Pabatid Tanaw

Tuesday, December 14, 2010

Mga Bagabag

  

Ano ba ang bumabagabag sa ating buhay? Marami ito at nangyayari kahit kaninuman, anumang antas, kalagayan, at kaganapan. Nanggagaling ang mga ito sa lahat ng uri ng kapaligiran. Maging ang gulang at talino ay magkakaiba. Kahit hindi magkamukha at nanggaling sa iisang angkan, magkakatulad ang kanilang nadarama. Mayroong bumabagabag sa kanila.
   Maaaring may kinakatakutan, may kinaiinisan, mga dalahing hindi malutas-lutas, masamang relasyon, walang hanapbuhay, hindi makapasa sa pagsusulit, naghihirap, pasanin, maraming kagalit, bugnutin, nababagot, at marami pang katulad nito.
   Kadalasan ay naidaraing nila ito sa mga kaanak, kaibigan, at kakilala. Gayong ang nais lamang ay pahintulot at paniniyak kung nasa tama silang kapasiyahan. Malimit hindi nila mapagtanto kung ano talaga ang sanhi ng bumabagabag sa kanila.
   Ano nga ba ang bagabag? Ano ang magagawa natin para dito? At papaano natin ito malulutas? Maiiwasan? Pabayaan na lamang ba?  Subalit mabilis man natin itong maisaayos, ay mabilis din ang panibagong bagabag na kapalit. Tila wala ng katapusan habang nabubuhay. Paikot-ikot lamang.
   Mayroong lalong nagtatagumpay at umuunlad, subalit lalong marami ang patuloy na nasasadlak sa dusa. Karamihan ay nawawalan ng tiwala sa kanilang mga sarili. Bakit may nakakagawang lagpasan ito at umuunlad, subalit ang iba’y hindi makakilos at kusang tinatanggap na lamang ito?
   Alalahanin, ang kalagayang natamo mo ngayon ay sanhi lamang ng mga kapasiyahang ginawa mo sa nakaraan. Bunga ito ng iyong mga ginawang pagpili. Hindi ka malalagay sa katayuang ito nang wala kang pahintulot. Nangyari ang mga bagay na ito dahil kagustuhan mo. Sapagkat kung hindi mo ito ibig, gagawa ka ng kaparaanan upang hindi ito mangyari sa iyo.
   Ito ang katotohanan.
   Ang mga bagabag ay tagapagpaganap. Dumarating ito sa iyong buhay upang ikaw ay gawing matatag at matibay. Mga pagsubok na ikaw lamang ang makalulutas. Anuman ang ginagawa mo sa ngayon, ito ang iyong magiging kapalaran sa kinabukasan. Kung nais mong malaman ang katiyakan ng iyong bukas, simulan mo sa araw na ito ang pagganap.
   Ang mga bagabag ay tagapag-paalaala. Ipinaiisip nito sa atin na tayo ay kailangang kumilos, gumawa, at magbago. Hanggat may kasakitan tayong nadarama, pinag-iisip tayong gumawa ng kalunasan. Kung walang bagabag, mananatili tayo sa pagwawalang bahala at karaniwang takbo ng buhay. Paminsan-minsan ang bagabag ay nagsisilbing pagbatok, upang tayo’y magising sa mahimbing na pagtulog.
   Ang mga bagabag ay mga aral ng buhay. Mga paghamon ito na nagtuturo upang tayo'y matuto sa pakikibaka sa araw-araw. Ipinapadala ito sa atin upang maging bihasa sa maraming mga pagsubok. Mga ibinibigay na pagkakataon upang magkaroon tayo ng sapat na kaalaman at karanasan. Kailangan natin ito sa matuwid na pagharap at paglutas sa mga suliraning nakaatang sa ating mga balikat.
   Ang mga bagabag ay mahalagang kaibigan. Nagbibigay ito na babala tungo sa pagbabago. Ito  ang pamantayan kung tagumpay o kabiguan, kasaganaan o karalitaan, kaligayahan o kapighatian, kaguluhan o kapayapaan, kaibigan o kaaway, ang pagpili ay nasa iyo. Anuman ang haharapin mo sa mga ito ay malulunasan. Hindi iniiwasan. Kaya nga binabagabag ka, upang makagawa ka ng solusyon. Hindi ito tatawaging bagabag kapag walang solusyon.
   May kumalabit sa akin ang wika ay ‘problema’ ang dapat itawag na kataga. Ang sagot ko naman, tinatawag itong problema, kapag nais mong tumakbo, putol naman ang dalawang paa mo. Ito ay problema. Nais ng kapitbahay mo maging isang sikat na mag-aawit, pero ngongo siya. Ito ay problema. Ambisyon naman niya ay maging sikat na manlalaro sa basketbol, ang kaso naman 4'11" ang taas nito. Ito ay problema. Ang isa naman, pangarap ang tumama sa lotto, dahil nais nito ay biglang-yaman siya. Hindi naman siya bumibili ng tiket. Ito ay problema.
   Kapag binanggit ang problema, makakatiyak ka, problema nga ito, dahil wala itong solusyon!
   Siyanga pala, hindi lahat ay laging problema ang katawagan. Marami tayong mapagpipilian, tulad ng; pagsubok, pagkakataon, biyaya, leksiyon, aral, handog, paghamon, atbp. Lahat ng ito ay may solusyon.
   Kaya ang bagabag, kailangan natin. May solusyon ito. Pampagising ito sa tulog, natutulog, at mga nagtutulog-tulogan.

No comments:

Post a Comment