa sa atin ay nagpapakita na tayo ay hindi lamang nakakatulog at nakakalimot sa sarili, bagkus laging minamaliit pa ang ating mga sariling kakayahan. Tinanggap na ang kapalarang kung aalamin lamang ay mapapatunayang nag-ugat at nagsimula sa mga maling paniniwala.

   Bahagi ng mga kaganapan na nangyayari sa ating mga sarili ay ang pagtanggap ng mga mapanirang paniniwala nang walang anumang kabatiran kung gaano nakasasama ang mga ito sa ating buhay. Katulad ng mga paniniwalang;
     Mahirap lamang ako, wala na akong magagawa pa.
     Magsasaka ang Tatay ko, kaya .., ito magsasaka din ako.
     Pasensiya ka na, kasi, hindi ako nakapag-aral.
     Hindi ako mahusay, ganito na lamang ako habang-buhay.
     Wala tayong salapi, anak, magtiis ka na lamang at makakaraos din tayo.
     Papasok na lamang akong katulong sa ibang bansa, kasi … titser ‘lang ako.
     Trabahador lamang ako,  at hindi bagay sa kanya.

   At mga pangungusap na patapon at padaskol na buhay . . .
     Anong tinitingin-tingin mo, baka... gusto mong lamugin kita! 
     Sige na pwede na 'yan, wala namang nakakakita, eh. . .

   Lagi nating naririnig ang mga pasakit na ito, mga hinaing at mga padaskol na walang katapusan. Mga pamimighati na ginagawang kalasag at mga kadahilanan upang mapagtakpan ang mga kabiguan, at kawalan ng pag-asa sa buhay. Matitinding pangungusap na bumubuhay, nagpapalakas, at humuhubog sa ating buhay. Karamihan sa ating kasiphayuan, mga bagabag, mga pagkatakot, at kapighatian ay nililikha ng mga balintunang paniniwala at pagmamaliit sa ating mga sarili.



   Baguhin at palitan natin ang mga mapanira at mapangwasak na mga paniniwalang ito sa ating sarili. Linisin natin ang mga maruruming kaisipan na ito na lumalason at pumapatay sa ating pagkakataon na mapaunlad ang ating buhay. Masusin nating pag-aralan at palitan ang mga maling paraan kung papaano natin hinaharap ang pakikibaka sa buhay. Higit nating pagtuunan ng pansin ang ating mga sarili, kaysa mga walang katuturang libangan. Ang panahong inaaksaya para dito ay makabubuting ilaan sa mga makabuluhang bagay na magpapaunlad at tuwirang makapagpapaligaya sa atin.

   Hindi ba higit na nakaliligaya kung ang gagawin nating libangan ay mga bagay na pagkakakitaan sa halip na walang saysay na mga aliwan? Nalilibang ka na kumikita ka pa. Hindi masama ang maglibang kung sa pagkalam ng iyong sikmura ay may pagkain naghihintay sa hapag. Ngunit kung wala, aba’y  . . Gumising ka naman! At palitan mo na ang mga mali mong paniniwala. Ito naman ay kung nais mong maging tunay na maligaya sa tanang buhay mo.


Talahuluganan, n. glossary  
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
masalimoot, kagusutan n. complexity
gusot, salimoot adj. complex
masidhi, adj. intense
kasiphayuan, dalamhati n.  suffering
bagabag, n. problem
pagkatakot, n. fear
padaskol, patama-tama, walang-ingat n. cheap workmanship, effortless, without direction
kalasag, panangga n. shield
kapighatian, n. pain
balintuna, walang katiyakan, walang saysay n. unsubstantiated, irony, paradox
malasin, pagmasdang mabuti  v. observe, analyze
sikmura, n. belly, abdomen

No comments:

Post a Comment