Sisirin ang iyong
kaibuturan, naritong lahat ang iyong mga kasagutan.
Marami akong nakasabay
at nakasalubong sa aking
paglalakbay sa buhay patungo sa direksiyon na nais kong marating . May
nakita
akong nakahinto, may tumigil na, ngunit ang karamihan ay bumabalik.
Marami din ang
nagpapahayag na sa kalagitnaan ng kanilang buhay, napatunayan nila na
hindi
nila ninanais ang kanilang napuntahan o kalagayan ngayon sa buhay.
Nakaharap sila sa isang krisis na laging umaalipin at nagpapahirap sa
kanila. Bagamat tinahak nila ang napiling landas, ang nadatnan nila ay
masamang kapaligiran o isang patibong na
ibinilanggo sila. Hindi mga nasisiyahan at may mga hinahanap na
makapagpapaligaya
sa kanila.
Bagamat
ang buhay ng bawat tao ay magkakaibá, naniniwala ako na ang makataong
paglalakbay, ay napapalooban ng kaluwalhatian
para magampanan kung bakit lumitaw at narito pa
tayo sa mundong ito. Kahit saan mang panig
ng mundo o kulturang ginagalawan ng sinuman sa atin, may mga aspetong
panuntunan na namamayani sa ating mga kalooban upang ipamuhay
ang mga kalidad ng katotohanan, pagmamahal, kapayapaan at kaligayahan. Bawat
isa sa atin ay ito ang matayog na hinahangad; mga kinakailangang sangkap para
mabuó ang ating mga tahanan, pamayanan at ang pinakamabuting bersiyon ng ating tunay
na pagkatao.
Marami
tayong taguri o ipinapangalan dito; Kalangitan, Paraiso, Nirvana, Hardin ni
Bathala, Pagkamulat, Kamalayan, isang kundisyon na nagreresulta ng pinakamataas
na kaligayahang hindi makakayang mailarawan ng mga kataga. Para sa akin,
hanggat may nararamdaman akong hindi malirip at walang hanggang kaluwalhatian
para mailabas ang nakatago kong mga potensiyal para sa kabutihan at
kaligayahan, ito ang aking susundin at walang sawang tatahakin.
Sapagkat, "Ito
ang tamang landas para sa akin."
Natitiyak
ko na ang kaalaman sa pinakaduló ng ating ginagawang paglalakbay sa buhay
ay upang ganap na maisakatuparan at mapatunayan ang ating mga potensiyal para
sa kaligayahan. Nabubuhay tayo upang ganap na maranasan ang kaligayahang nakatakda para sa
atin. Kaysa nagmumukmók, dumaraing, naninisì, at nababagót sa buhay; sa halip, kilalanin
nating maigì kung sino tayo at
halukayin ang ating mga puso kung bakit patuloy tayong nabibigo na makita ang liwanag
na siyang magpapaligaya sa atin. Nasa ating motibasyon makikilala ang
tunay nating intensiyon sa buhay kung bakit binibigyan natin ng
atensiyon ang mga bagay. Sapagkat sa lahat ng sandali, ay nililikha
natin ang ating kaganapan.
Ang tagumpay ay abót-kamay, ngunit makakamtan lamang ito kapag napatunayan
mo ang Kaharian ng Langit na nasa kaibuturán mo.
No comments:
Post a Comment