Pabatid Tanaw

Wednesday, March 16, 2011

Mga Pambihirang Kawikaan: 501


Mga Patnubay sa Buhay

   Sa aking buhay, nakatindig ako sa mga prinsipyong kumakatawan sa kagalingang panlahat. Ang mga ito ang aking ginagawang timbulan sa aking paglalayag. Dalawa dito ang tungkol sa pagmamahal at pagkakanulo. Ito ang buod ng ating mga Pambihirang Kawikaan 501. Tatalakayin natin ngayon ang pagkakanulo. 
   Ano ang pagkakanulo?
   Isa itong matinding pagtataksil mula sa mga pinagkakatiwalaan. Gumagamit sila ng panghalina, matatamis na pangungusap, at pagsasamantala upang makuha ang iyong pagtitiwala. At matapos ito, ikaw ay ipagpapalit sa mataas na halaga, isasalang, ipaglalantaran, itatatwa, at isisiwalat ang lahat ng tungkol sa iyo. Kahit wala kang pahintulot at tumututol tungkol dito.

   Anumang paliwanag ang matutunghayan ninyo dito, ay mungkahi lamang mula sa akin. Mayroon kayong karapatan na malayang sambutin o talikdan ang mga ito. Hangarin ko lamang na buksan at panatilihing gising ang inyong mga diwa, sa mga kaganapang nakapangyayari sa ating kapaligiran.
   Malaki ang aking paniniwala na kahit man lamang sa pamamaraang ito, ay makamit at tahasang maganap ang pagkakaroon ng matiwasay na buhay. Dangan nga lamang, ang daang matuwid ay nangangailangan ng pagyakap sa wastong pag-uugali, sakripisyo, disiplina, makahulugang pamumuhay, at paglilingkod sa kapwa.
   Bilang kumakatawan sa tunay na Pilipino, katungkulan kong kalampagin ang nausiyaming pagsibol sa ating kamalayan ng nararapat na liwanag. Kailangan nating sindihan, paliyabin, at pag-alabin ito. Ang magpatuloy sa paglagablab, upang ang marami sa atin, ay matanglawan at hindi manatiling nasa karimlan. Ito ang landas na aking tinatalunton. Kumapit lamang at maglimi sa paglalayag na ito.

Mga Kawikaan 501

501- Ang escalator ay hindi nawawalan ng saysay. Huminto o masira man ito, maaari pa ring magamit na hagdanan. Gayundin ang buhay; ang isang kamalian gaano man katindi, ay hindi isang sagwil at katapusan na.

502- Kapag ang pangalan mo’y nakaukit sa gusali, dakila o mayaman ka. Kung ito’y nakapatong naman sa hapag, may katungkulan ka. Subalit kung nakatatak naman sa kamiseta, may negosyo o namumulitika ka. Ang nakakalungkot dito, kapag walang nakakaalam kung ano ang pangalan mo. Gumising ka naman.

503- Ang sangkatauhan ay may mahusay at masaklap na pagpipilian sa ngayon; trabaho o telebisyon, pangkabuhayan o tsismisan, makabuluhang pagbabasa o walang katuturang aliwan. Alinman dito ang piliin, ay siyang magtatakda ng kapalaran.



Nangyayari ito sa ating bansa:
504- Dalawang Pilipino ang katatapos lamang sa kolehiyo ang nagkasalubong. Ang tanong ng isa, “May trabaho ka na ba?” Ang tugon naman ng isa, “Wala pa, kahit katulong lamang ay tatanggapin ko sa ibang bansa, basta makaalis lamang ako dito sa atin.”

 505- Dalawang kabataang Tsino-Pilipino ang nagkasalubong, Ang tanong ng isa, “Ano ang negosyo mo ngayon?” Ang tugon naman ng isa, “Katulong ako sa negosyo ng aking ama, nais niyang matutuhan ko ang lahat tungkol sa negosyo.”



506- Ang katapatan niya ay tulad ni Gat Andres Bonifacio. Subalit ang kanyang panghalina, ay katulad ng taong pumatay sa kanya.

507- Ang pinakamadilim na mga panig sa impiyerno ay nakahanda doon sa mgat taong sa panahon na kailangan sila ng kanilang bansa; ay nananatiling ayaw masangkot anuman sa nagiging kalagayan nito.

508- Dalawang paraan upang magliwanang o magdilim ka. Ang isa ay hanapin mo ang iyong lagablab at lalong pag-alabin ito upang mag-alab din ang dingas ng iba. Ang isa naman ay padilimin ito o huwag tulutang magningas ang silab ng iba.

509- Dahil sa pakiwari niya’y wala siyang halaga; patuloy niyang pinarurusahan ang kanyang sarili sa padaskol-daskol na pamumuhay at pagwawalang bahala sa kanyang kinabukasan. Bahala na ang kanyang bukambibig.

510- Ang salaping papel; gaano man ang halaga nito, kahit na lukutin, hatiin, pirasuhin, dumihan, at itapon, mayroong pupulot dito. Tulad natin, mayroon tayong halaga kahit anuman ang ating pinagdaanan, kamalian, at kabiguan---mayroon pa ring nagmamahal sa atin. Huwag nating kalimutan ito.

511- Madali lamang ito; may mga bagay na tamang gawin, at mayroon ding mga bagay na maling gawin.

512- Maari mong ikatwiran ang wasto at mali ng isang tao, subalit higit na tama ay yaong limiin kapag sa iyo ito ginawa.

513- Ang kaanak, kaibigan, at samahan, ay hindi matimbang kung sakali’t marami ang napipinsala nito.



514- Kung nais mong makatiyak sa isang relasyon, nararapat lamang na isagawa mo ang uri ng pagkatao na iyong hinahangad.

515- Sa totoo lamang, yaong nagbabanta at sumusumpang gagamit ng dahas at kapinsalaan ay nagmumula sa pangambang sila ay hindi kaibig-ibig.

516- Ang pagiging makamkam at makasarili ay nag-uugat mula sa pangamba at matinding pangangailangan.




517- Ang katagang ‘kaibigan’ ay hindi isang karapatan na magagawa mo ang iyong naisin na tila isang katungkulan at kabayaran.

518- Ang saksak sa likod ay matagumpay, kapag nagpunla ng lasong binhi sa mga taong uhaw at makati ang dila.

519- Bagama’t siya ay sakdal na masama, isa rin siyang huwaran upang hindi tularan.

520- Hindi maipapaliwanag ang kasamaan. Ang kailangan lamang ay pagmasdan ito na bahagi ng ating kaganapan. Ang ipagwalang bahala at pahintulutan ito, ang dahilan ng ating masalimoot na buhay.

521- Malimit, ang katarungan ay hindi makakamtan. Ang paghihiganti ay hindi makakalutas. Ang masama at kabuktutan nito ay magpapatuloy---hangga’t ang kapighatian ay laging nasa ating kaisipan.

522- Ang makisama sa mga taong ang laging bulalas ay kahirapan, pangamba, pagkainip, at walang katiyakan sa buhay ay isang pagpapatiwakal. Papatayin ka nito unti-unti sa pagkayamot at sa nagagayang matinding kasiphayuan.

523- Hindi katungkulan na iyong mga kamag-anak na pasanin ka, arugain ka, at tustusan ka. Hindi ito isang karapatan na ipapataw mo sa kanila.

524- Palagi itong nangyayari; matimbang ang salapi kaysa dugo. At maging sa larangan ng integridad, karangalan, kabutihan, mga pangako, at pakikipag-kaibigan ay nasasalaula nito.


525- May mga taong winawasak ang kaligayahan ng iba, kapag napansin nilang higit itong maligaya kaysa kanila. Iwasan ang mga ito; kung nais mo ng matiwasay na buhay. Huwag lamang maglakad, tumakbo ka palayo sa kanila.

526- Ang mapaghangad ng hindi sa iyo, ay itinutulak ka lamang upang lalong mabulid sa kapahamakan. Sapagkat lahat ng iyong pagpupunyagi ay mawawalan ng saysay---ipinagkakanulo lamang nito ang tunay mong pagkatao.




527- Ang tunggalian ay maganda, kung naipapakita nito ang kagalingan ng magkabilang panig. Subalit nakapanlulumo, kapag ang hangarin ng isa ay wasakin ang kanyang katunggali.

528- Ang panibugho at pagiging mainggitin ay talamak at nakakarimarim na pag-uugali. Ibinubulalas nito ang maitim mong pagkatao. Kahit anong panlabas na anyo ang gawin mo, sisingaw pa rin ito.

529- Isang kapangitan na makuha mo lamang ang iyong ninanais, kailangang ipagkanulo mo ang iyong pagpapahalaga sa sarili, kabutihan, mga kautusan, responsibilidad sa iba, mga batas, pagiging patas, at dangal.

530- Hindi basta naganap ang lahat. Ito’y unti-unting ginawa hanggang sa mangyari. Tulad ng maraming sinulid na patuloy na pinagsasama hanggang sa maging lubid, ito ang sasakal sa iyo.

531- Sa pagiging tuso at makamkam, napapatunayan nila ang kanilang imbing kahalagahan at kapangyarihan.  

532- Kung panatag ka, sa kabila ng nakakahindik at sukdulang kapighatian sa paligid mo, mangyari lamang na lagi kang handa sa iyong kaligtasan. Sapagkat ang kapanatagan mong ito ay hudyat upang ikaw ay tampalasanin.

533- Tinuklaw ako ng alakdan. Hindi ko sinisisi ang alakdan, kalikasan niya ito. Ang dapat kong sisihin ay ang aking sarili. Naging tanga ako sa ilang sandali.

534- Ang ulupong; tawagin mo man ito na Ginoong Ulupong, nananatili pa ring ulupong ito.

535- Walang masama, demonyo, at magkaroon ng Satanas sa ating buhay. Kaya lamang ito nangyayari, ay maraming mabubuting tao ang ayaw masangkot at isagawa ang kanilang kabutihan.

536- Ang kagandahang-asal ay ang iyong mga ginagawa, hindi ang iyong iniisip, nadarama, at pinaniniwalaan. At lalo naman kung ipinapangako mo pa ito. Matindi pa, kung gumagamit ka ng salita mula sa Banal na Aklat. Nakakapangilabot na ito.

537- Doon sa mga nalagpasan at nasasalubong  mo; kailangang binabati mo sila, sapagkat kapag ikaw ay hindi naging matagumpay, sila ang iyong babalikan, uuwian, at makakasama.

538- Malaki ang kaibahan ng totoo sa pantasiya o kababalaghan. Makikita ito sa pagitan ng maunlad at mahirap na mga tao. May magkatulad na  pangarap; subalit ang maunlad ay isinasagawa ito, samantalang ang mahirap naman ay nangangarap at naghihintay pa.

539- Huwag pagpawisan ang mumunting mga bagay, at huwag gawing libangan ang walang kabuluhang pagpapawis. Wala nang hihigit pa kung ang pawis na ito’y laan sa paglilingkod sa sambayanan.



540- Ang sugat, gumaling man ito ay may maiiwang peklat.

541- Madali ang magpatawad, subalit ang lumimot ay mahirap.

542- Kung laging pinangingibabawan ka ng paghihiganti sa iyong kaisipan, palitan kagyat ito ng isang paghamon sa iyong pagkatao, masusing sagutin ang tanong na “Ano ang mapapala ko dito?





543- Pagmasdan ang pamumuhay ng isang tao. Isa itong mapanghahawakang batayan kung siya ay karapatdapat o hindi sa katungkulang gagampanan niya.

544- Kapag marumi ang isang tao, nakakatiyak ako na marumi at taghirap din ang kanyang kaisipan. Sapagkat wala pa akong nasumpungan na mayamang tao na marumi sa kanyang sarili at kapaligiran.

545- Kapag naimbita ako at pumasyal sa isang bahay, una kong pinupuntahan ang palikuran, pangalawa ang kusina, at huli ang silid pahingahan. Dahil kapag marumi ang mga ito, ganito din ang kanilang mga pag-uugali.

546- Ang bahay ay nagiging tahanan, kapag ipinairal dito ang kalinisan.

547- Laging binabanggit ito ng aking mga ninuno, ang kalinisan ay pangalawa sa pagiging maka-Diyos.

548- Alam mo bang hindi ko nais na mapag-usapan pa ang aking naging mga kaaway? Nakakatiyak akong higit na magaling kaysa kanila, sapagkat hindi ko maatim na gayahin ang kasamaan nila.



549- Kailanman ay hindi ka magtatagumpay, hangga’t ang puso mo ay batbat ng galit at paghihiganti. Nilalason nito ang iyong kaisipan upang mailigaw ka sa matuwid na daan.

550- Huwag hanapin sa iba anuman ang mayroon sa iyong sarili, dahil bagama’t patas tayo nang ipanganak, malaki ang naging kaibahan sa ating pinagmulan, paglaki, at natutuhan. Ang maganda ay ang alamin kung saan siya patungo at nais na mangyari sa kanyang pagkatao.




551-Hindi ko alintana kung sino ka, saan ka nanggaling, sino ang kasama mo, at ano ang iyong natapos. Ang nais ko’y kung ano ang iyong magagawa sa ating pagkakaisa.

552- Ang problema ay hindi ang pagkakaroon ng mga problema. Ang problema ay ang umaasa at umiisip sa pagkakaroon ng mga problema ay isang problema.

553- Marami na akong narinig sa iyo. Lahat nang ito’y magaganda at pawang kabutihan ang tinutungo. Subalit bakit mo ako pinaghihintay nang matagal upang mangyari ito, sadista ka ba?

554- Umiiwas ang maraming tao na mapag-usapan ang tungkol sa kanila, subalit sa pagitan ng kanilang mga salita ay naroon ang mga ‘pagsusumamo at mga daing’ na tulungan mo naman ako. Hindi nila tuwirang mabigkas ang mga kapighatian na kanilang pinahintulutan sa mga sarili.


555- Ang magbangka at pumalaot gayong may nakabantang unos ay isang kapahamakan. At isa namang pagpapatiwakal ang huwag maglayag gayong mabuti ang panahon kung kaligtasan ang nakataya dito.

556-Palagi kong batayan; mabuti pa ang magkaroon ng isang maling kapasiyahan, kaysa walang anumang kapasiyahan.

557- Hindi maganda ang ilantad sa marami ang katauhan ng isang tao. Sapagkat ang iyong sariling pagkatao ang malalantad dito.

  


558- Ito ang totoo; kapag nakisama ka sa aso, pawang garapata, galis, at lagas ng balahibo nito ang makakamit mo.

559- May mga pagkakataong ang pakiramdam niya sa sarili ay espesyal siya. Kahit na karampot lamang ang kanyang naibigay o nagawa, naghihintay siya ng malaking kapalit para dito.

560- Magandang patnubay: Huwag mag-akala. Bagkus tiyakin, na ang lahat ay pawang sa kabutihan patungo.

561- Ikaw ang higit sa lahat, at wala nang iba pa ang masusunod para sa iyong sarili. Lahat ng iyong kagalingan at kaunlaran, ay nasa dulo lamang ng iyong mga kamay.




562- Nais kong baguhin ang daigdig. Ngunit natuklasan ko na mas mabisa at nakakatiyak pa ako, kung uunahin ko munang baguhin ang aking sarili.

563- Ang makiusap at magmakaawa ay mahirap paunlakan, subalit kung may nakatutok na baril; ay iba nang usapan ito.

