Pabatid Tanaw

Thursday, April 07, 2011

Tatlong Salaang Katanungan



Makakaya mo bang malampasan ang tatlong salaang pagsusulit na ito?


   Kung maghahayag ka ng balita, alin sa mga ito ang sasabihin mo at iingatang manatili sa iyo?

   
    May isang iskolar sa nayon ng Kupang ang masasabing matalino at maingat sa bagay na ito. Isang araw, sa may panulukan ng mga daang M.H.del Pilar at Manalaotao, may isang kakilala ang nakatagpo sa huwarang iskolar at nagpasaring,
   “Alam mo ba ang narinig ko kamakailan lamang tungkol sa iyong kaibigan?”
   “Hintay,” ang sansala ng iskolar. “Bago ka magpatuloy, hayaan mo munang magtanong ako.
   Ito bang ibabalita mo sa akin ay katotohanan?”
    “Hindi ko alam,” ang sagot ng kakilala na nagumilahanan.
   “Kung gayon,” ang amuki ng iskolar. “Hindi mo alam kung ito’y totoo. Payagan mong muli na ako’y makapagtanong.”
   “Ito bang ipapaalam mo sa akin ay makakabuti?”
   “Hindi, ito’y para lamang malaman mo,” ang tugon ng kakilala na napakunot ang noo.
   “Sa dahilang ito, mayroon akong pangatlong katanungan. Ang balitang bang ito’y makakatulong sa akin?” ang mapitagang tanong ng iskolar.
    Napatunganga ang kakilala at kapagdaka'y humalagpos sa bibig ang;
   “Hindi, ito’y walang maitutulong.” At bumalatay sa mukha ng kakilala ang tulirong posisyon na kinasadlakan niya. Napatingin ito sa mga nagdaraan at mistulang humahanap ng kakampi.
   Napapangiti, nagpaliwanag ang iskolar, “Kung ganito na ito’y hindi maaaring maging totoo, hindi rin makakapagdulot ng kabutihan, at walang makukuhang kapakinabangan para dito, bakit tuwang-tuwa at nagkukumahog kang ibalita ito sa akin, para saan ito?

Maglirip tayo:
   Ang mga balita mo ba’y nagagawang malampasan ang tatlong salaang katanungang ito
   Simpleng pangyayari lamang ito, subalit patuloy na nagaganap sa ating kapaligiran. Simpleng taguri din ang kalapat nito; “Tsismis!” Walang kapararakang pag-aaksaya ng panahon at tandasang pagwawasak ng reputasyon ng iba. Marami ang nahuhumaling dito at ginagawang mapanirang bisyo; upang pagtakpan ang pansariling mga pagkukulang, kabiguan, pagka-inggit at panibugho.

   Pakatandaan lamang ito:
Masusing tanungin ang sarili ng mga katanungang ito bago magbalita sa iba;

   Ang ibabalita ko ba ay katotohanan?
   Ito ba ay makakabuti?
   At sadyang makakatulong ito?

   Kung dalawa lamang sa mga katanungang narito ang masasagot, maging maingat sa ibabalita. At maging sa epekto doon sa mga makakaalam ng balita. Iba’t-ibang interpretasyon ang kalalabasan nito. Dahil laging may pakpak ang balita, mabilis itong tinatangay ng hangin upang kumalat. Anumang ihahatid nito’y makapipinsala sa kinauukulan.
   Datapuwa’t kung nagawa mong malampasan ang tatlong salaang katanungan, nararapat lamang na ito’y masiglang ipahayag.

   Ang walang pakundangang pagbabalita ay isang tandasang paninira. 

   Laging tatlong tao ang ipinapahamak nito; 
1.       ang taong ibinabalita
2.       ang taong nagbabalita
3.       at ang taong pinagbabalitaan

 Ang Salaula
Kapag may makating dila, mayroong magsusulputang usisa.
Kung may usisa, may nakalaang tawing-tawing na akala.
Sa akala, maraming idudulot na maling sapantaha.
Sa maling sapantaha, lahat ng kasangkot ay may pagkakasala.
At ang patuloy na pagkakasala, ay buhay na salaula.

   Ang epekto ng nakagawiang paninira sa kapwa ay humahantong sa pagkasira ng relasyon, paghina ng pagtutulungan, at masaklap na kapahamakan. Subalit iilan lamang ang nakakaiwas dito. Kapag wala itong kabuluhang mararating; tsismis ito, at maghahatid lamang ng hilahil sa taong isinasangkot.


Pag-aralan at timbangin ang balita.  
Ito ba’y isang tsismis na makasisira ng reputasyon ng iba, o isang magandang huwaran sa pagtutulungan? Makapagdudulot ba ito ng magandang relasyon sa lahat ng kinauukulan?

Tiyaking kabutihan ang tinutungo nito. Lahat ay may kanya-kanyang hapdi at drama na nais isiwalat. Piliin lamang na nasa matuwid ang ipaaalam at hindi ang paninisi sa iba. Kung ang hangad ay itama ang nagawang kamalian at palitawin ito na kagagawan ng iba, ang sarili lamang ang kahiya-hiyang mailalantad. Dahil kung hindi maingat sa sariling lihim, papaano na kapag lihim ng iba?

Anumang ibinabalita ay ikakalat. Iilan lamang ang makapipigil sa kanilang dila. Bawat isa’y may kanya-kanyang nakatagong paghihimagsik sa kalooban. Tulad ng isang tapayan na umaapaw na, kapag ito’y nadagdagan, kailangang tumapon. At kasiya-siyang may tapunan at paglagakan ito; ang mga tainga ng mga usisero. Dahil mapag-usisa ang mga ito at kiliting-kiliti sa inihahatid na balita. May obligasyon sila sa kanilang mga sarili na lumikha ng kanilang bersiyon at palakihin ang inpormasyong natanggap. 

Iwasan itong ihatid, ikalat, at higit pa ang isulat. Kung may hinanakit ka’y David, huwag ipaalam kay Bruno. Walang kinalaman dito si Bruno at lalong walang magagawang ikalilinaw ito sa usapin. Bagkus, makakasira pa ito. Si David ang dahilan, si David din ang makakalutas. Ayaw ni David? Ipaalam doon sa may karapatang maglinaw. Matigas pa rin si David at hindi mapakiusapan? Isangguni sa may kapangyarihang makapagpapasiya. Matapos ang lahat nang ito; matindi at nanggagalaiti pa rin si David? Idulog sa Dakilang Lumikha, at magpatawad. Maluwalhating tanggapin na ang lahat ay isang paghamon upang ikaw ay manatiling matatag. Huwag pahintulutan na ang lasong dala nito ay magawang lasunin ang iyong buong pagkatao, at mapasama ang lahat ng mga nakapaligid sa iyo.
   Sa panahon ngayon ng mabilis na inpormasyon; email, facebook, twitter, atbp. Madaling kumalat ang inihatid na balita. At anumang lasong inilapat dito ay mistulang mga punglong kumikitil sa buhay ng mga taong nasasangkot.
   Isa itong hilaw na kapangyarihan na kawangis ay isang espada. Hindi lamang matalim ito, lalong matalas ang kanyang puluhan. At sa lahat ng humahawak ng espadang ito; humihiwa itong malalim at mahapdi doon sa mga taong isinasangkot, nagsasangkot, at doon sa nagpapasangkot.
   Kailanman ang mga bagay ay hindi nagaganap ayon sa iyong iniisip na mangyayari. Maraming balakid ang humahadlang dito. Alaming mabuti kung sino ka at hangad na katauhan mo na nais mong mailantad, bago magpahayag tungkol sa iba. Sapagkat, kung hindi mo ito gagawin, madali kang malilito at mawala sa sarili. At mapapansin mong ang iyong sarili na ang ipinagkakanulo mo.

   Maraming madaling kaparaanan para huwag mangyari ang negatibong balita kaysa doon sa idudulot na matinding kapahamakan, kakayahang itama at malunasan ito. Subukang baligtarin ang ibabalita. Sa halip na negatibong pahayag, gawin itong positibong pahayag at pagpapahalaga sa nakatalikod na tao.

   Kailangan lamang na manatiling nasa tamang landas ang iyong dakilang layunin at ang lahat ay kusang kikilos para sa iyong tagumpay.

Mula sa inyong kababayan,

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

No comments:

Post a Comment