Pabatid Tanaw

Tuesday, June 21, 2011

AKO ay Isang Pilipino, sa Isip, sa Salita, at Gawa


Ipinalalaganap ko ang pagmamahal sa wikang Pilipino sapagkat . . .

Ang mga kabatirang Pilipino ay lumalaganap lamang kung ang mga ito’y pinagtutulungang palaganapin ng mga kapwa Pilipino na may pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang pinanggalingan, kasaysayan, at kinabukasan.

1Nais kong ipaalam na ako ay Pilipino rin at tunay na nagmamahal sa aking sariling wika.
2-      …sapagkat mayroon akong isang lahi, isang wika, isang kapatiran, at isang bansa.

3-      …sapagkat lagi kong nararamdaman na ako’y may tungkuling nararapat gampanan para sa ikasusulong ng  wikang Pilipino.

4-      …sapagkat nais kong ipagbunyi at ipagmalaki na ako ay mula sa diwang kayumanggi.

5-      …sapagkat dito ko lamang maipapakita na ako’y nakikiisa sa mga adhikaing makaPilipino.

6-      …sapagkat batid ko na Pilipino lamang ang higit na makauunawa sa kapwa niya Pilipino.

7-      …sapagkat sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa magkakaroon ng pagbabago sa aking bansa.

8-      …sapagkat naniniwala ako na ang kabatiran sa sariling wika ay pagiging makabayan.

9-      …sapagkat pinatutunayan nito na ako’y may kasaysayang natatangi at maipagmamalaki sa buong daigdig.

10-   …sapagkat nais kong malaman ng lahat kong kababayan na may mga inpormasyong tulad nito.

11-   …sapagkat ang aking mga kaibigan, kaanak, at kakilala ay makikinabang kung malalaman nila ito.

12-   …sapagkat kung ang lahat ng Pilipino ay magmamahal sa sariling wika, patuloy ang ispirito ng bayanihan saan mang sulok ng ating kapuluan at maging sa buong mundo.

13-   …sapagkat marami na ang nakalilimot at hindi maunawaan ang kahulugan ng maraming kataga sa ating wikang Pilipino.

14-   …sapagkat dito ko lamang mapapatunayan na ako’y may karapatan na tawaging Pilipino.

15-   …sapagkat naipapakilala ko na may sarili akong lahing Pilipino na lubos na nagmamahal sa akin.

16-   …sapagkat pinalalakas nito ang aking pagtitiwala sa sarili na mayroon akong pinanggalingan, pupuntahan, at mauuwian sa lahat ng sandali.

17-   …sapagkat mayroon akong mga magigiting at dakilang bayani na nakipaglaban para sa aming Kasarinlan.

18-   …sapagkat ikinagagalak ko at inaanyayahan ang lahat sa likas na kagandahan ng ating kapuluan.

19-   …sapagkat nagmamalasakit ako sa kapakanan at kaunlaran ng aking sambayanan.

20-   …sapagkat ang tagumpay ng kapwa ko Pilipino ay tagumpay ko rin. At ang kanilang kapighatian ay pagdadalamhati para sa akin.

21-   …sapagkat nais kong magkaroon ng pagbabago, kapayapaan, at kaunlaran sa aking bansa.

22-    …sapagkat kung hindi ako tutulong, sino ang makakatulong naman sa akin, kapag ako’y nangailangan ng tulong? Higit na makauunawa ang kapwa ko Pilipino kaysa banyaga na walang kabatiran sa aking bansa.

23-   …sapagkat nais kong matupad ang aking pagiging ganap na Pilipino.

24-   …sapagkat bilang Pilipino, maipapahayag ko sa wikang Pilipino kung sino ako. Hindi ko matatanggap ang pagiging Pilipino na hindi ako makapagsasalita ng sarili kong wika.

25-   …sapagkat ang marunong sa sariling katutubong wika ay higit na pinagpapala.

26-   …sapagkat magagawa kong makiharap at makipagsabayan kahit sinumang banyaga, kung marunong ako ng sariling wika. Hindi ang gumagaya, nangungopya, at nagpupumilit na maging katulad nila.

27-   …sapagkat sa anumang larangan na aking ginagawa, isang katangian ang kabatiran sa sariling wika.

28-   …sapagkat nagdudumilat ang katotohanan; sa anyo, kulay ng balat, hugis ng ilong, at punto ng aking pananalita na ako’y tunay na Pilipino.

29-   …sapagkat kahit na ako ay bawalan, takipan, itago, at supilin, lilitaw pa rin ang aking pagiging Pilipino. Kailanma'y hindi ko ito maitatatwa o maipagkakaila.

30-   …sapagkat mula sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, ako ay tunay na Pilipino.

31-   …sapagkat ang magmamahal lamang nang higit sa Pilipino, ay ang kapwa niya Pilipino

Kaya bilang Pilipino tumutulong ako sa pagpapalaganap ng mga katutubo at kabatirang Pilipino. At malaki ang aking paniniwala, maraming mga Pilipino kahit saan mang panig ng mundo ang nakikiisa at nagtataguyod para dito. 

SAPAGKAT may pagmamahal at pagmamalasakit sila sa pagiging PILIPINO, sa ating SAMBAYANAN, at sa bansang PILIPINAS, ang Perlas ng Silangan.

   Sakaliman ang inyong natunghayan dito ay nagkaroon ng kaunting kislot sa inyong puso o ningning sa inyong mga mata, mangyari lamang po na pindutin ang sagisag ng Twitter, Facebook, na matatagpuan sa ibaba, o dili kaya'y kopyahin ito at ipadala sa email sa inyong mga kaibigan, kaanak, o kakilala nang sa gayon ay marami ang makaalam, makaunawa, at makiisa sa dakilang layuning ito. Ang manumbalik ang ating pagmamahal sa sariling mga sining, mga tradisyon, at mga kulturang Pilipino.

Mabuhay po tayong lahat!



No comments:

Post a Comment