Pabatid Tanaw

Sunday, March 06, 2011

Pumili Tayo



Sa Paggawa ng Kabutihan at Kasamaan
 
   Maraming taon na ang nakalilipas, doon sa bundok ng Mariveles, sa lalawigan ng Bataan, ay may isang matandang lalaki na laging nakasabit araw-araw sa sanga ng isang mataas na punong-kahoy. Nakagawian na niya ito upang magbulaybulay. Kahit na umiindayog ang sanga sa tuwinang may malalakas na hagupit ng hangin at ulan, ay nananatiling itong matiwasay at tahimik sa pagkakasabit . Dahil dito, tinagurian siyang si “Salay” ng mga taga-nayong nananahan sa ibaba ng bundok. Sapagkat mistula siyang pugad ng ibon na nakasabit sa sanga.
   Marami sa mga taga-nayon ang dumaraan sa ilalim ng puno, kapag nanghuhuli ng hayop at namumulot ng panggatong. Sa kalaunan, nakasanayan na rin nila ang kakaibang pag-uugali ng matanda. Ang iba sa kanila ay nahabag at nakiusap kay Salay, na hintuan ang ginagawa at baka magkasakit pa ito. Naibigan nila ang kababaang-loob nito sa pagtugon, pati na ang mga pananalita na kapupulutan ng magagandang aral.
   Ang pambihirang katalinuhan ni Salay ay kumalat sa maraming dako. Tinawag siyang pantas at naging timbulan sa pagbibigay ng mga magagandang panuntunan sa buhay. Marami ang naganyak at dumarayo sa liblib na gubat na nanggagaling pa sa lungsod ng Balanga, at karatig na lalawigan. Maging ang gobernador ng Bataan, ay nagpasiyang pumasyal kay Salay. Isang umaga ng tag-araw, sinimulan ng gobernador ang paglalakbay. Matapos ang tatlong araw, natagpuan niya ang punong-kahoy ni Salay sa makapal na kakahuyan sa tuktok ng kabundukan. Ang matanda ay taimtim na nakasabit sa pinakamataas na sanga, nakapikit na nilalanghap ang halimuyak ng mga bulaklak sa kanyang paligid, at maligayang pinakikinggan ang masasayang huni ng mga ibon sa tag-araw.
   Nakatingala, pahiyaw na tumawag ang gobernador, Salay!” “Salay, ako ang gobernador ng lalawigang ito, nanggaling pa ako sa malayong pook upang makipag-usap sa iyo. Mayroon akong napakahalagang katanungan!” Naghintay ang gobernador ng katugunan, subalit ang narinig niya ay pawang tunog ng banayad na indayog ng mga sanga at kiskisan ng mga dahon, sanhi ng paghaplit ng hangin. Nagpatuloy ang gobernador, “Ito ang katanungan ko: "Turan mo, Salay, ano ang pinakamabuting aral na maituturo mo sa akin? Nais kong ibigay mo sa akin, ay yaong tulad sa ginto ang kahalagahan." Muli, patuloy ang langitngit at wasiwas ng mga sanga at pagaspas ng mga dahon.
    Sa kalaunan, tumugon si Salay mula sa itaas ng puno, “Gobernador, ang kasagutan para sa iyo ay ito; Huwag gumawa ng masasamang bagay. Manatili sa paggawa ng kabutihan. Ito lamang ang ginintuang panuntunan.” Nagumilahanan ang gobernador, at naisip na ang kasagutang ito ay napakaikli at pangkaraniwan lamang, upang pag-aksayahan ng tatlong araw na paglalakbay at paghahanap. Naiinis, pauntol-untol itong nagpatudya,"Huwag gu-ma-wa ng ma-sa-samang ba-gay; ma-na-tili sa  pag-gawa  ng ka-bu-tihan! At nayayamot itong humiyaw, "Hoy, Salay! Matagal ko nang alam ito, noong ako’y tatlong-taon gulang pa lamang!"
   Napakunot-noo si Salay, masusing tumitig sa gobernador sa ilalim ng puno at paismid na nangusap, “Oo ngat nalalaman ito ng tatlong-taong gulang, subalit ang pitumpong-taong gulang, ay patuloy pang nananaliksik at naghihirap na magawa ito!”  

                                                            ====================

Makabuluhang Aral: Gawin nating panuntunan ito: 
Gumawa ng mabubuting bagay, at huwag gumawa ng masasamang bagay!  
Ang masamang kaisipan, ay nagtutulak upang gampanan at makasanayan ang mga maling pagkilos at kapahamakan, na pawang humahantong sa kapighatian. Samantalang ang mabuting kaisipan,
ay umaalalay sa iyong mga tamang naisin at kakayahan na mamuhay sa pinakamataas na antas ng kaligayahan, tagumpay, at pananatili ng angking kalusugan.
Saan ka man naroroon, lagi mong dala ang iyong sariling daigdig. Ang kaligayahan mo ay nasa iyo at hindi masusumpungan mula sa iba. Ikaw ang higit sa lahat ang nakakaalam at makakagawa ng sariling kaligayahan at maging kalungkutan.
Pananaw: Anuman ang iyong kalagayan o katayuan sa buhay, laging dalawa lamang ang iyong pagpipilian: Kalungkutan o Kaligayahan? Tagumpay o Talunan? Karukhaan o Kasaganaan? Kapighatian o Kapayapaan? Pagkakaisa o Paglalaban? Buhay o Kamatayan? Mamili ka. Ikaw ang masusunod at wala ng iba pa. At ito ang iyong magiging tadhana.
Panambitan: May dalawa tayong kapangyarihan sa pagpili; Una, ang kapangyarihan na pumili. Pangalawa, ang kapangyarihan na piliin ang kung ano ang tama. Ito ang sagradong panuntunan na sinusunod ng buong puso ng mga tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment