Pabatid Tanaw

Thursday, March 24, 2011

Ningning sa Karimlan


   Hindi tayo sa isang kisapmata'y biglang sumulpot, sumingaw, o lumitaw. Sinadya ang pagkakalikha sa atin. At ito'y isang paghahanda sa mahalagang papel na ating gagampanan. Isa tayo sa mga bahagi ng pangkalahatang kaganapan na nakapangyayari dito sa daigdig. Ang kabubuang larawan nito'y siyang kaluwalhatian na kumikilos upang ang lahat ay maging makatotohanan.
   Sakali man at naalinpungatan ka pa, mangyari lamang na kurutin mo ang iyong sarili. Gumising ka naman! Ang iyong buhay ay naghihintay sa iyo. Dahil malaking bahagi nito'y gagampanan mo. At walang sinuman ang makakagawa nito kundi ikaw lamang. Ito ang dahilan ng iyong pagkakalalang.

  At yaon lamang na mga nagising ang makaaalam na sila'y nakatulog.

   Nagawa mo na ba ang maghanda at isaayos ang iyong mga lunggati?
   Ano ang iyong nadama matapos ito?
Pagsasaya? Pagbubunyi? Pag-aalinlangan? Pag-aalaala? Pangamba? O dili kaya'y paikot-ikot at walang makitang patutunguhan?

   Huwag manggipuspos, sapagkat lahat nang ito'y nangyayari karamihan sa atin. Bahagi ito ng paggising. Kailangan lamang na pakinggan mo ang iyong puso. Ito ang magpapatunay ng iyong niloloob.
   Kung sakali at panlulumo ang sumasaiyo matapos matupad ang iyong lunggati; lumilitaw hindi ang lunggati ang mahalaga. Hindi ito ang katotohanan. Kung gayon, bakit pa tayo naghahanda ng mga lunggati? Para saan?
   Talos na natin ang kinahaharap na maraming problema sa ating buhay, mula sa ating pamilya, sa ating pamayanan, at sa ating bansa. At marami sa atin ang nais na magawan ito ng pagbabago. Yaong tunay at makabuluhang pagbabago, para sa sambayanan. Subalit hindi tayo makakilos, sa pag-aalaalang karampot lamang ang maitutulong nito. Wika nga'y hindi makakapuwing; Patuloy na naghihintay, umaasa, at nag-aabang sa malakihang pagkilos ng karamihan. Gayong lahat ay nakikiramdam, patingin-tingin, nag-uusisa . . . Kailan kaya sisimulan ang malawakang pagbabago?
  
Ang layunin ng buhay ay buhay ng layunin.

Ano ang mga ito? 

Ating Alamin

Alamin natin kung sino tayo. Ito ang totoo.
Ang hindi nalamang buhay, ay buhay na walang saysay. 
Alamin ang sarili at huwag isantabi, ito'y di-makakabuti.
Dahil walang saysay ang tumakbo, kung hindi alam ang puno't dulo nito.

Kung wala kang alam, ano ang iyong mauunawaan?
Kapag wala kang pakialam, pagtitiisan dulot na mga kasawian.
Kung "Bahala na" ang alam mo, pawang kabiguan ang sasaiyo.
Dahil lahat ay may kalalagyan, kaya ang buhay ay dapat malaman.

Kaya nga, kung nais na magtagumpay at maging matiwasay,
Alamin ang katotohanan, sapagkat dito nakasalalay,
ang iwing buhay sa minimithi nitong paglayang tunay
At lahat nang ito'y nakatakdang magaganap, sa dulo ng iyong mga palad.



   Alamin kung saan ka patutungo. Alamin ang iyong nais na direksiyon. Anumang pagkilos kapag walang direksiyon ay isang pag-aaksaya ng panahon at walang saysay na buhay. Gaano man kabilis at panggagalaiti nito, kung wala itong sinusunod na malinaw at tuloy-tuloy na direksiyon, mananatili lamang itong paikot-ikot, pabalik-balik, at lalaging nasa dating kinalalagyan.
   
   Tulad na isang busog, kailangan mayroon kang tinutudla. Alamin ang iyong tutudlain. Dito nakasalalay ang busog ng iyong buhay upang humaginit, pumailanlang, at tumama. Ang mga tao, mga pook, mga kalagayan, at mga pangyayari ay magsasama-sama na kikilos patungo sa direksiyon na buong katapatan mong hinahangad.
  Ang iyong kabatiran at karanasan, ang iyong kaalaman at mga katangian, ang iyong mga kahiligan at kinahuhumalingan, ang iyong mga yaman, lahat nang ito'y kumikilos at epektibo kapag lahat ay nakatuon sa iisang patatamaan.
   Ikaw at wala ng iba pa, ang lumilikha nito, ang kumukontrol, at nag-aasikaso upang ito'y matupad.


AKO ang Simula ng Lahat sa Akin



Ang kahulugan ng tagumpay ay ang pagkakaroon ng kagitingan, ang pagnanais at matibay na pananaw na maisakatuparan at makapangyari ang tunay mong katauhan.

   Tuklasin ang tunay na layunin ng buhay. Hindi ito tungkol sa iyong mga gawain, pinagkakakitaan, mga relasyon, araw-araw na responsibilidad, o maging mga paghahanda mo sa iyong mga lunggati. Ito'y kung bakit narito ka sa daigdig, at ang dakilang dahilan ng iyong pagkakalalang.

   Mula sa kaibuturan ng iyong puso ay mayroon kang kasagutan; kilala mo kung sino ka at talos mo kung ano ang iyong hinahangad. Buksan mo ito at ganap na palayain. Huwag pabayaan itong laging nakabilanggo. Ito ang sanhi ng iyong pagkabagot, pangungulila, paninimdim, matinding kasiphayuan, at mga bangungot sa iyong panag-inip. Ito ang mga nagpaparamdam sa iyong mga karaingan. Nagpapakilala, humihingi ng iyong atensiyon. Sa iyong mga dasal at pagsusumamo, ito ang ipinadadalang mga kasagutan upang tahasang harapin mo ang mga ito. Hangga't hindi mo ito pinag-uukulan ng ibayong pagpansin, patuloy kang maghahanap kung ano ang magpapaligaya sa iyo.
   At ang kaligayahang ito ay hindi matatagpuan sa ibang pook, sa mga materyal na bagay, at maging mula sa mga tao, gaano man katindi ang pagpupunyagi mo. Ito'y manggagaling lamang mula sa kaibuturan ng iyong puso. At ang tanging susi nito ay Pag-ibig.

   Pansinin natin ito; may dalawang tasang parehong puno ng tubig, kung ang isang tasa ay may lamang tubig ng kaalaman, at ang isa rin ay may lamang tubig ng kaalaman; Papaano masasalinan ng bagong kaalaman ang tasa ng isa na manggagaling sa isa? 
Kailangang alisin ang laman ng isang tasa upang ito'y masalinan ng laman mula sa isang tasa.

   Ito ang unang hakbang; sakali man na ang lamang kaalaman ay mga maling kamulatan, pangamba, pagkatakot, kawalan ng pagtitiwala, at mga masalimoot na pamumuhay. Kailangang itapon muna ang mga ito, upang mayroong pagsidlan. Hangga't narito pa ang mga maling laman na ito, walang maisisilid na bagong kaalaman na makakabuti para dito.

   Ang pangalawang hakbang; kailangang bukas ang kaisipan para dito. Sakalimang mayroon mga alinlangan; huwag itong ituloy, sapagkat nabahiran na ng paghihinala anumang kakalabasan nito. Hilaw pa ito at hindi naluto. Ituloy man, wala itong kalalabasang mainam.

   Ang pangatlong hakbang; Mahalaga ang pagtanggap at pakikiisa upang ito ay mangyari.

   Ang pang-apat na hakbang; Nakahanda kang ituwid ang mga pagkakamali, at gampanang mabuti ang iyong bagong kaalaman.

    Marami na ang nakagawa nito at nagtagumpay. Subukan ito upang mapatunayan. Mabisa ito, huwag lamang hihinto. Nakasalalay dito ang magiging kapalaran. Kung nais makatiyak sa kinabukasan, simulan ngayon sa bagay na ito.

Isagawa ang mga ito:
1. Kumuha ng isang blangkong papel at lapis (may pambura).
2. Isulat sa itaas, "Ano ang tunay na layunin ng aking buhay?"
3. Isulat ang lahat na maiisip, kahit na ano.  Magpatuloy sa pagsulat. Katasin ang isip at punuin ang papel. Magsulat din sa kabila, lahat ng maisip. Hanggang mapuno din ito.
4. Piliin ang gumising sa damdamin; Limiing mabuti ang mga ito. Pakaisipin kung ang mga ito'y magpapasaya at magbibigay ng hinahangad na tagumpay.
5. Pumili ng lima na katangitanging nagpapasiklab at gumigising sa damdamin. Mga bagay na sadyang magpapakilos. Ito ang tunay na hangarin.

Sariling Mapa
 Pagsama-samahin ang limang ito at bumuo ng isang pangungusap. Ito ang iyong magiging misyon sa buhay. Ang iyong malinaw na mapa na kung saan lahat ng kaalaman mo tungkol sa iyo ay nakasalig at kumakatawan. Ito ang iyong patnubay.


Ang misyon ng iyong buhay


Ito ikaw, ang lahat ng tungkol sa iyo ay nakapaloob dito.

                                            
Kung may nais ka; ibigay mo muna ito, bago mo ito makuha.
Kung wala ka nito, wala kang maibibigay o maipaglilingkod tungkol dito.
Hindi mo maaaring ibigay ang bagay na wala sa iyo.

Kung walang pag-ibig sa puso mo, papaano ka maka-iibig sa iba? Papaano mo maipapahayag ang tunay mong niloloob, gayung wala kang kabatiran tungkol dito?

Nais mo ng kaibigan? Maging palakaibigan ka. Gawin mo muna. Dahil kung mismong sarili mo hindi mo magawang kaibiganin at pinapabayaan mo, sino sa iyong palagay ang may panahon para sa iyo?

Nais mong tulungan ka? Subalit maramot  ka naman sa pagtulong. Sa kalauna'y walang tutulong sa iyo.

Nais mong umani? Gayong wala ka namang itinanim.
Kapag may itinanim, may aanihin.


   Nais mo ng isang ulirang tahanan? Pagyamanin ang isang kapaligiran na inuusbungan ng ulirang mag-anak. Ito ay ginagawa, pinag-uukulan ng ibayong pag-aaruga, kalakip ang walang pamantayang pagmamahal.

   Papaano ba ang magkaroon ng isang magandang hardin?
Inihahanda ang lupa na tatamnan, inaalisan ng damo, ibabaon ang mabubuting binhing buto o itatanim ang minumutyang mga halaman, dinidiligan tuwina, inaaruga,  upang payabungin hanggang ang mga ito'y mamulaklak na siyang magpapaganda sa kapaligiran.

   Hindi tinatamnan ng masasamang binhing buto. Tulad ng hardin, ang isang tahanan kapag ang itinatanim mo dito ay pawang paghihinala, paghihimagsik, panibugho, walang pagpapatawad, paninisi at pamumuna, ano sa iyong hinagap ang yayabong? Ano ang mangingibabaw sa lahat ng sandali?


   Aanihin mo kung ano ang iyong itinanim. Hindi maaaring magbunga ng mangga ang santol.

   Marami ang nakakagawa ng yaman subalit iilan lamang ang nakakapagtatag ng tahanan. 

   Upang magkaroon ng isang ulirang tahanan na kung saan ang pag-ibig ang siyang naghahari, magtanim ng mga binhi ng pag-ibig, ng pagtanggap, at ng pagpapatawad.
   Papaano mo magagawa ito? Sa pagiging mapagmahal at ulirang nilalang. Nasa pagmamahalan ng mag-anak nagsisimula ang kapayapaan. Ito'y pangunahing bahagi ng iyong layunin.

Pag-ukulan ng pansin ang sarili:
Nais mong bigyan ka ng respeto? Gayong wala ka namang respeto sa sarili mo. Kung pagpapahalaga ang hinihingi mo, makikita ito sa ginagawa mong pagturing sa iyong sarili. Katibayan nito ang iyong kasalukuyang antas sa buhay, mga uri ng kaibigan, mga kinahuhumalingan, nakamit na tagumpay, mapagmahal na pamilya, at kapayapaan ng loob. Kung kinakapos ka sa mga larangang ito, panahon naman na kalingain mo ang iyong sarili upang ito'y magkaroon ng respeto o pagpapahalaga ng iba.

Ang mga malulungkuting tao ang siyang higit na natatakot sa pagbabago. Subukan! Magbagong totoo. Ang buhay ay pawang pagsubok lahat. Walang mangyayari, kung naghihintay at umaasa sa magaganap.

Katulad ng pagong; mabagal man ito ay may progreso kapag inilalabas ang kanyang ulo.


  
   Nais mo nito, noon, niyan, at iyon; hindi ka naman tumitinag. Ihakbang ang mga paa at magkaroon ng hinahangad na pagbabago.

   Ahhh, nais mong tumama sa lotto? Maraming ulit ko ng narinig ito. Puwede ba, bumili ka naman ng tiket, upang kahit papaano'y maganap ito.





Inisip + ginawa = katotohanan
(Hangga't hindi mo ito nababatid, pawang sa kawalan ang patutunguhan mo. Matutulad ka lamang sa isang tuyong patpat na inaanod ng rumaragasang tubig. Nananatiling yagit, walang halaga, walang anino, at mistulang patay.)

Pasahero ka lamang, hindi ikaw ang nagmamaneho o nasusunod sa iyong buhay. Marami ang nagpapasunod sa iyo at nagdidikta kung ano ang gagawin mo. Mistula kang tao-tauhan.

  Mayroon kang tanging kapangyarihan; Pagkilos. Ang lakas nito'y siyang susi ng buhay. Bawa't araw, may kapasiyahan kang gamitin ito nang naayon sa iyong kagustuhan. Ikaw lamang at wala ng iba ang may karapatan sa kapangyarihang ito. Dahil kapag iba ang nakapangyayari sa iyo, napapalibutan ka ng mga pusit.

   Ang pusit ay taguri sa mga taong walang buto, madulas, at marami itong mga galamay na sumisipsip ng katinuan at pagtitiwala sa sarili ng iba. Tulad ng pusit, akala mo'y mistula silang mga lampa, malambot, at maamo, - subalit mga panlabas na anyo lamang ang mga ito. Sapagkat kapag nalingat o nagtiwala ka, ay pumapalupot na ang kanilang mga galamay sa iyo. Bilanguang walang rehas ang aabutin mo. Sila na ang naghahari at masusunod sa iyong buhay. Bilang mga taga-sulsol, taga-duyan, taga-uto, taga-ayon, taga-aliw, at taga-dila (balita) ng lahat tungkol sa iyo. Pulos taga ito; taga dito, taga doon, lagi kang tinataga, at ang kalalabasan mo'y tinadtad o dinuguan.

   Tuso sila sa paglikha ng dalawang tanikala; konsensiya at obligasyon upang ikaw ay alipinin. At kapag ikaw ay nagprotesta sa abusong ginagawa sa iyo, tatakas ang mga ito sa pamamagitan ng pagpusit ng maitim na tinta (mag-iiwan ng salaulang paninira sa iyong pagkatao).At muling babalik, upang ipagpatuloy ang pang-aalipin sa iyo.

   Iwasan at takbuhan ang mga pusit sa iyong buhay.

   Maghanda at ayusin ang mga bagay na makakatulong sa iyo. Simulang kilalanin ang iyong mga prioridad, ano at alin ang tamang unahin at isaayos? Tuminag. Tumindig. At kumilos, gawin kaagad ang nararapat.
  
   Kapag nailista ang mga tamang kasagutan mula dito na nagpapakilala sa tunay mong pagkatao, ito ang tunay na dahilan kung bakit ikaw ay narito sa daigdig. Nadarama mo, mula sa kaibuturan ng iyong puso na kailangan mo itong isagawa. Ang mga katagang nagpapahayag sa iyong mga lunggati ay nagdudulot sa iyo ng ibayong kasiglahan sa tuwing binabasa mo ang mga ito. Dahil ito ang nagpapakilos sa iyo.

   Anumang ninanais at pinakamimithi mo, naroong lahat ang iyong panahon, lakas, salapi, pag-iisip, at mga tamang pagkilos


Ito ang nagpapakilala kung sino ka at anong uri ng pagkatao ang ginagampanan mong matupad.

 Ang matuklasan mo ang iyong mahalagang misyon ay madali lamang. Ang tuparin at magawa itong katotohanan ang siyang magpapasiya na ang iyong buhay ay umiikot at nabubuhay lamang sa layuning ito.

   Ikaw at ang layunin mo ay IISA. Kung wala ang layuning ito, ikaw ay wala rin.

   Naisin mo man at hindi, ito ang nakatakdang mangyari sa iyo. Kailangan lamang ng tamang pagsasaayos upang masundan ang direksiyon na iyong patutunguhan.



   Pagmasdan ang mga bubuyog
Ang buhay nila'y umiikot lamang na pawang pagkilos. Lumilipad upang humanap ng nektar sa mga bulaklak. Ang bubuyog ay nabubuhay sa paglilingkod sa kanyang mga kasamahan. Nakatuon lamang sa iisang gawain at wala ng iba pa. Ang layunin niya ay iisa.

Siya at ang layunin niya isa. 


Hindi nagtatanong sa sarili: paggising sa umaga, kung ano ang gagawin. Ginaganap kaagad ito nang walang pag-aatubili. Dahil may likas na layunin; ang ihanda ang mga bulaklak ng halaman upang magbinhi. At bilang kapalit sa gawaing ito ay may gantimpalang nektar para sa kanya ang bulaklak na dinapuan. Ito naman ang papel na ginagampanan ng halaman.

 Narito ang isang uri ng halaman:

   Pagmasdan ang puno ng saging, mula sa suhi nito, lalaki ito pataas, susulputan ng puso, bubukadkad ang mga bulaklak (dadapuan ng bubuyog, makikiskis ang katawan nito sa bulaklak at paglipat sa ibang bulaklak, maililipat ang nakuhang 'pollen' sa 'pistil' at mabubuo ang binhi, ito ang 'pollination'). At mula sa prosesong ito, mabubuo ang mga bunga sa kanya-kanyang mga piling, mahihinog ang mga bungang saging. At matapos ang lahat, mamamatay ang puno.

   Para saan? Upang magsilbing pagkain sa ibang nilalang. Isa rin itong paraan upang maikalat ang mga butong binhi nito. Ito ang pangunahing tungkulin ng saging. At doon sa namatay na katawang saha, magsisilbing pataba naman ito sa iba pang nagsusulputang mga suhi. Patuloy na layunin, walang katapusan. Ito ang tanging misyon ng saging.

Sa pagitang ng bubuyog at saging, may nabuong relasyon. At sa dami ng magkakahawig at tawing-tawing na mga relasyon ng bawat nilalang, ang daigdig ay patuloy na nabubuhay.

   Ito ang nagyayari sa kalahatan ng mga may buhay sa daigdig. May kanya-kanyang espesyal at natatanging katungkulan. Iba't-ibang layunin ngunit iisa ang tinutungo, paglilingkod para sa kabutihan ng lahat.

Ang mahalagang katanungan na angkop at wastong sagutin ay ito:

   Sa mga kaganapang ito sa ating daigdig, ano ang iyong misyon?


Ang misyon:(Lumikha ng naaayon sa iyong prinsipyo at kabatiran.) Halimbawa lamang ang nasa ibaba.

Halimbawa:
"Ang mabuhay ng gising at may kagitingan, na dinadaluyan ng pagmamahal, pang-unawa, pagmamalasakit, at gumigising ng kamalayan ng iba tungo sa kapayapaan ng sangkatauhan."
 Halimbawa:
"Ang magbigay ng kalakasan, pag-asa, at inspirasyon sa mga tao na maging maligaya at matagumpay."
Halimbawa: 
"Ang maglingkod ng buong katapatan; walang pang-iimbot, at masiglang gampanan ang aking tungkulin higit pa sa aking kakayahan.
  
Isinasaad sa mga ito ang mga prinsipiyong ito:
1. Ang makagawa ng malaking positibong kaibahan sa daigdig.
2. Pataasin ang antas ng kaligayahan at biyaya sa iyong buhay.
3. Makamit ang tunay na layunin ng iyong buhay.

   Ito ang kaganapan ng AKO, Tayo, at Tayong LAHAT.
   Mula sa ating pagkakalalang, pinagkalooban tayo ng maraming katangian sa isa't-isa. Bagama't nasa atin ang mga kagalingang ito, hindi pa ito lubos na napag-uukulan ng pansin o nagigising. Bawat isa sa atin ay may kapangyarihan na tuklasin ito. Alamin. Sapagkat ito ang misyon natin sa buhay.
   Sa napagtuunang larangan, magaling tayo. Mahusay tayong gumawa, ngunit sa ibang panig kinakapos tayo---walang kakayahan. Magaling at dalubhasa sa pagiging doktor, abogado, negosyante, mga pulitiko at mga pinuno ng kilalang mga samahan, subalit kinakapos sa makabuluhang katangian; ang integridad o pagkakaroon ng dangal. Madaling masilaw ng salapi, bayaran, at mga taksil sa bayan.Mayroong malikhain, makasining at tumatanggap ng maraming papuri at parangal, ngunit nananatiling mangmang sa katotohanan at musmos ang kaisipan. Nalalasing sa mga palakpak, at duyan ng mga paghanga. At kapag ang mga ito'y kumupas at tuluyang naglaho, sila'g mga napapariwara at nagugumon sa masasamang bisyo.

  Magaling sa isang panig ngunit kapos sa tunay na katauhan. Anumang bagay na nakatuon lamang sa pansariling kapakanan ay walang kabuluhan, kung ito'y hindi para sa kagalingang panlahat. Ang tunay na kaligayahan ay matatamo lamang sa paglilingkod. Ang makatulong, magbigay ng panahon, kalinga, at pagdamay sa kapwa.

Lahat ay nagsisimula sa AKO. Ako ang simula. At ito'y susundan ng Tayo. Magtatapos sa Tayong Lahat, at patuloy na kikilos.




  Kailangan nating alamin at gisingin ang ating kabatirang pansarili. 

   Alamin kung sino ka. Ito ang unang hakbang upang magkaroon ng  hinahangad na pagbabago sa sarili.
  

Limiin ang sitwasyong ito:

   Sa isang tahimik na batis o ilog, dumampot ng isang maliit na bato at ipukol ito sa gitna ng tubig. Mapapansin ang nagawa nitong paglubusaw ng tubig; paikot, palaki ng palaki hanggang sa mawala. Ipinapakita dito ang lawak na naabot ng isang pagpukol ng maliit na bato. Ito ang resulta mula sa isang pagkilos (pagpukol ng bato) na naganap. Sa labusaw, nagkaroon ng reaksiyon ang bawat nadaluyan ng alon.
Sa malaking halimbawa,
Ang pagputok ng bulkan, ay lumikha ng lindol, na lumikha naman ng tsunami mula sa karagatan, na puminsala naman ng mga bagay sa mga pampang, na nagpaguho sa mga gusali, na kumitil naman ng maraming buhay.
Isang simpleng pagkilos, tuloy-tuloy na reaksiyon, iba't-ibang resulta. Magkaka-kabit.Tawing-tawing.

Ito ang nalilikha, gaano man kaliit o kakarampot ang iyong nagawa. May nagiging reaksiyon ito, laging may kakabit o kabuntot na hila.

   Isang maliwanag na paglalarawan: Bola na ginagamit sa larong basketbol; ihagis o ipukol ito sa matibay na lapag. Ang talbog na nilikha nito'y alinsunod lamang sa lakas ng pagpukol mo. Kapag mahina ang hagis, mahina din ang ganting talbog. At kung nais mong patuloy ang talbog nito, kailangan ding patuloy ang dribol o pagtapik sa bola. Dalangan ang pagtapik at dadalang din ang talbog. Unti-unti ang tapik, unti-unti din ang talbog. Nasa kapangyarihan ng naghahagis ang magiging talbog ng bola.
   Sa ating buhay, ito ang nagaganap. Kumikilos lamang ito ayon sa puwersang inilalaan mo dito. Mabagal ka, mabagal di ang ganti nito. Mabilis ka, mabilis din ito. Maghintay ka, naghihintay din ito. Lahat ay tungkol sa iyo, naaayon sa pagkilos mo. Subalit magiging mistula itong robot o de-makina kapag ang relasyong nagaganap ay hindi nabahiran ng sistema. Ang pagkakaroon ng direksiyon o ang nais mong kahahantungan nito. At ito ay ang layunin.
   Sa larong basketbol, ang layunin sa bola ay ipasok ito sa buslo upang magkaroon ng puntos. At ito'y nasa kamay ng manlalaro kung anong paraan, taktika, at bilis ang paghawak sa bola. Ang may maraming puntos ang siyang panalo.
  Isipin natin na ang bola ay ang iyong buhay. Kung walang gagalaw dito, mananatili itong nakatigil. Paminsan-minsan gugulong ito sanhi ng malakas na hangin. Minsan may tatapik na iba (tao) ayon sa nais nito; at ipukol ito sa mabato, malambot, maputik, o mabahong panig, ay siyang makapangyayari. Lalo na't walang imik o direksiyon ang may-ari ng buhay na ito. Nagiging mistulang patpat lamang na inaanod.
  Subalit ikaw ang manlalaro, at hawak mo ang iyong buhay (bola). Marapat din kung nais mong makarami ng puntos, may kaalaman ka sa paraan, taktika, at bilis (panahon). Mga prosesong nangangailangan ng isang matibay na moog. Ito ang magpapakilos upang magsilbing lakas o pundasyon. Ito ang bumibigkis sa pangkalahatan upang maganap ang nilalayon ng iyong buhay.
   Dito napapaloob ang pangangailangan ng layunin. Sapagkat ito ay ikaw. Ang lahat ng kaganapang nangyayari sa iyo ay sarili mong mga kapasiyahan. Anumang kalagayan mo sa ngayon, ang lahat na ito'y pinahintulutan mo. Hindi ito mga magaganap kung wala kang kagustuhan o partisipasyon.

Narito ang isa pang marikit na halimbawa:
Nagkasundo kayong mag-anak na magpiknik sa tabing-ilog.
1. Pinag-usapan kung saan ito gaganapin.
2. Inalam kung maayos, malinis, at mapayapa ang pook na ito.
3. Pumili at nagtakda ng tamang araw na ang lahat ng sasama ay malaya at walang inaasikasong iba.
4. Naglaan ng kailangang salapi sa mga gastusin.
5. Binili ang mga pagkaing pagsasaluhan, at iniluto ang mga ito bilang paghahanda.
6. Inayos ang mga dadalhing kagamitan sa mga katuwaan at pagsasaya.
7. Pinili at isinukat ang mga pampaligo at kagamitan para dito.
8. Tiniyak ang sasakyan na nasa kondisyon sa paglalakbay.
9. Sinuri ang lahat ay nakahanda na (apat na ulit na ginawa);mga tao, kagamitan, pagkain, sasakyan, atpb.
10. At nagsimula ng maglakbay . . . tumitiyak pa ring ang lahat ay nasa ayos at walang problema.

   Karamihan sa atin ay ginagawa ito bilang paghahanda. Upang matiyak na ang gagawing kasayahan ay maging matagumpay.

   Isa lamang na simpleng piknik ang gagawin, subalit makikita ang pagsasaayos upang ito'y maisakatuparan.

   Narito ang katanungang kailangang masagot natin.

   Sa ating sariling buhay na siyang pinakamahalaga sa lahat;
Ginagawa ba natin ang ganitong preparasyon?

   Alam ba natin kung saan tayo patungo?

   Inisip ba natin ang mga kailangang kagamitan o paraan para dito?

   Nakahanda ba tayo sa mga magaganap, sakaliman magbago ang kalagayan?

   Ano ang talagang hangad mo at ginagawa mo sa ngayon ang nais mo? Ito ba ang sadyang intensiyon mo sa iyong buhay at patuloy mo itong pinag-uukulan ng pansin?

   At ito ang buod ng pagkakaroon ng pansariling misyon. Ang maglingkod at pagtibayin ang antas ng iyong buhay. Ituon ito sa hinahangad mo, at magdagdag ng kaligayahan sa buhay ng iba. Ito ang magbibigay-buhay at magpapaligaya sa iyo. Ang maging huwaran na nakakatulong sa pagkakaisa ng kamulatan. Ikaw mismo, ikaw ang simula. Sa layunin mo, lahat ng ito ay magaganap.

   Minsan, nagkuwento ang aking ama; Ito ay tungkol sa kumpare niyang si Primo de Guzman, isang ministro sa relihiyon. Nakaratay at nabibilang na ang mga araw sa mundo. Dinalaw niya ito sa bahay. Sa isang silid; naghihingalo at dumaraing ang kanyang kumpare. Ang wika ng aking ama sa nakahigang kumpare, "Pare, tanggapin mo na ang kalooban ng Diyos, lahat tayo ay lilisan sa daigdig. Ito'y nakatakda at wala tayong magagawa." Patuloy pa rin ang pagkabalisa, pabiling-biling sa higaan, at pag-ungol ng kumpare niya. Inulit niya, "Pare, huwag mo ng pahirapan pa ang iyong sarili. Marami kang nagawang kabutihan sa iyong kapwa, sa iyong mga kapisanan, sa iyong simbahan, sa iyong mag-anak, sa iyong mga kaanak. Ano pa ba ang bumabalisa sa iyo?
   May luha sa pisngi, sa pauntol-untol at gumagaralgal na tinig ay nagwika ang may sakit, "Pa-r-e,  Hi-n-di ang mga  na-tu-lu-ngan ko,  mga na-ga-wa ko,  mga inabu-loy ko, ang maii-wa-nan pa-milya ko, mga negosyo ko, ang aking ini-isip. Wala na sa akin ang mga i-to. Ang bumaba-li-sa  at  ikina-ta-takot ko ay ang pag-ha-rap ko sa Daki-lang Lu-mikha. Kapag tina-nong Niya ako, kung ano ang gina-wa   ko  kay Primo de Guzman.

   Ito ang katanungang lagi nating isaisip, Ano ang ginawa mo sa iyong sarili?

  Nakahanda ba ito pagdating ng tamang sandali at tayo ay haharap sa Dakilang Lumikha at tanungin kung anong uri ng buhay ang ating ipinamuhay?

  Ano ang ating mga isasagot?

  Maglimi tayong mabuti, hindi pa huli ang lahat. Hangga't may buhay may pag-asa. Hangga't may problema, may mga paghamon. Hangga't may balakid, lalo kang tumitibay. Hangga't may usok, may nalilikhang apoy. Hangga't humahangin, ito'y magliliyab. Hanggat nag-aalab, ito'y maglalagablab.

   Ito ang iyong NINGNING, ang bawat silab at pagdiringas nito'y nagsisilbing tanglaw.

   Ito ang iyong LAYUNIN.

Ang layunin ng buhay ay buhay ng layunin.

Nasa tamang pagkilos lamang ang lahat. Simulan, at ang lahat ay magiging madali. 



 Ilan lamang ito sa napakaraming magagawa na makapagbabago sa ating kapaligiran:
  • Alamin kung anong tunay na layunin mo sa buhay. Pinakamahalaga ito sa lahat.
  • Humanap ng mga taong may prinsipyo at pananaw na katulad ng sa iyo. At magkaisa.
  • Tumulong at makiisa sa mga samahan o kapatirang nagpapalaganap ng katotohanan, kagalingan, kaunlaran, at pagmamahalan.
  • Itatag ang karapatan ng lahat na mabigyan ng pamahalaan na mapigpipilian na mga paraan na pangalagaan ang kanilang kalusugan at planuhin ang kanilang kinabukasan.
  • Kung may kakayahan, lumahok sa halalan. Kailangan natin ang may Katapatan, Integridad, at tunay na mga Lingkod ng Bayan.
  • Simulan bungkalin at taniman ang lahat ng mga nakatiwangwang na lupain. Maging sa publiko o pribado ang nagmamay-ari nito. Isang kalapastanganan ang panatilihin itong hindi nabubungkal para lamang sa katusuhan ng iilan. Ito ay ilaan sa kapakanan ng maraming nagugutom.
  • Pasiglahin ang ating mga panghalina sa turismo. Bawat bayan ay makilahok sa ikatatagumpay nito. Itinatatag nito ang ispirito ng bayanihan para sa kagalingang panlahat.
  • Maging isang panata, bilang tunay na Pilipino na maglakbay at matuklasan ang ating mga kapuluan. Ito ang ating ugat, lahi, kayamanan, at kinabukasan.
  • Tangkilikin at itaguyod ang mga  industriya, produkto, kalakal at serbisyo ng kapwa Pilipino.
  • Tumulong at pangalagaan ang ating kapaligiran, mula sa mapinsalang mga basura, paglalason sa mga ilog, sa nakasusulasok na mga kemikal sa hangin, sa paggamit ng dinamita sa mga isda na pumipinsala sa mga koral, at malawakang pagpanot sa ating mga kabundukan. 
  • Magturo, magpaliwanang, ipaalam ang mga nararapat isagawa sa ikakabuti ng pamayanan.
  • Ilantad, batikusin, at isuplong ang lahat ng mga kabuktutan at pagsasamantlang nagaganap.
  • At marami pa. 
Ang mga  ito'y hindi lamang upang sumagip, magligtas, at dumamay; bagkus ang magkaroon ng tinutungo ang ating mga pagkilos.  At nang sa gayon ay mapanatili ang kaayusan at makatiyak ng tagumpay sa mga pagbabagong ninanais nating makamtan.

Mayaman tayo. Napakayaman ng Pilipinas. Marami tayong magagawa. Kailangan lamang ay Pag-ibig.

Maging sa ating wika, talaga namang napakayaman at makahulugan  ito:

Sa Inggles, ito ay 'Love,' at wala ng iba pang kalapat.

Subalit sa ating wikang Pilipino,

Ang Pag-ibig
ay binubuo ng napakaraming kahulugan;


 

Pagmamahal
Pagsinta
Pagkasi
Pagtangi
Pagsuyo
Pagtingin
Pagsimpan
Pagpansin
Paggiliw
Pag-irog
at marami pa.
   Kapag may umiibig sa iyo ng buong katapatan, nag-iibayo ang iyong kalakasan, samantalang kung ikaw ay umiibig ng buong katapatan, nag-iibayo ang iyong kagitingan.

Maraming mga mapagpipilian upang ganap at tunay nating maipapahayag at magagampanan ang ating dakilang LAYUNIN.
   Ang mapitagan sa mga pananalita ay lumilikha ng pagtitiwala.
   Ang mapitagan sa iniisip ay lumilikha ng paglilimi.
   Ang mapitagan sa pagbibigay ay lumilikha ng pag-ibig.
     . . .at wala nang dito'y makahihigit pa.

Simulan na ngayon, ano pa ang hinihintay mo?

May pag-aalala o pag-aalinlangan ka ba?
 
   Ito na ang tamang panahon upang pakislaping mabuti ang iyong ningning. Ang maglagablab itong tunay at likhain ang buhay na nais mong mangyari sa iyo. Magsisimula ito, kapag napagsama mo na ang lahat ng ninanais mo tungkol sa iyo, sa misyon na iyong tutuparin. Kailangan lamang na hindi mananaig ang takot, pangamba, paghihinala, o anumang balakid upang ito'y mawasak.

Dahil ikaw ay nilikha para sa misyon na ito.

Ang kalikasan ay hindi nagmamadali, subalit ang lahat ay nagagampanan.

Upang makatulong, sagutin lamang ang mga ito:
  1. Ano ang mga mahahalaga mong talento o mga katangian?
  2. Sakalimang gamitin mo ang mga ito, ano ang iyong madarama?
  3. Ano ang iyong mga saloobin at kabatiran --- ito ba'y tuwirang nakatuon sa iyong ikatatagumpay?
  4. Kung may alam kang bagay na kaya mong gawin; at nakakatiyak ka, na kapag ito'y iyong ginawa ay magtatagumpay ka. Bakit hindi mo ito magawa? Ano ang pumipigil sa iyo?

Kailangan mo ng mga inspirasyon?

Subukan ang mga ito:
  1. Sakalimang hindi ka nakakatiyak kung anong talento mayroon ka upang maisakatuparan mo ang iyong layunin, mangyari lamang na balikan ang iyong nakaraan at apuhapin ang iyong mga pangarap noon. Kailangang ganap mong maunawaan kung alin sa mga ito ang nagbibigay-buhay sa iyo. Yaong lamang mga bagay na gumigising at nagpapasigla sa iyo.
  2. Isa kang pinuno. Isinilang kang pinuno at taglay mo na ito noon pa man. Sa simula pa lamang, isa ka ng tsampiyon. Sa mahigit na pitong milyong punlay na inilagak ng iyong ama sa iyong ina; sa kanilang pagtatalik, isa lamang ang nagtagumpay dito. At ang naging tsampiyon sa karera na ito ay IKAW!
  3. Huwag ihalintulad ang iyong sarili sa iba. Masdan ang mga guhit sa iyong palad at sa iyong mga daliri. Sa kasaysayan ng mundo at sa mga bilyong sangkatauhan na ipinanganak at yumao dito, wala kang katulad kahit na isa man sa kanila. Pambihira ka at dilang mapalad sa bagay na ito.
  4. Nakatakda kang gumawa ng higit pa sa iyong sarili. Ito ang iyong layunin. Huwag payagang ang musika na nasa iyo ay hindi marinig at tuluyang mawaglit kasama ng iyong paglisan sa mundo.
  5. Huwag pahintulutan ang iba na harangin, nakawin, at wasakin ang kakayahan mong maging pinuno. Anuman ang mangyari, ikaw lamang ang may karapatang gampanan ito.
  6. Sa iyong hinagap, simulang sanayin ang sarili sa mga positibong pagbabago na nais mong maganap sa iyong pagkatao.
  7. Higit sa lahat, magtiwala ka sa Dakilang Lumikha, sapagkat mula sa Kanya at sa pamamagitan ng layunin mo, ang lahat nang ito'y posibleng maganap. Ito ay nakatakda at walang makapipigil.
  8.  
    Magagampanang lahat ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:

    1. Laging magpasalamat sa lahat ng bagay na natatanggap.

    2. Tratuhing tama, may dignidad at respeto ang bawat isa, nang naaayon sa kahalagahan nito.

    3. Ipagpatuloy na yumabong ang iyong kaalaman at paghusayin ang mga katangian.

    4. Sabihin lamang ang totoo at maging matapat, kahit mangahulugan man ito ng paglayo sa iyo.

    5. Isaisip lagi ang pagkakaisa kaysa sa pagkakawatak-watak. Malaki ang nagagawa kung nakabigkis.

    6. Magkusa at handang balikatin ang mabigat na kapasiyahan sa ikakatagumpay ng lahat.

    7. Huwag mag-akala, tiyakin muna bago magpasiya. Isiping kabutihan ang lahat.

    8. Tumulong at dumamay na tuklasin ng iba ang kanilang kalakasan, at kahinaan.

    9. Harapin ang lahat ng bagay, pangyayari, at kalagayan na may mataas na antas ng integridad.

    10. Huwag gawing personal ang lahat ng sitwasyon. May kalakip itong biyaya.

    11. Isaalang-alang ang mga prioridad at sinupin ang mga nakaligtaan na makakatulong.

    12. Iwaglit ang mga nakasanayang; "bukas na,"bahala na," "okey na 'yan," "pakikisama," at "buhay-alamang."
          Kasama ng mga salitang; "dapat," "sana," "marahil," "kundi lamang," "at balang-araw."

    13. Magtatag ng isang kapatiran na nakapaikot sa isat-isa na magpapalakas, magtataguyod, at lilingap sa kagalingan ng lahat ng kasapi.

    14.  Patuloy na lumikha ng buhay na magsisilbing huwarang pamana at pamantayan ng susunod na henerasyon.


     Pag-aralan ang mga katibayang ito ng Marangal na Katauhan
    1. Malinaw at wastong kaisipan at pananalita
    2. Ang kapangyarihan ng patuloy na pag-aaral, pagsasaliksik, at pagsasanay.
    3. Pino, mapitagan, at may kabutihang-asal
    4. Ang kapangyarihan ng kaugaliang maglimi sa tuwina
    5. Ang kapangyarihang makamtan ang iyong mga pangarap at lunggati.
    6. Ganap na matuklasan sa sarili ang dakilang layunin
    7. Nangingibabaw ang  patnubay ng Dakilang Lumikha sa lahat ng sandali.

    Narito ang pagbalangkas:
       Una: Unawaing lahat ng ito'y hindi madali. Kapag disiplina at matuwid na daan, hindi ka maaaring bumaluktot, mapanis, mahilaw, at umurong-sulong. Kagitingan ang kailangan dito kung nais mong magtagumpay. May mga pagkakataon, hihina ang iyong loob at tulad ng dati, balik ulit sa kinagawian. Pakaiwasan itong mangyari.
       Dahan-dahan ngunit nakatitiyak, lahat ng ito'y magkukusang bumigkis at kumilos ayon sa iyong layunin. Pahinay-hinay, at sa tamang panahon mapapansin mong madali lamang ang lahat. Dahil tulad ng isang sasakyan, ikaw na ang may hawak ng manibela at nagmamaneho ng iyong buhay.
       Pangalawa: Magtakda ng panahon. Maglaan ng isang araw sa bawat linggo na may panahon ka sa sarili upang maglimi. Pag-aralan ang mga nagaganap. Hanapin kung ano ang madali sa iyo at gawin ito.
       Pangatlo: Gawing prioridad ang pamilya, bago ang trabaho. Pag-ukulan ng panahon ang mga mahal sa buhay. Ang araw na lumipas ay hindi na muling magbabalik pa. Ngayon nila kailangan ang iyong pagmamahal.
       Pang-apat: Sundin ang iyong plano sa bawat araw. Tiyakin ang iyong mga mahahalagang sandali ay nasa prioridad at nagagampanang maayos.
       Panglima: Ituon lamang ang lahat para dito. Tulad ng pagpana, nakatuon ang iyong kamalayan sa tutudlain. Iwaglit ang anumang bagay na sagabal at kumukuha ng iyong atensiyon ng walang katuturan.

       At higit sa lahat; maglaan ng sandali, at tanggapin ang pagkakaloob ng biyaya at kaluwalhatian ng Dakilang Lumikha. Ito ang iyong Patnubay.


    Isa lamang po na pabatid tanaw, mula sa inyong kababayan.


    wagasmalaya.blogspot.com 
    AKOtunaynaPilipino.org

    Lungsod ng Balanga, Bataan

    Monday, March 21, 2011

    Ang Tunay na Kabayan



       Narito ang isang liham mula sa isa nating kababayan sa malaganap na pahayagang ‘Phil.Daily Inquirer’ (03/21/2011) na isinalin sa ating wika.
       “Ang labanan ng network ay umabot na sa antas ng panloloko.  Nakapagtataka, ako’y isa lamang karaniwan at hindi kilala sa grupo ng tagapanood sa telebisyon, at narito ang isang tagapag-ulat at tinatawag akong, “Kapamilya,” “Kapatid,” o ”Kapuso”? Ang kapuso ay wala man lang kalapat sa Inggles.
       Ako ay ano? Kailan pa ako naging miyembro ng pamilya ng higanteng ABS-CBN? At bakit ang GMA7 ay nakuha at nalaman ang aking personal na katauhan, saloobin at damdamin? “Kapatid”? Mayroon lamang akong dalawang nabubuhay na kapatid, kaya bakit ang nag-uulat ay tinatawag akong kanyang kapatid? Gayong ang TV5 ay isang network na hindi naman pagmamay-ari ng denominasyon sa relihiyon.
       Ano ang nangyari sa maaasahang dati na “Mga kaibigan, Kababayan, o Kapwa Kong Pilipino na 99 na porsiyentong kumakatawan sa telebisyon ay humintong gamitin? Ito ba’y usap kaplastikan (walang katapatan).  Kaya nga mabuti ang aking pakiramdam kapag may tumatawag sa akin bilang “kabayan” sapagkat ako’y tunay niyang kabayan.

    ----POMPEYO PEDROCHE,

       Aray ko! Ang impit at palahaw ng mga tinamaan. Pati na doon sa mga hindi kumikibo, nagpapabaya, at nagsasalaula ng ating mga likas na paggamit sa ating wika. Nawawala na sa ating katauhan ang katotohanan at kawagasan. Lalo lamang tayong ginugulo at inaalisan ng tunay na katauhan ng mga taga-media sa mga taguring ito, sa kanilang telebisyon, radio, at pahayagan. Anuman ang kanilang lihim ng hangarin dito ay kailangang sugpuin, batikusin, at baguhin. Huwag nating pahintulutan na tuluyang maglaho ang taal at kadalisayan ng mga katagang pamilya, kapatid, at kapuso na nakalaan lamang sa tunay nating mga mahal sa buhay. Hindi ito nararapat gamitin kahit kaninong tao, maliban lamang sa malalapit na sariling kaanak. Pinalalabo, iwinawaglit, at pinaglalaho ng mga taguring ito ang ating kabatiran upang tayo'y magkawatak-watak na walang pagkaka-kilanlan.
       Sa ABS-CBN, hindi ko kayo kamag-anak. Hindi ko kilala ang angkan ninyo. Wala akong kapamilya na tulad ninyo. Huwag ninyo akong akitin.
       Sa GMA7, hindi ko kayo kapuso. At lalo naman hindi ko kayo naka-relasyon. Hindi ko malirip, kung saan tayo nagkaligawan at nagkasama upang iduyan ninyo ako na kapuso.
       At dito sa bagong TV5, hindi ninyo ako kapatid. Kilala ko ang aking magulang, wala akong naging kapatid sa labas. Hindi sila malikot na tulad ninyo. Huwag kayong mang-uto.
       Batid ko kung bakit ninyo ito ginagawa. Upang makuha ang aming pagtitiwala. Lahat ng kaparaanan para kami’y mapagsamantalahan ay ginagamit ninyo. Masdan ninyo ang naging kinahinatnan ng marami nating kababayan. Tulad ng alak na nakakalasing, droga na nakakabaliw, ang inyong mga network ay mistulang naging bisyo at aliwan na sa maghapon at magdamag. Sa pag-aakalang pagmamalasakit ang mga taguring ito, marami ang nakakatulog ng mahimbing.
       Sa katusuhang paggamit ng Kapamilya ng ABS-CBN, Kapuso ng GMA7, at Kapatid ng TV5, nakuha ninyo ang pagtitiwala, panahon, at kapalaran ng karamihang Pilipino. Sa hangaring magkamal ng limpak-limpak na salapi, hindi ninyo inalintana ang kalagayan, kinabukasan, at kakahinatnan ng inyong mga kalahi. Masdan ninyo ang ating bansa, lalo ninyong ginugumon sa mga aliwang walang kabuluhan. Pawang pag-aaksaya at pampalipas oras, na sana'y nararapat matuon sa kagalingang pang-kaunlaran.  Palibhasa’y walang katotohanan na “Kapamilya”, “Kapuso,” at “Kapatid” ang mga kapwa Pilipino, nagpapatuloy ang panloloko at pagsasamantala. Hindi ito ginagawa at ipinalalasap sa mga tunay na minamahal sa buhay
       Ang kabuktutan at talamak na pagkagahaman ay nagpapatuloy lamang kapag wala ng mabubuti sa isang lipunan. Ito ang katotohanan.

    Friday, March 18, 2011

    Aming Dalangin




    Panginoon, pangalagaan Mo po ang aming Daigdig, 
    sapagkat nabubuhay kami dito, at dito kami nananahan kasama sa araw-araw ang mga daluyong at kasiphayuan.
    Nawa’y ang pagtatayong muli ay maging kaganapan at buong kasiglahan naming makakaya.
    Bigyan mo po kami ng kagitingan, upang maitindig at mabalik 
    ang mga gumuho, nawasak, at napinsala.
    At dito'y mapalitan ang mga nawala at matanggap ang mga nawalay na mahal sa amin.
    Nawa’y biyayaan kami ng ibayong kagitingan na makaharap pa sa maraming pagsubok,
    Na makalimot sa nakaraan at magkaroon ng masiglang kalakasan na walang kapaguran.
    Panginoon, bigyan mo po kami ng pag-asa, sapagkat ito ang nagpapatunay na lahat ay makapangyayari, hangga’t kami ay nakatuon sa lahat ng aming ginagawa, 
    Ang mga ito ay magaganap ayon sa Iyong kagustuhan.

    Panginoon, nawa’y ang Daigdig ay magpatuloy na arugaing tumubo ang palay at ito’y magawang bigas, at mangyari na mailuto at maging kanin, upang makain at magsilbing kalakasan na aming ikabubuhay. Punuin pa ang karagatan ng mga isda, payabungin pa ang mga bukirin, at palaguin ang mga pastulan nang sa gayon ay magkaroon tuwina ng masaganang pagsasaluhan.
    Nawa'y huwag pahintulutan na kami’y iwanang nangungulila sa Iyo.
    Kailangan Ka namin.
    Patnubayan Mo po kami,
    Dinggin ang aming mga karaingan,
    Kami’y nagsusumamo, bagama’t malimit naming naiisip na kami’y nakadamit gayong kami'y pawang nakahubad sa Iyong paningin. Patawarin mo kami sa aming mga nagawang pagkukulang.
    Nawa’y huwag makalimutan, na Iyong kaawaan ang aming mga kapatid sa mga bansang Haiti, China, New Zealand, at sa Hapon, maging ang aming minamahal na Pilipinas, na ngayon ay nagpapamalas ng Kagitingan, Kapatiran, Bayanihan, at lubos na Pagmamahalan.

                                                                 Amen

                                                                  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

    Ang kapatiran ng AKO, tunay na Pilipino ay wagas na nakikiisa at tumutulong sa mga trahedyang nagaganap ngayon sa ating mga kapaligiran. Mula sa mga damit, pagkaing de lata, gamot, laruan, salapi, at taimtim na mga dalangin, bagama’t hindi makakasapat ay ipinaabot namin ang taos-pusong pakikiramay sa mga nasalanta..

    Wednesday, March 16, 2011

    Mga Pambihirang Kawikaan: 501


    Mga Patnubay sa Buhay

       Sa aking buhay, nakatindig ako sa mga prinsipyong kumakatawan sa kagalingang panlahat. Ang mga ito ang aking ginagawang timbulan sa aking paglalayag. Dalawa dito ang tungkol sa pagmamahal at pagkakanulo. Ito ang buod ng ating mga Pambihirang Kawikaan 501. Tatalakayin natin ngayon ang pagkakanulo. 
       Ano ang pagkakanulo?
       Isa itong matinding pagtataksil mula sa mga pinagkakatiwalaan. Gumagamit sila ng panghalina, matatamis na pangungusap, at pagsasamantala upang makuha ang iyong pagtitiwala. At matapos ito, ikaw ay ipagpapalit sa mataas na halaga, isasalang, ipaglalantaran, itatatwa, at isisiwalat ang lahat ng tungkol sa iyo. Kahit wala kang pahintulot at tumututol tungkol dito.

       Anumang paliwanag ang matutunghayan ninyo dito, ay mungkahi lamang mula sa akin. Mayroon kayong karapatan na malayang sambutin o talikdan ang mga ito. Hangarin ko lamang na buksan at panatilihing gising ang inyong mga diwa, sa mga kaganapang nakapangyayari sa ating kapaligiran.
       Malaki ang aking paniniwala na kahit man lamang sa pamamaraang ito, ay makamit at tahasang maganap ang pagkakaroon ng matiwasay na buhay. Dangan nga lamang, ang daang matuwid ay nangangailangan ng pagyakap sa wastong pag-uugali, sakripisyo, disiplina, makahulugang pamumuhay, at paglilingkod sa kapwa.
       Bilang kumakatawan sa tunay na Pilipino, katungkulan kong kalampagin ang nausiyaming pagsibol sa ating kamalayan ng nararapat na liwanag. Kailangan nating sindihan, paliyabin, at pag-alabin ito. Ang magpatuloy sa paglagablab, upang ang marami sa atin, ay matanglawan at hindi manatiling nasa karimlan. Ito ang landas na aking tinatalunton. Kumapit lamang at maglimi sa paglalayag na ito.

    Mga Kawikaan 501

    501- Ang escalator ay hindi nawawalan ng saysay. Huminto o masira man ito, maaari pa ring magamit na hagdanan. Gayundin ang buhay; ang isang kamalian gaano man katindi, ay hindi isang sagwil at katapusan na.

    502- Kapag ang pangalan mo’y nakaukit sa gusali, dakila o mayaman ka. Kung ito’y nakapatong naman sa hapag, may katungkulan ka. Subalit kung nakatatak naman sa kamiseta, may negosyo o namumulitika ka. Ang nakakalungkot dito, kapag walang nakakaalam kung ano ang pangalan mo. Gumising ka naman.

    503- Ang sangkatauhan ay may mahusay at masaklap na pagpipilian sa ngayon; trabaho o telebisyon, pangkabuhayan o tsismisan, makabuluhang pagbabasa o walang katuturang aliwan. Alinman dito ang piliin, ay siyang magtatakda ng kapalaran.



    Nangyayari ito sa ating bansa:
    504- Dalawang Pilipino ang katatapos lamang sa kolehiyo ang nagkasalubong. Ang tanong ng isa, “May trabaho ka na ba?” Ang tugon naman ng isa, “Wala pa, kahit katulong lamang ay tatanggapin ko sa ibang bansa, basta makaalis lamang ako dito sa atin.”

     505- Dalawang kabataang Tsino-Pilipino ang nagkasalubong, Ang tanong ng isa, “Ano ang negosyo mo ngayon?” Ang tugon naman ng isa, “Katulong ako sa negosyo ng aking ama, nais niyang matutuhan ko ang lahat tungkol sa negosyo.”



    506- Ang katapatan niya ay tulad ni Gat Andres Bonifacio. Subalit ang kanyang panghalina, ay katulad ng taong pumatay sa kanya.

    507- Ang pinakamadilim na mga panig sa impiyerno ay nakahanda doon sa mgat taong sa panahon na kailangan sila ng kanilang bansa; ay nananatiling ayaw masangkot anuman sa nagiging kalagayan nito.

    508- Dalawang paraan upang magliwanang o magdilim ka. Ang isa ay hanapin mo ang iyong lagablab at lalong pag-alabin ito upang mag-alab din ang dingas ng iba. Ang isa naman ay padilimin ito o huwag tulutang magningas ang silab ng iba.

    509- Dahil sa pakiwari niya’y wala siyang halaga; patuloy niyang pinarurusahan ang kanyang sarili sa padaskol-daskol na pamumuhay at pagwawalang bahala sa kanyang kinabukasan. Bahala na ang kanyang bukambibig.

    510- Ang salaping papel; gaano man ang halaga nito, kahit na lukutin, hatiin, pirasuhin, dumihan, at itapon, mayroong pupulot dito. Tulad natin, mayroon tayong halaga kahit anuman ang ating pinagdaanan, kamalian, at kabiguan---mayroon pa ring nagmamahal sa atin. Huwag nating kalimutan ito.