564- Higit na nalulungkot ako sa kamatayan ng aking mga kaaway kaysa aking mga kaibigan, sapagkat hinahanap ko pa rin sila bilang mga saksi sa aking tagumpay. Sa kanilang pamiminsala, nagpumilit akong patunayan na mali sila..

565- Huwag payagan ang iyong mga pangamba at karaingan na maging bukambibig mo. Iiwasan  ka ng marami na makarelasyon.

566- Lumikha ng sariling daigdig ayon sa nais mo, at maglagay dito na mga taong pinili mo na may pagmamahalan, damayan, kapatiran, at nagtutulungan para sa kaunlaran. Ito ang pangunahing layunin sa buhay.

567- Unawain; bawat isa ay may kuwento, kasaysayan, kahinaan, at mga nakatagong hangarin. Kahit alam nila ito o hindi, kailangang manatiling handa sa magaganap.

568- Bigkas ni Mang Kiko Baltazar, “Kung sa iyong pagdating ay may sumalubong at may pakitang giliw, pakaasaha’t kaaway na lihim.” Lalo na doon sa mga hindi mo inaasahan na tuwirang gagawin ito sa iyo.

569- Hindi makatarungan ang maghiganti nang hindi ka magiging masama, lumalabag sa batas, sisirain ang iyong karangalan at magsisisi. Sapagkat lahat nang ito, sa katapusan, ay sa iyo tatama.


570- Sapat na ang pinsalang nagawa sa iyo. Huwag na itong dagdagan pa ng ibayong kapinsalaan sa iyong sarili, para lamang makaganti.

571- Ang kabubuang hibla ng sangkatauhan ay binibigkis ng damayan, isang salita, katapatan, at pagmamahalan.

572- Masahol pa sa kamatayan ang ipagkanulo. Sa kamatayan, hindi mo na mararamdaman ang mga pana at pasakit na ipinupukol sa iyo. Samantalang sa pagkakanulo, patuloy kang pinaparusahan ng mga nagiging bunga nito.



573- Sa katapusan, hindi natin maaalala ang mga pagpuna at pamimintas ng ating mga kaaway; bagkus ang hindi natin malilimutan ay ang pagsasawalang-kibo ng ating mga kaibigan.

574- Kaya lamang nakapangyayari ang kabuktutan, ay dahil sa pagkatakot, pangamba, makasarili, katusuhan, at pagka-duwag ng mga nakakaalam.

575- Ang kasamaan ay nagpapatuloy kapag walang humahadlang dito. Tulad ng agos ng tubig; binabasa nito at dinudurog gaano man katigas at tibay, ang lahat ng mga dinadaanan nito. At higit pa doon sa hindi tumitinag sa kanilang kinalalagyan.

576- Maging si Gat Jose Rizal ay kumilos lamang, nang masangkot sa maling pagtrato ang kanyang pamilya. Hangga’t hindi ito nakaaapekto sa atin, wala tayong pakialam. Paano na, kung tayo naman ang nasa bibitayan at pawang bingi, pipi, bulag, at nagtutulog-tulugan ang marami sa atin?

577- Paghandaan: Isa sa mga bahagi ng pagkakalikha; ang mga nilalang na dinisenyo bilang tagpagpahirap at mapagsamantala. Kung wala sila, hindi tayo magiging matalas at laging gising sa tuwina.

578- Dalawa ang uri ng tao sa ating daigdig: mabuti at masama. Ang mabuti ay nakakatulog ng mahimbing; ang masama ay tila nasasarapan na laging gising at nagpapakasama pa. Wala silang kapuyatan sa paggawa ng kasamaan.

579- Huwag magsabit ng tudlaan sa iyong likod. Marami ang papana at magpupukol ng patalim dito kapag ikaw ay nakatalikod.


580- Ang matinding kapighatian ay ang malabis na pag-iisip tungkol dito.

581- Ang aking buhay ay bunga ng aking mga naging kapasiyahan, kapahintulutan, at maging kapabayaan.

