Pabatid Tanaw

Friday, May 06, 2011

Balangay ng Paglilingkod



   Malaking bahagi ng AKO, tunay na Pilipino ang matapat na  pagpupugay at pagdakila sa ating mga Bagong Bayani. Ang kanilang maalab na kagitingan, mapusok na pakikipagsapalaran, at marubdob na hangarin na mabago ang kanilang kalagayan sa buhay ay sadyang kahanga-hanga at magandang huwaran.

Nadarama ko ang kawagasan nito, at tulad din nila, ako man ay nasalang sa ganitong matinding pakikibaka sa buhay. Saksi ako at aking pinatitibayan dito ang pagiging tunay nilang mga Bagong Bayani sa ating makabagong panahon.

   Nagsimula ako bilang banyagang manggagawa sa Oman, sa Bahrain, at sa Saudi Arabia. Maging ang Abu Dhabi ay aking nalibot. Ang mga bansang ito ay nasa Arabian Gulf o sa kilalang tawag na Persian Gulf. Nagtagal din ako sa Sudan, sa Aprika, bilang kasosyo sa aming pagawaan ng mga kasuotan. Sa ngayon ay naglalagari sa pagitan ng Amerika at Pilipinas para sa aking mga likhang produkto at personal na paglilingkod. Ang aking mga pambihirang nagawa, karanasan, at natutuhan sa mga ito ay makabuluhan at hindi ko malilimutan. Ang mga ito'y ibayong nagpapatuloy pa. Marapat lamang na ibahagi, mapag-aralan, at malaman ng mga nagnanais ng mga kabatirang ito, upang kahit papaano'y magsilbing tanglaw sa kanilang mga daan at maging kapakinabangan para sa kanila.
   Doon sa aking naging mga pagkakamali sa pagtahak ng maling daan---ay huwag na itong taluntunin pa. At doon naman sa mga napagtagumpayan ko sa kabila ng nakaharap na mga balakid at iba't-ibang pagsubok, marami kayong matututuhan at pamamarisan. Napakainam na maging maalam at alisto sa nangyari mula sa iba dahil walang matrikula itong magugugol para sa iyo. Ang mahirap, ang mangyari ito sa iyo sa hinaharap nang wala kang gaanong kabatiran at anumang naging paghahanda upang maiwasan ang mga kapahamakang ito. Sa pagwawalang bahala; matinding matrikula, panahon, kabuhayan, sakripisyo, at kung magkaminsan ay napakalagim, pati na ang sariling buhay ay naisasalang para dito.

   Sino ang makakalimot kay Flor Contemplacion sa Singapore, Ramon Credo, Elizabeth Batain, at Sally Villanueva sa China, at sa marami pang iba na nauna sa kanila? Bagama't nauwi ang mga ito sa kamatayan, hindi nawalan ng katuturan ang mga ito, bagkus nakagising sa ating kamalayan ang sakripisyong kanilang sinuong sa hangaring baguhin ang kanilang mga kalagayan sa buhay. At ang pagkakamali nila'y huwag nang maulit at sundan pa ng iba.
   Nakapanlulumo, subalit iilan lamang ito sa kabubuan na karamiha'y tumahak sa tamang landas at katotohanan. Wika nga ni Inang, "Sa pagagawa ng kabutihan ang daraanan mo'y makitid at makipot na landas, tiyak na mahihirapan ka. Subalit narito ang tagumpay na minimithi mo. Taluntunin mo ang daan na ito at walang gaanong trapik dito."

   Kaya nakakagalak na maglakbay kung nakakatiyak ka ng tagumpay. 
"Kailanman, hangga't para sa kabutihan at paglilingkod sa kapwa ang nananatili sa kaibuturan ng iyong puso, ang tagumpay ay laging sasaiyo."

   Sumama sa paglalakbay na ito sa ating Balangay, magtawid dagat tayo, alamin ang ating mga Bagong Bayani ngayon . . .

Ito'y para sa inyo, sa lahat ng mga tunay na Pilipino
na may pagmamalasakit sa ating Inang Bayan.


Mabuhay tayong lahat!

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment