Pabatid Tanaw

Friday, May 06, 2011

Kayamanan o Kawagasan?



  Sa mga umpukan at talakayan; kadalasan ay binabanggit ko ang kuwentong ito, bilang paglilinaw sa saloobin ng isang tao kung ano ang pinakamahalaga sa kanya. Kayamanan o Kawagasan?

   Sapagkat may dalawang kagutumang umaalipin sa atin sa tuwina; ang Matinding Gutom at Munting Gutom. Ang Munting Gutom ay nais ng pagkain sa sikmura; subalit ang Matinding Gutom, ang pinakamatinding kagutuman naghahari sa ating lahat, ay ang kagutuman para sa makahulugang buhay . . .
   Ang buhay na mismong kaganapan, kung ano at papaano ang talagang nais nating mangyari sa ating pagkatao. Nakapaloob dito ang lahat ng mga dakilang pangarap at kaligayahang inaasam sa ating paglitaw sa mundong ito.

Si Mang Gabriel, ang Perlas, at ang Negosyante
   Magulo ang kanyang isip, walang hinto ang pagtaas ng petrolyo at lahat ng bilihin, kabila-kabila ang mga karaingang naririnig at natutunghayan niya sa nagaganap sa ating bansa at sa palibot ng mundo, at hindi niya malimutan ang huling pakikipagharap niya kahapon sa mga kasosyo sa negosyo. Nag-aalala ang mga ito at nais nang bawiin ang kanilang mga puhunan. At kapag ito ang nangyari, babagsak ang kanyang negosyo at maraming manggagawa sa pagawaan niya ang mawawalan ng trabaho.
   Lumabas ng bahay ang negosyante at nagpunta sa dalampasigang malapit sa kanyang bahay upang pahupain ang kainitang gumigiyagis sa kanyang kaisipan. Inalis niya ang sapatos at nagpaa na lamang upang kahit sa mumunting bato sa basang buhangin, ay makaramdam siya ng kaunting kiliti at maibsan ang kanyang dinadala sa isip. Nang maala-ala niya si Mang Gabriel sa may dulo ng kaniyugan. Isa itong mangingisda at batikang maninisid noong kapanahunan niya. Subalit kinagiliwan ng lahat sa magaganda nitong pangaral at makabuluhang payo sa buhay.
  Minabuti ng negosyante na pasyalan ito at humingi ng payo. Inabutan niya ang matanda na may iniihaw na malaking isda sa labas ng bahay at maraming talaba ang nakapatong sa hapag na yari sa kawayan. Bikas pa rin ang matipunong pangangatawan nito na pinanday ng panahon sa paninisid sa kalaliman ng dagat sa pananalaba.

  “Magandang umaga po, Mang Gabriel. Masarap na isda ho iyang niluluto ninyo, hah,” ang bungad nito.
  “Oo, napandaw ko kangina lang diyan sa aking umang sa may libis. Bakit napasyal ka, iho?” ang tanong ng matanda.
   “Tulad po ng dati, may nais lamang po akong isangguni sa inyo, tungkol lamang po sa gusot naming magkakasosyo sa negosyo, hindi kami magkaunawaan sa magiging kapasiyahan.”
   “Walang kwenta iyan, munting bagabag lamang iyan at magagawa mong malunasan. Ang iwasan mo’y maging problema iyan, sapagkat kapag naging problema, mahihirapan ka na. Kasi pinoproblema mo na, kaya ka narito ngayon, ginawa mo na itong problema,” ang pabirong pasaring ni Mang Gabriel.
  
   “Nag-aalala lamang po ako sa mangyayari,” ang katwiran ng kausap na napakamot sa batok.
   At susog pa ng matanda, "Kapag problema ito, iho, may kaakibat na solusyon, kaya nga ang taguri dito'y problema. Kung papaano nalikha ang problema; ito ang pagtuunan ng pagmumulat mo, hindi malulunasan ng mga bagabag ito. At lalong walang kalunasan, kung ang ipanglulunas mo'y ang parehong kaisipan ng likhain mo ito. Kailangan lamang baguhin ito at tignan sa ibang anggulo o katiyakan."

     Tumatango ang negosyante at nagalak sa huling binanggit ng matanda. "Hindi nasayang ang aking panahon sa pagkakapunta dito," ang usal niya sa sarili.
  
   “Huwag mo munang isipin iyan, halika sumalo ka na sa akin at luto na ang isda. Hindi ko mauubos itong lahat, saluhan mo ako dine,” ang alok ng matanda. 

Umupo silang magkaharap sa hapag, at sa nakalatag na dahon ng saging ay ibunuhos ni Mang Gabriel ang isang palangganang talaba at nagsimula na itong buksan isa-isa. Nang tuklapin ang isang malaking talaba ay biglang nahulog at gumulong ang isang malaki at napakagandang perlas. Napatulala ang negosyante, ngunit mabilis na naglaro sa kanyang isip na malaking pera ang pambihirang perlas na ito. Malulunasan nito ang kanyang mga pagkakautang at matutulungan ang kanyang negosyo. Kapagdaka’y dinampot ito at nagsumamong ibigay na lamang sa kanya ang perlas.

   Napangiti ang matanda, dinampot ang perlas at masuyong iniabot sa negosyante nang hindi man lamang tinignan ito. Mabilis namang naibulsa agad ito ng negosyante at matapos ang kanilang pananghalian ay nagpaalam na sa matanda. Nawala na ang kanyang interes na makakuha pa ng payo sa matanda. Ang buong kamalayan niya’y nasa perlas na laging niyang sinasalat-salat sa bulsa habang naglalakad pauwi. Sumisipol at tuwang-tuwa sa kapalaran niyang tinamo sa araw na ito.


   Tinitimbang-timbang sa kanyang isipan ang mga gagawin, babayaran, at mga bibilhing kagamitan matapos maipagbili ang perlas. Subalit makalipas ang ilang araw na katititig sa perlas  at kaiisip, isang malaking katanungan ang patuloy na bumabalisa sa kanya. Hindi niya matanto at ganap na maunawaan ang namagitang pangyayari sa pagkakabigay ng perlas sa kanya. Ipinasiya niyang muling magbalik sa bahay ni Mang Gabriel na dala ang perlas, upang masagot ang agam-agam na umuukilkil sa kanyang kaisipan.
   Sa harap ng matanda ay inilapag ng negosyante sa ibabaw ng hapag ang perlas, at nagwika, “ Hindi ko na po kailangan ang perlas na ito, ang nais ko’y, . . . ang malaman at matutuhan kung ano ang mayroon sa inyong puso at nagawa ninyo pong ipamigay ang perlas sa akin ng walang anumang pag-aatubili at panghihinayang.”

  Katulad ng negosyanteng ito, ako man ay nagnanais na matuto sa pambihirang pananaw sa buhay ni Mang Gabriel . Ang magkaroon ako ng tunay na kaloobang mapagbigay ng walang anumang pag-aatubili o panghihinayang. Ang matutuhan kong magmalasakit at ibahagi ang anumang mayroon sa akin ng walang iniisip tungkol sa aking sarili, o hinihintay na kapalit bilang kabayaran sa nagawa ko. Hangad ko ang aking buhay ay nilulukuban ng ganitong dakilang ispirito at maging kasiya-siyang pag-ibig kaninuman, saanman, at kailanman.  

Sapagkat ang Diyos ay Pag-ibig. 



Ang inyong kabayang Tilaok















Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment