Pabatid Tanaw

Friday, March 18, 2011

Aming Dalangin




Panginoon, pangalagaan Mo po ang aming Daigdig, 
sapagkat nabubuhay kami dito, at dito kami nananahan kasama sa araw-araw ang mga daluyong at kasiphayuan.
Nawa’y ang pagtatayong muli ay maging kaganapan at buong kasiglahan naming makakaya.
Bigyan mo po kami ng kagitingan, upang maitindig at mabalik 
ang mga gumuho, nawasak, at napinsala.
At dito'y mapalitan ang mga nawala at matanggap ang mga nawalay na mahal sa amin.
Nawa’y biyayaan kami ng ibayong kagitingan na makaharap pa sa maraming pagsubok,
Na makalimot sa nakaraan at magkaroon ng masiglang kalakasan na walang kapaguran.
Panginoon, bigyan mo po kami ng pag-asa, sapagkat ito ang nagpapatunay na lahat ay makapangyayari, hangga’t kami ay nakatuon sa lahat ng aming ginagawa, 
Ang mga ito ay magaganap ayon sa Iyong kagustuhan.

Panginoon, nawa’y ang Daigdig ay magpatuloy na arugaing tumubo ang palay at ito’y magawang bigas, at mangyari na mailuto at maging kanin, upang makain at magsilbing kalakasan na aming ikabubuhay. Punuin pa ang karagatan ng mga isda, payabungin pa ang mga bukirin, at palaguin ang mga pastulan nang sa gayon ay magkaroon tuwina ng masaganang pagsasaluhan.
Nawa'y huwag pahintulutan na kami’y iwanang nangungulila sa Iyo.
Kailangan Ka namin.
Patnubayan Mo po kami,
Dinggin ang aming mga karaingan,
Kami’y nagsusumamo, bagama’t malimit naming naiisip na kami’y nakadamit gayong kami'y pawang nakahubad sa Iyong paningin. Patawarin mo kami sa aming mga nagawang pagkukulang.
Nawa’y huwag makalimutan, na Iyong kaawaan ang aming mga kapatid sa mga bansang Haiti, China, New Zealand, at sa Hapon, maging ang aming minamahal na Pilipinas, na ngayon ay nagpapamalas ng Kagitingan, Kapatiran, Bayanihan, at lubos na Pagmamahalan.

                                                             Amen

                                                              . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Ang kapatiran ng AKO, tunay na Pilipino ay wagas na nakikiisa at tumutulong sa mga trahedyang nagaganap ngayon sa ating mga kapaligiran. Mula sa mga damit, pagkaing de lata, gamot, laruan, salapi, at taimtim na mga dalangin, bagama’t hindi makakasapat ay ipinaabot namin ang taos-pusong pakikiramay sa mga nasalanta..

No comments:

Post a Comment