582- Huwag paghimasukan ang negatibong saloobin ng isang tao. Hindi natin talos ang pinagdaanan niya. Lalo naman ang usisain pa ito ng paulit-ulit. Sapagkat ikaw mismo ang naghahamon at pagsisimulan ng away.




583-Ang matalik na kaibigan ay isang tao na maibibigay mo ang iyong katapatan sa kanya, at walang anumang pag-aalinlangan dito; sa talikuran man o harapan.

584-Ang buhay ay nalalanta at yumayabong, umiikli at humahaba, batay sa antas ng iyong kagitingan.

585- Upang magkaroon ka ng kaaway, kailangan maging iba ka sa pangkaraniwan. Yaong lahat ay napapatingin sa pambihira mong katangian. Ang lakas at kapangyarihan nito sa iyo ay kailangang supilin din ng kapwa lakas at kapangyarihan ng iba.

586- Huwag pabayaan na makapangyari ang nais ng ibang tao sa iyo, at igalang mo ang kanilang pakikialam nang higit pa sa iyong sarili.

587-Hangga’t wala kang pagpapatawad, ang sugat na nilikha nito’y patuloy pang magnanaknak kaysa maghilom.

588-Ang mabuting paraan ng paghihiganti, ay huwag tularan na gumawa ng kapinsalaan.

589- Patawarin mo ang iyong mga kaaway, subalit huwag mong kalimutan ng kanilang mga pangalan.



 590- Ang tunay na pagpapatawad  ay iginagawad lamang kapag ang nagkamali ay nababalot ng wagas na pagsisisi; pag-amin sa nagawa, pagnanais na maitama ito, at pangakong hindi na ito mauulit pa.

591- Walang katuturan ang katwirang, “Sapagkat kami’y tao lamang.” Kaya nga naging tao ka, upang matalos mo ang masama at mabuti. Kapag hindi, ang gamitin ay ito, “Sapagkat kami’y halimaw lamang.”

592- Madali ang maging tao, ang mahirap ay magpakatao, at higit pa ang maging makatao. Dahil kalooban ito ng Dakilang Diyos at pagiging makabayan. Kung wala ka nito, miyembro ka ng Halimaw, Inc.


593- Ang pagkakamali ay minsan lamang. Kapag ito’y naulit pa, bisyo na ito. At kapag nag-ibayo pa dito, mali-mali na ang tawag sa iyo. Ito ang nakakalito.

594-Anuman ang iyong ginagawa; saanman, kailanman, at anupaman ay mayroong nakatitig sa iyo. At minsan ma’y hindi kumukurap. Ito ang iyong budhi, at ang Dakilang Diyos ang patnubay nito.

595- Hindi ko mapapasubalian, sadya akong mapalad sa pagkakaroon ng mga matatalinong kaaway. Kung wala sila, hindi ko magagawang pag-ibayuhin ang aking lakas, magtiyaga, at humanap ng ibang patutunguhan upang lalong magtagumpay.





596- Ang hangarin ang siyang nagpapakilos sa atin. Kapag wala ka nito, mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig.

597- Kailangan natin ang mga paghihirap; nagsisilbing paghamon ito sa ating katatagan upang magpatuloy.

598- Nalulungkot ako; hindi dahil sa ginawa mong kataksilan sa akin, bagkus sa dahilang magmula ngayon ay wala na akong pagtitiwala sa iyo.

599- Ang pagkatao ay hinuhubog sa pandayan ng mga kahirapan at pagsubok. Gawing makabuluhan ang pagpapatibay ng iyong sarili, upang makaya mo ang anumang pighati at pasakit sa pakikibaka.

600- Hatulan ang isang tao (kung magagawa mo) hindi sa kanyang mga pagkakamali, bagkus kung gaano ang kanyang katapatan sa paghahanap ng katotohanan at sa Dakilang Lumikha.


   Palaging subaybayan ang ating mga Pambihirang Kawikaan at patutsada
Marami pa itong kasunod, na inyong kagigiliwan at patuloy na gigising sa inyong kamalayan upang maging
                        tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment