Monday, March 23, 2020

KAIBIGAN ba Kita?


Dalawa ang pagpipilian: Kaibigan ba o lihim na kaaway? Nagsasabi nang tapat at nang-uuto nang sulsol. Ang tunay na mga kaibigan ay harapang sasabihin sa iyo na ang mukha mo ay marumi (marusing). Doon naman sa may maitim na hangarin, sasabihin sa iyo na ang mukha mo ay mapang-halina (kagiliw-giliw). Ang isa ay tuwiran o totoo, at ang isa ay balatkayo o plastik.
   Ang mga sugat mula sa isang matalik na kaibigan ay higit na mainam kaysa mga halik na mula sa kaaway.
   Kung nais na mapangalagaan ang iyong reputasyon, makakabuting makisama doon sa may magagandang kalooban. Sapagkat higit na mainam ang mapag-isa kaysa kapiling ang masamang barkada.
   Sa buhay na ito, bihira at kaunti lamang na mga kaibigan ang tuwirang makakatulong sa iyong gawain. Maging mula sa mga kaanak, iilan  lamang ang tahasang makikiisa sa iyo, sapagkat may kanya-kanya na silang pinagkaka-abalahan o mga sariling pamilya. Laluna't nakagapos sila sa kanilang mga kinagisnang paniniwala na lipas na sa kasalukuyan at sa sulsol ng kanilang mga kasama o asawa. Ang mahihina at sulsuling mga tao at madaling iugoy sa duyan ng selos, inggit, at galit. Iwasan sila hanggat maaga pa. Ang miserableng buhay ang kanilang aliwan sa tuwina. Usisa doon at pakialam dito, laging naghahanap ng isyu ng mga kapintasan para ipukol sa iyo.
   Ang tunay at wagas na kaibigan ay naniniwala sa iyo at ipinagtatanggol ka kapag may naninira sa iyong pagkatao.  Hindi maiiwasan ang mga paratang, mga pagpuna, mga paninisi, at mga pakikialam ng ibang tao, laluna't binabago mo ang iyong buhay upang magtagumpay. Wala kang kontrol sa kanilang aliwang mapanira, ang makakaya mo lamang na kontrolin ang iyong reaksiyon tungkol dito.

 Mabibilang sa iyong mga daliri ang tunay na mga tao na may pagpapahalaga at pagmamalasakit sa iyo. Maliban sa isang MATALIK NA KAIBIGAN.


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment