Pabatid Tanaw

Tuesday, March 08, 2011

Ang Kaligayahan Ko



   Ang kaligayahan ay hindi nasusukat sa dami ng salapi, mga materyal na bagay, mataas na katungkulan, at mga masigabong palakpakan at papuri. Sapagkat ang maligaya ay yaong nagagawang patas at banayad ang kabatiran at paghahangad. Ito ang kumakatawan sa marangal na pagkilos, kahit na maraming pamantayang nagbibigay kahulugan para dito. Hangga’t ang pagkilos na ito’y nauukol sa kapurihan, pagtulong, katarungan, at mga makabuluhang bagay tungo sa kabutihan, nagbubunga ito ng walang kahulilip na kasiyahan at kaligayahan.
   Hindi ito hinahanap, kusa itong nagaganap saanman, kailanman, at alinman pook ang kinalalagyan o kinatatayuan mo. Nasa iyong kapasiyahan at pagtingin sa mga kaganapan sa iyong paligid, ang nagbabadya kung nais mong maging maligaya o malungkot man. Baliw lamang ang umaasang ang kaligayahan ay patuloy at walang katapusan, o kaya’y magagawang hawakan ito kapag natagpuan.
   Ang kaligayahan ay simbuyo ng damdamin at ng makabuluhang pagkilos. Kahit marami ang nakakaalam nito, lahat sila’y inaaksaya ang mga buhay sa masugid na paghahanap ng kasiyahan, at nagpapatuloy ang kahangalan na matatagpuan ang kaligayahan sa patutunguhan. Laging binabagabag at binibigkas na ang buhay ay puno ng lumbay at pawang kapighatian. Sinisisi nila ang relasyon na panis at walang pagmamaliw. Kumikilos sila sa pag-asang ang mga bagay na ito ay matatagpuan sa ibang pook. At bihira na masumpungan sa kanilang imahinasyon na ang kaligayahan ay mismong nasa kanilang puso’t kaisipan.
   Ang pangunahing lihim ng buhay ay tuklasin ang kapangyarihang ito mula sa iyong sarili, sa kaibuturan ng iyong puso. Kailanman hindi ito masusumpungan sa mga bagay, kahit sinong tao; kapuso, kapamilya, kapatid, o kaibigan man. Tayo ang lumilikha ng ating kaligayahan. Saan mang dako tayo makarating, dala-dala natin ang ating sariling daigdig.
   Ang kaligayahan ay hindi tulad ng nawalang kasangkapan na magagawang hanapin. Tayo ang nagbibigay ng pambihirang kahulugan at karanasan nito sa ating sarili. Walang sinuman ang magiging masaya para sa atin o magsasabi kung ano ang magpapasaya sa atin, kahit ipagpilitan pa nila ito. Lalong malaking kaligayahan ang nawawaglit sa pagnanais ng matagpuan ito sa iba. Kahibangan lamang ito.
   Matatagpuan lamang ang kaligayahan sa paggawa ng kabutihan. Ito ang nagpapaligaya sa atin. Ang marangal na mga pagkilos na may dakilang patnubay ng sariling puso’t kaisipan. Hindi lamang isang damdamin upang magawa ang hangarin, bagkus ito ang siya mismong kaganapan. 

Ang inyong kabayangTilaok,

 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment