Kung wala kang pahintulot, hindi magaganap ang kasalukuyan mong kalagayan.
Ito ang sikreto at siyang
katotohanan na siyang nagaganap sa ating buhay. Kailangang paniwalaan at tanggapin ang pangungusap na ito, sapagkat ito
ang panimulang hakbang upang tahasang mapaunlad ang lahat ng mga bagay na
umiinog sa iyong buhay:
Ang kasalukuyan mong buhay ay resulta ng mga pagpili na ginawa mo sa
nakaraan. Katulad din nito ang siyang makapangyayari sa iyong hinaharap. Sa araw na ito, ginagawa mo na ang magaganap sa iyo bukas at kung walang mga tahasang pagbabago ay siya pa ring magaganap sa darating pang mga bukas.
Ikaw ang lahat na kabubuan ng
iyong mga pagpili. Ikaw ay nasa kalagayan mo ngayong araw na ito sapagkat
pinili mo na ilagay ang iyong sarili sa posisyong ito. Maaaring hindi mo nais
kung saan ka man naroroon ngayon. Subalit kung pakakalimiin mo lamang ang
tungkol dito, hindi maitatanggi ang katotohanan na ikaw mismo ang naglagay ng
iyong sarili sa kalagayang ito. Dahil walang bagay na makapangyayari sa iyong
buhay nang wala kang anumang pahintulot. Kung hindi mo nais na mapunta sa
kalagayang ito, kahit papaano ay ipaglalaban mo nang walang humpay at ibayong
pakikibaka ang tungkol dito upang hindi ito maganap.
Unawain ang mga ito:
“Ano ba ang hinanakit mo? At bakit ayon sa
iyo, hindi mo kagustuhan na tinanggal ka sa iyong trabaho? Sino ba ang
nagprisinta upang makuha ang trabahong iyon, hindi ba ikaw? Kung hindi ka
nagtatrabaho doon, hindi ka matatanggal!”
“Ano ang ikinagagalit mo? Hindi ka dapat na
maloko ng iba, dahil ayaw mong magpaloko? Kung gayon, bakit ka nakipagkasundo
at nagbayad kaagad nang hindi mo inalam muna ang lahat? Sino ba ang
nakipagkasundo, hindi ba ikaw? Kung wala kang permiso, kailanman ay hindi
mangyayari na lokohin ka nang sinuman!”
“Bakit ka nagsisisi, dahil ba nasaktan ka at aksidente ang nangyari?
Hindi ba ikaw ang sumakay sa pinili mong sasakyan?
Walang sinuman ang pumilit sa iyo na sumakay. Ikaw ang may responsibilidad sa
iyong sarili. Ikaw ang may gustong sumakay sa traysikel kahit na wala sa tamang
gulang and drayber. At nang mabundol kayo ng kotse, sinisisi mo ang drayber na
kaskasero, gayong ikaw ang pumili at sumakay kaya ka napahamak.
Ang mga kasagutan ay laging magkatulad. Ikaw ang may nais. Pinili mo na masangkot upang ang pangyayari ay maganap. Kailanman ay hindi ka masasangkot sa anumang kapahamakan kung hindi mo kagustuhan at wala kang pahintulot.