Tuesday, July 30, 2019

Baguhin ang Saloobin



Kapag maganda ang iniisip, maganda din ang resulta.
Anuman ang narating mo sa buhay, kung ito man ay Panalo o Talunan; Tagumpay o Kabiguan; ang mga ito ay walang batayan at kinalaman sa mga bagay, mga pangyayari o nagkataon lamang. Nakapangyari ang mga ito dahil sa iyong mga saloobin. Sapagkat ito ang nagtulak sa iyo upang pumili kung ano ang ninanasa mo, at ang napili mo ang siyang ginawang batayan ng iyong mga kapasiyahan. At sa mga pasiyang ito na iyong nilikha, ang sinundan mong direksiyon. Anuman ang kalagayan mo sa ngayon, ito ay tahasang pinili mo.
   Sinuman sa atin ay walang karapatan na manisi ng iba. Sa lahat ng mga nagaganap sa iyong buhay, ito ay hindi mangyayari kung wala kang partisipasyon o kagustuhan na mangyari ito. Magmasid at pag-aralan ito: Ang mga talunan o mga bigong tao ay mapanisi sa mga bagay at mga pagkakataon. Ito ang mga kumokontrol sa kanila. Samantalang ang mga panalo o matagumpay na mga tao ay kinokontrol ang mga bagay at mga pagkakataon para sa kanilang kapakanan. Marami ang nahuhulog sa balon ng ‘walang pag-asa’ at nanatiling nakatingin lamang sa mga dingding nito, nakatulala at laging naghihintay sa wala. Tinanggap na ang kanilang pagkahulog at mga kasawiang dulot nito. Patuloy na nakikiusap, dumadaing, at naninisi sa naging kalagayan nila. Samantalang ang iba ay palaging naghahanap ng paraan na makaahon, makatakas, at mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay.  
   Pagmasdan ang sarili; anumang kalagayan mo sa ngayon ay siyang katibayán ng iyong mga naging kapasiyahán sa buhay. Sapagkat kung lagi kang kinakapós; ang kahirapan  ang siyang nasusunod. Huwag panawan ng pag-asa, umasam nang may makamtan,  dahil kung walang tinitingala, walang pagkukusa. Simulan na ang pagbabago; sa isipan, sa mga pagkilos, at mga paraan tungo sa iyong kaunlaran. Kumilos na! At ang lahat ay madali na lamang.

Ang pagkakaiba lamang sa pagitan ng magandang araw at masamang araw ay ang iyong saloobin.

No comments:

Post a Comment