    511- Madali lamang ito; may mga bagay na tamang gawin, at mayroon ding mga bagay na maling gawin.

    512- Maari mong ikatwiran ang wasto at mali ng isang tao, subalit higit na tama ay yaong limiin kapag sa iyo ito ginawa.

    513- Ang kaanak, kaibigan, at samahan, ay hindi matimbang kung sakali’t marami ang napipinsala nito.



    514- Kung nais mong makatiyak sa isang relasyon, nararapat lamang na isagawa mo ang uri ng pagkatao na iyong hinahangad.

    515- Sa totoo lamang, yaong nagbabanta at sumusumpang gagamit ng dahas at kapinsalaan ay nagmumula sa pangambang sila ay hindi kaibig-ibig.

    516- Ang pagiging makamkam at makasarili ay nag-uugat mula sa pangamba at matinding pangangailangan.




    517- Ang katagang ‘kaibigan’ ay hindi isang karapatan na magagawa mo ang iyong naisin na tila isang katungkulan at kabayaran.

    518- Ang saksak sa likod ay matagumpay, kapag nagpunla ng lasong binhi sa mga taong uhaw at makati ang dila.

    519- Bagama’t siya ay sakdal na masama, isa rin siyang huwaran upang hindi tularan.

    520- Hindi maipapaliwanag ang kasamaan. Ang kailangan lamang ay pagmasdan ito na bahagi ng ating kaganapan. Ang ipagwalang bahala at pahintulutan ito, ang dahilan ng ating masalimoot na buhay.

    521- Malimit, ang katarungan ay hindi makakamtan. Ang paghihiganti ay hindi makakalutas. Ang masama at kabuktutan nito ay magpapatuloy---hangga’t ang kapighatian ay laging nasa ating kaisipan.

    522- Ang makisama sa mga taong ang laging bulalas ay kahirapan, pangamba, pagkainip, at walang katiyakan sa buhay ay isang pagpapatiwakal. Papatayin ka nito unti-unti sa pagkayamot at sa nagagayang matinding kasiphayuan.

    523- Hindi katungkulan na iyong mga kamag-anak na pasanin ka, arugain ka, at tustusan ka. Hindi ito isang karapatan na ipapataw mo sa kanila.

    524- Palagi itong nangyayari; matimbang ang salapi kaysa dugo. At maging sa larangan ng integridad, karangalan, kabutihan, mga pangako, at pakikipag-kaibigan ay nasasalaula nito.


    525- May mga taong winawasak ang kaligayahan ng iba, kapag napansin nilang higit itong maligaya kaysa kanila. Iwasan ang mga ito; kung nais mo ng matiwasay na buhay. Huwag lamang maglakad, tumakbo ka palayo sa kanila.

    526- Ang mapaghangad ng hindi sa iyo, ay itinutulak ka lamang upang lalong mabulid sa kapahamakan. Sapagkat lahat ng iyong pagpupunyagi ay mawawalan ng saysay---ipinagkakanulo lamang nito ang tunay mong pagkatao.




    527- Ang tunggalian ay maganda, kung naipapakita nito ang kagalingan ng magkabilang panig. Subalit nakapanlulumo, kapag ang hangarin ng isa ay wasakin ang kanyang katunggali.

    528- Ang panibugho at pagiging mainggitin ay talamak at nakakarimarim na pag-uugali. Ibinubulalas nito ang maitim mong pagkatao. Kahit anong panlabas na anyo ang gawin mo, sisingaw pa rin ito.

    529- Isang kapangitan na makuha mo lamang ang iyong ninanais, kailangang ipagkanulo mo ang iyong pagpapahalaga sa sarili, kabutihan, mga kautusan, responsibilidad sa iba, mga batas, pagiging patas, at dangal.

    530- Hindi basta naganap ang lahat. Ito’y unti-unting ginawa hanggang sa mangyari. Tulad ng maraming sinulid na patuloy na pinagsasama hanggang sa maging lubid, ito ang sasakal sa iyo.

    531- Sa pagiging tuso at makamkam, napapatunayan nila ang kanilang imbing kahalagahan at kapangyarihan.  

    532- Kung panatag ka, sa kabila ng nakakahindik at sukdulang kapighatian sa paligid mo, mangyari lamang na lagi kang handa sa iyong kaligtasan. Sapagkat ang kapanatagan mong ito ay hudyat upang ikaw ay tampalasanin.

    533- Tinuklaw ako ng alakdan. Hindi ko sinisisi ang alakdan, kalikasan niya ito. Ang dapat kong sisihin ay ang aking sarili. Naging tanga ako sa ilang sandali.

    534- Ang ulupong; tawagin mo man ito na Ginoong Ulupong, nananatili pa ring ulupong ito.

    535- Walang masama, demonyo, at magkaroon ng Satanas sa ating buhay. Kaya lamang ito nangyayari, ay maraming mabubuting tao ang ayaw masangkot at isagawa ang kanilang kabutihan.

    536- Ang kagandahang-asal ay ang iyong mga ginagawa, hindi ang iyong iniisip, nadarama, at pinaniniwalaan. At lalo naman kung ipinapangako mo pa ito. Matindi pa, kung gumagamit ka ng salita mula sa Banal na Aklat. Nakakapangilabot na ito.

    537- Doon sa mga nalagpasan at nasasalubong  mo; kailangang binabati mo sila, sapagkat kapag ikaw ay hindi naging matagumpay, sila ang iyong babalikan, uuwian, at makakasama.

    538- Malaki ang kaibahan ng totoo sa pantasiya o kababalaghan. Makikita ito sa pagitan ng maunlad at mahirap na mga tao. May magkatulad na  pangarap; subalit ang maunlad ay isinasagawa ito, samantalang ang mahirap naman ay nangangarap at naghihintay pa.

    539- Huwag pagpawisan ang mumunting mga bagay, at huwag gawing libangan ang walang kabuluhang pagpapawis. Wala nang hihigit pa kung ang pawis na ito’y laan sa paglilingkod sa sambayanan.



    540- Ang sugat, gumaling man ito ay may maiiwang peklat.

    541- Madali ang magpatawad, subalit ang lumimot ay mahirap.

    542- Kung laging pinangingibabawan ka ng paghihiganti sa iyong kaisipan, palitan kagyat ito ng isang paghamon sa iyong pagkatao, masusing sagutin ang tanong na “Ano ang mapapala ko dito?





    543- Pagmasdan ang pamumuhay ng isang tao. Isa itong mapanghahawakang batayan kung siya ay karapatdapat o hindi sa katungkulang gagampanan niya.

    544- Kapag marumi ang isang tao, nakakatiyak ako na marumi at taghirap din ang kanyang kaisipan. Sapagkat wala pa akong nasumpungan na mayamang tao na marumi sa kanyang sarili at kapaligiran.

    545- Kapag naimbita ako at pumasyal sa isang bahay, una kong pinupuntahan ang palikuran, pangalawa ang kusina, at huli ang silid pahingahan. Dahil kapag marumi ang mga ito, ganito din ang kanilang mga pag-uugali.

    546- Ang bahay ay nagiging tahanan, kapag ipinairal dito ang kalinisan.

    547- Laging binabanggit ito ng aking mga ninuno, ang kalinisan ay pangalawa sa pagiging maka-Diyos.

    548- Alam mo bang hindi ko nais na mapag-usapan pa ang aking naging mga kaaway? Nakakatiyak akong higit na magaling kaysa kanila, sapagkat hindi ko maatim na gayahin ang kasamaan nila.



    549- Kailanman ay hindi ka magtatagumpay, hangga’t ang puso mo ay batbat ng galit at paghihiganti. Nilalason nito ang iyong kaisipan upang mailigaw ka sa matuwid na daan.

    550- Huwag hanapin sa iba anuman ang mayroon sa iyong sarili, dahil bagama’t patas tayo nang ipanganak, malaki ang naging kaibahan sa ating pinagmulan, paglaki, at natutuhan. Ang maganda ay ang alamin kung saan siya patungo at nais na mangyari sa kanyang pagkatao.




    551-Hindi ko alintana kung sino ka, saan ka nanggaling, sino ang kasama mo, at ano ang iyong natapos. Ang nais ko’y kung ano ang iyong magagawa sa ating pagkakaisa.

    552- Ang problema ay hindi ang pagkakaroon ng mga problema. Ang problema ay ang umaasa at umiisip sa pagkakaroon ng mga problema ay isang problema.

    553- Marami na akong narinig sa iyo. Lahat nang ito’y magaganda at pawang kabutihan ang tinutungo. Subalit bakit mo ako pinaghihintay nang matagal upang mangyari ito, sadista ka ba?

    554- Umiiwas ang maraming tao na mapag-usapan ang tungkol sa kanila, subalit sa pagitan ng kanilang mga salita ay naroon ang mga ‘pagsusumamo at mga daing’ na tulungan mo naman ako. Hindi nila tuwirang mabigkas ang mga kapighatian na kanilang pinahintulutan sa mga sarili.


    555- Ang magbangka at pumalaot gayong may nakabantang unos ay isang kapahamakan. At isa namang pagpapatiwakal ang huwag maglayag gayong mabuti ang panahon kung kaligtasan ang nakataya dito.

