Wednesday, March 22, 2017

Nausyaming Paghahangad

Huwag nang maghintay pa, kumilos ka na!
"Ang masipag ay daig ng maagap;" "Mapangarap  ka man at hindi tumitinag ay walang magaganap;" "Kung nais mong may mangyari, magsimula kaagad nang hindi ka magsisi... sa bandang huli;" "Huli man at magaling ay siya nating unahin;" "Makupad man at masikhay, sa kalaunan ay nagtatagumpay."
   Mga kawikaang Pilipino ito, na nagpapatibay sa atin na kumilos kaagad at puspusang isagawa ang nakaharap na gawain para magtagumpay. Marapat lamang na ating balikan at maisaulo, at gawing kalasag sakali mang pabagu-bago ang ating mga kapasiyahan… bago pa mahuli ang lahat.
   Narito ang isang tula noong AKO ay nasa elementarya pa, sa aking pagkasalin at karagdagan:
Sa paghahangad ng pako ng kabayo. ang bakal na sapatos ay nawala.
Sa paghahangad ng bakal na sapatos, ang kabayo ay nakawala.
Sa paghahangad ng kabayo, nainis ang sasakay at nasuya.
Sa paghahangad ng sasakay, ang mahalagang babala ay hindi naibigay.
Sa paghahangad ng mahalagang babala, natalo sa labanan at walang napala.
Sa paghahangad na makabawi sa digmaan, natalo nang tuluyan ang kaharian.
Sa paghahangad na makabangon, higit pa na lalong nabaon.
… ang lahat ay dahil lamang sa paghahangad, nang hindi naman tumitinag.
   Hangga’t hindi ka nagsisimula, mauuwi ka sa tunganga.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

No comments:

Post a Comment