Monday, February 27, 2017

May Tiwala Ka ba sa Iyong Sarili?

Pinakamahalagang elemento sa tagumpay ang pagtitiwala sa sarili, at ang mahalagang susi nito ay preparasyon.
Kung may matatag kang pagtitiwala sa iyong sarili, anumang iyong sinimulan ay makakaya mong tapusin. At lahat ng tao na karelasyon mo, ay may pananalig at nagtitiwala din sa iyong pagkatao at mga kakayahan.
   Pinakamahalaga sa lahat ang may pagtitiwala sa sarili sa bawa’t aspeto ng ating buhay, ngunit marami sa atin ang patuloy sa pakikibaka, matagpuan lamang ito. Ang nakakalungkot, mailap itong makamtan kung wala kang pananalig sa iyong kakayahan. Kung wala kang pagtitiwala na makakaya mo ang isang gawain, sadyang napakahirap na magtagumpay ka. Dahil ang iyong mga kasamahan ay mag-aalinlangan na tulungan ka at iiwasan ka na makatrabaho pa.
   Kung may pagtitiwala ka sa sarili, ang kasiglahan sa iyong paggawa ay nakapagbibigay ng inspirasyon sa iba para pagkatiwalaan ka; mula sa iyong mga kasamahan, mga katrabaho, mga pinuno, mga parukyano, at mga kaibigan. Lahat sila ay nagiging matapat at nananalig kapag mayroon kang pagtitiwala sa iyong sarili.
   Ang mainam dito, ang pagtitiwala sa sarili ay napag-aaralan at nagagawang matatag. Nasa iyong pagsisikhay at kaparaanan upang palakasin ito. Hangga’t pinagbubuti mo at pinauunlad ang iyong sarili, patuloy ding tumitibay ang iyong pagtitiwala sa sarili. Ang antas nito ay naipapakita sa maraming paraan: sa iyong saloobin, sa mga asal at pag-uugali, batay sa iyong mga pagkilos, pananalita, mga pangako, paninindigan, at pagtupad ng tungkulin. Malaki din ang nagagawa ng iyong integridad at ginagawang pag-iingat na huwag madungisan ang iyong reputasyon.
Mga Halimbawa ng Pagtitiwala sa Sarili
1-Patuloy na ginagawa ang alam na tama, kahit na tinutuya at pinipintasan nang dahil dito.
2-Handa na sumubok at maglaan ng karagdagang kapaguran, mapahusay lamang ang mga gawain.
3-Tinatanggap ang mga pagkakamali, at inilalapat ang tamang leksiyon na natutuhan mula dito.
4-Hindi ipinagyayabang ang mga nagawa o naghihintay ng mga papuri para kilalanin ang kahusayan.
5-Magiliw na tinatanggap ang anumang papuri at mapagkumbabang nagpapasalamat para dito.
6-Madaling lapitan at handang tumulong kahit kaninuman hangga’t may pagkakataon at kakayahan.
7-Maaasahan at mapagkakatiwalaan, maging maliit o malaki mang gawain sa lahat ng sandali at mga pagkakataon na kailangan.
Kung ang mga ito ay hindi mo magagampanan, makakatiyak kang napakababa ng iyong pagtitiwala sa sarili at kadalasan ay iniiwasan ka ng iyong mga kasamahan. Kung ito ang kalagayan mo sa ngayon, simulan nang magbago, ... hindi pa huli ang lahat, may pag-asa ka pang matupad ang iyong mga pangarap. Ito naman ay KUNG,… pagkakatiwalaan mo ang iyong sarili.

No comments:

Post a Comment