    556-Palagi kong batayan; mabuti pa ang magkaroon ng isang maling kapasiyahan, kaysa walang anumang kapasiyahan.

    557- Hindi maganda ang ilantad sa marami ang katauhan ng isang tao. Sapagkat ang iyong sariling pagkatao ang malalantad dito.

      


    558- Ito ang totoo; kapag nakisama ka sa aso, pawang garapata, galis, at lagas ng balahibo nito ang makakamit mo.

    559- May mga pagkakataong ang pakiramdam niya sa sarili ay espesyal siya. Kahit na karampot lamang ang kanyang naibigay o nagawa, naghihintay siya ng malaking kapalit para dito.

    560- Magandang patnubay: Huwag mag-akala. Bagkus tiyakin, na ang lahat ay pawang sa kabutihan patungo.

    561- Ikaw ang higit sa lahat, at wala nang iba pa ang masusunod para sa iyong sarili. Lahat ng iyong kagalingan at kaunlaran, ay nasa dulo lamang ng iyong mga kamay.




    562- Nais kong baguhin ang daigdig. Ngunit natuklasan ko na mas mabisa at nakakatiyak pa ako, kung uunahin ko munang baguhin ang aking sarili.

    563- Ang makiusap at magmakaawa ay mahirap paunlakan, subalit kung may nakatutok na baril; ay iba nang usapan ito.

    564- Higit na nalulungkot ako sa kamatayan ng aking mga kaaway kaysa aking mga kaibigan, sapagkat hinahanap ko pa rin sila bilang mga saksi sa aking tagumpay. Sa kanilang pamiminsala, nagpumilit akong patunayan na mali sila..

    565- Huwag payagan ang iyong mga pangamba at karaingan na maging bukambibig mo. Iiwasan  ka ng marami na makarelasyon.

    566- Lumikha ng sariling daigdig ayon sa nais mo, at maglagay dito na mga taong pinili mo na may pagmamahalan, damayan, kapatiran, at nagtutulungan para sa kaunlaran. Ito ang pangunahing layunin sa buhay.

    567- Unawain; bawat isa ay may kuwento, kasaysayan, kahinaan, at mga nakatagong hangarin. Kahit alam nila ito o hindi, kailangang manatiling handa sa magaganap.

    568- Bigkas ni Mang Kiko Baltazar, “Kung sa iyong pagdating ay may sumalubong at may pakitang giliw, pakaasaha’t kaaway na lihim.” Lalo na doon sa mga hindi mo inaasahan na tuwirang gagawin ito sa iyo.

    569- Hindi makatarungan ang maghiganti nang hindi ka magiging masama, lumalabag sa batas, sisirain ang iyong karangalan at magsisisi. Sapagkat lahat nang ito, sa katapusan, ay sa iyo tatama.


    570- Sapat na ang pinsalang nagawa sa iyo. Huwag na itong dagdagan pa ng ibayong kapinsalaan sa iyong sarili, para lamang makaganti.

    571- Ang kabubuang hibla ng sangkatauhan ay binibigkis ng damayan, isang salita, katapatan, at pagmamahalan.

    572- Masahol pa sa kamatayan ang ipagkanulo. Sa kamatayan, hindi mo na mararamdaman ang mga pana at pasakit na ipinupukol sa iyo. Samantalang sa pagkakanulo, patuloy kang pinaparusahan ng mga nagiging bunga nito.



    573- Sa katapusan, hindi natin maaalala ang mga pagpuna at pamimintas ng ating mga kaaway; bagkus ang hindi natin malilimutan ay ang pagsasawalang-kibo ng ating mga kaibigan.

    574- Kaya lamang nakapangyayari ang kabuktutan, ay dahil sa pagkatakot, pangamba, makasarili, katusuhan, at pagka-duwag ng mga nakakaalam.

    575- Ang kasamaan ay nagpapatuloy kapag walang humahadlang dito. Tulad ng agos ng tubig; binabasa nito at dinudurog gaano man katigas at tibay, ang lahat ng mga dinadaanan nito. At higit pa doon sa hindi tumitinag sa kanilang kinalalagyan.

    576- Maging si Gat Jose Rizal ay kumilos lamang, nang masangkot sa maling pagtrato ang kanyang pamilya. Hangga’t hindi ito nakaaapekto sa atin, wala tayong pakialam. Paano na, kung tayo naman ang nasa bibitayan at pawang bingi, pipi, bulag, at nagtutulog-tulugan ang marami sa atin?

    577- Paghandaan: Isa sa mga bahagi ng pagkakalikha; ang mga nilalang na dinisenyo bilang tagpagpahirap at mapagsamantala. Kung wala sila, hindi tayo magiging matalas at laging gising sa tuwina.

    578- Dalawa ang uri ng tao sa ating daigdig: mabuti at masama. Ang mabuti ay nakakatulog ng mahimbing; ang masama ay tila nasasarapan na laging gising at nagpapakasama pa. Wala silang kapuyatan sa paggawa ng kasamaan.

    579- Huwag magsabit ng tudlaan sa iyong likod. Marami ang papana at magpupukol ng patalim dito kapag ikaw ay nakatalikod.


    580- Ang matinding kapighatian ay ang malabis na pag-iisip tungkol dito.

    581- Ang aking buhay ay bunga ng aking mga naging kapasiyahan, kapahintulutan, at maging kapabayaan.

    582- Huwag paghimasukan ang negatibong saloobin ng isang tao. Hindi natin talos ang pinagdaanan niya. Lalo naman ang usisain pa ito ng paulit-ulit. Sapagkat ikaw mismo ang naghahamon at pagsisimulan ng away.




    583-Ang matalik na kaibigan ay isang tao na maibibigay mo ang iyong katapatan sa kanya, at walang anumang pag-aalinlangan dito; sa talikuran man o harapan.

    584-Ang buhay ay nalalanta at yumayabong, umiikli at humahaba, batay sa antas ng iyong kagitingan.

    585- Upang magkaroon ka ng kaaway, kailangan maging iba ka sa pangkaraniwan. Yaong lahat ay napapatingin sa pambihira mong katangian. Ang lakas at kapangyarihan nito sa iyo ay kailangang supilin din ng kapwa lakas at kapangyarihan ng iba.

    586- Huwag pabayaan na makapangyari ang nais ng ibang tao sa iyo, at igalang mo ang kanilang pakikialam nang higit pa sa iyong sarili.

    587-Hangga’t wala kang pagpapatawad, ang sugat na nilikha nito’y patuloy pang magnanaknak kaysa maghilom.

    588-Ang mabuting paraan ng paghihiganti, ay huwag tularan na gumawa ng kapinsalaan.

    589- Patawarin mo ang iyong mga kaaway, subalit huwag mong kalimutan ng kanilang mga pangalan.



     590- Ang tunay na pagpapatawad  ay iginagawad lamang kapag ang nagkamali ay nababalot ng wagas na pagsisisi; pag-amin sa nagawa, pagnanais na maitama ito, at pangakong hindi na ito mauulit pa.

    591- Walang katuturan ang katwirang, “Sapagkat kami’y tao lamang.” Kaya nga naging tao ka, upang matalos mo ang masama at mabuti. Kapag hindi, ang gamitin ay ito, “Sapagkat kami’y halimaw lamang.”

    592- Madali ang maging tao, ang mahirap ay magpakatao, at higit pa ang maging makatao. Dahil kalooban ito ng Dakilang Diyos at pagiging makabayan. Kung wala ka nito, miyembro ka ng Halimaw, Inc.


    593- Ang pagkakamali ay minsan lamang. Kapag ito’y naulit pa, bisyo na ito. At kapag nag-ibayo pa dito, mali-mali na ang tawag sa iyo. Ito ang nakakalito.

    594-Anuman ang iyong ginagawa; saanman, kailanman, at anupaman ay mayroong nakatitig sa iyo. At minsan ma’y hindi kumukurap. Ito ang iyong budhi, at ang Dakilang Diyos ang patnubay nito.

    595- Hindi ko mapapasubalian, sadya akong mapalad sa pagkakaroon ng mga matatalinong kaaway. Kung wala sila, hindi ko magagawang pag-ibayuhin ang aking lakas, magtiyaga, at humanap ng ibang patutunguhan upang lalong magtagumpay.





    596- Ang hangarin ang siyang nagpapakilos sa atin. Kapag wala ka nito, mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig.

    597- Kailangan natin ang mga paghihirap; nagsisilbing paghamon ito sa ating katatagan upang magpatuloy.

    598- Nalulungkot ako; hindi dahil sa ginawa mong kataksilan sa akin, bagkus sa dahilang magmula ngayon ay wala na akong pagtitiwala sa iyo.

    599- Ang pagkatao ay hinuhubog sa pandayan ng mga kahirapan at pagsubok. Gawing makabuluhan ang pagpapatibay ng iyong sarili, upang makaya mo ang anumang pighati at pasakit sa pakikibaka.

    600- Hatulan ang isang tao (kung magagawa mo) hindi sa kanyang mga pagkakamali, bagkus kung gaano ang kanyang katapatan sa paghahanap ng katotohanan at sa Dakilang Lumikha.


       Palaging subaybayan ang ating mga Pambihirang Kawikaan at patutsada
    Marami pa itong kasunod, na inyong kagigiliwan at patuloy na gigising sa inyong kamalayan upang maging
                            tunay na Pilipino.