Pabatid Tanaw

Friday, April 08, 2011

Ang Pagmamalasakit



   Patuloy pa rin ang mga pagyanig hanggang ngayon sa bansang Hapon. Marami ang hindi pa nakikita. Ang tagas at singaw sa planta ng nukleyar ng Fukushima ay nasa panganib. Sa kabila nito, ang mapagkumbabang pagtanggap na ipinamalas ng mga Hapones sa tatlong magkakasunod na daluyong ay isang magandang paglalarawan sa ispirito ng kagitingan at bayanihan. Sa mga kalagayang ito, isang namumukod tanging pagmamalasakit ang nakapukaw at tumatagos sa puso ang minsan pang naganap.
   Ipinadala ang liham na ito kahapon sa akin ng isang kaibigan. Inilatha ito sa ‘New America Media (NAM)’ nito lamang nakaraang ika-19 ng Marso. At isinalin sa Inggles ni Andrew Lam, editor ng NAM at pinaikli naman ang kabubuan ng pahayagang ‘Shanghai Daily.'
   Tungkol ito sa ipinadalang liham ni Ha Minh Thanh, isang Vietnamese immigrant, at naglilingkod bilang pulis sa Fukushima. Sa liham na ito sa kanyang kaibigan, ay ipinabatid niya ang pambihirang karanasang namagitan sa pagdadamayan ng mga Hapones.

  “Kapatid, kamusta ka pati na ang iyong pamilya? Sa nakalipas na mga araw, lahat ay napakagulo. Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, pawang mga katawang patay ang aking nakikita. Kapag iminumulat ko naman, ang nakikita ko pa rin ay mga katawang patay. Bawat isa sa amin ay kailangang magtrabaho ng 20 oras sa buong araw, subalit ang nais ko’y 48 oras sa buong araw, upang patuloy kong magampanang tumulong at makapagligtas ng mga nasalanta.
   Wala pa ring tubig at koryente, maging ang rasyong pagkain ay halos wala na. Hindi naming magawang maiusad ang mga nagsisilikas hanggat wala pang panibagong utos na ilikas sila sa ibang ligtas na pook. Kasalukuyang narito ako sa Fukushima, may layo itong 25 kilometro mula sa planta ng nukleyar. Marami akong nais isiwalat sa iyo, at kung maisusulat ko lamang ang mga ito, nakakatiyak akong ito’y isang nobela tungkol sa relasyon at pag-uugali ng mga tao sa mga panahon ng krisis.
   Sila ang mga taong nananatiling tahimik ---ang kanilang angking dignidad at tamang pag-aasal ay nakakalugod ---kaya nga ang mga bagay ay hindi naman gaanong malubha. Subalit sa susunod na linggo, hindi ako nakakatiyak na ang mga bagay na ito’y hindi aabot sa puntong hindi na kami makapagpapanatili ng proteksiyon at kaligtasan. Sapagkat sila’y mga tao din, at kapag matinding gutom at uhaw ang namayani kaysa dignidad, mangyayari na, gagawin nila ang lahat na kanilang magagawa. Ang pamahalaan ay pinipilit tumulong na magbagsak ng mga kinakailangan mula sa himpapawid, nagdadala ng mga pagkain at gamot, ngunit kawangis lamang ito ng butil ng asin sa dagat.
   Kapatid, mayroong isang nakapukaw at gumigising na pangyayari dito. Ito’y tungkol sa isang maliit at batang lalaki na Hapones na nagturo sa isang may gulang na tulad ko ng isang leksiyon kung papaano umasal ang isang pagkatao. Kagabi, ipinadala ako sa isang maliit na paaralan sa wika upang tumulong sa isang orginasasyon ng kawanggawa. Ito’y ang ibahagi ang mga pagkain sa mga nagsisilikas. Napakahaba ng pilahan at mistulang ahas ang daloy nito nang makita ko ang maliit na batang lalaki, halos siyam na taong gulang ito. May suot siyang kamiseta at maikling pantalon. Patindi na ang paglamig at ang batang lalaki ay nasa pinakahulihan ng pila. Nangamba ako na pagdating niya sa unahan ay  wala na siyang dadatnang pagkain.
   Kaya kinausap ko siya. Ang kuwento niya sa akin ay nasa paaralan siya ng mangyari ang paglindol. Ang kanyang ama ay nagtratrabaho malapit lamang dito at sakay ng kotse. Ang bata ay nasa balkonahe ng pangatlong palapag nang makita niyang tinangay ng tsunami ang kotse ng ama. Tinanong ko kung nasaan ang kanyang ina. Ang tugon niya’y nasa may dalampasigan ang kanilang bahay at maaaring ang kanyang nakababatang kapatid na babae at ina ay hindi nakaligtas. Umiling lamang at pinahiran ang kanyang luha ng tanungin ko kung nasaan ang kanyang mga kamag-anak.
   Ang bata ay nanginginig, kaya hinubad ko ang aking jacket at isinuot sa kanya. Dahil dito, nahulog ang supot ng pagkaing inirasyon sa akin. Dinampot ko ito at iniabot sa kanya. “Kapag nakarating ka sa unahan, maaaring wala ka nang makukuha pang pagkain. Heto, sa iyo na ang aking nalabing pagkain. Kumain na ako. Bakit ayaw mong kumain?” Kinuha ng bata ang supot ng pagkain at nagtungo sa unahan. Isinama ito sa karamihan ng mga ibinabahaging pagkain.
   Napatulala ako. Tinanong ko siya bakit niya ginawa ito, na sa halip kainin ay isinama pa sa karamihan ng mga pagkain. Ang tugon niya, “Sapagkat nakikita kong maraming tao ang higit na nagugutom kaysa akin. Inilagay ko ito dito, upang patas na maipamigay.” Nang marinig ko ito, tumalikod ako at lumayo upang hindi makita ng mga tao ang aking pagluha.
   Ang lipunang nakakalikha ng siyam na taong gulang na nakakaunawa ng konsepto ng sakripisyo para sa kagalingang panlahat ay isang dakilang lipunan, isang dakilang sambayanan. Kaya nga, mumunting mga linya lamang ito na ipinadala sa iyo at sa iyong pamilya. Ang aking mainit na pangungumusta. Ang mga oras ng aking relyebo ay nagsimula nang muli. Ha Minh Thanh

No comments:

Post a Comment