Friday, December 29, 2023

Tatlong Talampakan Lamang

 

Isang makabuluhan na kuwentong Ruso mula sa aking ama.  Hinalaw at isinaayos para sa pagbubukas ng taon 2024.  Maraming ulit ko nang naikuwento ito. Dahil mahalaga at napapanahon, uulitin kong muli.

   Sa Rusya, isang pambihirang bansa na sumasakop sa malaking bahagi ng Europa at Asya, subalit may maliit na populasyon lamang ito. Dahil sa walang hintong mga digmaan, ang pinunong Tsar ay nagpahayag sa mga mamamayan nito na simulan nang sukatin and anumang lupain na nais nilang maangkin. Bilang palatandaan ito na Ruso ang nakatira at siyang nagmamay-ari.
       Ang patakaran: Magsisimula ang pagsukat mula sa ika-walo ng umaga hanggang ika-anim ng gabi. Anumang malagyan ng iyong panaling palantandaan ay magiging sa iyo. Kailangan naroon ka sa Pasinaya sa takdang oras bilang pagtatapos, upang pagtibayin ang mga itinali mong  palatandaan.
      Nang ihudyat na ang pasimula, mabilis na tumakbo ang Ruso na si Pakyaw at anumang makita, halamanan, kakahuyan, burol, kailugan, talampas, at mga kaparangan ay pilit niyang pinupuntahan at nilalagyan ng kanyang tali bilang palatandaan.
      Hanggat may natatanaw, kailangan niyang maangkin. Takbo nang takbo, humihingal, sumusubasob, gumigiwang na tatayo, painut-inot na lalakad, muling tatakbo, mapapasubsob, gagapang, pabuwal-buwal na tatayo, muling padapang babagsak, pawindang-windang na gagapang, nagkukumahog .., sa pagnanasang mapuntahan ang lahat na kanyang natatanaw. Tali dito sa talahib, tali doon sa mga puno, tali sa mga baging at bawat makita na maaaring talian, ay walang puknat sa pagdudumali. Hanggang maubos ang kanyang panali.
     Huminto si Pakyaw at humihingal na nagpalinga-linga sa paligid, nanghihinayang sa nakitang kaparangan, ngunit wala na siyang panali. Naibulong sa sarili, "Napakatanga ko naman, hindi ko dinamihan ang aking panali."
     Pasalampak na umupo sa batuhan, nang mapansin niyang palubog na ang araw, nagdudumali ito na paika-ikang tumakbong pabalik kung saan siya nagsimula, nagkukumahog, hinahabol ang paghinga,  pinagpapawisan nang malapot, humahagok, pabuwal-buwal sa pag-aantalalan. "Ka-kha-kailalangang ...ma-mha-karah-ting aa-k-ko ssa  pasinayaan, kha-ka-ilangan nna-ro-on.. ako." ang pautal-utal na nasambit nito.
     Sumasagok ang laway sa pagod, sumusubasob, gagapang padapa, patihaya at patagilid na umuusad, kinakalaykay ang mga paa.  Painut-inot na tatayo, mabubuwal .., kahit na nakalugmok sa hirap, patuloy sa pag-usad. Walang tigil kahit anuman ang mangyari, sa pagnanasang makarating sa Pasinaya.
     Kinakapos na sa paghinga, nagdidilim na ang paningin, nagpupumilit pa rin sa paggapang, maputla na ito at nanginginig ang buong katawan, ngunit malayo pa ang Pasinaya.
     Nanlalambot at wala nang lakas pang natitira kay Pakyaw, napapatuwad, sa pagnanais na makatayo, ngunit napapasubsob.
     Maya-maya pa ay napatigil ito ... Pahinay-hinay ang usad, hanggang sa gumulong ang nalantang katawan sa isang maliit na guwang ng lupa... Nawalan ng ulirat, at dito tuluyan nang pinanawan na lakas, napugto ang hininga at tuluyan nang naglaho ang lahat.
     Ang guwang ay may sukat na tatlong talampakan lamang. Ito pala ang higit na kailangan niya, na kung saan dito matatapos ang lahat para sa mga kapaguran niya.
     Tatlong talampakan lamang pala ang kailangan sa lahat ng kanyang mga kapaguran.

Tatlong talampakan lamang pala ang nakaukol bilang libingan. Walang labis at walang kulang. Sapat na katibayan na hindi kailanman maiiwasan. Alalahanin, na lahat ng mga kaganapan, sa bawat mga pagpupunyagi, mga sakripisyo at pagsasaalang-alang, lahat ay may nakatakdang katapusan.

   Sa bandang huli, IKAW at sarili mo lamang ang higit na nakakaalam sa tunay mong katauhan, sa mga ninanasa, at direksiyong pupuntahan. Ito ay nasusulat at siyang banal na katotohanan.

   Tatlong talampakan lamang.

--Makabuluhang Tanong: Bakit may mga tao na patuloy ang pagnanasang makamit ang lahat hanggang may makukuha pa. Kahit na isang bilangguang walang rehas ang kinasadlakan at patuloy sa araw-araw na pagpasok sa nakasanayang gawain?
    Alin ba ang tama: Ang kumain para mabuhay? O, ang mabuhay para kumain?
Ang magising isang umaga at mapatunayan na ang lahat ng PINILING mga kaganapan ay isang palang PAGKAKAMALI?
   Para saan ba ang lahat? Ang magkaroon ng salapi na hindi nakakatiyak kung pakikinabangan pa ito? " Kapalit ng nausyaming kabataan at kawalan ng pagkakataon sa buhay, "Gaano ba karami ang sapat?"
Pakalimiin po, at ibayong pahalagahan ang mga kasunod na kaganapan.

Salamuch po, at ...  Isang Mapayapa, Masagana, at Maligayang 2024 sa lahat!

Jesse navarro Guevara                                                                                                                                     Lungsod ng Balanga, Bataan



No comments:

Post a Comment